Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALIN 4

Sino si Jesu-Kristo?

Sino si Jesu-Kristo?

1. Sino ang lumalang kay Jesus at saan siya nagmula?

 Di-gaya ng sinumang tao, si Jesus ay nabuhay sa langit bilang isang espiritu bago siya isinilang sa lupa. (Juan 8:23) Siya ang unang nilalang ng Diyos, at tumulong siya sa paglalang sa lahat ng iba pang bagay. Siya lang ang direktang nilalang ni Jehova, kaya siya ay tinatawag na “kaisa-isang” Anak ng Diyos. (Juan 1:14) Naging Tagapagsalita ng Diyos si Jesus, kaya tinawag din siyang “ang Salita.”​—Basahin ang Kawikaan 8:22, 23, 30; Colosas 1:15, 16.

2. Bakit bumaba sa lupa si Jesus?

 Isinugo ng Diyos dito sa lupa ang kaniyang Anak sa pamamagitan ng paglilipat ng buhay nito mula sa langit tungo sa bahay-bata ng isang dalagang Judio, si Maria. Kaya si Jesus ay hindi nagkaroon ng tatay na tao. (Lucas 1:30-35) Bumaba sa lupa si Jesus (1) para ituro ang katotohanan tungkol sa Diyos, (2) para magpakita ng halimbawa kung paano gagawin ang kalooban ng Diyos kahit may mga pagsubok at problema, at (3) para ibigay ang kaniyang buhay na perpekto at walang kasalanan bilang “pantubos.”​—Basahin ang Mateo 20:28.

3. Bakit natin kailangan ng pantubos?

 Ang pantubos ay ang halagang ibinabayad para mapalaya ang isang taong nanganganib mamatay. (Exodo 21:29, 30) Ang pagtanda at kamatayan ay hindi bahagi ng layunin ng Diyos para sa sangkatauhan. Bakit natin masasabi iyan? Sinabi ng Diyos sa unang taong si Adan na kapag gumawa siya ng tinatawag sa Bibliya na “kasalanan,” mamamatay siya. Kaya kung hindi nagkasala si Adan, hindi sana siya namatay. (Genesis 2:16, 17; 5:5) Sinasabi ng Bibliya na ang kamatayan ay “pumasok” sa sangkatauhan sa pamamagitan ni Adan. Kaya ang kasalanan, pati na ang parusang kamatayan nito, ay naipamana ni Adan sa lahat ng kaniyang inapo. Kailangan natin ng pantubos para makalaya sa parusang kamatayan na minana natin kay Adan.​—Basahin ang Roma 5:12; 6:23.

 Sino ang makapagbabayad ng pantubos para makalaya tayo sa kamatayan? Kapag namatay tayo, mga kasalanan lang natin ang mababayaran natin. Hindi kayang bayaran ng makasalanang tao ang kasalanan ng iba.​—Basahin ang Awit 49:7-9.

4. Bakit namatay si Jesus?

 Hindi gaya natin, si Jesus ay sakdal, o perpekto. Wala siyang nagawang kasalanan na dapat pagbayaran ng kamatayan. Namatay siya para sa kasalanan ng iba. Mahal na mahal tayo ng Diyos kaya isinugo niya ang kaniyang Anak para mamatay alang-alang sa atin. Mahal din tayo ni Jesus kaya sinunod niya ang kaniyang Ama at ibinigay ang kaniyang buhay para mabayaran ang ating mga kasalanan.​—Basahin ang Juan 3:16; Roma 5:18, 19.

 Panoorin ang video na Bakit Namatay si Jesus?

5. Ano ang ginagawa ngayon ni Jesus?

 Noong nasa lupa si Jesus, nagpagaling siya ng maysakit, bumuhay ng patay, at tumulong sa mga tao. Ganito rin ang gagawin niya sa hinaharap para sa lahat ng masunuring tao. (Mateo 15:30, 31; Juan 5:28) Pagkamatay ni Jesus, binuhay-muli siya ng Diyos bilang isang espiritu. (1 Pedro 3:18) Pagkatapos, naghintay si Jesus sa kanan ng Diyos hanggang sa bigyan siya ni Jehova ng kapangyarihang mamahala bilang Hari sa buong lupa. (Hebreo 10:12, 13) Namamahala na ngayon si Jesus bilang Hari sa langit, at inihahayag ng kaniyang mga tagasunod ang magandang balitang iyan sa buong mundo.​—Basahin ang Daniel 7:13, 14; Mateo 24:14.

 Malapit nang gamitin ni Jesus ang kapangyarihan niya bilang Hari para wakasan ang lahat ng pagdurusa at puksain ang mga may kagagawan nito. Lahat ng nananampalataya at sumusunod kay Jesus ay mabubuhay sa isang paraisong lupa.​—Basahin ang Awit 37:9-11.