KABANATA 17
Siya ay “Nangatuwiran sa Kanila Mula sa Kasulatan”
Ang saligan ng mabisang pagtuturo; ang magandang halimbawa ng mga taga-Berea
Batay sa Gawa 17:1-15
1, 2. Sino-sino ang naglalakbay mula sa Filipos patungong Tesalonica, at ano kaya ang nasa isip nila?
ANG madalas-daanang mga lansangang gawa ng bihasang mga inhinyerong Romano ay bumabagtas sa mabatong kabundukan. Paminsan-minsan, maririnig sa lansangang iyon ang iba’t ibang ingay—ungol ng mga asno, kalampag ng mga gulong ng karo sa nakalatag na makakapal at malalapad na bato, at pag-uusap-usap ng iba’t ibang manlalakbay, kabilang na marahil ang mga sundalo, negosyante, at mga bihasang manggagawa. May tatlong lalaki—sina Pablo, Silas, at Timoteo—na naglalakbay nang mahigit 130 kilometro sa lansangang ito mula sa Filipos patungong Tesalonica. Hindi madali ang paglalakbay na ito, lalo na kina Pablo at Silas. Masasakit pa kasi ang mga sugat na tinamo nila nang pagpapaluin sila sa Filipos.—Gawa 16:22, 23.
2 Paano kaya nakakatagal ang mga lalaking ito sa kanilang mahabang paglalakbay? Tiyak na nakatulong ang pagkukuwentuhan. Sariwa pa sa kanilang alaala ang napakagandang karanasan nila nang maging mananampalataya ang tagapagbilanggo sa Filipos at ang sambahayan nito. Dahil sa karanasang iyon, lalong naging desidido ang mga manlalakbay na ito na patuloy na ihayag ang salita ng Diyos. Gayunman, habang papalapit sila sa baybaying lunsod ng Tesalonica, maaaring iniisip din nila kung paano naman kaya sila pakikitunguhan ng mga Judio sa lunsod na iyon. Uumugin din kaya sila ng mga ito, at sasaktan pa nga, gaya ng ginawa sa kanila sa Filipos?
3. Paano makatutulong sa atin sa ngayon ang halimbawa ni Pablo ng pag-iipon ng lakas ng loob na mangaral?
3 Nang maglaon, isiniwalat ni Pablo ang kaniyang damdamin sa isang liham na isinulat niya sa mga Kristiyano sa Tesalonica: “Kahit nagdusa kami sa umpisa at napagmalupitan sa Filipos, gaya ng alam ninyo, nag-ipon kami ng lakas ng loob sa tulong ng ating Diyos para masabi namin sa inyo ang mabuting balita ng Diyos kahit marami ang humahadlang.” (1 Tes. 2:2) Sa mga salitang ito, parang ipinahihiwatig ni Pablo na nag-aalangan siyang pumasok sa lunsod ng Tesalonica pagkatapos ng nangyari sa Filipos. Naiintindihan mo ba ang damdamin ni Pablo? Nahihirapan ka rin bang ihayag ang mabuting balita? Umasa si Pablo kay Jehova na palalakasin siya, at tutulungang makapag-ipon ng sapat na lakas ng loob. Magagawa mo rin ito kung susuriin mo ang halimbawa ni Pablo.—1 Cor. 4:16.
Siya ay “Nangatuwiran . . . Mula sa Kasulatan” (Gawa 17:1-3)
4. Bakit malamang na hindi lamang tatlong linggo ang inilagi ni Pablo sa Tesalonica?
4 Mababasa natin sa ulat na habang nasa Tesalonica si Pablo, nangaral siya sa sinagoga sa loob ng tatlong Sabbath. Ibig bang sabihin, tatlong linggo lamang ang inilagi niya sa lunsod? Hindi naman. Hindi natin alam kung kailan unang pumunta si Pablo sa sinagoga pagkarating niya sa Tesalonica. Isa pa, sinabi ni Pablo sa kaniyang liham na habang nasa Tesalonica, siya at ang kaniyang mga kasama ay nagtrabaho para matustusan ang kanilang sarili. (1 Tes. 2:9; 2 Tes. 3:7, 8) Gayundin, habang naroroon siya, dalawang ulit na nakatanggap si Pablo ng mga bagay na kailangan niya mula sa mga kapatid sa Filipos. (Fil. 4:16) Kaya malamang na hindi lamang tatlong linggo ang inilagi niya sa Tesalonica.
5. Anong paraan ang ginamit ni Pablo sa kaniyang pahayag?
5 Nang makapag-ipon na si Pablo ng lakas ng loob para mangaral, nagpahayag siya sa mga nagkakatipon sa sinagoga. Ayon sa kaniyang nakaugalian, “nangatuwiran [siya] sa kanila mula sa Kasulatan; ipinaliwanag niya at pinatunayan gamit ang mga reperensiya na ang Kristo ay kailangang magdusa at buhaying muli. Sinabi niya: ‘Ang Jesus na ito na ipinahahayag ko sa inyo, siya ang Kristo.’” (Gawa 17:2, 3) Pansinin na hindi dinaan ni Pablo sa emosyon ang kaniyang mga tagapakinig; pinag-isip niya sila. Alam niyang ang mga nagkakatipon sa sinagoga ay pamilyar at may paggalang sa Kasulatan. Ang problema lang, hindi nila ito naiintindihan. Kaya si Pablo ay nangatuwiran, nagpaliwanag, at nagpatunay mula sa Kasulatan na si Jesus ng Nazaret ang ipinangakong Mesiyas, o Kristo.
6. Paano nangatuwiran si Jesus mula sa Kasulatan, at ano ang naging resulta?
6 Sinunod ni Pablo ang pamantayang iniwan ni Jesus, na gumamit ng Kasulatan bilang saligan ng kaniyang pagtuturo. Halimbawa, sa ministeryo ni Jesus, sinabi niya sa kaniyang mga tagasunod na ayon sa Kasulatan, ang Anak ng tao ay kailangang magdusa, mamatay, at buhaying muli. (Mat. 16:21) Matapos buhaying muli, nagpakita si Jesus sa kaniyang mga alagad. Iyon pa lamang ay patunay nang totoo nga ang kaniyang sinabi. Pero higit pang patotoo ang ibinigay ni Jesus. Hinggil sa kaniyang sinabi sa ilang alagad, mababasa natin: “Pasimula kay Moises at sa lahat ng Propeta, ipinaliwanag niya sa kanila ang lahat ng sinasabi ng Kasulatan tungkol sa kaniya.” Ang resulta? Sinabi ng mga alagad: “Hindi ba nagniningas ang puso natin habang kinakausap niya tayo sa daan, habang malinaw niyang ipinapaliwanag sa atin ang Kasulatan?”—Luc. 24:13, 27, 32.
7. Bakit mahalagang isalig sa Bibliya ang ating mga turo?
7 Ang mensahe ng Salita ng Diyos ay malakas. (Heb. 4:12) Kaya ito ang ginagawang saligan ng mga Kristiyano sa ngayon sa kanilang mga turo, gaya ng ginawa nina Jesus, Pablo, at ng iba pang apostol. Nangangatuwiran din tayo sa mga tao, nagpapaliwanag tungkol sa kahulugan ng Kasulatan, at nagbibigay ng patunay tungkol sa ating itinuturo sa pamamagitan ng pagbubukas ng Bibliya at pagpapakita sa maybahay kung ano ang sinasabi nito. Kung sa bagay, hindi naman sa atin galing ang dala nating mensahe. Kapag lagi nating ginagamit ang Bibliya, natutulungan natin ang mga tao na makitang ang ating sinasabi ay hindi natin sariling opinyon, kundi mga turo ng Diyos. Makakabuti rin para sa atin na tandaan na ang mensaheng ipinangangaral natin ay nakasalig lang sa Salita ng Diyos. Ito’y talagang maaasahan. Hindi ba’t lalo kang napapatibay na ibahagi ang mensahe nang may lakas ng loob, gaya ni Pablo?
“Ang Ilan . . . ay Naging Mananampalataya” (Gawa 17:4-9)
8-10. (a) Ano-ano ang naging tugon ng mga taga-Tesalonica sa mabuting balita? (b) Bakit nainggit kay Pablo ang ilang Judio? (c) Ano ang ginawa ng mga salansang na Judio?
8 Napatunayan na ni Pablo ang katotohanan ng mga salita ni Jesus: “Ang alipin ay hindi mas dakila kaysa sa panginoon niya. Kung pinag-usig nila ako, pag-uusigin din nila kayo; kung sinunod nila ang mga sinabi ko, susundin din nila ang sa inyo.” (Juan 15:20) Sa Tesalonica, gayon nga ang naging tugon kay Pablo—may tumanggap sa mensahe, pero mayroon ding sumalansang. Tungkol sa mga tumanggap, sumulat si Lucas: “Ang ilan sa kanila [mga Judio] ay naging mananampalataya [mga Kristiyano] at sumama kina Pablo at Silas, gayundin ang maraming Griego na sumasamba sa Diyos at mga babaeng kilala sa lipunan.” (Gawa 17:4) Tiyak na tuwang-tuwa ang mga bagong alagad na ito nang maunawaan nila ang tunay na kahulugan ng Kasulatan.
9 Bagaman natuwa ang ilan sa mensahe ni Pablo, nagngitngit naman sa galit ang iba. Ang ilan sa mga Judio sa Tesalonica ay nainggit kay Pablo dahil “maraming Griego” ang tumanggap sa kaniyang mensahe. Naituro na ng mga Judiong iyon sa mga Griegong Gentil ang Hebreong Kasulatan dahil pursigido silang gawing mga proselitang Judio ang mga ito. Kaya para sa kanila, pag-aari na nila ang mga Griegong ito. Pero heto’t mukhang sinusulot ni Pablo ang mga Griegong iyon, at doon pa mismo sa sinagoga! Nagpuputok ang butse ng mga Judiong iyon, wika nga.
10 Sinabi ni Lucas ang sumunod na nangyari: “Nainggit ang mga Judio, kaya tinawag nila ang ilang masasamang lalaki na nakatambay sa pamilihan para bumuo ng grupo ng mang-uumog, at nagpasimula sila ng gulo sa lunsod. Sinalakay nila ang bahay ni Jason para ilabas sina Pablo at Silas sa mga mang-uumog. Nang hindi nila makita ang mga ito, kinaladkad nila si Jason at ang ilang kapatid papunta sa mga tagapamahala ng lunsod, at isinisigaw nila: ‘Nakarating na rito ang mga lalaking nanggugulo sa lahat ng lugar, at tinanggap sila ni Jason sa bahay niya. Nagrerebelde sila sa mga batas ni Cesar, dahil sinasabi nilang may ibang hari, si Jesus.’” (Gawa 17:5-7) Paano naapektuhan ng pang-uumog na ito si Pablo at ang kaniyang mga kasama?
11. Ano ang mga paratang kay Pablo at sa mga kasama niyang tagapaghayag ng Kaharian, at anong batas ang marahil nasa isip ng mga nagpaparatang sa kaniya? (Tingnan ang talababa.)
11 Nakakatakot ang pagsalakay ng mga mang-uumog. Para itong rumaragasang ilog na hindi makontrol. Ito ang ginamit ng mga Judio para mawala sa kanilang landas sina Pablo at Silas. Matapos ang “gulo sa lunsod,” sinikap ng mga Judio na kumbinsihin ang mga tagapamahala na ang dalawang ito ay nakagawa ng mabigat na kasalanan. Una, sinabi nilang si Pablo raw at ang kaniyang mga kasamang tagapaghayag ng Kaharian ang “nanggugulo sa lahat ng lugar,” gayong hindi naman sina Pablo ang naging dahilan ng pagkakagulo sa Tesalonica! Mas mabigat ang ikalawang paratang. Ikinatuwiran ng mga Judio na ang mga misyonero ay may ipinapakilalang ibang Hari, si Jesus, at ito’y paglabag sa batas ng emperador. a
12. Bakit posibleng ikapahamak ng mga Kristiyano sa Tesalonica ang paratang sa kanila?
12 Maaalaala nating ito rin ang paratang ng mga lider ng relihiyon kay Jesus. Sinabi nila kay Pilato: “Inililigaw ng taong ito ang mga kababayan namin . . . at sinasabing siya ang Kristo na hari.” (Luc. 23:2) Maaaring sa takot na isipin ng emperador na kinukunsinti ni Pilato ang malaking kataksilang ito sa bayan, sinang-ayunan niya ang pagpatay kay Jesus. Posibleng ikapahamak din ng mga Kristiyano sa Tesalonica ang mga paratang sa kanila. Ganito ang sabi ng isang reperensiyang akda: “Napakapanganib ng kinakaharap nila, dahil ‘pahiwatig pa lang ng pagtataksil sa mga Emperador ay kadalasan nang nangangahulugan ng kamatayan para sa akusado.’” Magtatagumpay kaya ang napakasamang pakanang ito?
13, 14. (a) Bakit nabigo ang mga mang-uumog? (b) Paano naging maingat si Pablo gaya ng payo ni Kristo, at paano natin siya matutularan?
13 Nabigo ang mga mang-uumog na pahintuin ang pangangaral sa Tesalonica. Bakit? Una sa lahat, hindi nila makita sina Pablo at Silas. Isa pa, maliwanag na hindi nakumbinsi ang mga tagapamahala ng lunsod sa ibinigay na mga paratang. Nang ‘makapagpiyansa’ si Jason at ang iba pang mga kapatid na iniharap sa kanila, pinaalis na sila. (Gawa 17:8, 9) Bilang pagsunod sa payo ni Jesus na “maging maingat . . . gaya ng ahas pero walang muwang na gaya ng kalapati,” buong katalinuhang umiwas si Pablo sa panganib upang makapagpatuloy sa pangangaral sa ibang lugar. (Mat. 10:16) Maliwanag na malakas ang loob ni Pablo pero maingat naman. Paano kaya matutularan ng mga Kristiyano sa ngayon ang halimbawa niya?
14 Sa ngayon, ang mga klero ng Sangkakristiyanuhan ay madalas na nagiging pasimuno ng pang-uumog sa mga Saksi ni Jehova. Dahil sa mga sumbong na sedisyon at pagtataksil, napakilos nila ang mga tagapamahala laban sa mga Saksi. Gaya ng mga mang-uusig noong unang siglo, inggit din ang ugat ng pang-uusig ng mga salansang sa ngayon. Gayunman, hindi sumusuong sa gulo ang mga tunay na Kristiyano. Hangga’t maaari, iniiwasan nating makipagkomprontasyon sa gayong mga tao na galit at walang katuwiran. Sa halip, sinisikap nating ipagpatuloy nang payapa ang ating gawain at saka lamang bumabalik, marahil kapag maayos na ang lahat.
‘Mas Gusto Nilang Matuto’ (Gawa 17:10-15)
15. Paano tumugon sa mabuting balita ang mga taga-Berea?
15 Para makaiwas sa gulo, pinapunta ng mga kapatid sina Pablo at Silas sa Berea, mga 65 kilometro mula sa Tesalonica. Pagdating doon, pumunta si Pablo sa sinagoga at nagsalita sa mga nagkakatipon doon. Nakakatuwang makitang nakikinig ang mga naroroon! Isinulat ni Lucas na ang mga Judio sa Berea ay “mas gustong matuto . . . kaysa sa mga taga-Tesalonica, dahil buong pananabik nilang tinanggap ang salita at maingat na sinusuri ang Kasulatan araw-araw para matiyak kung totoo ang mga narinig nila.” (Gawa 17:10, 11) Ipinahihiwatig ba ng mga salitang ito na hindi ganoon kasigasig ang mga taga-Tesalonica sa pagyakap sa katotohanan? Hindi naman. Nang maglaon, sumulat si Pablo: “Walang tigil naming pinasasalamatan ang Diyos, dahil nang marinig ninyo mula sa amin ang salita ng Diyos, tinanggap ninyo ito, hindi bilang salita ng tao, kundi gaya ng kung ano talaga ito, bilang salita ng Diyos, na umiimpluwensiya sa inyo na mga mananampalataya.” (1 Tes. 2:13) Pero bakit nga ba masasabing mas gustong matuto ng mga Judio sa Berea?
16. Bakit angkop na ilarawan ang mga taga-Berea na “mas gustong matuto”?
16 Bagaman bago sa mga taga-Berea ang kanilang naririnig, hindi sila mapaghinala o mapamintas; pero hindi rin naman sila mapaniwalain. Pinakinggan muna nilang mabuti ang sinasabi ni Pablo. Pagkatapos, tiniyak nilang tama ang kanilang natututuhan sa pamamagitan ng pagsusuri sa Kasulatan, na ipinaliwanag sa kanila ni Pablo. Bukod diyan, masikap nilang pinag-aralan ang Salita ng Diyos, hindi lamang kung araw ng Sabbath, kundi araw-araw. At ginawa nila ito nang “buong pananabik,” na inaalam kung ano talaga ang sinasabi ng Kasulatan tungkol sa bagong turong ito. Pagkatapos, buong kapakumbabaan silang gumawa ng mga pagbabago, kaya “naging mananampalataya ang marami sa kanila.” (Gawa 17:12) Hindi nga kataka-takang ilarawan sila ni Lucas na “mas gustong matuto”!
17. Bakit kapuri-puri ang halimbawa ng mga taga-Berea, at paano natin ito patuluyang matutularan kahit matagal na tayo sa katotohanan?
17 Walang kamalay-malay ang mga taga-Berea na ang kanilang tugon sa mabuting balita ay maiingatan sa Salita ng Diyos bilang isang natatanging halimbawa para sa atin. Ginawa nila ang mismong inaasahan ni Pablo na gagawin nila at ang gusto ng Diyos na Jehova na gawin nila. Sa ngayon, hinihimok natin ang mga tao na iyon din ang gawin—na maingat na suriin ang Bibliya upang matiyak nilang lubusang nakasalig sa Salita ng Diyos ang kanilang pananampalataya. Siyempre, kahit mananampalataya na tayo, gusto pa rin nating patuloy na matuto gaya ng mga taga-Berea. Aba, lalo na nga itong kailangan upang manabik tayong matuto mula kay Jehova at maikapit agad ang kaniyang mga turo! Sa ganiyang paraan, hinahayaan natin si Jehova na hubugin tayo at sanayin ayon sa kaniyang kalooban. (Isa. 64:8) Sa gayon, nananatili tayong kapaki-pakinabang at lubos na nakalulugod sa ating Ama sa langit.
18, 19. (a) Bakit umalis si Pablo sa Berea, pero paano niya ipinakita ang pagkamatiisin na karapat-dapat nating tularan? (b) Kanino naman mangangaral si Pablo, at saan?
18 Hindi nagtagal si Pablo sa Berea. Mababasa natin: “Nang mabalitaan ng mga Judio sa Tesalonica na ipinahayag din ni Pablo ang salita ng Diyos sa Berea, pumunta sila roon para sulsulan ang mga tao laban sa mga ito. Agad na ipinahatid ng mga kapatid si Pablo sa may dagat, pero naiwan sina Silas at Timoteo. Pero sumama hanggang sa Atenas ang mga naghatid kay Pablo, at umalis sila nang sabihin ni Pablo na papuntahin agad sa kaniya sina Silas at Timoteo.” (Gawa 17:13-15) Talagang ayaw silang tantanan ng mga kaaway na iyon ng mabuting balita! Napalayas na nila si Pablo sa Tesalonica pero hindi pa rin sila kontento; nagpunta pa sila sa Berea para muling maghasik ng lagim—pero nabigo sila. Alam ni Pablo na napakalaki ng kaniyang teritoryo, kaya sa ibang lugar na lamang siya nangaral. Sana’y maging determinado rin tayo sa ngayon na biguin ang mga pagtatangka ng mga gustong pumigil sa gawaing pangangaral!
19 Sa lubusang pagpapatotoo sa mga Judio sa Tesalonica at Berea, tiyak na maraming natutuhan si Pablo tungkol sa kahalagahan ng pagpapatotoo nang may lakas ng loob at ng pangangatuwiran mula sa Kasulatan. Tayo rin naman. Pero ngayon, ibang uri naman ng mga tagapakinig ang makakaharap ni Pablo—ang mga Gentil sa Atenas. Ano kaya ang mangyayari sa kaniya sa lunsod na iyon? Malalaman natin ito sa susunod na kabanata.
a Ayon sa isang iskolar, ipinagbabawal noon ni Cesar ang pagbibigay ng prediksiyon “na may darating na isang bagong hari o kaharian, lalo na’t kung sinasabing ito ang papalit o hahatol sa nakaupong emperador.” Maaaring pinalabas ng mga kaaway ni Pablo na paglabag sa batas ang mensahe ng apostol. Tingnan ang kahong “ Ang mga Cesar at ang Aklat ng Mga Gawa.”