Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARAL 45

Nahati ang Kaharian

Nahati ang Kaharian

Noong sumasamba si Solomon kay Jehova, payapa ang Israel. Pero nag-asawa siya ng maraming babaeng hindi Israelita, na sumasamba sa mga diyos-diyusan. Unti-unting nagbago si Solomon, at sumamba na rin sa mga diyos-diyusan. Nagalit si Jehova. Sinabi niya kay Solomon: ‘Aalisin ko sa iyo at sa iyong pamilya ang Israel, at mahahati iyon sa dalawa. Ibibigay ko ang malaking bahagi sa isa sa iyong mga lingkod, at maliit na bahagi lang ang paghaharian ng iyong pamilya.’

Nilinaw pa ni Jehova ang desisyon niya. Habang naglalakbay sa daan si Jeroboam na lingkod ni Solomon, nasalubong niya ang propetang si Ahias. Pinunit ni Ahias ang damit niya sa 12 piraso at sinabi kay Jeroboam: ‘Kukunin ni Jehova ang kaharian ng Israel sa pamilya ni Solomon at hahatiin iyon. Kumuha ka ng 10 piraso dahil ikaw ang magiging hari sa 10 tribo.’ Nalaman ito ni Haring Solomon at gusto niyang patayin si Jeroboam! Kaya tumakas si Jeroboam papuntang Ehipto. Pagkamatay ni Solomon, ang anak niyang si Rehoboam ang naging hari. Pagkatapos, inisip ni Jeroboam na ligtas nang bumalik sa Israel.

Sinabi ng matatandang lalaki ng Israel kay Rehoboam: ‘Kung magiging mabait ka sa mga tao, magiging tapat sila sa iyo.’ Pero sinabi ng mga kabataang kaibigan ni Rehoboam: ‘Maging malupit ka sa mga tao! Pahirapan mo pa sila!’ Sinunod ni Rehoboam ang mga kabataang kaibigan niya. Naging malupit siya sa mga tao kaya nagrebelde sila. Si Jeroboam ang ginawa nilang hari sa 10 tribo, na nakilala bilang kaharian ng Israel. Ang dalawa pang tribo ay nakilala naman bilang kaharian ng Juda, at nanatili silang tapat kay Rehoboam. Nahati ang 12 tribo ng Israel.

Ayaw ni Jeroboam na ang mga taong sakop niya ay pumunta sa Jerusalem para sumamba. Alam mo ba kung bakit? Doon kasi naghahari si Rehoboam at natatakot si Jeroboam na baka kampihan at suportahan nila ito. Kaya gumawa si Jeroboam ng dalawang gintong guya at sinabi sa kanila: ‘Napakalayo ng Jerusalem. Dito na lang kayo sumamba.’ Sinamba ng bayan ang mga gintong guya at nakalimutan na naman nila si Jehova.

“Huwag kayong makipagtuwang sa mga di-sumasampalataya. Dahil puwede bang pagsamahin ang katuwiran at kasamaan? . . . O may pagkakapareho ba ang isang mananampalataya at isang di-sumasampalataya?”—2 Corinto 6:14, 15