ARAL 17
Pinili ni Moises na Sambahin si Jehova
Sa Ehipto, ang pamilya ni Jacob ay nakilala bilang mga Israelita. Pagkamatay ni Jacob at ni Jose, may namahalang bagong Paraon. Natakot siya na baka maging mas makapangyarihan ang mga Israelita kaysa sa mga Ehipsiyo. Kaya inalipin ng Paraon na ito ang mga Israelita. Pinagawa niya sila ng mga laryo, o bricks, at pinagtrabaho sa bukid. Pero habang pinagtatrabaho nang mabigat ang mga Israelita, lalo silang dumadami. Hindi ito nagustuhan ng Paraon, kaya iniutos niyang patayin ang lahat ng lalaking sanggol na isisilang ng mga Israelita. Siguradong takót na takót noon ang mga Israelita.
Isang babaeng Israelita, si Jokebed, ang nagsilang ng sanggol na lalaki. Para hindi mapatay ang sanggol, inilagay niya ito sa basket at itinago sa gitna ng matataas na halaman sa Ilog Nilo. Nasa malapit lang si Miriam, ang ate ng sanggol, at tinitingnan kung ano ang mangyayari.
Dumating ang anak na babae ng Paraon para maligo sa ilog. Nakita niya ang basket. Nang buksan niya ito, nakita niya ang sanggol na
umiiyak, at naawa siya. Nagtanong si Miriam: ‘Gusto n’yo po bang humanap ako ng babaeng mag-aalaga sa sanggol?’ Nang pumayag ang anak ng Paraon, isinama ni Miriam ang nanay niyang si Jokebed. Sinabi ng anak ng Paraon sa kaniya: ‘Kunin mo ang sanggol at alagaan mo siya, at susuwelduhan kita.’Nang malaki na ang bata, dinala siya ni Jokebed sa anak ng Paraon. Pinangalanan nitong Moises ang bata at pinalaki na parang sariling anak. Lumaki si Moises bilang prinsipe at puwede niyang makuha ang lahat ng gusto niya. Pero hindi kinalimutan ni Moises si Jehova. Alam niyang Israelita siya, hindi Ehipsiyo. At si Jehova ang pinili niyang paglingkuran.
Sa edad na 40, inisip ni Moises na dapat niyang tulungan ang mga katulad niyang Israelita. Nang makita niyang pinapahirapan ng isang Ehipsiyo ang isang aliping Israelita, gumanti si Moises at napatay niya ito. Ibinaon ni Moises sa buhanginan ang katawan nito. Nalaman ito ng Paraon, kaya gusto niyang patayin si Moises. Pero tumakas si Moises at pumunta sa lupain ng Midian. Hindi siya pinabayaan ni Jehova doon.
“Dahil sa pananampalataya, tumanggi si Moises na tawaging anak ng prinsesa ng Ehipto [at] mas pinili niyang mapagmalupitan kasama ng bayan ng Diyos.”—Hebreo 11:24, 25