Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARAL 3

Hindi Sumunod sa Diyos Sina Adan at Eva

Hindi Sumunod sa Diyos Sina Adan at Eva

Isang araw habang nag-iisa si Eva, kinausap siya ng isang ahas. Sinabi nito: ‘Talaga bang ayaw ng Diyos na kumain kayo ng bunga mula sa lahat ng puno?’ Sumagot si Eva: ‘Puwede naman kaming kumain ng bunga mula sa lahat ng puno, puwera lang sa isa. Kapag kinain namin ang bunga ng punong ’yon, mamamatay kami.’ Sinabi ng ahas: ‘Hindi kayo mamamatay. Ang totoo, kapag kinain n’yo ’yon, magiging katulad kayo ng Diyos.’ Totoo ba iyon? Hindi. Nagsinungaling ang ahas. Pero naniwala si Eva. Habang tinititigan ni Eva ang prutas, lalo itong nagmumukhang masarap. Kinain niya iyon at pagkatapos, binigyan niya si Adan. Alam ni Adan na mamamatay sila kapag hindi sila sumunod sa Diyos. Pero kinain pa rin ni Adan ang prutas.

Nang pagabi na, kinausap ni Jehova sina Adan at Eva. Tinanong niya sila kung bakit hindi nila sinunod ang utos niya. Sinisi ni Eva ang ahas, at sinisi naman ni Adan si Eva. Dahil sumuway sa kaniya sina Adan at Eva, pinalayas sila ni Jehova mula sa hardin. Para hindi na sila makapasok ulit, naglagay si Jehova ng mga anghel at isang umaapoy na espada sa may harapan ng hardin.

Sinabi ni Jehova na paparusahan din niya ang nagsinungaling kay Eva. Hindi naman talaga ang ahas ang kumausap kay Eva. Hindi gumawa si Jehova ng mga ahas na nakakapagsalita. Isang masamang anghel ang may gawa nito. Gusto niya kasing dayain si Eva. Ang anghel na iyon ay si Satanas na Diyablo. Darating ang panahon na papatayin ni Jehova si Satanas para hindi na niya madaya ang mga tao na gumawa ng masama.

“Mamamatay-tao [ang Diyablo] mula sa simula, at hindi siya nanindigan sa katotohanan, dahil wala sa kaniya ang katotohanan.”​—Juan 8:44, talababa