ARAL 98
Lumaganap sa Maraming Bansa ang Kristiyanismo
Sinunod ng mga apostol ang utos ni Jesus na ipangaral ang mabuting balita sa buong lupa. Noong 47 C.E., inatasan ng mga kapatid sa Antioquia sina Pablo at Bernabe na mangaral sa iba’t ibang lugar. Ang dalawang masigasig na mangangaral na ito ay naglakbay sa buong Asia Minor, sa mga lugar na gaya ng Derbe, Listra, at Iconio.
Sina Pablo at Bernabe ay nangaral sa lahat, mayaman o mahirap, bata o matanda. Marami ang tumanggap ng katotohanan tungkol kay Kristo. Nang mangaral sina Pablo at Bernabe kay Sergio Paulo, ang gobernador ng Ciprus, tinangka silang pigilan ng isang espiritista. Sinabi ni Pablo sa espiritista: ‘Si Jehova ay laban sa iyo.’ Biglang nabulag ang espiritista. Nang makita iyon ni Gobernador Paulo, naging mananampalataya siya.
Kung saan-saan nangaral sina Pablo at Bernabe—sa bahay-bahay, sa mga palengke, sa kalye, at sa mga sinagoga. Nang pagalingin nila ang isang lumpo sa Listra, inisip ng mga nakakita sa himalang iyon na sina Pablo at Bernabe ay mga diyos, at sinamba sila ng mga ito. Pero pinigilan sila nina Pablo at Bernabe, na sinasabi: ‘Ang Diyos lang ang dapat sambahin! Tao lang kami.’ Mayamaya, may dumating na mga Judio at siniraan si Pablo. Pinagbabato siya ng mga tao, kinaladkad palabas ng lunsod, at iniwan sa pag-aakalang patay na siya. Pero buháy pa si Pablo! Agad siyang tinulungan ng mga kapatid at dinala sa lunsod. Pagkaraan ng ilang panahon, bumalik si Pablo sa Antioquia.
Noong 49 C.E., naglakbay ulit si Pablo. Matapos bumalik para dalawin ang mga kapatid sa Asia Minor, ipinangaral niya ang mabuting balita sa mas malayong lugar, hanggang sa Europa. Pumunta siya sa Atenas,
Efeso, Filipos, Tesalonica, at iba pang mga lugar. Isinama ni Pablo sa paglalakbay sina Silas, Lucas, at ang kabataang si Timoteo. Nagtulungan silang bumuo ng mga kongregasyon at pinalakas nila ang mga ito. Nanatili si Pablo sa Corinto nang isang taon at kalahati para palakasin ang mga kapatid doon. Nangaral siya, nagturo, at sumulat ng mga liham sa maraming kongregasyon. Nagtrabaho din siya bilang manggagawa ng tolda. Nang maglaon, bumalik si Pablo sa Antioquia.Naglakbay ulit si Pablo noong 52 C.E. Ito ang ikatlong paglalakbay niya. Nagsimula siya sa Asia Minor hanggang sa Filipos sa hilaga, papunta sa Corinto sa timog. Nanatili si Pablo nang ilang taon sa Efeso, at habang nandoon, nagturo siya, nagpagaling ng maysakit, at tumulong sa kongregasyon. Araw-araw din siyang nagpapahayag sa isang awditoryum. Marami ang nakinig sa kaniya at nagbagong-buhay. Nang bandang huli, matapos ipangaral ang mabuting balita sa maraming lupain, pumunta si Pablo sa Jerusalem.
“Kaya humayo kayo at gumawa ng mga alagad mula sa mga tao ng lahat ng bansa.”—Mateo 28:19