ARAL 68
Nagkaanak si Elisabet
Mahigit 400 taon na ang nakakaraan mula nang itayong muli ang mga pader ng Jerusalem. Ang saserdoteng si Zacarias at ang asawa niyang si Elisabet ay naninirahan malapit sa lunsod. Matagal na silang mag-asawa pero wala silang anak. Isang araw, habang naghahandog si Zacarias ng insenso sa santuwaryo ng templo, nagpakita ang anghel na si Gabriel. Natakot si Zacarias, pero sinabi ni Gabriel: ‘Huwag kang matakot. May magandang balita ako mula kay Jehova. Magkakaanak kayo ni Elisabet ng isang lalaki, at Juan ang ipapangalan n’yo sa kaniya. Siya ang pinili ni Jehova para sa isang espesyal na gawain.’ Nagtanong si Zacarias: ‘Paano ako maniniwala sa iyo, e, ang tatanda na namin para magkaanak?’ Sinabi ni Gabriel: ‘Inutusan ako ng Diyos na ibalita ito sa iyo. Pero dahil hindi ka naniwala, hindi ka makakapagsalita hanggang sa ipanganak ang bata.’
Nagtagal si Zacarias sa loob ng santuwaryo. Kaya paglabas niya, nagtanong ang mga taong naghihintay kung ano ang nangyari. Hindi makapagsalita si Zacarias. Sumesenyas lang siya. Kaya inisip ng mga tao na nakatanggap siya ng mensahe mula sa Diyos.
Nagdalang-tao si Elisabet at nanganak ng isang lalaki, gaya ng sinabi ng anghel. Pumunta ang mga kaibigan at kamag-anak niya para makita ang sanggol. Tuwang-tuwa sila. Sinabi ni Elisabet: ‘Juan ang ipapangalan namin sa kaniya.’ Sinabi nila: ‘Wala namang may pangalang Juan sa pamilya n’yo. Zacarias ang ipangalan mo sa kaniya, gaya ng tatay niya.’ Pero isinulat ni Zacarias: “Juan ang pangalan niya.” Nang pagkakataong iyon, nakapagsalita na si Zacarias! Napabalita sa buong Judea ang tungkol sa sanggol, at naisip ng mga tao: ‘Magiging ano kaya ang bata paglaki niya?’
Sa tulong ng banal na espiritu, humula si Zacarias: ‘Purihin si Jehova. Nangako siya kay Abraham na
magpapadala Siya ng isang tagapagligtas, ang Mesiyas. Si Juan ay magiging propeta, at ihahanda niya ang daan para sa Mesiyas.’May magandang balita rin sa kamag-anak ni Elisabet na si Maria. Alamin natin kung ano iyon sa susunod na kabanata.
“Sa mga tao ay imposible ito, pero sa Diyos ay posible ang lahat ng bagay.”—Mateo 19:26