ARALIN 1
Anong Uri ng mga Tao ang mga Saksi ni Jehova?
Ilan ang kakilala mong Saksi ni Jehova? Ang ilan sa amin ay baka mga kapitbahay mo, katrabaho, o kaklase. O baka minsan ka na naming nakausap tungkol sa Bibliya. Sino ba talaga kami, at bakit namin ibinabahagi sa iba ang aming mga paniniwala?
Mga pangkaraniwang tao kami. Iba’t iba ang aming pinagmulan at katayuan sa buhay. Ang ilan sa amin ay may ibang relihiyon noon, at ang iba naman ay dating hindi naniniwala sa Diyos. Pero bago kami naging Saksi, maingat naming sinuri ang itinuturo ng Bibliya. (Gawa 17:11) Nakumbinsi kami sa aming mga natutuhan, at personal naming ipinasiya na sambahin ang Diyos na Jehova.
Nakikinabang kami sa pag-aaral ng Bibliya. Marami rin kaming mga problema at kahinaan. Pero dahil sa pagsisikap naming sundin ang mga simulain sa Bibliya, malaki ang naging pagbabago sa aming buhay. (Awit 128:1, 2) Iyan ang isang dahilan kung bakit namin ibinabahagi sa iba ang mabubuting bagay na natutuhan namin sa Bibliya.
Namumuhay kami ayon sa mga pamantayan ng Diyos. Ang mga pamantayang ito na makikita sa Bibliya ay tumutulong sa bawat isa na magkaroon ng makabuluhang buhay at maging magalang, tapat, at mabait. Tumutulong din ito para maging mahusay at responsable ang mga tao, magkaisa ang mga pamilya, at maitaguyod ang mataas na moralidad. Dahil alam naming “hindi nagtatangi ang Diyos,” para kaming isang napakalaking pamilya na walang bahid ng politika at diskriminasyon. Mga pangkaraniwang tao kami, pero bilang isang grupo, isa kaming natatanging bayan na pinagkakaisa ng aming mga paniniwala.—Gawa 4:13; 10:34, 35.
-
Ano ang pagkakatulad ng mga Saksi ni Jehova sa ibang mga tao?
-
Anong mga pamantayan ang natutuhan ng mga Saksi mula sa pag-aaral ng Bibliya?