Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALIN 8

Paano Kami Nananamit sa Aming mga Pulong?

Paano Kami Nananamit sa Aming mga Pulong?

Iceland

Mexico

Guinea-Bissau

Pilipinas

Napansin mo ba sa mga larawan kung paano manamit ang mga Saksi ni Jehova kapag dumadalo sa mga pulong? Bakit napakahalaga sa amin ng marangal at mahinhing pananamit at pag-aayos?

Pagpapakita ito ng paggalang sa aming Diyos. Totoo, hindi panlabas na anyo ang tinitingnan ng Diyos. (1 Samuel 16:7) Pero gusto naming magpakita ng paggalang sa kaniya at sa aming mga kapananampalataya kapag nagtitipon kami para sumamba. Kung aanyayahan tayo ng isang hari o presidente sa kaniyang tahanan, tiyak na mananamit tayo nang maayos bilang paggalang sa kaniyang mataas na posisyon. Ang Diyos na Jehova ang “Hari ng mga bansa,” kaya nararapat lang kaming manamit nang maayos bilang paggalang sa kaniya at sa lugar ng aming pagsamba.—Jeremias 10:7.

May sinusunod kaming mataas na pamantayan. Pinasisigla ng Bibliya ang mga Kristiyano na magpakita ng “kahinhinan at matinong pag-iisip” sa pananamit nila. (1 Timoteo 2:9, 10) Ang pananamit nang may “kahinhinan” ay nangangahulugan na hindi magsusuot ang isa ng damit na malaswa at mapang-akit. At para maipakita ang “matinong pag-iisip,” iiwasan din niya ang istilong burara at takaw-pansin. Tutal, marami pa rin namang istilo ng damit na mapagpipilian. Sa pamamagitan ng aming marangal at mahinhing pananamit at pag-aayos, lalo na sa mga pulong, ‘nagdudulot kami ng papuri sa turo ng ating Tagapagligtas’ at ‘naluluwalhati namin ang Diyos.’ (Tito 2:10; 1 Pedro 2:12) Naipapakita namin sa iba kung ano ang dapat na maging pananaw nila sa pagsamba kay Jehova.

Huwag kang mahiyang dumalo dahil wala kang pormal na damit. Hindi rin naman kailangang mamahalin ang damit mo. Ang mahalaga, ito ay angkop, malinis, at presentable.

  • Gaano kahalaga ang ating pananamit kapag sumasamba sa Diyos?

  • Anong mga simulain ang dapat gumabay sa ating istilo ng pananamit at pag-aayos?