ARALIN 21
Ano ang Bethel?
Ang Bethel, isang pangalang Hebreo, ay nangangahulugang “Bahay ng Diyos.” (Genesis 28:17, 19, talababa) Angkop na tawag ito sa mga pasilidad ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig kung saan inoorganisa at sinusuportahan ang gawaing pangangaral. Ang Lupong Tagapamahala ay nasa pandaigdig na punong-tanggapan sa New York, E.U.A. Doon, pinangangasiwaan ng lupon ang gawain ng mga tanggapang pansangay sa maraming bansa. Bilang isang grupo, ang mga naglilingkod sa mga pasilidad na ito ay tinatawag na pamilyang Bethel. Gaya ng isang pamilya, sila ay namumuhay, nagtatrabaho, kumakain, at nag-aaral ng Bibliya nang magkakasama at may pagkakaisa.—Awit 133:1.
Isang natatanging lugar kung saan kusang-loob na naglilingkod ang mga miyembro ng pamilya. Sa bawat Bethel, may mga Kristiyano—lalaki’t babae—na buong-panahong gumagawa ng kalooban ng Diyos at naglilingkod para sa kapakanan ng Kaharian. (Mateo 6:33) Wala silang suweldo, pero kumpleto naman sila sa pangangailangan—kuwarto, pagkain, at allowance para sa personal na gastusin. Ang lahat ng nasa Bethel ay may atas—sa opisina, kusina, o dining room. Ang ilan ay nagtatrabaho sa printery, naglilinis ng mga kuwarto, naglalaba, nagmamantini, o gumagawa ng iba pang atas.
Isang abalang lugar na sumusuporta sa pangangaral ng Kaharian. Ang pangunahing layunin ng bawat Bethel ay sikaping maipaabot ang katotohanan sa Bibliya sa pinakamaraming tao hangga’t maaari. Halimbawa, ang brosyur na ito ay isinulat sa ilalim ng pangangasiwa ng Lupong Tagapamahala. Ipinadala ito sa elektronikong paraan sa daan-daang grupo ng mga tagapagsalin sa buong daigdig, inilimbag sa mabibilis na makina sa mga pasilidad ng Bethel, at ipinadala sa mga 120,000 kongregasyon. Sa buong prosesong ito, malaking papel ang ginampanan ng mga pamilyang Bethel sa pinakamahalagang atas sa lahat—ang pangangaral ng mabuting balita.—Marcos 13:10.
-
Sino ang mga naglilingkod sa Bethel, at paano sila pinangangalagaan?
-
Anong mahalagang gawain ang sinusuportahan ng lahat ng Bethel?