Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

KABANATA 16

Ang Sigasig ni Jesus Para sa Tunay na Pagsamba

Ang Sigasig ni Jesus Para sa Tunay na Pagsamba

JUAN 2:12-22

  • NILINIS NI JESUS ANG TEMPLO

Pagkatapos ng kasalan sa Cana, pumunta si Jesus sa Capernaum. Kasama niya sa paglalakbay ang kaniyang ina at mga kapatid na lalaki—sina Santiago, Jose, Simon, at Hudas.

Pero bakit nga ba pupunta sa Capernaum si Jesus? Ang lunsod na ito ay mas prominente at mas malaki kaysa sa Nazaret o Cana. Isa pa, marami sa mga bagong alagad ni Jesus ang taga-Capernaum o malapit dito. Kaya puwede silang sanayin ni Jesus sa sarili nilang lugar.

Habang nasa Capernaum, gumawa si Jesus ng kamangha-manghang mga bagay. Kaya marami sa mga tagaroon at sa karatig na mga lugar ang nakabalita nito. Pero kailangan nang pumunta ni Jesus at ng mga kasama niya, na mga debotong Judio, sa Jerusalem para ipagdiwang ang Paskuwa ng 30 C.E.

Habang nasa templo sa Jerusalem, may nakita ang mga alagad kay Jesus na talaga namang kahanga-hanga at ngayon lang nila nakita sa kaniya.

Kahilingan ng Kautusan ng Diyos sa mga Israelita na maghandog ng hayop sa templo, at ang mga maglalakbay patungo sa Jerusalem ay mangangailangan ng pagkain habang naroroon sila. Kaya pinapayagan ng Kautusan na magdala ng pera ang mga nanggaling pa sa malalayong lugar para makabili sila ng ‘baka, tupa, kambing,’ at iba pang pangangailangan nila habang nasa lunsod. (Deuteronomio 14:24-26) May mga negosyante sa Jerusalem na nagtitinda ng hayop o ibon doon mismo sa malaking looban ng templo. At dinadaya ng ilan sa kanila ang mga tao sa pagpepresyo nang sobrang mahal.

Sa galit ni Jesus, ibinuhos niya ang mga barya ng mga nagpapalit ng pera, itinaob ang kanilang mga mesa, at pinalayas sila. Sinabi ni Jesus: “Alisin ninyo rito ang mga iyan! Huwag na ninyong gawing lugar ng negosyo ang bahay ng aking Ama!”—Juan 2:16.

Nang makita ito ng mga alagad ni Jesus, naalaala nila ang hula tungkol sa Anak ng Diyos: “Mag-aalab ang sigasig ko para sa iyong bahay.” Pero sinabi ng mga Judio: “Magbigay ka ng tanda para patunayang may karapatan kang gawin ang mga bagay na ito.” Sumagot si Jesus: “Gibain ninyo ang templong ito, at itatayo ko ito sa loob ng tatlong araw.”—Juan 2:17-19; Awit 69:9.

Inakala ng mga Judio na ang tinutukoy ni Jesus ay ang mismong templo sa Jerusalem, kaya nagtanong sila: “Itinayo ang templong ito sa loob ng 46 na taon, at maitatayo mo ito sa loob lang ng tatlong araw?” (Juan 2:20) Pero ang tinutukoy ni Jesus na templo ay ang kaniyang katawan. Paglipas ng tatlong taon, naalaala ng mga alagad niya ang mga salitang ito noong buhayin siyang muli.