Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

KABANATA 108

Binigo ni Jesus ang Pakanang Hulihin Siya

Binigo ni Jesus ang Pakanang Hulihin Siya

MATEO 22:15-40 MARCOS 12:13-34 LUCAS 20:20-40

  • IBAYAD KAY CESAR ANG MGA BAGAY NA KAY CESAR

  • PUWEDE BANG MAG-ASAWA ANG MGA BUBUHAYING MULI?

  • ANG PINAKAMAHALAGANG UTOS

Inis na inis ang mga kaaway ni Jesus. Katatapos lang niyang magbigay ng ilustrasyon na nagbunyag sa tunay na kulay nila. Nagpakana ngayon ang mga Pariseo para hulihin siya. Gusto nilang may masabi siya na puwedeng gamitin laban sa kaniya at ipaaresto siya sa Romanong gobernador. Binayaran nila ang ilang alipores nila para gawin ito.—Lucas 6:7.

“Guro,” ang sabi ng mga ito, “alam naming nagsasabi ka at nagtuturo ng katotohanan at hindi ka nagtatangi, at tama ang itinuturo mo tungkol sa Diyos: Tama bang magbayad ng buwis kay Cesar o hindi?” (Lucas 20:21, 22) Hindi nila mauuto si Jesus; kabisado niya ang kanilang pagkukunwari at katusuhan. Kung sasabihin niya, ‘Hindi tamang magbayad ng buwis,’ puwede siyang maakusahan ng sedisyon. Kung sasabihin naman niya, ‘Oo, dapat magbayad ng buwis,’ baka magalit ang taumbayan, na nasusuklam sa pananakop ng Roma. Kaya ano ang isasagot niya?

Sumagot si Jesus: “Bakit ninyo ako sinusubok, mga mapagkunwari? Ipakita ninyo sa akin ang baryang pambayad ng buwis.” Pagkabigay sa kaniya ng isang denario, nagtanong siya: “Kaninong larawan at pangalan ito?” Sinabi nila: “Kay Cesar.” Nagbigay ngayon si Jesus ng napakahusay na sagot: “Kung gayon, ibayad ninyo kay Cesar ang mga bagay na kay Cesar, pero sa Diyos ang mga bagay na sa Diyos.”—Mateo 22:18-21.

Humanga sila sa sagot ni Jesus. Hindi sila nakakibo at umalis na lang. Pero hindi pa tapos ang araw, pati na ang pagtatangkang hulihin siya. Matapos pumalya ang mga Pariseo, mga lider naman ng ibang relihiyon ang lumapit kay Jesus.

Ang mga Saduceo naman, na nagsasabing walang pagkabuhay-muli, ang nagtanong tungkol sa pagkabuhay-muli at pagkuha sa biyuda ng namatay na kapatid bilang asawa: “Guro, sinabi ni Moises: ‘Kung mamatay ang isang lalaki nang walang anak, ang asawa niya ay pakakasalan ng kapatid niyang lalaki para magkaroon ng anak ang namatay na kapatid.’ Ngayon, may pitong magkakapatid na lalaki dito sa amin. Ang una ay nag-asawa at namatay, at dahil hindi siya nagkaroon ng anak, naiwan ang asawa niya sa kapatid niyang lalaki. Ganoon din ang nangyari sa ikalawa at sa ikatlo, hanggang sa ikapito. Bandang huli, namatay rin ang babae. Ngayon, dahil siya ay napangasawa nilang lahat, sino sa pito ang magiging asawa ng babae kapag binuhay silang muli?”—Mateo 22:24-28.

Mula sa mga akda ni Moises, na pinaniniwalaan ng mga Saduceo, sumagot si Jesus: “Hindi ninyo alam ang Kasulatan o ang kapangyarihan ng Diyos, kaya mali ang iniisip ninyo. Dahil sa pagkabuhay-muli, hindi mag-aasawa ang mga lalaki at mga babae, kundi sila ay magiging gaya ng mga anghel sa langit. Pero tungkol sa pagkabuhay-muli, hindi ba ninyo nabasa sa aklat ni Moises, sa ulat tungkol sa matinik na halaman, na sinabi ng Diyos sa kaniya: ‘Ako ang Diyos ni Abraham at Diyos ni Isaac at Diyos ni Jacob’? Siya ay Diyos, hindi ng mga patay, kundi ng mga buháy. Maling-mali kayo.” (Marcos 12:24-27; Exodo 3:1-6) Humanga ang mga tao sa sagot na iyon.

Napatahimik ni Jesus ang mga Pariseo at Saduceo, kaya nagsanib-puwersa ang mga kaaway ni Jesus. Isang eskriba ang nagtanong: “Guro, ano ang pinakamahalagang utos sa Kautusan?”—Mateo 22:36.

Sumagot si Jesus: “Ang pinakamahalaga ay ‘Makinig kayo, O Israel, si Jehova na Diyos natin ay nag-iisang Jehova, at dapat mong ibigin si Jehova na iyong Diyos nang buong puso mo at nang buong kaluluwa mo at nang buong pag-iisip mo at nang buong lakas mo.’ Ang ikalawa ay ito, ‘Dapat mong mahalin ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.’ Wala nang utos na mas mahalaga pa kaysa sa mga ito.”—Marcos 12:29-31.

Pagkarinig sa sagot, sinabi ng eskriba: “Guro, mahusay! Totoo ang sinabi mo, ‘Siya ay nag-iisa, at wala nang iba pa bukod sa kaniya’; at ang pag-ibig sa kaniya nang buong puso, buong pag-iisip, at buong lakas at ang pagmamahal sa kapuwa gaya ng pagmamahal sa sarili ay higit na mahalaga kaysa sa lahat ng handog na sinusunog at mga hain.” Dahil sa mahusay na sagot ng eskriba, sinabi rito ni Jesus: “Hindi ka malayo sa Kaharian ng Diyos.”—Marcos 12:32-34.

Tatlong araw (Nisan 9, 10, at 11) nang nagtuturo si Jesus sa templo. Nasiyahan ang ilan, gaya ng eskribang ito, sa pakikinig sa kaniya. Pero hindi ang mga lider ng relihiyon, na nawalan ng “lakas ng loob na magtanong sa kaniya.”