Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

KABANATA 126

Ikinaila ni Pedro si Jesus

Ikinaila ni Pedro si Jesus

Nang arestuhin si Jesus sa hardin ng Getsemani, nagtakbuhan ang mga apostol at iniwan siya. Pero dalawa sa kanila ang huminto at bumalik, si Pedro “pati na ang isa pang alagad,” na lumilitaw na si apostol Juan. (Juan 18:15; 19:35; 21:24) Marahil ay naabutan nila si Jesus sa bahay ni Anas. Nang ipadala ni Anas si Jesus sa mataas na saserdoteng si Caifas, sumunod sa di-kalayuan sina Pedro at Juan. Takót na takót silang madamay pero nag-aalala rin sila sa kanilang Panginoon.

Kilala si Juan ng mataas na saserdote kaya nakapasok siya sa looban, o bakuran, ng bahay ni Caifas. Nasa labas si Pedro pero bumalik si Juan at nakipag-usap sa alilang babae na nagbabantay sa pinto para makapasok si Pedro.

Malamig nang gabing ito, kaya nagpaningas ng apoy ang mga tao sa looban ng bahay. Nakiupo si Pedro sa tabi nila para magpainit habang hinihintay ang resulta ng paglilitis kay Jesus. (Mateo 26:58) Dahil sa liwanag ng apoy, namukhaan si Pedro ng nagbabantay sa pinto. “Hindi ba isa ka rin sa mga alagad ng taong iyon?” ang sabi nito. (Juan 18:17) Hindi lang siya ang nakakilala kay Pedro at nagsabing kasamahan siya ni Jesus.—Mateo 26:69, 71-73; Marcos 14:70.

Kinabahan nang husto si Pedro. Sinisikap na nga niyang huwag mapansin, pero napansin pa rin siya. Kaya ikinaila ni Pedro na kasama siya ni Jesus, na sinasabi: “Hindi ko siya kilala at hindi ko alam ang sinasabi mo.” (Marcos 14:67, 68) Sinabi pa ni Pedro na “sumpain nawa siya kung nagsisinungaling siya,” ibig sabihin, handa siyang maparusahan kung hindi totoo ang sinasabi niya.—Mateo 26:74.

Samantala, tuloy ang paglilitis kay Jesus, marahil sa isang mataas na bahagi ng bahay ni Caifas. Nakikita marahil ni Pedro at ng iba pang naghihintay sa ibaba ang mga testigong dumarating at umaalis.

Hindi maitago ni Pedro na taga-Galilea siya dahil sa punto ng pagsasalita niya, kaya halatang nagsisinungaling siya. Isa pa, nandoon sa grupo ang kamag-anak ni Malco, na natagpasan ni Pedro ng tainga. Kaya sinabi nito kay Pedro: “Hindi ba kasama ka niya sa hardin? Nakita kita!” Nang magkaila si Pedro sa ikatlong pagkakataon, tumilaok ang tandang, gaya ng inihula.—Juan 13:38; 18:26, 27.

Sa pagkakataong ito, posibleng nasa balkonahe si Jesus. Lumingon ang Panginoon at nang tingnan niya si Pedro, parang sinaksak si Pedro sa puso. Naalala niya ang sinabi ni Jesus sa malaking silid sa itaas, ilang oras pa lang ang nakalilipas. Gunigunihin ang nadama ni Pedro nang mapag-isip-isip niya kung gaano kasamâ ang nagawa niya! Lumabas si Pedro at humagulgol.—Lucas 22:61, 62.

Paano nangyari ito? Paano naikaila ni Pedro ang kaniyang Panginoon samantalang siguradong-sigurado siya sa kaniyang espirituwalidad at katapatan? Pinilipit ang katotohanan, at pinalabas na kriminal si Jesus. Imbes na ipagtanggol ang isang lalaking walang kasalanan, tinalikuran ni Pedro ang Isa na may mga “salitang nagbibigay ng buhay na walang hanggan.”—Juan 6:68.

Ipinakikita ng masaklap na karanasan ni Pedro na kahit ang isa na may pananampalataya at debosyon ay puwedeng magkamali kung hindi handa sa mga di-inaasahang pagsubok o tukso. Sana’y maging aral sa lahat ng lingkod ng Diyos ang nangyari kay Pedro!