KABANATA 130
Ibinigay si Jesus Para Patayin
MATEO 27:31, 32 MARCOS 15:20, 21 LUCAS 23:24-31 JUAN 19:6-17
-
SINUBUKANG PALAYAIN NI PILATO SI JESUS
-
HINATULAN SI JESUS AT IBINIGAY PARA PATAYIN
Sa kabila ng walang-awang pagpapahirap at pang-iinsulto kay Jesus, hindi natinag ang mga punong saserdote at ang mga kasabuwat nila sa pagsisikap ni Pilato na palayain siya. Ayaw nilang mahadlangan ng anuman ang pagpatay kay Jesus. Patuloy silang sumisigaw: “Ibayubay siya sa tulos! Ibayubay siya sa tulos!” Sinabi ni Pilato: “Kunin ninyo siya at kayo ang pumatay sa kaniya dahil wala akong makitang dahilan para hatulan siya.”—Juan 19:6.
Hindi nakumbinsi ng mga Judio si Pilato na hatulan si Jesus ng kamatayan sa salang paglaban sa gobyerno ng Roma. Kaya ginamit ng mga lider ng relihiyon ang paratang nila kay Jesus na pamumusong nang litisin siya sa harap ng Sanedrin. “May kautusan kami,” ang sabi nila, “at ayon sa kautusan, dapat siyang mamatay dahil inaangkin niyang anak siya ng Diyos.” (Juan 19:7) Bago kay Pilato ang paratang na ito.
Pumasok si Pilato sa palasyo at nag-isip ng paraan kung paano mapapalaya ang taong ito, na nagtiis ng matinding pagpapahirap at napanaginipan pa nga ng kaniyang asawa. (Mateo 27:19) At ano naman itong bagong paratang ng mga Judio—na diumano, ang bilanggo ay ‘anak ng Diyos’? Alam ni Pilato na si Jesus ay taga-Galilea. (Lucas 23:5-7) Pero tinanong niya pa rin si Jesus: “Saan ka nagmula?” (Juan 19:9) Iniisip kaya ni Pilato na nabuhay na si Jesus noon at na galing siya sa Diyos?
Nasabi na ni Jesus kay Pilato na isa siyang hari, pero ang Kaharian niya ay hindi bahagi ng sanlibutang ito. Hindi na kailangan pang ipaliwanag ni Jesus ang sinabi niya, kaya nanatili siyang tahimik. Nainsulto si Pilato sa hindi pagsagot ni Jesus kaya sinabi niya: “Hindi mo ba ako sasagutin? Hindi mo ba alam na may awtoridad akong palayain ka o patayin ka?”—Juan 19:10.
Sumagot si Jesus: “Kung hindi ka binigyan ng Diyos ng awtoridad, wala ka sanang awtoridad sa akin. Kaya mas malaki ang kasalanan ng taong nagbigay sa akin sa kamay mo.” (Juan 19:11) Malamang na hindi iisang tao ang iniisip ni Jesus. Sa halip, ang tinutukoy ni Jesus na may mas mabigat na kasalanan ay si Caifas, ang mga kasama nito, at si Hudas Iscariote.
Dahil sa paghanga sa disposisyon at pananalita ni Jesus, at sa tumitinding pangamba na galing si Jesus sa Diyos, sinubukan uli ni Pilato na palayain si Jesus. Pero tinakot ng mga Judio si Pilato. Sinabi nila: “Kung palalayain mo ang taong iyan, hindi ka kaibigan ni Cesar. Ang sinuman na ginagawang hari ang sarili niya ay nagsasalita laban kay Cesar.”—Juan 19:12.
Inilabas ulit ng gobernador si Jesus, at habang nakaupo si Pilato sa hukuman, sinabi niya sa mga tao: “Tingnan ninyo! Ang inyong hari!” Pero ayaw tumigil ng mga Judio. “Patayin siya! Patayin siya! Ibayubay siya sa tulos!” ang sigaw nila. Nakiusap si Pilato: “Papatayin ko ba ang hari ninyo?” Matagal nang kinamumuhian ng mga Judio ang pamamahala ng Roma; pero sumagot ang mga punong saserdote: “Wala kaming ibang hari kundi si Cesar.”—Juan 19:14, 15.
Hindi tinantanan ng mga Judio si Pilato kaya wala na siyang nagawa at ibinigay na lang si Jesus para patayin. Hinubad ng mga sundalo kay Jesus ang matingkad-na-pulang balabal at isinuot sa kaniya ang damit niya. Habang naglalakad, pasan ni Jesus ang tulos na pagpapakuan sa kaniya.
Mataas na ngayon ang araw, Biyernes ng umaga, Nisan 14. Mula Huwebes, wala pang tulog si Jesus, at sunod-sunod ang dinanas niyang paghihirap. Napakabigat ng tulos at hiráp na hiráp siyang buhatin ito hanggang sa sumuko na ang katawan niya. Kaya ipinabuhat ng mga sundalo sa isang dumaraan, si Simon na taga-Cirene sa Africa, ang tulos papunta sa lugar na pagtitirikan nito.
Marami ang sumusunod, at sinusuntok ng ilan ang dibdib nila at humahagulgol.Sinabi ni Jesus sa mga babaeng umiiyak: “Mga kababaihan ng Jerusalem, huwag na kayong umiyak para sa akin. Umiyak kayo para sa inyong sarili at sa inyong mga anak; dahil darating ang panahon kung kailan sasabihin ng mga tao, ‘Maligaya ang mga babaeng baog, ang mga sinapupunang hindi nanganak at ang mga dibdib na hindi nagpasuso!’ At sasabihin nila sa mga bundok, ‘Itago ninyo kami!’ at sa mga burol, ‘Takpan ninyo kami!’ Kung ito ang nangyayari habang buháy pa ang puno, ano na lang ang mangyayari kung tuyot na ito?”—Lucas 23:28-31.
Ang bansang Judio ang tinutukoy ni Jesus. Gaya ito ng puno na malapit nang mamatay, pero may natitira pa itong buhay dahil naroon pa si Jesus at ang ilang Judio na nananampalataya sa kaniya. Kapag inihiwalay ang mga ito, ang maiiwan na lang ay ang bansang Judio na wala nang kaugnayan sa Diyos, gaya ng tuyot at patay na puno. Magkakaroon ng matinding paghagulgol kapag ginamit ng Diyos ang hukbong Romano para puksain ang bansa!