KABANATA 107
Tinawag ng Hari ang mga Imbitado sa Handaan ng Kasal
-
ILUSTRASYON TUNGKOL SA HANDAAN NG KASAL
Habang palapit ang wakas ng ministeryo ni Jesus, patuloy siyang gumamit ng mga ilustrasyon para ilantad ang mga eskriba at mga punong saserdote. Kaya gusto nila siyang patayin. (Lucas 20:19) Pero hindi pa tapos si Jesus sa kanila. Naglahad siya ng isa pang ilustrasyon:
“Ang Kaharian ng langit ay katulad ng isang hari na nagsaayos ng handaan para sa kasal ng anak niyang lalaki. At inutusan niya ang mga alipin niya para tawagin ang mga imbitado sa handaan, pero ayaw nilang pumunta.” (Mateo 22:2, 3) Sinimulan ni Jesus ang ilustrasyon sa pagbanggit ng “Kaharian ng langit.” Kaya maliwanag na ang Diyos na Jehova ang “hari.” Sino naman ang anak ng hari at ang mga inimbitahan? Malinaw na ang anak ng hari ay ang Anak ni Jehova, ang mismong naglalahad ng ilustrasyon. Malinaw rin na ang mga inimbitahan ay ang mga makakasama ng Anak sa Kaharian ng langit.
Sino ang mga unang inimbitahan? Buweno, kanino ba ipinangaral ni Jesus at ng mga apostol ang Kaharian? Sa mga Judio. (Mateo 10:6, 7; 15:24) Tinanggap ng bansang ito ang tipang Kautusan noong 1513 B.C.E., kaya unang-una sila sa listahan ng mapapabilang sa “isang kaharian ng mga saserdote.” (Exodo 19:5-8) Pero kailan sila tatawagin sa “handaan para sa kasal”? Nagsimulang mangaral si Jesus tungkol sa Kaharian noong 29 C.E., kaya nang taon ding ito nagsimula ang pag-iimbita.
Ano ang tugon ng karamihan sa mga Israelita? Gaya ng sabi ni Jesus, “ayaw nilang pumunta.” Hindi tinanggap ng karamihan sa mga lider ng relihiyon at ng mga tao si Jesus bilang ang Mesiyas at Haring pinili ng Diyos.
Pero ipinakita ni Jesus na may isa pang pagkakataon ang mga Judio: “Inutusan [ng hari] ang iba pang alipin, ‘Sabihin ninyo sa mga imbitado: “Inihanda ko na ang tanghalian, ang aking mga baka at mga pinatabang hayop ay nakatay na, at nakahanda na ang lahat. Halina kayo sa handaan.”’ Pero hindi nila pinansin ang imbitasyon. Ang ilan sa kanila ay pumunta sa bukid, at ang iba ay sa negosyo nila; sinunggaban naman ng iba pa ang Mateo 22:4-6) Tumutukoy iyan sa mangyayari kapag naitatag na ang kongregasyong Kristiyano. Sa panahong iyon, may pagkakataon pa ang mga Judio na makapasok sa Kaharian ng Diyos, pero ayaw pa rin ng marami; pinagmalupitan pa nga nila ang mga ‘alipin ng hari.’—Gawa 4:13-18; 7:54, 58.
mga alipin ng hari, ininsulto ang mga ito, binugbog, at pinatay.” (Ano ang kahihinatnan ng bansa? Sinabi ni Jesus: “Nagalit nang husto ang hari, kaya isinugo niya ang mga hukbo niya para puksain ang mga mamamatay-taong iyon at sunugin ang lunsod nila.” (Mateo 22:7) Naranasan iyan ng mga Judio noong 70 C.E. nang wasakin ng mga Romano ang “lunsod nila,” ang Jerusalem.
Nang tanggihan nila ang imbitasyon, nangangahulugan ba na wala nang iimbitahan ang hari? Hindi. Ipinagpatuloy ni Jesus ang ilustrasyon: “Pagkatapos, sinabi [ng hari] sa mga alipin niya, ‘Ang handaan ng kasalan ay nakaayos na, pero ang mga inimbitahan ay hindi karapat-dapat. Kaya pumunta kayo sa mga daan na papalabas ng lunsod, at imbitahan ninyo sa handaan ng kasalan ang sinumang makita ninyo.’ Kaya pumunta sa mga daan ang mga aliping iyon at inimbitahan ang sinumang makita nila, masamang tao man o mabuti; at ang bulwagan para sa seremonya ng kasal ay napuno ng mga bisita.”—Mateo 22:8-10.
Kaugnay nito, tutulungan ni apostol Pedro sa kalaunan ang mga Gentil—mga di-likas na Judio o proselita—na maging tunay na Kristiyano. Pagsapit ng 36 C.E., ang Romanong opisyal ng hukbo na si Cornelio at ang pamilya nito ay makatatanggap ng espiritu ng Diyos, at nakalinyang mapabilang sa Kaharian ng langit na binanggit ni Jesus.—Gawa 10:1, 34-48.
Ipinahiwatig ni Jesus na hindi lahat ng pumunta sa handaan ay magiging katanggap-tanggap sa “hari.” Sinabi niya: “Nang dumating ang hari para tingnan ang mga bisita, nakita niya ang isang lalaki na hindi nakasuot ng damit para sa kasalan. Kaya sinabi niya rito, ‘Kaibigan, paano ka nakapasok dito na hindi nakasuot ng damit para sa kasalan?’ Hindi ito nakapagsalita. Kaya sinabi ng hari sa mga lingkod niya, ‘Itali ninyo ang mga kamay at paa niya at ihagis siya sa kadiliman sa labas. Iiyak siya roon at magngangalit ang mga ngipin niya.’ Marami ang inimbitahan, pero kakaunti ang pinili.”—Mateo 22:11-14.
Maaaring hindi naintindihan ng mga lider ng relihiyon ang kahulugan o epekto sa kanila ng sinabi ni Jesus. Pero hindi sila natuwa. Mas nagpursigi silang ipapatay si Jesus, ang naglantad ng tunay na kulay nila.