KABANATA 95
Pagtuturo Tungkol sa Diborsiyo at Pagmamahal sa mga Bata
MATEO 19:1-15 MARCOS 10:1-16 LUCAS 18:15-17
-
SINABI NI JESUS ANG PANANAW NG DIYOS SA DIBORSIYO
-
ANG KALOOB NG PAGIGING WALANG ASAWA
-
MAGING TULAD NG MGA BATA
Mula Galilea, tumawid si Jesus at ang mga alagad sa Ilog Jordan patimog sa Perea. Noong huling nasa Perea si Jesus, sinabi niya sa mga Pariseo ang makakasulatang saligan ng diborsiyo. (Lucas 16:18) Ngayon, ibinangon ng mga Pariseo ang paksang iyan para subukin si Jesus.
Isinulat ni Moises na puwedeng diborsiyuhin ang isang babae kung may “isang bagay na marumi” rito. (Deuteronomio 24:1) Iba-iba ang pananaw sa kung ano ang mga saligan ng diborsiyo. Para sa ilan, puwedeng maging saligan kahit ang maliliit na isyu. Kaya nagtanong ang mga Pariseo: “Puwede bang diborsiyuhin ng isang lalaki ang asawa niya sa kahit anong dahilan?”—Mateo 19:3.
Imbes na panigan ang opinyon ng mga tao, sinabi ni Jesus ang layunin ng Diyos sa pag-aasawa. “Hindi ba ninyo nabasa na siya na lumalang sa kanila mula sa pasimula ay ginawa silang lalaki at babae at sinabi: ‘Dahil dito ay iiwan ng lalaki ang kaniyang ama at ina at mamumuhay kasama ng asawa niya, at ang dalawa ay magiging isang laman’? Kung gayon, hindi na sila dalawa, kundi isang laman. Kaya ang pinagsama ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng sinumang tao.” (Mateo 19:4-6) Nang pasimulan ng Diyos ang pag-aasawa sa pagitan nina Adan at Eva, wala siyang sinabi na puwede silang maghiwalay.
Ginawa itong isyu ng mga Pariseo, at sinabi kay Jesus: “Bakit iniutos ni Moises ang pagbibigay ng isang kasulatan ng paghihiwalay para madiborsiyo ang asawang babae?” (Mateo 19:7) Sumagot si Jesus: “Dahil sa katigasan ng inyong puso, pinahintulutan kayo ni Moises na diborsiyuhin ang inyong mga asawang babae, pero hindi ganoon sa pasimula.” (Mateo 19:8) Ang “pasimula” ay hindi noong panahon ni Moises; ito ay noong pasimulan ng Diyos ang pag-aasawa sa Eden.
Iniharap ni Jesus ang isang mahalagang katotohanan: “Sinasabi ko sa inyo na ang sinumang dumiborsiyo sa kaniyang asawang babae, malibang dahil sa seksuwal na imoralidad [sa Griego, por·neiʹa], at mag-asawa ng iba ay nangangalunya.” (Mateo 19:9) Kaya seksuwal na imoralidad lang ang makakasulatang saligan ng diborsiyo.
Nasabi ng mga alagad: “Kung ganiyan ang pag-aasawa, mas mabuti pang huwag nang mag-asawa.” (Mateo 19:10) Maliwanag, ang pag-aasawa ay panghabambuhay!
Tungkol sa pagiging walang asawa, sinabi ni Jesus na talagang may mga ipinanganak na may diperensiya at hindi puwedeng mag-asawa. Ang iba ay kinapon kaya wala silang kakayahang makipagtalik. Pero may ilan naman na pinigil ang kanilang seksuwal na pagnanasa para makapagpokus sa Kaharian. “Siya na makagagawa nito [hindi mag-asawa], gawin ito,” ang paghimok ni Jesus.—Mateo 19:12.
Dinala ngayon ng mga tao kay Jesus ang maliliit na anak nila. Pero pinagalitan sila ng mga alagad, marahil para hindi maistorbo si Jesus. Nagalit si Jesus, at sinabi: “Hayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata; huwag ninyo silang pigilan, dahil ang Kaharian ng Diyos ay para sa mga gaya nila. Sinasabi ko sa inyo, ang sinumang hindi tumatanggap sa Kaharian ng Diyos na gaya ng isang bata ay hindi makapapasok dito.”—Marcos 10:14, 15; Lucas 18:15.
Napakagandang aral! Para makapasok sa Kaharian ng Diyos, dapat tayong maging mapagpakumbaba at madaling turuan, gaya ng mga bata. Kitang-kita ang pagmamahal ni Jesus sa mga bata nang kalungin niya ang mga ito at pagpalain. Ganito rin niya kamahal ang lahat ng “tumatanggap sa Kaharian ng Diyos na gaya ng isang bata.”—Lucas 18:17.