Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

KABANATA 87

Patiunang Magplano—Maging Marunong sa Praktikal na Paraan

Patiunang Magplano—Maging Marunong sa Praktikal na Paraan

LUCAS 16:1-13

  • ILUSTRASYON TUNGKOL SA DI-MATUWID NA KATIWALA

  • “MAKIPAGKAIBIGAN” SA PAMAMAGITAN NG INYONG KAYAMANAN

Sa ilustrasyon ni Jesus tungkol sa nawalang anak, naidiin sa nakikinig na mga maniningil ng buwis, eskriba, at Pariseo na ang Diyos ay handang magpatawad sa mga nagsisising makasalanan. (Lucas 15:1-7, 11) Ngayon, bumaling si Jesus sa mga alagad at naglahad ng isa pang ilustrasyon. Tungkol ito sa isang mayaman na may katiwalang gumagawa ng hindi tama.

Sinabi ni Jesus na ang katiwala ay inakusahan ng pagwaldas sa pag-aari ng kaniyang panginoon. Kaya sinabi ng panginoon na palalayasin ang katiwala. “Ano ang gagawin ko?” ang sabi ng katiwala sa sarili. “Aalisin na ako ng panginoon ko bilang katiwala. Hindi naman ako ganoon kalakas para maghukay, at nahihiya akong mamalimos.” May naisip ang katiwala para makapaghanda: “Alam ko na ang gagawin ko, para kapag inalis ako sa pagiging katiwala, patutuluyin ako ng mga tao sa bahay nila.” Tinawag niya agad ang mga may utang sa panginoon niya at tinanong: “Magkano ang utang mo sa panginoon ko?”—Lucas 16:3-5.

Sumagot ang una: “Sandaang takal ng langis ng olibo.” Mga 2,200 litro ito ng langis. Posibleng may malawak na taniman ng olibo ang nangutang o isa siyang negosyante ng langis. Sinabi ng katiwala: “Kunin mo ang iyong nasusulat na kasunduan, umupo ka, at isulat mo agad na 50 [1,100 litro].”—Lucas 16:6.

Tinanong ng katiwala ang isa pa: “Ikaw naman, magkano ang utang mo?” Sumagot ito: “Sandaang malalaking takal ng trigo.” Sinabi ng katiwala: “Kunin mo ang iyong nasusulat na kasunduan at isulat mo na 80.” Kaya binawasan niya ang utang nang 20 porsiyento.—Lucas 16:7.

Hangga’t hindi pa nasesesante ang katiwala, siya pa rin ang nangangasiwa sa pananalapi ng panginoon kaya puwede niyang bawasan ang utang dito ng iba. Sa paggawa nito, nakikipagkaibigan ang katiwala sa mga puwede niyang hingan ng pabor kapag nawalan siya ng trabaho.

Nalaman ng panginoon ang ginawa ng katiwala. Kahit nalugi siya, humanga siya sa katiwala at pinuri ito dahil “kahit di-matuwid ay naging marunong siya sa praktikal na paraan.” Idinagdag ni Jesus: “Ang mga anak ng sistemang ito ay mas marunong sa praktikal na paraan kaysa sa mga anak ng liwanag.”—Lucas 16:8.

Hindi sa kinukunsinti ni Jesus ang ginawa ng katiwala, at hindi rin siya nanghihikayat na mandaya sa negosyo. Kaya ano ang punto niya? Hinimok niya ang mga alagad: “Makipagkaibigan kayo gamit ang di-matuwid na mga kayamanan, para kapag wala na ang mga ito, tanggapin nila kayo sa walang-hanggang mga tirahan.” (Lucas 16:9) May aral dito tungkol sa patiunang pagpaplano at paggamit ng praktikal na karunungan. Kailangang maging matalino ang mga lingkod ng Diyos, ang “mga anak ng liwanag,” sa paggamit ng kanilang materyal na kayamanan, na iniisip ang walang-hanggang kinabukasan.

Ang Diyos na Jehova lang at ang kaniyang Anak ang puwedeng tumanggap sa isang tao sa makalangit na Kaharian o sa Paraiso sa lupa sa ilalim ng Kahariang iyon. Kailangan nating makipagkaibigan sa kanila sa pamamagitan ng paggamit sa ating kayamanan para suportahan ang gawaing pang-Kaharian. Sa gayon, kahit mawala ang ginto, pilak, at iba pang kayamanan, sigurado pa rin ang ating walang-hanggang kinabukasan.

Sinabi rin ni Jesus na ang mga tapat sa paggamit ng kanilang materyal na ari-arian ay magiging tapat din sa mga bagay na di-hamak na mas mahalaga. Sinabi ni Jesus: “Kaya kung hindi ninyo napatunayang tapat kayo pagdating sa di-matuwid na mga kayamanan, paano ipagkakatiwala sa inyo ang tunay na kayamanan [gaya ng lahat ng bagay na may kinalaman sa Kaharian]?”—Lucas 16:11.

Ipinakikita ni Jesus sa mga alagad na para tanggapin sila “sa walang-hanggang mga tirahan,” malaki ang hihingin sa kanila. Hindi puwedeng maging tunay na lingkod ng Diyos ang mga nagpapaalipin din sa di-matuwid na kayamanan. Sinabi ni Jesus bilang konklusyon: “Walang lingkod ang puwedeng maging alipin ng dalawang panginoon, dahil alinman sa kapopootan niya ang isa at iibigin ang ikalawa, o magiging tapat siya sa isa at hahamakin ang ikalawa. Hindi kayo puwedeng maging alipin ng Diyos at ng Kayamanan.”—Lucas 16:9, 13.