Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

KABANATA 67

“Wala Pang Sinuman ang Nakapagsalita Nang Tulad Niya”

“Wala Pang Sinuman ang Nakapagsalita Nang Tulad Niya”

JUAN 7:32-52

  • NAGSUGO NG MGA GUWARDIYA PARA ARESTUHIN SI JESUS

  • IPINAGTANGGOL NI NICODEMO SI JESUS

Nasa Jerusalem pa rin si Jesus para sa Kapistahan ng mga Tabernakulo (o, Kubol). Natuwa siya na “marami pa rin ang nanampalataya sa kaniya.” Pero hindi ikinatuwa iyan ng mga lider ng relihiyon. Nagsugo sila ng mga guwardiya para arestuhin siya. (Juan 7:31, 32) Pero hindi nagtago si Jesus.

Sa halip, patuloy siyang nagturo sa mga tao sa Jerusalem, na sinasabi: “Makakasama pa ninyo ako nang kaunting panahon bago ako pumunta sa nagsugo sa akin. Hahanapin ninyo ako, pero hindi ninyo ako makikita, at hindi kayo makakapunta kung nasaan ako.” (Juan 7:33, 34) Hindi ito naintindihan ng mga Judio, kaya sinabi nila sa isa’t isa: “Saan kaya pupunta ang taong ito at hindi natin siya makikita? Balak ba niyang pumunta sa mga Judio na nakapangalat sa gitna ng mga Griego at turuan din ang mga Griego? Bakit sinabi niya, ‘Hahanapin ninyo ako, pero hindi ninyo ako makikita, at hindi kayo makakapunta kung nasaan ako’?” (Juan 7:35, 36) Pero ang sinasabi ni Jesus ay tungkol sa kaniyang kamatayan at pagkabuhay-muli tungo sa langit, at hindi siya masusundan doon ng kaniyang mga kaaway.

Ikapitong araw na ng kapistahan. Bawat umaga, nagbubuhos ng tubig mula sa Imbakan ng Tubig ng Siloam ang saserdote, at umaagos ito sa paanan ng altar sa templo. Malamang na ipinapaalala ni Jesus ang kaugaliang ito nang sabihin niya: “Kung ang sinuman ay nauuhaw, pumunta siya sa akin para uminom. Kung ang sinuman ay nananampalataya sa akin, ‘mula sa kaniyang puso ay dadaloy ang tubig na nagbibigay-buhay,’ gaya ng sinasabi sa Kasulatan.”—Juan 7:37, 38.

Tinutukoy ni Jesus ang mangyayari kapag pinahiran ng banal na espiritu ang mga alagad at mapabilang sa mabubuhay sa langit. Papahiran sila ng banal na espiritu pagkamatay ni Jesus. Pasimula sa araw ng Pentecostes nang sumunod na taon, umagos ang nagbibigay-buhay na tubig nang ibahagi ng mga pinahirang alagad sa mga tao ang katotohanan.

Dahil sa mga turo ni Jesus, sinabi ng ilan: “Siya nga talaga ang Propeta,” na tinutukoy ang inihulang propeta na mas dakila kaysa kay Moises. Sinasabi naman ng iba: “Siya ang Kristo.” Pero sinasabi ng ilan: “Hindi naman sa Galilea manggagaling ang Kristo, hindi ba? Hindi ba sinasabi sa Kasulatan na ang Kristo ay manggagaling sa supling ni David at sa Betlehem, ang nayon ni David?”—Juan 7:40-42.

Kaya hati ang opinyon ng mga tao. Kahit na gusto ng ilan na ipaaresto si Jesus, walang magkalakas ng loob na dakpin siya. Nang bumalik ang mga guwardiya nang hindi dala si Jesus, nagtanong ang mga punong saserdote at mga Pariseo: “Bakit hindi ninyo siya hinuli?” Sumagot ang mga guwardiya: “Wala pang sinuman ang nakapagsalita nang tulad niya.” Sa galit ng mga lider ng relihiyon, pinagsalitaan nila ang mga guwardiya: “Nailigaw na rin ba kayo? Walang isa man sa mga tagapamahala o Pariseo ang nanampalataya sa kaniya. Ang mga taong ito na nakikinig kay Jesus ay walang alam sa Kautusan at mga isinumpa.”—Juan 7:45-49.

Sa puntong ito, lakas-loob na nagsalita si Nicodemo, isang Pariseo at miyembro ng Sanedrin, para ipagtanggol si Jesus. Mga dalawa’t kalahating taon bago nito, nagpunta nang gabi si Nicodemo kay Jesus at nagpahayag ng pananampalataya sa kaniya. Ngayon, sinasabi ni Nicodemo: “Ayon sa ating Kautusan, hindi ba kailangan muna nating marinig ang panig ng isang tao para malaman kung ano ang ginawa niya bago siya hatulan?” Dumepensa sila: “Bakit, taga-Galilea ka rin ba? Magsaliksik ka nang makita mo na walang propetang manggagaling sa Galilea.”—Juan 7:51, 52.

Hindi tuwirang binabanggit sa Kasulatan na may propetang magmumula sa Galilea. Pero binabanggit nito na ang Kristo ay manggagaling sa lugar na ito; inihula nito na isang “matinding liwanag” ang makikita sa “Galilea na lupain ng mga banyaga.” (Mateo 4:13-17; Isaias 9:1, 2) Karagdagan pa, gaya ng inihula, si Jesus ay ipinanganak sa Betlehem, at siya ay supling ni David. Kahit na maaaring alam ito ng mga Pariseo, sila ang malamang na nagkakalat ng maling palagay tungkol kay Jesus.