Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

KABANATA 69

Sino ang Kanilang Ama—Si Abraham o ang Diyablo?

Sino ang Kanilang Ama—Si Abraham o ang Diyablo?

JUAN 8:37-59

  • INAANGKIN NG MGA JUDIO NA SI ABRAHAM ANG AMA NILA

  • BAGO PA UMIRAL SI ABRAHAM, UMIIRAL NA SI JESUS

Nasa Jerusalem pa rin si Jesus para sa Kapistahan ng mga Tabernakulo (o, Kubol), at nagtuturo ng katotohanan. Sinabi sa kaniya ng ilang Judio: “Mga supling kami ni Abraham at kahit kailan ay hindi kami naging alipin ng sinuman.” Sumagot si Jesus: “Alam ko na mga supling kayo ni Abraham. Pero gusto ninyo akong patayin, dahil hindi ninyo tinanggap ang salita ko. Sinasabi ko ang mga bagay na nakita ko habang kasama ako ng aking Ama, pero kayo, ginagawa ninyo ang mga bagay na narinig ninyo mula sa inyong ama.”—Juan 8:33, 37, 38.

Simple ang punto ni Jesus: Ang kaniyang Ama ay iba sa ama nila. Hindi naintindihan ng mga Judio ang sinabi niya kaya inulit nila: “Si Abraham ang ama namin.” (Juan 8:39; Isaias 41:8) Talagang nanggaling sila sa angkan ni Abraham. Kaya iniisip nilang kapareho nila ng pananampalataya ang kaibigan ng Diyos na si Abraham.

Pero nagulat sila sa sagot ni Jesus: “Kung mga anak kayo ni Abraham, ginagawa sana ninyo ang mga gawa ni Abraham.” Oo, tinutularan ng tunay na anak ang kaniyang ama. “Pero gusto ninyo akong patayin,” ang sabi ni Jesus, “ako na nagsabi sa inyo ng katotohanan na narinig ko mula sa Diyos. Hindi iyon gagawin ni Abraham.” Nagtaka sila sa idinagdag niya: “Ginagawa ninyo ang mga gawain ng inyong ama.”—Juan 8:39-41.

Hindi pa rin naintindihan ng mga Judio kung sino ang tinutukoy ni Jesus. Inaangkin nila na mga legal na anak sila: “Hindi kami mga bunga ng imoralidad; iisa lang ang Ama namin, ang Diyos.” Pero talaga kayang ang Diyos ang Ama nila? “Kung ang Diyos ang inyong Ama,” ang sabi ni Jesus, “mamahalin ninyo ako, dahil nanggaling ako sa Diyos at narito ako dahil sa kaniya. Hindi ako dumating sa sarili kong pagkukusa, kundi isinugo ako ng Isang iyon.” Nagtanong si Jesus, na sinagot din niya: “Bakit hindi ninyo maintindihan ang sinasabi ko? Dahil hindi ninyo matanggap ang aking salita.”—Juan 8:41-43.

Naipakita na noon ni Jesus ang kahihinatnan ng pagtatakwil sa kaniya. Pero ngayon, tahasan niyang sinabi: “Kayo ay mula sa inyong amang Diyablo, at gusto ninyong gawin ang mga kagustuhan ng inyong ama.” Anong klase ang ama nila? Sinabi ni Jesus: “Mamamatay-tao siya nang siya ay magsimula, at hindi siya nanindigan sa katotohanan.” Idinagdag pa niya: “Nakikinig sa mga pananalita ng Diyos ang nagmula sa Diyos. Kaya naman hindi kayo nakikinig, dahil hindi kayo mula sa Diyos.”—Juan 8:44, 47.

Nagalit ang mga Judio: “Hindi ba tama ang sinabi namin, ‘Samaritano ka at sinasapian ka ng demonyo’?” Tinawag nilang “Samaritano” si Jesus para hamakin siya. Pero hindi ito pinansin ni Jesus. Sumagot siya: “Hindi ako sinasapian ng demonyo, kundi pinararangalan ko ang aking Ama, at winawalang-dangal ninyo ako.” Malaki ang mawawala sa kanila, at makikita iyan sa sinabing ito ni Jesus: “Siya na tumutupad sa aking salita ay hindi makakakita ng kamatayan kailanman.” Hindi niya sinasabing hindi na mamamatay ang mga apostol at ang iba pang sumusunod sa kaniya. Sa halip, hindi nila mararanasan ang walang hanggang pagkapuksa, ang “ikalawang kamatayan,” na walang pagkabuhay-muli.—Juan 8:48-51; Apocalipsis 21:8.

Pero literal ang intindi rito ng mga Judio. Sinabi nila: “Talaga ngang sinasapian ka ng demonyo. Si Abraham ay namatay, pati ang mga propeta, pero sinasabi mo, ‘Ang tumutupad sa aking salita ay hindi makararanas ng kamatayan kailanman.’ Sa tingin mo ba ay mas dakila ka kaysa sa aming amang si Abraham? . . . Sino ka ba sa tingin mo?”—Juan 8:52, 53.

Maliwanag na ipinakikita ni Jesus na siya ang Mesiyas. Pero imbes na direkta silang sagutin, sinabi niya: “Kung niluluwalhati ko ang sarili ko, ang kaluwalhatian ko ay walang halaga. Ang Ama ko ang lumuluwalhati sa akin, ang sinasabi ninyong inyong Diyos. Gayunman, hindi ninyo siya nakilala, pero kilala ko siya. At kung sinabi kong hindi ko siya kilala, ako ay magiging tulad ninyo, isang sinungaling.”—Juan 8:54, 55.

Binalikan ni Jesus ang halimbawa ng kanilang tapat na ninuno: “Si Abraham na inyong ama ay nagsaya nang labis sa pag-asang makita ang aking araw, at nakita niya iyon at nagsaya.” Oo, dahil naniniwala si Abraham sa pangako ng Diyos, inasam niya ang pagdating ng Mesiyas. “Nakita mo na si Abraham samantalang wala ka pang 50 taóng gulang?” ang sagot ng mga Judio. Sumagot si Jesus: “Tinitiyak ko sa inyo, bago pa umiral si Abraham, umiiral na ako.” Tinutukoy niya ang pag-iral niya sa langit bilang makapangyarihang espiritu bago maging tao.—Juan 8:56-58.

Galít na galít ang mga Judio sa sinabi ni Jesus na nabuhay siya bago pa si Abraham. Nakaamba na silang batuhin si Jesus, pero nakaalis siya nang walang pinsala.