Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

KABANATA 36

Ang Malaking Pananampalataya ng Isang Senturyon

Ang Malaking Pananampalataya ng Isang Senturyon

MATEO 8:5-13 LUCAS 7:1-10

  • PINAGALING ANG ALIPIN NG ISANG OPISYAL NG HUKBO

  • PAGPAPALAIN ANG MGA MAY PANANAMPALATAYA

Pagkatapos ng kaniyang Sermon sa Bundok, nagpunta si Jesus sa lunsod ng Capernaum. Dito, may matatandang lalaki ng mga Judio na lumapit sa kaniya. Isinugo sila ng isang opisyal ng hukbo ng Roma, isang senturyon.

Malubha ang sakit at naghihingalo na ang isang alipin ng opisyal na ito. Kahit Gentil ang senturyong ito, humihingi siya ng tulong kay Jesus. Sinabi ng mga Judio kay Jesus na ang alipin ng lalaking ito ay ‘nakaratay sa bahay at paralisado at hirap na hirap,’ marahil dahil sa matinding kirot. (Mateo 8:6) Tiniyak ng matatandang lalaki ng mga Judio kay Jesus na ang senturyong ito ay karapat-dapat tulungan, at sinabi: “Mahal niya ang bansa natin at siya mismo ang nagpatayo ng sinagoga rito.”—Lucas 7:4, 5.

Nagpunta si Jesus kasama ng matatandang lalaki sa bahay ng opisyal. Nang malapit na sila, ang opisyal ay nagsugo ng mga kaibigan para sabihin kay Jesus: “Ginoo, huwag ka nang mag-abala, dahil hindi ako karapat-dapat na puntahan mo sa bahay. Hindi ko rin itinuturing ang sarili ko na karapat-dapat na pumunta sa iyo.” (Lucas 7:6, 7) Isa ngang kapakumbabaan para sa isa na sanay mag-utos! Ipinakikita rin nito na ibang-iba siya sa mga Romano na malupit sa alipin.—Mateo 8:9.

Tiyak na alam ng senturyon na hindi nakikisalamuha ang mga Judio sa mga di-Judio. (Gawa 10:28) Malamang na ito ang dahilan kaya nagsugo siya ng mga kaibigan para himukin si Jesus: “Sabihin mo lang na gumaling siya at gagaling ang lingkod ko.”—Lucas 7:7.

Nang marinig iyon, namangha si Jesus at sinabi: “Sinasabi ko sa inyo, kahit sa Israel ay wala pa akong nakita na may ganito kalaking pananampalataya.” (Lucas 7:9) Pagbalik ng mga kaibigan ng senturyon sa bahay, nakita nilang magaling na ang lingkod.

Matapos maisagawa ni Jesus ang pagpapagaling, ginamit niya ang pagkakataong iyon para tiyakin sa mga nananampalatayang di-Judio na sila ay pagpapalain, at sinabi: “Marami mula sa silangan at kanluran ang darating at uupo sa mesa kasama nina Abraham at Isaac at Jacob sa Kaharian ng langit.” At ano ang mangyayari sa mga walang-pananampalatayang Judio? Sinabi ni Jesus na sila ay “itatapon sa kadiliman sa labas. Iiyak sila roon at magngangalit ang mga ngipin nila.”—Mateo 8:11, 12.

Kaya itatakwil ang mga likas na Judiong tumanggi sa pagkakataong unang inialok sa kanila na maging bahagi ng Kaharian kasama ni Kristo. Pero ang mga Gentil ay tatanggapin at pauupuin sa kaniyang mesa, wika nga, “sa Kaharian ng langit.”