Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

KABANATA 46

Gumaling Nang Hipuin ang Damit ni Jesus

Gumaling Nang Hipuin ang Damit ni Jesus

MATEO 9:18-22 MARCOS 5:21-34 LUCAS 8:40-48

  • ISANG BABAE ANG GUMALING NANG HIPUIN NIYA ANG DAMIT NI JESUS

Nabalitaan ng mga Judio sa hilagang-kanlurang baybayin ng Lawa ng Galilea ang pagbabalik ni Jesus mula sa Decapolis. Malamang na napabalita ang pagpapahupa ni Jesus ng bagyo, pati na ang pagpapagaling niya sa mga lalaking sinasapian ng demonyo. Kaya “napakaraming tao” ang nag-aabang sa tabi ng lawa, marahil sa Capernaum, para salubungin si Jesus. (Marcos 5:21) Sabik na sabik sila sa pagdating ni Jesus.

Isa sa mga sabik makita si Jesus ay si Jairo, isang punong opisyal ng sinagoga roon. Lumuhod siya sa paanan ni Jesus at paulit-ulit na nagmakaawa: “Malubha ang lagay ng anak ko. Pakiusap, sumama ka sa akin at ipatong mo ang mga kamay mo sa kaniya para gumaling siya at mabuhay.” (Marcos 5:23) Pakikinggan kaya ni Jesus si Jairo at pagagalingin ang minamahal at kaisa-isa nitong anak, na 12 anyos lang?—Lucas 8:42.

Habang papunta sa bahay ni Jairo, napaharap si Jesus sa isa pang makabagbag-damdaming tagpo. Marami sa mga taong sumama kay Jesus ang sabik na makitang maghimala siya. Pero isang babaeng sumusunod sa kanila ang walang ibang iniisip kundi ang kaniyang malubhang sakit.

Mga 12 taon nang dinudugo ang Judiong babaeng ito. Nagpatingin na siya sa maraming manggagamot, at naubos na niya ang lahat ng kaniyang pera sa pagpapagamot. Pero hindi siya gumaling. Sa halip, “lalo pa itong lumubha.”—Marcos 5:26.

Hindi lang nakapanghihina ang sakit ng babaeng ito, nakakahiya rin ito. Karaniwan nang inililihim ang ganitong sakit. Isa pa, ayon sa Kautusang Mosaiko, nagiging marumi ang isang babae sa seremonyal na paraan kapag dinudugo ito. Ang sinumang humawak sa kaniya o sa damit niyang natagusan ay kailangang maligo, at mananatiling marumi hanggang gabi.—Levitico 15:25-27.

“Nang mabalitaan [ng babae] ang tungkol kay Jesus,” hinanap nito si Jesus. Dahil itinuturing na marumi ang babae, dahan-dahan siyang nakipagsiksikan para hindi mapansin ng mga tao, na iniisip: “Mahipo ko lang kahit ang damit niya, gagaling ako.” Nang mahipo niya ang palawit ng damit ni Jesus, agad niyang naramdaman na tumigil ang kaniyang pagdurugo! “Gumaling na siya mula sa sakit na nagpapahirap sa kaniya.”—Marcos 5:27-29.

Sinabi ngayon ni Jesus: “Sino ang humipo sa akin?” Ano kaya ang nadama ng babae nang marinig niya iyon? Nagtaka si Pedro sa tanong ni Jesus, kaya sinabi nito: “Guro, napakaraming tao ang sumisiksik sa iyo.” Kaya bakit nagtanong si Jesus, “Sino ang humipo sa akin?” Ipinaliwanag ni Jesus: “May humipo sa akin dahil alam kong may kapangyarihang lumabas sa akin.” (Lucas 8:45, 46) Oo, nabawasan ang lakas ni Jesus nang gumaling ang babae.

Nang makita ng babae na hindi niya maitatago ang ginawa niya, lumuhod siya kay Jesus, takót na takót at nanginginig. Sa harap ng lahat, inamin niya ang kaniyang sakit at na siya ay napagaling. Pinakalma siya ni Jesus at sinabi: “Anak, pinagaling ka ng pananampalataya mo. Umuwi ka na at huwag nang mag-alala. Wala na ang sakit na nagpapahirap sa iyo.”—Marcos 5:34.

Maliwanag na ang pinili ng Diyos para mamahala sa lupa ay mapagmahal at maawain, na hindi lang nagmamalasakit sa mga tao kundi may kapangyarihan ding tulungan sila!