KABANATA 30
Ang Kaugnayan ni Jesus sa Kaniyang Ama
-
ANG DIYOS ANG AMA NI JESUS
-
IPINANGAKO ANG PAGKABUHAY-MULI
Nang paratangan ng ilang Judio si Jesus na nilalabag niya ang Sabbath dahil pinagaling niya ang isang lalaki, sinabi ni Jesus: “Ang Ama ko ay patuloy na gumagawa hanggang ngayon, kaya patuloy rin akong gumagawa.”—Juan 5:17.
Ang ginagawa ni Jesus ay hindi ipinagbabawal ng kautusan ng Diyos tungkol sa Sabbath. Ang pangangaral at pagpapagaling niya ay pagtulad sa mabubuting bagay na ginagawa ng Diyos. Kaya patuloy na gumagawa ng mabuti si Jesus sa araw-araw. Pero lalo lang ikinagalit ng mga Judio ang sagot niya, kaya gusto nila siyang patayin. Bakit?
Bukod sa iniisip nilang nilalabag ni Jesus ang Sabbath dahil nagpapagaling siya, nagagalit din sila dahil sinasabi ni Jesus na siya ay Anak ng Diyos. Para sa kanila, isang pamumusong na ituring niya ang Diyos na kaniyang Ama, na para bang ang pagsasabi ni Jesus na Ama niya si Jehova ay katumbas ng pagsasabing kapantay niya ang Diyos. Pero hindi takót si Jesus sa kanila. Tungkol sa espesyal na kaugnayan niya sa Diyos, sinabi pa ni Jesus sa kanila: “Mahal ng Ama ang Anak at ipinapakita Niya sa kaniya ang lahat ng bagay na ginagawa Niya.”—Juan 5:20.
Ang Ama ang Tagapagbigay-Buhay, at pinatunayan niya ito nang bigyan niya ng kapangyarihang bumuhay ng mga patay ang ilang tao. Sinabi pa ni Jesus: “Kung paanong ibinabangon ng Ama ang mga patay at binubuhay sila, binubuhay rin ng Anak ang sinumang gusto niya.” (Juan 5:21) Napakahalaga ng mga pananalitang ito dahil nagbibigay ito ng pag-asa sa hinaharap! Kahit ngayon, binubuhay ng Anak ang mga patay sa espirituwal na diwa. Sinabi ni Jesus: “Ang sinumang nakikinig sa aking salita at nananampalataya sa nagsugo sa akin ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan, at hindi siya hahatulan kundi nakabangon siya mula sa kamatayan tungo sa buhay.”—Juan 5:24.
Nang mga panahong ito, wala pang ulat na may binuhay na si Jesus mula sa mga patay, pero sinabi niya sa mga nagpaparatang sa kaniya na magkakaroon talaga ng pagkabuhay-muli ng mga patay. “Darating ang panahon,” ang sabi niya, “na ang lahat ng nasa mga libingan ay makaririnig sa tinig niya at mabubuhay silang muli.”—Juan 5:28, 29.
Sa kabila ng gagampanang papel ni Jesus, nilinaw niya na mas mababa siya sa Diyos. Sinabi niya: “Wala akong anumang magagawa sa sarili kong pagkukusa. . . . Ang gusto kong gawin ay ang kalooban ng nagsugo sa akin, hindi ang sarili kong kalooban.” (Juan 5:30) Ngayon lang sinabi ni Jesus nang hayagan ang tungkol sa napakahalagang papel niya sa layunin ng Diyos. Pero hindi lang si Jesus ang nagpapatunay sa mga bagay na ito. “Nagsugo kayo ng mga tao kay Juan [Bautista],” ang ipinaalaala ni Jesus sa kanila, “at nagpatotoo siya tungkol sa katotohanan.”—Juan 5:33.
Malamang na narinig na ng mga umaakusa kay Jesus ang sinabi ni Juan sa mga Judiong lider ng relihiyon, mga dalawang taon na ang nakalilipas, tungkol sa Isa na darating kasunod niya—ang tinatawag na “Propeta” at “Kristo.” (Juan 1:20-25) Ipinaalaala ni Jesus sa mga nag-aakusang ito na dati, malaki ang paggalang nila sa nakabilanggo ngayong si Juan. Sinabi niya: “Sa loob ng maikling panahon ay ginusto ninyong magsaya nang husto sa kaniyang liwanag.” (Juan 5:35) Pero mas dakila ang patotoo niya kaysa kay Juan Bautista.
Ang mga gawang “ginagawa ko [kasali na ang pagpapagaling sa lalaki sa paliguan] ang nagpapatotoo na ang Ama ang nagsugo sa akin.” Nagpatuloy si Jesus: “Ang Ama na nagsugo sa akin ay nagpatotoo rin tungkol sa akin.” (Juan 5:36, 37) Halimbawa, nagpatotoo ang Diyos tungkol kay Jesus noong bautismuhan siya.—Mateo 3:17.
Oo, walang dahilan ang mga umaakusa kay Jesus para hindi siya kilalanin. Ang Kasulatan na sinasabi nilang sinasaliksik nila ay nagpapatotoo tungkol sa kaniya. “Kung pinaniwalaan ninyo si Moises ay paniniwalaan ninyo ako,” ang sabi ni Jesus, “dahil sumulat siya tungkol sa akin. Pero kung hindi ninyo pinaniniwalaan ang mga isinulat niya, paano ninyo paniniwalaan ang mga sinasabi ko?”—Juan 5:46, 47.