Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

KABANATA 20

Ang Ikalawang Himala sa Cana

Ang Ikalawang Himala sa Cana

MARCOS 1:14, 15 LUCAS 4:14, 15 JUAN 4:43-54

  • IPINANGARAL NI JESUS NA “MALAPIT NA ANG KAHARIAN NG DIYOS”

  • PINAGALING NIYA ANG ISANG BATA KAHIT NASA MALAYO ITO

Matapos manatili nang dalawang araw sa Samaria, pauwi na si Jesus sa kanilang lugar. Matagal-tagal din siyang nangaral sa Judea, pero uuwi siya sa Galilea hindi para magpahinga, kundi para simulan ang isang mas malawakang ministeryo sa lugar na kinalakhan niya. Malamang na hindi siya umaasa na malugod siyang tatanggapin ng mga tagaroon, dahil gaya ng sinabi ni Jesus, “ang isang propeta ay hindi pinahahalagahan sa kaniyang sariling bayan.” (Juan 4:44) Sa halip na manatiling kasama niya, ang mga alagad niya ay nagsibalik sa kani-kanilang pamilya at mga trabaho.

Ano ang mensahe ni Jesus? Ito: “Malapit na ang Kaharian ng Diyos. Magsisi kayo at manampalataya sa mabuting balita.” (Marcos 1:15) Paano tumugon ang mga tao? Malugod na tinanggap ng maraming taga-Galilea si Jesus; iginalang nila siya. Hindi lang ito dahil sa kaniyang mensahe. Ang ilan sa mga taga-Galilea ay nagdiwang ng Paskuwa sa Jerusalem mga ilang buwan na ang nakararaan at nakita nila ang kamangha-manghang mga tanda na ginawa ni Jesus.—Juan 2:23.

Saan sinimulan ni Jesus ang kaniyang malawakang ministeryo sa Galilea? Lumilitaw na sa Cana, kung saan niya ginawang alak ang tubig sa isang handaan sa kasal noon. Pagpunta ni Jesus sa Cana sa ikalawang pagkakataon, nalaman niya ang tungkol sa isang binatilyong may malubhang sakit at naghihingalo na. Anak siya ng isang opisyal ni Herodes Antipas, ang hari na nagpapugot sa ulo ni Juan Bautista nang maglaon. Nabalitaan ng opisyal na ito na dumating si Jesus sa Cana galing sa Judea. Kaya mula sa kaniyang tahanan sa Capernaum, naglakbay ang opisyal papuntang Cana para hanapin si Jesus. Nagmakaawa kay Jesus ang nagdadalamhating opisyal: “Panginoon, sumama ka na sa akin bago pa mamatay ang anak ko.”—Juan 4:49.

Tiyak na nagtaka ang lalaki sa sagot ni Jesus: “Umuwi ka na; magaling na ang anak mo.” (Juan 4:50) Naniwala kay Jesus ang opisyal kaya umuwi na ito. Habang nasa daan pa, sinalubong na siya ng mga alipin niya, na nagmamadali para sabihin sa kaniya ang magandang balita. Oo, buháy ang anak niya at magaling na! ‘Anong oras siya gumaling?’ ang tanong niya, para mapag-ugnay-ugnay niya ang mga nangyari.

“Nawala ang lagnat niya kahapon nang ikapitong oras,” ang sagot nila.—Juan 4:52.

Naalala ng opisyal na iyon mismo ang oras nang sabihin ni Jesus, “Magaling na ang anak mo.” Dahil dito, ang lalaking ito, na mayaman at may mga alipin, ay naging alagad ni Kristo pati na ang kaniyang buong sambahayan.

Kaya dalawang beses nang gumawa ng himala si Jesus sa Cana—nang gawin niyang alak ang tubig at nang pagalingin niya ang isang bata kahit na mga 25 kilometro ang layo sa kaniya. Hindi lang ito ang mga himala ni Jesus, pero napakahalaga ng pagpapagaling na ito sa pagbalik niya sa Galilea dahil ipinakikita nito na isa siyang propeta ng Diyos. Pero hanggang kailan ‘pahahalagahan ang isang propeta sa kaniyang sariling bayan’?

Malalaman natin iyan ngayong pauwi na si Jesus sa Nazaret. Ano kaya ang naghihintay sa kaniya roon?