KABANATA 9
“Humayo Kayo at Gumawa ng mga Alagad”
1-3. (a) Ano ang gagawin ng isang magsasaka kapag marami siyang aanihin at mag-isa lang siya? (b) Anong hamon ang napaharap kay Jesus noong tagsibol ng 33 C.E., at ano ang ginawa niya?
MAY malaking problema ang isang magsasaka. Mga ilang buwan na mula nang araruhin niya ang bukid niya at magtanim ng binhi. Masaya siyang nang tumubo na ang mga ito at unti-unting lumaki. At ngayon, nagbubunga na ang mga pagsisikap niya dahil panahon na ng pag-aani. Pero may malaking problema: Napakarami niyang aanihin, at hindi niya ito kakayaning mag-isa. Ano kaya ang gagawin niya? Naisip niyang umupa ng mga trabahador na tutulong sa bukirin niya. Alam niya kasi na maikli lang ang panahon para sa pag-aani.
2 Nang buhayin si Jesus noong tagsibol ng 33 C.E., napaharap din siya sa ganiyang problema. Noong nangangaral siya sa lupa, parang nagtatanim siya ng binhi ng katotohanan. At ngayong panahon na ng pag-aani, napakaraming kailangang anihin. Kailangang tipunin bilang mga alagad ang napakaraming nakinig sa mensahe. (Juan 4:35-38) Ano ang ginawa ni Jesus? Bago siya umakyat sa langit mula sa isang bundok sa Galilea, inatasan niya ang mga alagad niya na humanap ng mas marami pang manggagawa: “Humayo kayo at gumawa ng mga alagad mula sa mga tao ng lahat ng bansa, na binabautismuhan sila . . . , at itinuturo sa kanila na tuparin ang lahat ng iniutos ko sa inyo.”—Mateo 28:19, 20.
3 Kapag sinunod ng isa ang utos na iyan, tunay na tagasunod siya ni Jesus. Kaya pag-usapan natin ang tatlong tanong. Bakit inatasan ni Jesus ang mga alagad niya na humanap ng mas marami pang manggagawa? Paano niya sila sinanay? Ano ang ibig sabihin ng atas na iyan para sa atin ngayon?
Kung Bakit Kailangan ng Mas Marami Pang Manggagawa
4, 5. Bakit hindi matatapos ni Jesus ang gawaing sinimulan niya? Sino ang magpapatuloy sa gawaing iyan pagbalik niya sa langit?
4 Nang simulan ni Jesus ang ministeryo niya noong 29 C.E., alam niyang hindi niya matatapos ang gawaing iyon. Hindi siya nagtagal sa lupa kaya kaunting lugar lang ang napuntahan niya at hindi niya napangaralan ang lahat ng tao. Nagpokus siya sa pangangaral sa mga Judio at proselita, ang “nawawalang mga tupa ng sambahayan ng Israel.” (Mateo 15:24) Nasa iba’t ibang lugar sila sa buong Israel, na libo-libong kilometro ang lawak. Pero kailangan ding mapangaralan ng mabuting balita ang iba pang bahagi ng mundo.—Mateo 13:38; 24:14.
5 Alam ni Jesus na marami pang kailangang gawin kapag namatay na siya. Sinabi niya sa 11 tapat na apostol: “Tinitiyak ko sa inyo, ang nananampalataya sa akin ay gagawa rin ng mga ginagawa ko; at ang mga gagawin niya ay makahihigit sa mga ito, dahil ako ay pupunta sa Ama.” (Juan 14:12) Babalik na sa langit ang Anak, kaya kailangan ituloy ng mga tagasunod niya, pati na ng mga magiging alagad sa hinaharap, ang gawaing pangangaral at pagtuturo. (Juan 17:20) Kinilala ni Jesus na “makahihigit” sa mga ginawa niya ang gagawin nila. Tingnan natin ang tatlong dahilan kung bakit niya nasabi iyan.
6, 7. (a) Sa ano-anong paraan makahihigit sa mga ginawa ni Jesus ang gagawin ng mga tagasunod niya? (b) Paano natin maipapakitang hindi nagkamali si Jesus sa pagtitiwala niya sa mga tagasunod niya?
6 Una, mas malawak ang teritoryong mapapangaralan ng mga tagasunod ni Jesus. Nangangaral sila ngayon sa buong mundo, na mas malaking teritoryo kaysa sa pinangaralan ni Jesus. Ikalawa, mas marami silang mapapangaralan. Mabilis na dumami ang maliit na grupo ng mga alagad na sinanay ni Jesus. (Gawa 2:41; 4:4) Milyon-milyon na sila ngayon, at daan-daang libo ang nababautismuhan bawat taon. Ikatlo, mas marami silang panahon sa pangangaral. Tatlo at kalahating taon lang nangaral si Jesus. Halos 2,000 taon na mula noon, pero nangangaral pa rin ang mga alagad niya hanggang ngayon.
7 Ipinakita ni Jesus na nagtitiwala siya sa mga tagasunod niya nang sabihin niya na gagawa sila ng mga bagay na ‘nakahihigit sa mga ito.’ Ipinagkatiwala niya sa kanila ang napakahalagang gawain ng pangangaral at pagtuturo ng “mabuting balita ng Kaharian ng Diyos.” (Lucas 4:43) Sigurado siyang patuloy nilang gagawin ang atas na iyan. Ano ang ibig sabihin nito sa atin ngayon? Kapag masigasig at buong-puso tayo sa ministeryo natin, ipinapakita nating hindi nagkamali si Jesus sa pagtitiwala sa mga tagasunod niya. Napakaganda ngang pribilehiyo iyan!—Lucas 13:24.
Sinanay Para Mangaral
8, 9. Anong halimbawa sa ministeryo ang ipinakita ni Jesus, at paano natin siya matutularan?
8 Sinanay ni Jesus sa ministeryo ang mga alagad niya sa pinakamahusay na paraan. Paano? Nagpakita siya ng pinakamagandang halimbawa sa kanila. (Lucas 6:40) Sa naunang kabanata, tinalakay natin ang saloobin niya sa ministeryo. Ano naman ang naobserbahan ng mga alagad ni Jesus na nakasama niya sa pangangaral? Nakita nila na nangangaral siya kung saan may tao—sa tabi ng lawa, dalisdis ng mga burol, mga lunsod, pamilihan, at bahay. (Mateo 5:1, 2; Lucas 5:1-3; 8:1; 19:5, 6) Nakita rin nila ang kasipagan niya, kasi maaga siyang gumigising at nangangaral hanggang gabi. Napakahalaga ng ministeryo para kay Jesus! (Lucas 21:37, 38; Juan 5:17) Siguradong nakita ng mga alagad kung gaano kamahal ni Jesus ang mga tao. Nakita rin nila na talagang naawa siya sa kanila. (Marcos 6:34) Ano kaya ang naging epekto nito sa mga alagad niya? Kung kasama ka ni Jesus noon, paano ka kaya naapektuhan?
9 Bilang mga tagasunod ni Kristo, tinutularan natin ang halimbawa niya sa ministeryo. Wala tayong pinapalampas na pagkakataon para “lubusang magpatotoo.” (Gawa 10:42) Gaya ni Jesus, pinupuntahan natin ang mga tao sa bahay nila. (Gawa 5:42) Handa nating baguhin ang iskedyul natin kung kailangan para mapuntahan sila sa panahong posibleng nasa bahay sila. Maingat tayong nangangaral sa mga tao sa pampublikong lugar, gaya ng mga lansangan, parke, tindahan, at lugar ng trabaho. Patuloy tayong ‘nagsisikap nang husto at nagpapakapagod’ sa ministeryo dahil napakahalaga ng gawaing ito. (1 Timoteo 4:10) Dahil mahal na mahal natin ang mga tao, lagi tayong humahanap ng mga pagkakataon para mangaral sa kanila.—1 Tesalonica 2:8.
10-12. Anong mahahalagang aral ang itinuro ni Jesus sa mga alagad bago niya sila isugo para mangaral?
10 Ang isa pang paraan ng pagsasanay ni Jesus sa mga alagad niya ay nang bigyan niya sila ng detalyadong mga tagubilin. Bago niya isugo ang 12 apostol at 70 alagad para mangaral, tinipon niya sila para sanayin. (Mateo 10:1-15; Lucas 10:1-12) Maganda ang naging resulta nito. Mababasa natin sa Lucas 10:17: “Masayang bumalik ang 70.” Iba na ang sitwasyon natin sa sitwasyon ng mga alagad noon, pero may mahahalagang aral pa rin tayong matututuhan sa kanila. Talakayin natin ang dalawa sa mga ito.
11 Tinuruan ni Jesus ang mga alagad niya na magtiwala kay Jehova. Sinabi niya: “Huwag kayong magdala ng ginto, o pilak, o tanso, o ng lalagyan ng pagkain para sa paglalakbay, o ekstrang damit, o sandalyas, o tungkod, dahil ang mga manggagawa ay karapat-dapat tumanggap ng pagkain.” (Mateo 10:9, 10) Nakaugalian na ng mga naglalakbay na magdala ng sinturon na mapaglalagyan ng pera, lalagyan ng pagkain, at ekstrang sandalyas. a Nang sabihin ni Jesus sa mga alagad niya na huwag mag-alala tungkol sa mga ito, parang sinasabi niya: “Magtiwala kayo kay Jehova dahil ibibigay niya ang lahat ng kailangan ninyo.” Gagamitin ni Jehova ang mga tumanggap ng mabuting balita na maging mapagpatuloy, isang kaugalian sa Israel.—Lucas 22:35.
12 Tinuruan din ni Jesus ang mga alagad niya na umiwas na magambala ng anumang bagay na hindi naman talaga mahalaga. Sinabi niya: “Huwag ninyong batiin ang sinuman sa daan.” (Lucas 10:4) Sinasabihan ba sila ni Jesus na huwag maging palakaibigan? Hindi naman. Noong panahon ni Jesus, hindi lang basta nagbabatian ang mga taong nagkikita sa daan. Madalas nang mahaba ang pag-uusap nila. Sinasabi ng isang iskolar ng Bibliya: “Ang mga pagbati ng mga taga-Silangan ay naiiba kaysa sa atin na bahagyang yumuyukod, o nakikipagkamay. Sa halip, nagbabatian sila sa pamamagitan ng maraming ulit na pagyakap, pagyukod, at pagpapatirapa pa nga. Ang lahat ng ito ay umuubos ng maraming panahon.” Nang sabihin ni Jesus sa mga alagad niya na huwag nang gawin ang ganitong pagbati, para na rin niyang sinabi: “Huwag n’yong sayangin ang panahon n’yo, kasi kailangan n’yong sabihin agad ang dala n’yong mensahe.” b
13. Paano natin maipapakitang sinusunod natin ang mga tagubiling ibinigay ni Jesus sa mga alagad niya noong unang siglo?
13 Alam nating mahalagang sundin ang mga tagubiling ibinigay ni Jesus sa mga alagad niya noong unang siglo. Nagtitiwala tayong tutulungan tayo ni Jehova para magawa ang ministeryo natin. (Kawikaan 3:5, 6) Alam nating ibibigay niya ang lahat ng pangunahing pangangailangan natin kung ‘patuloy nating uunahin ang Kaharian.’ (Mateo 6:33) Kitang-kita natin sa karanasan ng mga nasa buong-panahong paglilingkod na hindi sila pinapabayaan ni Jehova kahit sa mahihirap na sitwasyon. (Awit 37:25) Alam din nating dapat tayong umiwas sa mga pang-abala kasi kung hindi, mawawala ang pokus natin. (Lucas 21:34-36) Kailangan nating magpokus kasi buhay ang nakataya at kailangan nating sabihin agad ang mensahe. (Roma 10:13-15) Kung lagi nating iisipin iyan, maiiwasan natin ang mga pang-abala para hindi masayang ang oras at lakas natin na magagamit sana sa ministeryo. Tandaan na napakaikli na lang ng panahon at marami pa ang aanihin.—Mateo 9:37, 38.
Ibinigay Rin sa Atin ang Atas na Ito
14. Ano ang nagpapakitang ibinigay sa lahat ng tagasunod ni Kristo ang atas sa Mateo 28:18-20? (Tingnan din ang talababa.)
14 Mabigat na pananagutan ang ibinigay ni Jesus sa mga tagasunod niya nang sabihin niyang “humayo kayo at gumawa ng mga alagad.” Hindi lang ang mga alagad na nasa bundok sa Galilea noong panahong iyon ang nasa isip ni Jesus. c Sinabi ni Jesus na dapat mapangaralan ang “mga tao ng lahat ng bansa . . . hanggang sa katapusan ng sistemang ito.” Malinaw na ibinigay ang atas na ito sa lahat ng tagasunod ni Kristo, pati na sa atin ngayon. Suriin nating mabuti ang mga salita ni Jesus sa Mateo 28:18-20.
15. Bakit isang katalinuhan na sumunod tayo sa utos ni Jesus na gumawa ng mga alagad?
15 Bago ibigay ni Jesus ang atas, sinabi niya: “Ang lahat ng awtoridad ay ibinigay na sa akin sa langit at sa lupa.” (Talata 18) Talaga bang ganoon kalaki ang awtoridad ni Jesus? Oo! Siya ang arkanghel na nag-uutos sa napakaraming anghel. (1 Tesalonica 4:16; Apocalipsis 12:7) Dahil siya ang “ulo ng kongregasyon,” may awtoridad siya sa mga tagasunod niya dito sa lupa. (Efeso 5:23) Namamahala na siya mula 1914 bilang Mesiyanikong Hari sa langit. (Apocalipsis 11:15) May awtoridad din siya sa libingan, dahil may kapangyarihan siyang buhaying muli ang mga patay. (Juan 5:26-28) Nang banggitin ni Jesus ang awtoridad niya, gusto niyang ipakita na ang susunod na sasabihin niya ay hindi mungkahi kundi isang utos. Isang katalinuhan na sumunod tayo dahil mula sa Diyos ang awtoridad niya.—1 Corinto 15:27.
16. Ano ang ibig sabihin ni Jesus nang sabihin niya na “humayo kayo,” at paano natin iyan ginagawa?
16 Nang ibigay ni Jesus ang atas, sinimulan niya ito sa mga salitang: “Humayo kayo.” (Talata 19) Gusto niyang magkusa tayo na sabihin sa iba ang mensahe ng Kaharian. Maraming paraan para magawa iyan. Ang pangangaral sa bahay-bahay ang isa sa pinakaepektibong paraan para makausap ang mga tao. (Gawa 20:20) Nagpapatotoo din tayo nang di-pormal; gusto nating sabihin sa iba ang mabuting balita hangga’t posible. May iba pang paraan sa pangangaral, depende sa kalagayan at lugar natin. Pero may isang bagay na hindi magbabago: ‘Humahayo tayo’ at hinahanap ang mga karapat-dapat.—Mateo 10:11.
17. Paano tayo ‘gumagawa ng mga alagad’?
17 Ipinaliwanag din ni Jesus ang layunin ng atas na “gumawa ng mga alagad mula sa mga tao ng lahat ng bansa.” (Talata 19) Paano tayo ‘gumagawa ng mga alagad’? Ang alagad ay isa na nag-aaral o tinuturuan. Pero hindi lang pagsasabi ng impormasyon ang paggawa ng alagad. Kapag bina-Bible study natin ang mga interesado, gusto natin silang tulungan na maging tagasunod ni Kristo. Kapag posible, ginagamit natin ang halimbawa ni Jesus para kilalanin siya ng mga estudyante natin bilang Guro at Huwaran. Makakatulong ito para matularan nila ang paraan ng pamumuhay niya at gawin ang mga ginawa niya.—Juan 13:15.
18. Bakit bautismo ang pinakamahalagang pangyayari sa buhay ng isang alagad?
18 Ganito pa ang sinabi tungkol sa napakahalagang atas na iyon: “Binabautismuhan sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng banal na espiritu.” (Talata 19) Bautismo ang pinakamahalagang pangyayari sa buhay ng isang alagad. Ipinapakita kasi nitong inialay na niya ang sarili niya sa Diyos. Napakahalaga nito para maligtas. (1 Pedro 3:21) Kung patuloy na gagawin ng bautisadong alagad ang buong makakaya niya sa paglilingkod kay Jehova, makakaasa siyang tatanggap siya ng walang-hanggang pagpapala sa bagong sanlibutan. May natulungan ka na bang maging alagad ni Kristo at mabautismuhan? Kung oo, wala nang mas sasaya pa rito!—3 Juan 4.
19. Ano ang itinuturo natin sa mga baguhan, at bakit kailangan pa rin natin silang turuan pagkatapos ng bautismo nila?
19 Ipinaliwanag ni Jesus ang sumunod na bahagi ng atas: “Itinuturo sa kanila na tuparin ang lahat ng iniutos ko sa inyo.” (Talata 20) Tinuturuan natin ang mga baguhan na sundin ang mga utos ni Jesus, kasama na ang utos na ibigin ang Diyos at kapuwa, at gumawa ng mga alagad. (Mateo 22:37-39) Unti-unti nating itinuturo ang mga katotohanan sa Bibliya at kung paano nila ipagtatanggol ang paniniwala nila. Kapag kuwalipikado na silang mangaral, sinasamahan natin sila, at tinuturuan natin sila sa salita at halimbawa kung paano magiging mabunga sa gawaing ito. Hindi natatapos sa bautismo ng mga alagad ang pagtuturo natin sa kanila. Kailangan pa silang turuan para makayanan nila ang mga hamon sa pagsunod kay Kristo.—Lucas 9:23, 24.
“Makakasama Ninyo Ako sa Lahat ng Araw”
20, 21. (a) Bakit hindi tayo dapat matakot kapag ginagawa natin ang iniatas ni Jesus? (b) Bakit hindi ito ang panahon para magmabagal tayo sa atas na ito, at ano ang dapat na maging determinasyon natin?
20 Talagang nakakapagpatibay ang huling sinabi ni Jesus: “At makakasama ninyo ako sa lahat ng araw hanggang sa katapusan ng sistemang ito.” (Mateo 28:20) Alam ni Jesus na napakahalaga ng atas na ito. Alam din niyang puwedeng pag-usigin ang mga tutupad sa atas na ito. (Lucas 21:12) Pero hindi tayo dapat matakot. Alam ng Lider natin na hindi natin magagawa ang atas na ito nang wala ang tulong niya. Talagang nakakapagpatibay na kasama natin sa atas na ito ang Isa na may “awtoridad . . . sa langit at sa lupa.”
21 Tiniyak ni Jesus sa mga alagad niya na makakasama nila siya sa ministeryo hanggang sa “katapusan ng sistemang ito.” Hanggang sa panahong iyon, dapat na patuloy nating gawin ang iniatas ni Jesus. Hindi ito ang panahon para magmabagal tayo sa atas na ito. Panahon ngayon ng isang malaking espirituwal na pag-aani at marami ang tumutugon. Bilang mga tagasunod ni Kristo, dapat na maging determinado tayong gawin ang napakahalagang atas na ipinagkatiwala sa atin. Gamitin natin ang panahon, lakas, at pag-aari natin para gawin ang iniutos ni Kristo: “Humayo kayo at gumawa ng mga alagad.”
a Ang sinturon na mapaglalagyan ng pera ay may bulsa para sa mga barya. Mas malaki naman dito ang lalagyan ng pagkain. Karaniwan nang gawa ito sa balat na isinasabit sa balikat at pinaglalagyan ng pagkain o ng iba pang bagay.
b Halos ganiyan din ang ibinigay na tagubilin ni propeta Eliseo sa lingkod niyang si Gehazi. Nang isugo niya ito sa bahay ng isang babaeng namatayan ng anak, sinabi ni Eliseo: “Kung may makasalubong ka, huwag mong batiin.” (2 Hari 4:29) Apurahan ang atas na ito at kailangang magawa agad.
c Dahil nasa Galilea ang karamihan sa mga tagasunod ni Kristo, malamang na iyon ang pagkakataong tinutukoy sa Mateo 28:16-20 kung saan nagpakita ang binuhay-muling si Jesus sa “mahigit 500.” (1 Corinto 15:6) Kaya malamang na daan-daan ang naroon nang ibigay ni Jesus ang atas na gumawa ng mga alagad.