Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Jerome

Jerome

(mga 347–mga 420 C.E.) Iskolar ng Bibliya, pari, at lider ng monasteryo. Sekretarya rin siya ni Pope Damasus sa Roma sa loob ng tatlong taon. Ang pangalang Latin ni Jerome ay Eusebius Hieronymus; ipinanganak siya sa Stridon, sa Romanong lalawigan ng Dalmatia.

Nakilala si Jerome dahil sa kaniyang salin ng Bibliya. Sa saling Vulgate, gumamit siya ng klase ng wikang Latin na karaniwang ginagamit noon, kaya madali itong maintindihan ng ordinaryong mga tao sa Kanlurang Imperyo ng Roma. Ang Vulgate ay hindi lang basta rebisyon ng mga naunang salin sa Latin. Direktang nagsalin si Jerome mula sa orihinal na mga wika na Hebreo at Griego at mula rin sa Griegong Septuagint. Sa huling 34 na taon ng buhay niya, nanirahan siya sa Betlehem, malapit sa Jerusalem. Doon, pinamunuan niya ang isang monasteryo, pinag-aralan pang mabuti ang wikang Hebreo, at tinapos ang kaniyang salin ng Hebreong Kasulatan. Mababasa sa kaniyang salin ang apokripal na mga aklat, na kasama rin sa mga kopya ng Septuagint noong panahon niya. Pero malinaw na ipinakita ni Jerome kung alin sa mga aklat ang kanonikal at hindi.

Sa pagsasaliksik ni Jerome, natuklasan niyang sa ilang manuskritong Griego na mayroon siya, mababasa ang pangalan ng Diyos sa Tetragrammaton. Pero para kay Jerome, ang pangalang ito ay isa lang sa mga itinuturing niyang 10 pangalan ng Diyos, at kasama sa mga pangalang iyon ang mga titulo ng Diyos. Sa kaniyang salin, ipinalit niya sa pangalan ng Diyos ang dalawa sa mga titulong iyon—Panginoon at Diyos.