Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

May Kamaliang Inaangkin ng mga Demonyo na Buháy ang mga Patay

May Kamaliang Inaangkin ng mga Demonyo na Buháy ang mga Patay

Binabanggit ng Bibliya na si Satanas ay “dumadaya sa buong tinatahanang lupa.” (Apocalipsis 12:9) Ayaw ni Satanas at ng kaniyang mga demonyo na maniwala tayo sa Salita ng Diyos, ang Bibliya. Sinisikap nilang ipapaniwala sa mga tao na ang mga patay ay nabubuhay saan man sa dako ng mga espiritu. Tingnan natin kung papaano nila ginagawa iyon.

Huwad na Relihiyon

Maraming relihiyon ang nagtuturo na ang bawat tao ay may kaluluwa na nagtutungo sa dako ng mga espiritu pagkamatay ng pisikal na katawan. Sinasabi nila na ang katawan ay namamatay ngunit ang kaluluwa ay hindi namamatay. Bukod doon, kanilang iginigiit na ang kaluluwa ay hindi maaaring mamatay, na ito ay imortal.

Ngunit hindi iyon itinuturo ng Salita ng Diyos. Ipinakikita ng Bibliya na ang kaluluwa ay ang tao, hindi isang bagay na nasa loob ng tao. Halimbawa, sa paglalarawan sa paglalang kay Adan, sinasabi ng Bibliya: “At nagpatuloy ang Diyos na Jehova na anyuan ang tao mula sa alabok ng lupa at hingahan ang kaniyang mga butas ng ilong ng hininga ng buhay, at ang tao ay naging isang kaluluwang buháy.” (Genesis 2:7) Kaya si Adan ay hindi binigyan ng kaluluwa; siya ay kaluluwa.

Ang mga hayop din ay tinatawag na kaluluwa.—Genesis 1:20, 21, 24, 30.

Yamang ang salitang “kaluluwa” sa Bibliya ay nangangahulugang ang tao mismo, hindi natin dapat ipagtaka na malaman na ang mga kaluluwa ay maaari at talagang namamatay. Ang Kasulatan ay nagsasabi:

  • “Ang kaluluwa na nagkakasala—ito mismo ay mamamatay.Ezekiel 18:4.

  • “At sinabi ni Samson: ‘Mamatay nawa ang aking kaluluwa kasama ng mga Filisteo.’”—Hukom 16:30.

  • “Makatuwiran baga ang gumawa ng magaling sa araw ng sabbath o ang gumawa ng masama, magligtas o pumatay ng isang kaluluwa?”—Marcos 3:4.

Ipinakikita ng iba pang kasulatan na ang kaluluwa ay maaaring puksain (Genesis 17:14), paslangin sa pamamagitan ng tabak (Josue 10:37), sagkaán ang paghinga (Job 7:15), at lunurin (Jonas 2:5). Kaya, ang kaluluwa ay namamatay.

Kung babasahin mo ang Bibliya mula sa umpisa hanggang sa dulo, hindi mo masusumpungan ang pariralang “walang-kamatayang kaluluwa.” Ang kaluluwang tao ay hindi isang espiritu. Ang turo hinggil sa walang-kamatayang kaluluwa ay hindi turo ng Bibliya. Ito ay turo ni Satanas at ng kaniyang mga demonyo. Kinapopootan ni Jehova ang lahat ng relihiyosong kasinungalingan.Kawikaan 6:16-19; 1 Timoteo 4:1, 2.

“Medium” ng mga Espiritu

Ang isa pang paraan na ginagamit ni Satanas upang iligaw ang mga tao ay sa pamamagitan ng mga medium. Ang medium ay isang tao na nakatatanggap ng tuwirang mga mensahe mula sa daigdig ng mga espiritu. Lubhang maraming tao, pati mismo ang mga medium, ang naniniwala na ang mga mensaheng ito ay nagmumula sa espiritu ng mga patay. Ngunit gaya ng nakita na natin mula sa Bibliya, ito ay imposible.—Eclesiastes 9:5, 6, 10.

Kanino kaya galing ang mga mensaheng ito? Sa mga demonyo mismo! Naoobserbahan ng mga demonyo ang isang tao habang siya ay nabubuhay; alam nila kung paano siya magsalita, kung ano ang kaniyang hitsura, ano ang kaniyang ginawa, at kung ano ang kaniyang nalalaman. Kaya madali para sa kanila na gayahin ang mga taong namatay. —1 Samuel 28:3-19.

Huwad na mga Kuwento

Isa pang paraan ng pagpapalaganap ni Satanas ng kasinungalingan hinggil sa mga patay ay sa pamamagitan ng huwad na mga kuwento. Kadalasang itinatalikod ng gayong mga kuwento ang mga tao mula sa katotohanan sa Bibliya.—2 Timoteo 4:4.

Sa Aprika maraming salaysay tungkol sa mga tao na nakitang buháy pagkaraan na sila’y mamatay. Karaniwan na, ang gayong mga pagpapakita ay nangyayari malayo sa kung saan nakatira ang taong iyon. Ngunit tanungin ang inyong sarili: ‘Makatuwiran ba na kung ang taong iyon ay may kapangyarihang bumalik mula sa mga patay, siya ay babalik sa isang dako na malayo sa kaniyang pamilya at mga kaibigan?’

At, hindi kaya ang taong nakita ay kamukha lamang ng taong namatay? Halimbawa, dalawang ministrong Kristiyano na nangangaral sa kabukiran ang nakapansin na may isang matandang lalaki na sumusunod sa kanila may ilang oras na. Nang tanungin nila siya, nalaman nilang inaakala pala ng lalaki na ang isa sa mga ministro ay ang kaniyang kapatid na mga ilang taon nang namatay. Siyempre pa, siya ay mali, pero tumanggi siyang maniwalang siya’y mali. Gunigunihin ang kuwento na maglaon ay inilahad ng matandang lalaking iyon sa kaniyang mga kaibigan at kapitbahay!

Mga Pangitain, Panaginip, at mga Tinig

Walang alinlangang may nalalaman kayo tungkol sa kakatwang mga bagay na nakita, narinig, o napanaginipan ng mga tao. Ang gayong sobrenatural na mga karanasan ay kadalasang tumatakot sa mga nakararanas niyaon. Si Marein, na naninirahan sa Kanlurang Aprika, ay palaging nakaririnig ng tinig ng kaniyang yumaong lola na tumatawag sa kaniya sa gabi. Sa takot, si Marein ay sumisigaw, at nagigising ang buong sambahayan niya. Sa wakas, siya ay nabaliw.

Ngayon, kung ang patay ay talagang buháy, makatuwiran bang takutin nila ang kanilang mga mahal sa buhay? Hindi nga. Ang pinagmumulan ng gayong nakasasakit na mensahe ay ang mga demonyo.

Ngunit papaano naman ang mga mensaheng tila nakatutulong at nakaaaliw? Halimbawa, si Gbassay, na taga-Sierra Leone, ay may sakit. Napanaginipan niyang ang kaniyang yumaong ama ay nagpakita sa kaniya. Tinagubilinan siya ng kaniyang ama na pumunta sa isang punungkahoy, kumuha ng dahon, ihalo ito sa tubig, at inumin ito. Hindi siya makikipag-usap sa kanino man bago niya gawin iyon. Ginawa niya ito at siya’y gumaling.

Isang babae ang nagsabi na ang kaniyang asawa ay nagpakita sa kaniya isang gabi pagkamatay niya. Sabi niya ay napakagara ng hitsura ng asawa niya at nakadamit ng maganda.

Ang gayong mga mensahe at pangitain ay waring mabuti at nakatutulong. Mula ba sa Diyos ang mga iyon? Hindi, hindi nga. Si Jehova “ang Diyos ng katotohanan.” (Awit 31:5) Kailanman ay hindi siya sasang-ayon na dayain o linlangin tayo. Ang mga demonyo lamang ang gumagawa niyaon.

Ngunit mayroon bang mabubuting demonyo? Wala. Kahit na kung minsan ay waring nakatutulong sila, silang lahat ay masasama. Nang nakipag-usap ang Diyablo kay Eva, siya ay tila palakaibigan. (Genesis 3:1) Ngunit ano ang naging resulta sa kaniya matapos na makinig siya kay Satanas at gawin ang sinabi niya? Siya ay namatay.

Alam ninyong pangkaraniwan sa isang masamang tao na maging palakaibigan sa mga ibig niyang linlangin at dayain. “Maputing ngipin, maitim na puso,” sabi ng isang kawikaang Aprikano. At binabanggit ng Salita ng Diyos: “Si Satanas man ay patuloy na nagkukunwaring anghel ng liwanag.”—2 Corinto 11:14.

Hindi na nakikipag-ugnayan ang Diyos sa mga tao sa lupa sa pamamagitan ng mga panaginip, pangitain, o mga tinig mula sa daigdig ng mga espiritu. Pinapatnubayan at tinuturuan niya sila sa pamamagitan ng Bibliya, na magpapangyari sa isang tao na “lubusang nasasangkapan para sa bawat mabuting gawa.”—2 Timoteo 3:17.

Kaya, kapag tayo ay binabalaan ni Jehova laban sa mga pandaraya ng Diyablo, ginagawa niya iyon dahil mahal niya tayo. Alam niyang ang mga demonyo ay mapanganib na mga kaaway.