Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

APENDISE

Kung Bakit Hindi Gumagamit ng Krus sa Pagsamba ang Tunay na mga Kristiyano

Kung Bakit Hindi Gumagamit ng Krus sa Pagsamba ang Tunay na mga Kristiyano

ANG krus ay kinagigiliwan at iginagalang ng milyun-milyong tao. Tinatawag ng The Encyclopædia Britannica ang krus na “pangunahing simbolo ng relihiyong Kristiyano.” Magkagayunman, hindi gumagamit ng krus sa pagsamba ang tunay na mga Kristiyano. Bakit hindi?

Ang isang mahalagang dahilan ay sapagkat hindi sa krus namatay si Jesu-Kristo. Ang salitang Griego na karaniwan nang isinasaling “krus” ay stau·rosʹ. Ito ay pangunahin nang nangangahulugang “isang tuwid na haligi o tulos.” Ganito ang sabi ng The Companion Bible: “Ang [stau·rosʹ] ay hindi kailanman nangangahulugan ng dalawang piraso ng kahoy na pinagkrus sa anumang anggulo . . . Walang anumang nakaulat sa wikang Griego ng [Bagong Tipan] na nagpapahiwatig man lamang ng dalawang piraso ng kahoy.”

Sa ilang teksto, gumamit ang mga manunulat ng Bibliya ng ibang salita para sa instrumento ng kamatayan ni Jesus. Ito ay ang salitang Griego na xyʹlon. (Gawa 5:30; 10:39; 13:29; Galacia 3:13; 1 Pedro 2:24) Ang salitang ito ay nangangahulugan lamang ng “kahoy” o “isang patpat, pamalo, o punungkahoy.”

Sa pagpapaliwanag kung bakit isang simpleng tulos ang kadalasang ginagamit sa mga pagbitay, ganito ang sabi ng aklat na Das Kreuz und die Kreuzigung (Ang Krus at ang Pagpapako sa Krus), ni Hermann Fulda: “Walang makukuhang mga punungkahoy sa mga lugar na pinili para sa pangmadlang pagbitay. Kaya ibinabaon sa lupa ang isang simpleng poste. Dito itinatali o ipinapako ang mga kriminal, na nakataas ang kanilang mga kamay at kadalasan pati ang kanilang mga paa ay nakatali rin o nakapako sa ibaba.”

Gayunman, ang pinakanakakukumbinsing patotoo sa lahat ay nagmumula sa Salita ng Diyos. Ganito ang sabi ni apostol Pablo: “Sa pamamagitan ng pagbili ay pinalaya tayo ni Kristo mula sa sumpa ng Kautusan sa pamamagitan ng pagiging isang sumpa na kapalit natin, sapagkat nasusulat: ‘Isinumpa ang bawat tao na nakabayubay sa tulos [“punong kahoy,” Ang Biblia].’ ” (Galacia 3:13) Dito ay sinipi ni Pablo ang Deuteronomio 21:22, 23, na maliwanag na tumutukoy sa isang tulos at hindi sa isang krus. Yamang nagiging “sumpa” ang isang tao na pinatay sa gayong paraan, hindi magiging angkop para sa mga Kristiyano na gawing dekorasyon sa kanilang mga tahanan ang mga imahen ni Kristo na nakabayubay.

Sa unang 300 taon pagkamatay ni Kristo, walang patotoo na gumamit ng krus sa pagsamba ang nag-aangking mga Kristiyano. Gayunman, noong ikaapat na siglo, ang paganong si Emperador Constantino ay nakumberte sa apostatang Kristiyanismo at itinaguyod niya ang krus bilang simbolo nito. Anuman ang motibo ni Constantino, walang kinalaman ang krus kay Jesu-Kristo. Sa katunayan, pagano ang pinagmulan ng krus. Ganito ang pag-amin ng New Catholic Encyclopedia: “Ang krus ay masusumpungan kapuwa sa mga kultura bago ang panahong Kristiyano at sa mga kulturang di-Kristiyano.” Iniuugnay ng iba pang mga awtoridad ang krus sa pagsamba sa kalikasan at sa paganong mga ritwal sa sekso.

Kung gayon, bakit itinataguyod ang paganong simbolo na ito? Maliwanag na ito ay upang maging mas madali sa mga pagano na tanggapin ang “Kristiyanismo.” Magkagayunman, ang debosyon sa anumang paganong simbolo ay maliwanag na hinahatulan ng Bibliya. (2 Corinto 6:14-18) Ipinagbabawal din ng Kasulatan ang lahat ng anyo ng idolatriya. (Exodo 20:4, 5; 1 Corinto 10:14) Kung gayon, may napakatibay na dahilan ang tunay na mga Kristiyano para hindi gumamit ng krus sa pagsamba. *

^ par. 5 Para sa mas detalyadong pagtalakay sa krus, tingnan ang pahina 122-6 ng aklat na Nangangatuwiran Mula sa Kasulatan, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.