Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

APENDISE

Ang Hapunan ng Panginoon—Isang Pagdiriwang na Nagpaparangal sa Diyos

Ang Hapunan ng Panginoon—Isang Pagdiriwang na Nagpaparangal sa Diyos

INUTUSAN ang mga Kristiyano na ipagdiwang ang Memoryal ng kamatayan ni Kristo. Ang pagdiriwang na ito ay tinatawag ding “ang hapunan ng Panginoon.” (1 Corinto 11:20) Bakit ba napakahalaga nito? Kailan at paano ito dapat ipagdiwang?

Pinasimulan ni Jesu-Kristo ang pagdiriwang na ito nang gabi ng Paskuwa ng mga Judio noong 33 C.E. Ang Paskuwa ay isang pagdiriwang na ginaganap minsan lamang sa isang taon, tuwing ika-14 na araw ng buwan ng Nisan ng mga Judio. Upang makalkula ang petsang iyan, maliwanag na hinihintay ng mga Judio ang spring equinox. Ito ang araw na may humigit-kumulang sa 12 oras ng liwanag at 12 oras ng kadiliman. Ang unang makikitang bagong buwan na pinakamalapit sa spring equinox ang nagtatakda ng pagpapasimula ng Nisan. Ang Paskuwa ay ipinagdiriwang 14 na araw pagkatapos nito, pagkalubog ng araw.

Ipinagdiwang ni Jesus ang Paskuwa kasama ang kaniyang mga apostol, pinaalis si Judas Iscariote, at pagkatapos ay pinasimulan ang Hapunan ng Panginoon. Hinalinhan ng hapunang ito ang Paskuwa ng mga Judio at sa gayo’y dapat ipagdiwang nang minsan lamang sa isang taon.

Ganito ang ulat ng Ebanghelyo ni Mateo: “Kumuha si Jesus ng tinapay at, pagkatapos bumigkas ng pagpapala, pinagputul-putol niya ito at, nang ibinibigay sa mga alagad, sinabi niya: ‘Kunin ninyo, kainin ninyo. Ito ay nangangahulugan ng aking katawan.’ Gayundin, kumuha siya ng isang kopa at, nang makapagpasalamat, ibinigay niya ito sa kanila, na sinasabi: ‘Uminom kayo mula rito, kayong lahat; sapagkat ito ay nangangahulugan ng aking “dugo ng tipan,” na siyang ibubuhos alang-alang sa marami ukol sa kapatawaran ng mga kasalanan.’ ”​—Mateo 26:26-28.

Naniniwala ang ilan na binago ni Jesus ang tinapay tungo sa literal na laman niya at ang alak tungo sa kaniyang dugo. Gayunman, ang katawang laman ni Jesus ay buo pa rin nang ipamahagi niya ang tinapay na ito. Talaga bang kinain ng mga apostol ni Jesus ang kaniyang literal na laman at ininom ang kaniyang dugo? Hindi, dahil iyan ay kanibalismo at isang paglabag sa kautusan ng Diyos. (Genesis 9:3, 4; Levitico 17:10) Ayon sa Lucas 22:20, sinabi ni Jesus: “Ang kopang ito ay nangangahulugan ng bagong tipan sa bisa ng aking dugo, na siyang ibubuhos alang-alang sa inyo.” Ang kopa bang iyon ay literal na naging “bagong tipan”? Magiging imposible iyon, yamang ang tipan ay isang kasunduan at hindi isang bagay na nahahawakan.

Kaya naman, ang tinapay at ang alak ay mga sagisag lamang. Ang tinapay ay sumasagisag sa sakdal na katawan ni Kristo. Gumamit si Jesus ng isang tinapay na natira sa hapunan ng Paskuwa. Ang tinapay ay walang lebadura, o pampaalsa. (Exodo 12:8) Madalas gamitin ng Bibliya ang lebadura bilang sagisag ng kasalanan o kasiraan. Kung gayon, ang tinapay ay lumalarawan sa sakdal na katawan na inihain ni Jesus. Wala itong kasalanan.​—Mateo 16:11, 12; 1 Corinto 5:6, 7; 1 Pedro 2:22; 1 Juan 2:1, 2.

Ang pulang alak ay kumakatawan sa dugo ni Jesus. Ang dugong iyan ang nagbibigay-bisa sa bagong tipan. Sinabi ni Jesus na ibinuhos ang kaniyang dugo “ukol sa kapatawaran ng mga kasalanan.” Sa gayo’y maaaring maging malinis ang mga tao sa paningin ng Diyos at pumasok sa isang bagong pakikipagtipan kay Jehova. (Hebreo 9:14; 10:16, 17) Sa pamamagitan naman ng tipang ito, o kontrata, naging posible para sa 144,000 tapat na mga Kristiyano na magtungo sa langit. Doon ay maglilingkod sila bilang mga hari at mga saserdote upang pagpalain ang buong sangkatauhan.​—Genesis 22:18; Jeremias 31:31-33; 1 Pedro 2:9; Apocalipsis 5:9, 10; 14:1-3.

Sino ang dapat makibahagi sa mga emblemang ito sa Memoryal? Makatuwiran na yaong mga kasama lamang sa bagong tipan​—samakatuwid nga, yaong mga may pag-asang magtungo sa langit—​ang dapat makibahagi sa tinapay at sa alak. Ang banal na espiritu ng Diyos ang kumukumbinsi sa gayong mga indibiduwal na sila ay pinili upang maging makalangit na mga hari. (Roma 8:16) Kabilang din sila sa tipan ukol sa Kaharian kasama ni Jesus.​—Lucas 22:29.

Kumusta naman ang mga may pag-asang mabuhay magpakailanman sa Paraiso sa lupa? Sinusunod nila ang utos ni Jesus at dumadalo sila sa Hapunan ng Panginoon, ngunit hindi bilang mga nakikibahagi sa emblema kundi bilang magagalang na tagapagmasid. Minsan sa isang taon, pagkalubog ng araw sa Nisan 14, ipinagdiriwang ng mga Saksi ni Jehova ang Hapunan ng Panginoon. Bagaman iilan lamang sa buong daigdig ang nagsasabing may makalangit na pag-asa sila, mahalaga ang pagdiriwang na ito sa lahat ng Kristiyano. Isa itong okasyon kung kailan maaaring bulay-bulayin ng lahat ang pinakasukdulang pag-ibig ng Diyos na Jehova at ni Jesu-Kristo.​—Juan 3:16.