SEKSIYON 6
Ano ang Layunin ng Diyos sa Lupa?
NILALANG ng Diyos ang lupa para maging napakagandang tahanan ng mga tao. Sinasabi sa kaniyang Salita: “Ang langit ay kay Jehova, ngunit ang lupa ay ibinigay niya sa mga anak ng mga tao.”—Awit 115:16.
Bago lalangin ang unang taong si Adan, pumili ang Diyos ng isang maliit na bahagi ng lupa na tinawag na Eden at ginawa itong isang magandang hardin. Sinasabi ng Kasulatan na sa Eden nagmumula ang tubig ng mga ilog ng Eufrates at Tigris (Hidekel). a Ipinapalagay na ang lokasyon ng hardin ng Eden ay nasa silangang Turkey. Oo, talagang may hardin ng Eden noon sa lupa!
Nilalang ng Diyos si Adan at inilagay sa hardin ng Eden “upang iyon ay sakahin at ingatan.” (Genesis 2:15) Nang maglaon, nilalang ng Diyos si Eva para maging asawa ni Adan. Iniutos ng Diyos sa mag-asawa: “Magpalaanakin kayo at magpakarami at punuin ninyo ang lupa at supilin iyon.” (Genesis 1:28) Maliwanag, ‘hindi nilalang ng Diyos ang lupa na walang kabuluhan kundi inanyuan ito upang tahanan.’—Isaias 45:18.
Gayunman, nagrebelde sina Adan at Eva sa Diyos nang sadyain nilang suwayin ang kaniyang utos. Kaya pinalayas sila ng Diyos sa hardin ng Eden. Nawala ang Paraiso. Hindi lang iyan ang naging resulta ng kasalanan ni Adan. Sinasabi ng Kasulatan: “Sa pamamagitan ng isang tao ang kasalanan ay pumasok sa sanlibutan at ang kamatayan sa pamamagitan ng kasalanan, at sa gayon ang kamatayan ay lumaganap sa lahat ng tao sapagkat silang lahat ay nagkasala.”—Roma 5:12.
Kinalimutan na ba ni Jehova ang kaniyang orihinal na layunin—na ang lupa ay maging isang paraiso na tinatahanan ng maliligayang tao? Hindi! Ganito ang sinabi ng Diyos tungkol sa mga pananalitang nagmumula sa kaniya: “Hindi ito babalik sa akin nang walang resulta, kundi gagawin nga nito yaong kinalulugdan ko, at ito ay tiyak na magtatagumpay sa bagay na pinagsuguan ko nito.” (Isaias 55:11) Ibabalik niya ang Paraiso sa lupa!
Ano ang magiging buhay sa Paraiso? Tingnan ang mga pangako sa Kasulatan sa susunod na dalawang pahina.
a Sinasabi sa Genesis 2:10-14: “May isang ilog na lumalabas mula sa Eden na dumidilig sa hardin, at mula roon ay nagsimula itong mahati at naging apat na sanga. Ang pangalan ng una ay Pison . . . ang pangalan ng ikalawang ilog ay Gihon . . . ang pangalan ng ikatlong ilog ay Hidekel [o, Tigris]; iyon ang patungo sa silangan ng Asirya. At ang ikaapat na ilog ay ang Eufrates.” Sa ngayon, walang nakatitiyak sa lokasyon at pangalan ng unang dalawang ilog.