Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

SEKSIYON 7

Ang Ipinangako ng Diyos sa Pamamagitan ng mga Propeta

Ang Ipinangako ng Diyos sa Pamamagitan ng mga Propeta

NAGPAKITA ng pananampalataya sa Diyos ang mga propeta noon. Naniwala sila sa kaniyang mga pangako at sa mga ito umikot ang kanilang buhay. Ano ang kasama sa mga pangakong iyon?

Matapos magrebelde sina Adan at Eva sa Eden, nangako agad ang Diyos na mag-aatas siya ng isang “binhi” na dudurog sa ulo ng “serpiyente,” na tumutukoy sa “malaking dragon, ang orihinal na serpiyente, ang tinatawag na Diyablo at Satanas.” (Genesis 3:14, 15; Apocalipsis 12:9, 12) Sino kaya ang “binhi” na iyon?

Mga 2,000 taon matapos ang unang hula, nangako si Jehova sa propetang si Abraham na ang “binhi” ay magmumula sa angkan nito. Sinabi ng Diyos kay Abraham: “Sa pamamagitan ng iyong binhi [o anak] ay tiyak na pagpapalain ng lahat ng bansa sa lupa ang kanilang sarili dahil pinakinggan mo ang aking tinig.”​—Genesis 22:18.

Noong 1473 B.C.E., ang Diyos ay nagbigay kay Moises ng karagdagang impormasyon tungkol sa “binhi.” Sinabi ni Moises sa mga anak ni Israel: “Isang propeta mula sa gitna mo, mula sa iyong mga kapatid, na tulad ko, ang ibabangon ni Jehova na iyong Diyos para sa iyo​—sa kaniya kayo dapat makinig.” (Deuteronomio 18:15) Kaya gaya ni Moises, ang darating na propeta ay inapo rin ni Abraham.

Ang propetang iyan ay magiging inapo rin ni Haring David at magiging dakilang hari mismo. Ipinangako ng Diyos kay Haring David: “Ibabangon ko nga ang iyong binhi na kasunod mo . . . at itatatag ko nga nang matibay ang trono ng kaniyang kaharian hanggang sa panahong walang takda.” (2 Samuel 7:12, 13) Ipinakita rin ng Diyos na ang inapong ito ni David ay tatawaging “Prinsipe ng Kapayapaan,” at idinagdag na “ang kasaganaan ng pamamahala bilang prinsipe at ang kapayapaan ay hindi magkakaroon ng wakas, sa trono ni David at sa kaniyang kaharian upang itatag ito nang matibay at upang alalayan ito sa pamamagitan ng katarungan at sa pamamagitan ng katuwiran, mula ngayon at hanggang sa panahong walang takda.” (Isaias 9:6, 7) Oo, ang matuwid na Lider na iyan ang magsasauli ng kapayapaan at katarungan sa daigdig. Pero kailan siya darating?

Ang ipinangakong “binhi” ay . . . magmumula kay Abraham, magiging propeta gaya ni Moises, magmumula sa angkan ni David, darating sa taóng 29 C.E., dudurog sa serpiyenteng si Satanas

Sinabi ng anghel na si Gabriel sa propeta ng Diyos na si Daniel: “Alamin mo at magkaroon ka ng kaunawaan na mula sa paglabas ng salita na isauli at muling itayo ang Jerusalem hanggang sa Mesiyas na Lider, magkakaroon ng pitong sanlinggo, gayundin ng animnapu’t dalawang sanlinggo.” (Daniel 9:25) Tumutukoy ito sa 69 na grupo ng mga taon​—7 taon bawat grupo​—kaya lahat-lahat ay 483 taon. Nagsimula ito noong 455 B.C.E. at nagtapos noong 29 C.E. a

Talaga nga bang dumating noong 29 C.E. ang Mesiyas, ang propetang gaya ni Moises at pinakahihintay na “binhi”? Tingnan natin.

a Tingnan ang pahina 197-199 ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.