Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Laging Isaisip na Malapit Na ang Araw ni Jehova

Laging Isaisip na Malapit Na ang Araw ni Jehova

Ikadalawampung Kabanata

Laging Isaisip na Malapit Na ang Araw ni Jehova

1. Nang una mong matutuhan na malapit na tayong maligtas mula sa mga pasakit ng matandang sistemang ito, ano ang nadama mo?

 ISA sa unang mga bagay na natutuhan mo mula sa Bibliya ay ang layunin ni Jehova na maging paraiso ang buong lupa. Sa bagong sanlibutang iyon, mawawala na ang digmaan, krimen, karukhaan, sakit, pagdurusa, at kamatayan. Maging ang mga patay ay muling mabubuhay. Kaygandang pag-asa! Ang pagkanalalapit ng lahat ng iyan ay idiniriin ng katibayan na nagsimula na noong 1914 ang di-nakikitang pagkanaririto ni Kristo bilang namamahalang Hari at na mula noon ay nasa mga huling araw na tayo ng balakyot na sanlibutang ito. Sa katapusan ng mga huling araw na ito, pupuksain ni Jehova ang kasalukuyang sistemang ito ng mga bagay at pangyayarihin ang ipinangakong bagong sanlibutan!

2. Ano ang “araw ni Jehova”?

2 Tinatawag ng Bibliya na “araw ni Jehova” ang nálalapít na panahong ito ng pagpuksa. (2 Pedro 3:10) Ito ang “araw ng galit ni Jehova” laban sa buong sanlibutan ni Satanas. (Zefanias 2:3) Sasapit ang kasukdulan nito sa “digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat . . . , [na] sa Hebreo ay tinatawag na Har-Magedon [Armagedon],” na doo’y pupuksain ang “mga hari ng buong tinatahanang lupa.” (Apocalipsis 16:​14, 16) Ipinakikita ba ng iyong paraan ng pamumuhay ang pananalig mo na malapit na nga ang “araw [na ito] ni Jehova”?​—Zefanias 1:14-18; Jeremias 25:33.

3. (a) Kailan darating ang araw ni Jehova? (b) Paano napatunayang kapaki-pakinabang ang hindi pagsisiwalat ni Jehova “sa araw na iyon o sa oras”?

3 Hindi sinasabi sa atin ng Bibliya ang eksaktong petsa kung kailan darating si Jesu-Kristo bilang Tagapuksa ni Jehova laban sa sistema ng mga bagay ni Satanas. “May kinalaman sa araw na iyon o sa oras ay walang sinuman ang nakaaalam, kahit ang mga anghel sa langit kahit ang Anak, kundi ang Ama,” ang sabi ni Jesus. (Marcos 13:32) Kung ang sinuman ay hindi talaga umiibig kay Jehova, mas madali nilang ipagpaliban sa kanilang isipan ang kaniyang araw at ibaling ang pansin sa sekular na mga tunguhin. Ngunit yaong mga tunay na umiibig kay Jehova ay buong-kaluluwang maglilingkod sa kaniya, kailanman dumating ang wakas ng balakyot na sistemang ito.​—Awit 37:4; 1 Juan 5:3.

4. Ano ang sinabi ni Jesus bilang babala?

4 Bilang babala sa mga umiibig kay Jehova, sinabi ni Jesus: “Manatili kayong mapagmasid, manatiling gising, sapagkat hindi ninyo alam kung kailan ang takdang panahon.” (Marcos 13:33-37) Hinihimok niya tayo na huwag hayaang mabuhos nang husto ang ating pansin sa pagkain at pag-inom o sa “mga kabalisahan sa buhay” anupat nakaliligtaan na natin ang kaselanan ng panahon.​—Lucas 21:34-36; Mateo 24:37-42.

5. Gaya ng ipinaliwanag ni Pedro, ano ang idudulot ng araw ni Je-hova?

5 Pinapayuhan din tayo ni Pedro na laging isaisip “ang pagkanaririto ng araw ni Jehova, na sa pamamagitan nito ang mga langit na nasusunog ay mapupugnaw at ang mga elemento na nag-iinit nang matindi ay matutunaw.” Lahat ng pamahalaan ng tao​—“ang mga langit”—​ay mapupuksa, gayundin ang balakyot na lipunan ng tao sa pangkalahatan​—“ang lupa”—​at ang “mga elemento” nito, ang mga ideya at mga gawain ng balakyot na sanlibutang ito, tulad ng saloobin nito na pagiging hiwalay sa Diyos at ang imoral at materyalistikong paraan ng pamumuhay nito. Hahalinhan ang mga ito ng “mga bagong langit [makalangit na Kaharian ng Diyos] at isang bagong lupa [isang bagong lipunan sa lupa]” na doo’y “tatahan ang katuwiran.” (2 Pedro 3:10-13) Ang mga pangyayaring ito na yayanig sa daigdig ay biglang magsisimula at sa araw at oras na di-inaasahan.​—Mateo 24:44.

Manatiling Mapagbantay sa Tanda

6. (a) Hanggang saan kumakapit sa katapusan ng sistemang Judio ang sagot ni Jesus sa tanong ng kaniyang mga alagad? (b) Anong mga bahagi ng sagot ni Jesus ang nagtutuon ng pansin sa mga pangyayari at mga saloobin mula noong 1914 patuloy?

6 Dahil sa panahong kinabubuhayan natin, dapat na maging pamilyar tayo sa mga detalye ng kabuuang tanda na nagpapakilala sa mga huling araw​—ang “katapusan ng sistema ng mga bagay.” Tandaan na nang sagutin ni Jesus ang tanong ng kaniyang mga alagad, na nakaulat sa Mateo 24:3, ang ilan sa inilarawan niya sa mga talatang 4 hanggang 22 ay nagkaroon ng maliit na katuparan sa sistemang Judio sa pagitan ng 33 at 70 C.E. Subalit nagkaroon ng malaking katuparan ang hula sa yugtong nagsimula noong 1914, ang panahon ng “pagkanaririto [ni Kristo] at ng katapusan ng sistema ng mga bagay.” Inilalahad ng Mateo 24:23-28 kung ano ang magaganap mula 70 C.E. hanggang sa panahon ng pagkanaririto ni Kristo. Ang mga pangyayaring inilarawan sa Mateo 24:29–​25:46 ay magaganap sa panahon ng kawakasan.

7. (a) Bakit dapat tayong maging personal na mapagbantay kung paano tinutupad ng kasalukuyang mga kalagayan ang tanda? (b) Sagutin ang mga tanong sa dulo ng parapong ito, na ipinakikita kung paano natutupad ang tanda sapol noong 1914.

7 Dapat tayong maging personal na mapagmasid sa mga pangyayari at mga saloobin na tumutupad sa tanda. Ang pag-uugnay sa mga bagay na ito sa hula ng Bibliya ay tutulong sa atin na laging isaisip na malapit na ang araw ni Jehova. Tutulungan din tayo nito na maging mapanghikayat kapag nagbibigay ng babala sa iba tungkol sa pagkanalalapit ng araw na iyon. (Isaias 61:​1, 2) Taglay ang mga tunguhing ito sa isipan, repasuhin natin ang sumusunod na mga tanong na nagtatampok sa mga bahagi ng tanda, gaya ng nakaulat sa Mateo 24:7 at Lucas 21:​10, 11.

 Sa anong pambihirang paraan natupad ang inihulang pagtindig ng ‘bansa laban sa bansa at kaharian laban sa kaharian’ simula noong 1914? Tungkol sa mga digmaan, ano ang nangyari mula noon?

 Noong 1918, anong salot ang kumitil ng mas maraming buhay kaysa sa Digmaang Pandaigdig I? Sa kabila ng kaalaman ng tao sa medisina, anong mga sakit ang pumapatay pa rin ng milyun-milyon?

 Gaano kalawak ang epekto sa lupa ng mga kakapusan sa pagkain sa kabila ng mga pagsulong sa siyensiya nitong nakaraang siglo?

 Ano ang kumukumbinsi sa iyo na ang inilalarawan ng 2 Timoteo 3:1-5, 13 ay hindi ang dati nang kalagayan ng pamumuhay kundi ang paglalâ ng masasamang kalagayan habang papalapit tayo sa katapusan ng mga huling araw?

Pagbubukud-bukod sa mga Tao

8. (a) Gaya ng inilarawan sa Mateo 13:24-30, 36-43, sa ano pa iniugnay ni Jesus ang katapusan ng sistema ng mga bagay? (b) Ano ang kahulugan ng ilustrasyon ni Jesus?

8 May iba pang mahahalagang pangyayari na iniugnay ni Jesus sa katapusan ng sistema ng mga bagay. Ang isa sa mga ito ay ang pagbubukod sa “mga anak ng kaharian” mula sa “mga anak ng isa na balakyot.” Binanggit ito ni Jesus sa kaniyang talinghaga hinggil sa isang bukirin ng trigo na hinasikan ng kaaway ng panirang-damo. “Ang trigo” sa kaniyang ilustrasyon ay kumakatawan sa tunay na mga pinahirang Kristiyano. “Ang mga panirang-damo” ay yaong mga nag-aangking Kristiyano ngunit pinatutunayan ang kanilang sarili na “mga anak ng isa na balakyot” dahil nangungunyapit sila sa sanlibutan na pinamamahalaan ng Diyablo. Ang mga ito ay ibinubukod mula sa “mga anak ng kaharian [ng Diyos]” at minamarkahan ukol sa pagkapuksa. (Mateo 13:24-30, 36-43) Aktuwal nga bang nagaganap ito?

9. (a) Pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig I, anong malaking pagbubukud-bukod sa lahat ng nag-aangking Kristiyano ang naganap? (b) Paano pinatunayan ng mga pinahirang Kristiyano na sila ay tunay na mga lingkod ng Kaharian?

9 Pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig I, pinagbukud-bukod sa dalawang uri ang lahat ng nag-aangking Kristiyano: (1) Ang klero ng Sangkakristiyanuhan at ang kanilang mga tagasunod, na nagpahayag ng matinding suporta sa League of Nations (na ngayon ay United Nations) samantalang mahigpit pa ring nanatiling tapat sa kani-kanilang bansa, at (2) ang tunay na mga Kristiyano pagkatapos ng digmaang iyon, na nagbigay ng kanilang lubusang suporta sa Mesiyanikong Kaharian ng Diyos, hindi sa mga bansa ng sanlibutang ito. (Juan 17:16) Pinatunayan ng mga ito na sila ay tunay na mga lingkod ng Kaharian ng Diyos sa pamamagitan ng pangangaral ng “mabuting balitang ito ng kaharian” sa buong lupa. (Mateo 24:14) Taglay ang anong mga resulta?

10. Ano ang unang resulta ng gawaing pangangaral ng Kaharian?

10 Una, tinipon ang mga nalabi ng mga pinahiran ng espiritu ng Diyos, na may pag-asang makasama ni Kristo bilang bahagi ng makalangit na Kaharian. Bagaman ang mga ito ay nakakalat sa iba’t ibang bansa, sila ay tinipon sa isang nagkakaisang organisasyon. Malapit nang matapos ang pagtatatak sa mga pinahirang ito.​—Apocalipsis 7:​3, 4.

11. (a) Anong gawaing pagtitipon ang nagpapatuloy, at kasuwato ng anong hula? (b) Ano ang ipinahihiwatig ng katuparan ng hulang ito?

11 Pagkatapos, sa ilalim ng patnubay ni Kristo, nagsimula naman ang pagtitipon sa “isang malaking pulutong . . . mula sa lahat ng mga bansa at mga tribo at mga bayan at mga wika.” Ang mga ito ang bumubuo sa “ibang mga tupa” na makaliligtas sa “malaking kapighatian” tungo sa bagong sanlibutan ng Diyos. (Apocalipsis 7:​9, 14; Juan 10:16) Ang gawaing ito ng pangangaral ng Kaharian ng Diyos bago dumating ang wakas ay nagpapatuloy hanggang sa kasalukuyan. Ang malaking pulutong ng ibang mga tupa, na ngayon ay milyun-milyon na ang bilang, ay matapat na tumutulong sa mga pinahirang nalabi sa pagpapahayag sa mahalagang mensahe ng Kaharian. Ang mensaheng ito ay naririnig na sa lahat ng mga bansa.

Ano ang Mangyayari sa Hinaharap?

12. Gaano pa karaming pangangaral ang kailangang isagawa bago dumating ang araw ni Jehova?

12 Ipinahihiwatig ng lahat ng mga nabanggit na malapit na tayo sa katapusan ng mga huling araw at napakalapit na ng araw ni Jehova. Ngunit may mga hula pa bang matutupad bago magsimula ang kakila-kilabot na araw na iyon? Oo. Una sa lahat, hindi pa tapos ang pagbubukud-bukod sa mga tao may kaugnayan sa isyu tungkol sa Kaharian. Sa ilang lugar kung saan naranasan ang matinding pagsalansang sa loob ng maraming taon, dumarami na ngayon ang bagong mga alagad. Maging sa mga lugar na doo’y tinatanggihan ng mga tao ang mabuting balita, ang awa ni Jehova ay ipinakikita sa pamamagitan ng ating pagpapatotoo. Kaya, magpatuloy sa gawain! Tinitiyak sa atin ni Jesus na kapag natapos na ang gawain, sasapit na ang wakas.

13. Gaya ng nakaulat sa 1 Tesalonica 5:​2, 3, anong kapansin-pansing pangyayari ang magaganap, at ano ang magiging kahulugan nito sa atin?

13 Isa pang napakahalagang hula sa Bibliya ang nagsasabi: “Kailanma’t kanilang sinasabi: ‘Kapayapaan at katiwasayan!’ kung magkagayon ay kagyat na mapapasakanila ang biglang pagkapuksa gaya ng hapdi ng kabagabagan sa isang babaing nagdadalang-tao; at sa anumang paraan ay hindi sila makatatakas.” (1 Tesalonica 5:​2, 3) Kung paano magaganap ang gayong pagpapahayag ng “kapayapaan at katiwasayan” ay hindi pa natin alam. Ngunit tiyak na hindi ito mangangahulugan na talagang nalutas na nga ng mga pinuno ng daigdig ang mga problema ng sangkatauhan. Yaong mga laging nag-iisip na malapit na ang araw ni Jehova ay hindi maililigaw ng gayong pagpapahayag. Batid nila na karaka-raka pagkatapos niyaon, biglang sasapit ang pagpuksa.

14. Anong mga pangyayari ang magaganap sa panahon ng malaking kapighatian, at sa anong pagkakasunud-sunod?

14 Sa pasimula ng malaking kapighatian, babaling ang mga tagapamahala laban sa Babilonyang Dakila, ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon, at lilipulin ito. (Mateo 24:21; Apocalipsis 17:​15, 16) Pagkatapos noon, babaling naman ang mga bansa laban sa mga nagtataguyod sa pagkasoberano ni Jehova, anupat pinupukaw ang poot ni Jehova laban sa makapulitikang mga pamahalaan at sa kanilang mga tagapagtaguyod, na magbubunga ng kanilang lubusang pagkapuksa. Iyon na ang Armagedon na kasukdulan ng malaking kapighatian. Pagkatapos, ibubulid na sa kalaliman si Satanas at ang kaniyang mga demonyo, anupat hindi na makaiimpluwensiya sa sangkatauhan. Ito ang magiging katapusan ng araw ni Jehova na doo’y pakababanalin ang kaniyang pangalan.​—Ezekiel 38:​18, 22, 23; Apocalipsis 19:11–​20:3.

15. Bakit hindi isang katalinuhan na mangatuwirang malayo pa ang araw ni Jehova?

15 Ang katapusan ng sistemang ito ay sasapit sa takdang panahon, ayon sa iskedyul ng Diyos. Hindi ito maaantala. (Habakuk 2:3) Tandaan, mabilis na naganap ang pagkawasak ng Jerusalem noong 70 C.E., nang hindi ito inaasahan ng mga Judio, noong akala nila ay lumipas na ang panganib. At kumusta naman ang sinaunang Babilonya? Ito ay makapangyarihan, panatag, at nakukutaan ng malalaking pader. Subalit bumagsak ito sa loob lamang ng isang gabi. Gayundin naman, ang biglang pagkapuksa ay sasapit sa kasalukuyang balakyot na sistema. Kapag nangyari ito, masumpungan nawa tayong nagkakaisa sa tunay na pagsamba, anupat laging isinasaisip na malapit na ang araw ni Jehova.

Talakayin Bilang Repaso

• Bakit mahalaga na laging isaisip na malapit na ang araw ni Jehova? Paano natin ito magagawa?

• Paano tayo personal na naaapektuhan ng nagaganap na pagbubukud-bukod sa mga tao?

• Ano pa ang mangyayari sa hinaharap bago magsimula ang araw ni Jehova? Kaya, ano ang dapat na personal na ginagawa natin?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Mga larawan sa pahina 180, 181]

Di-magtatagal at magwawakas na ang mga huling araw kapag pinuksa na ang sistema ni Satanas