Sino ang Unang Nagdisenyo?
Nitong nakalipas na mga taon, hinayaan ng mga siyentipiko at inhinyero na ‘turuan’ sila ng mga halaman at hayop. (Job 12:7, 8) Pinag-aaralan nila at kinokopya ang disenyo ng iba’t ibang nilalang—isang larangang tinatawag na biomimetics—sa pagtatangkang makalikha ng mga bagong produkto at mapahusay pa ang dati nang mga naimbento. Habang binabasa mo ang sumusunod na mga halimbawa, tanungin ang sarili, ‘Sino ba talaga ang dapat purihin sa mga disenyong ito?’
Matuto sa mga Palikpik ng Balyena
Ano ang matututuhan ng mga tagadisenyo ng eroplano sa balyenang humpback? Mukhang napakarami! Ang isang adultong humpback ay may bigat na mga 30 tonelada—kasimbigat ng isang trak na punô ng kargamento. Matigas ang katawan nito at may malalaking palikpik na parang pakpak. Ang 12-metrong hayop na ito ay napakaliksi sa ilalim ng tubig.
Hindi maubos-maisip ng mga mananaliksik kung paano ito nakakabaluktot nang husto kahit matigas ang katawan nito. Natuklasan nilang nasa hugis ng palikpik ng balyena ang sekreto. Ang nasa unahang gilid ng mga palikpik nito ay hindi makinis, gaya ng pakpak ng eroplano, kundi uka-uka na may nakahilera at nakausling mistulang matutulis na ngipin na tinatawag na tubercle.
Habang lumalangoy sa tubig ang balyena, mas mabilis itong umaangat dahil sa mga tubercle na ito anupat nababawasan ang paghatak ng tubig. Paano? Ipinaliliwanag ng Natural History na dahil sa mga tubercle, banayad at paikot na dumadaloy ang tubig sa ibabaw ng palikpik nito, kahit na lumalangoy nang paitaas ang balyena.10
Sino ang may-ari ng patente ng kalikasan?
Paano magagamit ang natuklasang ito? Ang mga tulad-palikpik na pakpak ng eroplano ay hindi na mangangailangan ng maraming flap sa pakpak o ng iba pang aparato upang makontrol ang daloy ng hangin. Mas ligtas at mas madaling mantinihin ang gayong mga pakpak. Naniniwala si John Long, eksperto sa biomechanics, na balang-araw, “malamang na lahat ng eroplanong jet ay magkakaroon na ng nakausling matutulis na ngipin na gaya ng nasa palikpik ng balyenang humpback.”11
Pagkopya sa mga Pakpak ng Seagull
Totoo, ang hugis ng pakpak ng eroplano ay kinopya mula sa pakpak ng mga ibon. Pero may mas magandang ginawa kamakailan ang mga inhinyero sa pagkopyang ito. “Ang mga mananaliksik sa University of Florida,” iniulat ng New Scientist, “ay gumawa ng isang de-remote control na modelong eroplano na parang seagull na umaali-aligid, bumubulusok at mabilis na pumapailanlang.”12
Nagagawa ng mga seagull ang kahanga-hangang pagmamaniobrang ito sa pamamagitan
ng pagbaluktot sa kanilang mga pakpak sa gawing siko at balikat. Bilang pagkopya sa nababaluktot na disenyong ito ng pakpak, “ang 24-na-pulgadang modelong eroplano ay nilagyan ng isang maliit na motor na kumokontrol sa mga tukod na metal na siyang nagpapagalaw sa pakpak,” ang sabi ng magasin. Dahil sa napakahusay na disenyong ito ng pakpak, ang maliit na eroplano ay nakakaali-aligid at nakakabulusok sa pagitan ng matataas na gusali. Interesadung-interesado ang ilang opisyal ng militar na makagawa ng gayon kadaling maniobrahin na eroplano para magamit sa paghanap ng kemikal at biyolohikal na mga sandata sa malalaking lunsod.Pagkopya sa mga Binti ng Seagull
Hindi naninigas sa lamig ang isang seagull kahit na nakaapak ito sa yelo. Ano ang sekreto ng nilalang na ito para mapanatili ang init sa katawan? Isa rito ang kahanga-hangang katangian ng ilang hayop na naninirahan sa malalamig na lugar. Tinatawag itong countercurrent heat exchanger.
Ano ba ang countercurrent heat exchanger? Para maunawaan ito, isipin ang dalawang tubo ng tubig na itinali nang magkatabi. Mainit na tubig ang dumadaloy sa isang tubo at malamig naman sa isa. Kung pareho ng direksiyon ang daloy ng mainit at malamig na tubig na nasa tubo, mga kalahati ng init mula sa mainit na tubig ang lilipat sa malamig na tubig. Pero kung magkasalungat ang direksiyon ng pagdaloy ng mainit at malamig na tubig, halos ang kabuuan ng init mula sa mainit na tubig ang malilipat sa malamig.
Kapag nakaapak sa yelo ang seagull, pinaiinit ng mga heat exchanger sa mga binti nito ang dugo na dumadaloy mula sa mga paa nito. Dahil sa mga heat exchanger, hindi naaaksaya ang init sa katawan ng ibon at hindi lumalabas ang init mula sa mga paa nito. Inilarawan ni Arthur P. Fraas, isang inhinyero ng eroplano at makina, ang disenyong ito na “isa sa pinakamahusay . . . na heat exchanger” 13 Napakaganda ng disenyong ito kaya kinopya ito ng mga inhinyero.
dahil wala ditong naaaksayang init.Sino ang Dapat Purihin?
Samantala, ang National Aeronautics and Space Administration ay kasalukuyang bumubuo ng isang robot na maraming paa na lumalakad na parang alakdan, at ang mga inhinyero naman sa Finland ay nakagawa na ng traktorang may anim na gulong na nakadaraan sa anumang sagabal na gaya ng nagagawa ng higanteng insekto. Isang pagawaan ng kotse ang kasalukuyang gumagawa ng sasakyang kinopya sa boxfish, isang isdang nakalalangoy nang mabilis gamit ang kaunting enerhiya dahil sa low-drag na disenyo nito. At tinutuklas naman ng ibang mga mananaliksik ang pagiging shock absorber ng balat ng abaloni sa layuning makagawa ng mas magaan ngunit mas matibay na baluti sa katawan.
Napakaraming makukuhang magagandang ideya mula sa kalikasan anupat nakagawa na ang mga mananaliksik ng isang database ng libu-libong sistemang biyolohikal. Maaaring hanapin ng mga siyentipiko sa database na ito ang “likas na solusyon sa mga problema ng kanilang disenyo,” ang sabi ng The Economist. Ang likas na mga sistemang nakalagay sa database na ito ay tinatawag na patenteng biyolohikal. Ang may-ari ng patente ay karaniwan nang ang tao o kompanyang legal na nagparehistro ng isang bagong ideya o aparato. Sa pagtalakay sa database na ito ng mga patenteng biyolohikal, sinasabi ng The Economist: “Yamang tinatawag na ‘patenteng biyolohikal’ ang mga malikhaing disenyong kinopya sa kalikasan, idiniriin lamang ng mga mananaliksik na sa diwa, ang kalikasan ang talagang may-ari ng patente.”14
Paano kaya nagkaroon ng ganito kagagandang ideya sa kalikasan? Sinasabi ng maraming mananaliksik na ang malikhaing mga disenyong nakikita sa kalikasan ay mula sa milyun-milyong taon ng patsamba-tsambang proseso ng ebolusyon. Pero iba naman ang naging konklusyon ng ibang mananaliksik. Ganito ang isinulat ng mikrobiyologong si Michael J. Behe sa The New York Times ng Pebrero 7, 2005: “Ang maliwanag na paglitaw ng disenyo [sa kalikasan] ay nagbibigay ng napakasimple at nakakakumbinsing argumento: kung ang hitsura, paglakad at [pagkuwak] 15
nito ay parang bibi, may basehan tayo para sabihing bibi nga ito, kung wala namang matibay na ebidensiyang sasalungat dito.” Ang konklusyon niya? “Hindi dapat ipagwalang-bahala ang disenyo dahil hindi ito kayang itago.”Talagang nararapat purihin ang inhinyerong gumawa ng mas ligtas at mas mahusay na pakpak ng eroplano dahil sa kaniyang disenyo, gayundin ang nag-imbento ng mas mahusay na sasakyan o makina. Sa katunayan, kung ang isa ay kumokopya ng disenyo ng iba at hindi nito binabanggit o kinikilala ang orihinal na nagdisenyo, maaari siyang ituring na kriminal.
Ngayon, pag-isipan ito: Pilit na kinokopya ng mga dalubhasang mananaliksik ang mga disenyo sa kalikasan upang malutas ang mahihirap na problema sa inhinyeriya. Gayunman, sinasabi ng ilan sa kanila na ang katalinuhang mababakas sa mga disenyong ito ay galing sa walang-isip na ebolusyon. Sa tingin mo ba’y makatuwiran iyan? Kung ang isang kopya ay nangangailangan ng matalinong tagadisenyo, kumusta naman ang orihinal nito? Sino nga ba talaga ang dapat purihin, ang dalubhasang inhinyero o ang estudyanteng kumokopya lang sa kaniyang disenyo?
Makatuwirang Konklusyon
Matapos suriin ang katibayan ng disenyo sa kalikasan, maraming tao ang sasang-ayon sa manunulat ng Bibliya na si Pablo, na nagsabi: “Ang di-nakikitang mga katangian [ng Diyos] ay malinaw na nakikita mula pa sa pagkalalang ng sanlibutan, sapagkat napag-uunawa ang mga ito sa pamamagitan ng mga bagay na ginawa, maging ang kaniyang walang-hanggang kapangyarihan at pagka-Diyos.”—Roma 1:19, 20.