Ano ang Kahulugan ng Lahat ng Ito?
Ano ang Kahulugan ng Lahat ng Ito?
SINABI ni Jesu-Kristo: ‘Ang katapusan ng sistema ng mga bagay’ ay makikilala sa pamamagitan ng digmaan, kakapusan sa pagkain, salot, at mga lindol.—Mateo 24:1-8; Lucas 21:10, 11.
Mula noong 1914, ang buhay ay sinisira na ng pagdidigmaan ng mga bansa at ng mga etnikong grupo, na kadalasan nang kagagawan ng pakikialam ng mga klerigo sa pulitika at ngayon naman ay ng laganap na mga pagsalakay ng mga terorista.
Sa kabila ng pagsulong ng siyensiya, dumaranas pa rin ng malulubhang kakapusan sa pagkain ang daan-daang milyon katao sa buong daigdig. Bawat taon, milyun-milyon katao ang namamatay dahil sa kakapusan sa pagkain.
Ang salot, samakatuwid nga, ang laganap na epidemya ng nakahahawang mga sakit, ay bahagi rin ng tanda na ibinigay ni Jesus. Pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig I, isang epidemya ng trangkaso ang kumitil sa buhay ng mahigit na 21,000,000 katao. Di-gaya ng mga salot noon na medyo limitado lamang sa ilang lugar, naapektuhan nito ang mga bansa sa buong lupa kasama na ang malalayong pulo. Lumalaganap ngayon ang AIDS sa buong globo, at ang mga salot na gaya ng TB, malarya, river blindness, at Chagas’ disease ay patuloy na sumasalanta sa papaunlad na mga bansa.
Iniuulat na taun-taon, nagkakaroon ng sampu-sampung libong lindol na may iba’t ibang intensidad. Sa kabila ng pagkakaroon ng mga kagamitan at pinaghusay na mga pamamaraan sa pag-uulat, ang mga kasakunaan sa mga sentro ng populasyon na resulta ng mga lindol ay palagi nang laman ng mga pahayagan.
Inihula rin ng Bibliya: “Alamin mo ito, na sa mga huling araw ay darating ang mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan. Sapagkat ang mga tao ay magiging mga maibigin sa kanilang sarili, mga maibigin sa salapi, mga mapagmapuri sa sarili, mga palalo, mga mamumusong, mga masuwayin sa mga magulang, mga walang utang-na-loob, mga di-matapat, mga walang likas na pagmamahal, mga hindi bukás sa anumang kasunduan, mga maninirang-puri, mga walang pagpipigil sa sarili, mga mabangis, mga walang pag-ibig sa kabutihan, mga mapagkanulo, mga matigas ang ulo, mga mapagmalaki, mga maibigin sa mga kaluguran kaysa maibigin sa Diyos, na may anyo ng makadiyos na debosyon ngunit nagbubulaan sa kapangyarihan nito; at layuan mo ang mga ito.”—2 Timoteo 3:1-5.
Hindi ka ba sasang-ayon na tayo’y nabubuhay na sa “mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan”?
Napapansin mo ba na talagang grabe na ang mga tao sa pagiging maibigin nila sa kanilang sarili, maibigin sa salapi, at mapagmalaki?
Sino ang tututol na ang daigdig ay punô na ng mga taong mapaghanap subalit mga walang utang-na-loob, hindi bukás sa kasunduan, at di-matapat?
Namamalayan mo ba na ang pagsuway sa mga magulang kasabay ng kawalan ng pagmamahal ay mabilis na lumalaganap, hindi lamang sa ilang lugar kundi sa buong daigdig?
Walang alinlangan na batid mong tayo’y nabubuhay sa isang sanlibutang lango sa pag-ibig sa kaluguran subalit walang pag-ibig sa kabutihan. Ganiyan ang pagkakalarawan ng Bibliya sa mga pag-uugaling mananaig sa “mga huling araw.”
Kailangan pa ba ang mas maraming katibayan upang makilala ang panahon na kinabubuhayan natin? Inihula rin ni Jesus na kasabay ng panahong ito, ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa. (Mateo 24:14) Ginagawa na ba ito?
Ang Bantayan, isang salig-Bibliyang babasahin na inilaan upang ihayag ang mabuting balita ng Kaharian ni Jehova, ay regular na inililimbag sa mas maraming wika kaysa sa alinmang publikasyon.
Taun-taon, ang mga Saksi ni Jehova ay gumugugol ng mahigit na isang bilyong oras sa personal na pagpapatotoo sa iba tungkol sa Kaharian ng Diyos.
Ang mga literaturang nagpapaliwanag sa Bibliya ay kasalukuyang inililimbag nila sa mga 400 wika, maging sa mga wikang ginagamit ng maliliit na grupo ng mga taong nasa liblib na mga lugar. Naipaabot na ng mga Saksi ni Jehova ang mabuting balita sa lahat ng bansa; nakapangaral na rin sila sa maraming pulo at teritoryo na pagkaliliit anupat ni hindi pinapansin ng mga pulitiko. Sa nakararaming lupain, nagsasagawa sila ng regular na programa ng pagtuturo ng Bibliya.
Oo, ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos ay ipinangangaral sa buong tinatahanang lupa, hindi para kumbertihin ang buong daigdig, kundi para magpatotoo. Binibigyan ng pagkakataon ang lahat ng tao saanmang lugar na ipakita nila kung mahalaga sa kanila kung sino ang lumalang ng mga langit at ng lupa at kung magpapakita sila ng paggalang sa kaniyang mga kautusan at magpapamalas ng pag-ibig sa kanilang kapuwa.—Lucas 10:25-27; Apocalipsis 4:11.
Sa malapit na hinaharap, lilinisin ng Kaharian ng Diyos ang lupa mula sa lahat ng balakyot at gagawin itong isang pangglobong paraiso.—Lucas 23:43.
[Kahon sa pahina 6]
Mga Huling Araw ng Ano?
Hindi mga huling araw ng sangkatauhan. Para sa mga gumagawa ng kalooban ng Diyos, ang Bibliya ay nag-aalok ng pag-asang buhay na walang hanggan.—Juan 3:16, 36; 1 Juan 2:17.
Hindi mga huling araw ng lupa. Nangangako ang Salita ng Diyos na ang tinatahanang lupa ay mananatili magpakailanman.—Awit 37:29; 104:5; Isaias 45:18.
Sa halip, ito ay mga huling araw ng marahas at walang-pag-ibig na sistemang ito ng mga bagay at ng mga nangungunyapit sa mga gawain nito.—Kawikaan 2:21, 22.
[Kahon/Larawan sa pahina 7]
Talaga Bang ang Bibliya ay Salita ng Diyos?
Paulit-ulit na sumulat ang mga propeta ng Bibliya: “Ito ang sinabi ni Jehova.” (Isaias 43:14; Jeremias 2:2) Maging si Jesu-Kristo, ang Anak ng Diyos, ay nagbigay-diin na ‘hindi siya nagsalita nang mula sa kaniyang sarili.’ (Juan 14:10) Ang Bibliya mismo ay maliwanag na nagsasabi: “Ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos.”—2 Timoteo 3:16.
Walang ibang aklat ang napalathala sa ganito karaming wika—mahigit sa 2,200, gaya ng iniulat ng United Bible Societies. Walang ibang aklat ang may ganito kalaking sirkulasyon—ngayon ay mahigit nang apat na bilyong kopya. Hindi nga ba’t iyan ang aasahan mo sa isang mensahe ng Diyos para sa buong sangkatauhan?
Para sa higit pang pagtalakay sa mga katibayan na ang Bibliya ay kinasihan ng Diyos, tingnan ang aklat na Ang Bibliya—Salita ng Diyos o ng Tao?, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
Kung babasahin mo ang Bibliya taglay ang pagpapahalaga sa katotohanang ito ay tunay na Salita ng Diyos, malaki ang iyong magiging pakinabang.
[Kahon/Mga larawan sa pahina 8]
Ano ba ang Kaharian ng Diyos?
Ito ang pantanging pamahalaan sa langit na itinatag ng tunay na Diyos, si Jehova, ang Maylalang ng langit at lupa.—Jeremias 10:10, 12.
Tinukoy ng Bibliya si Jesu-Kristo bilang ang isa na binigyan ng Diyos ng awtoridad na mamahala. (Apocalipsis 11:15) Nang narito sa lupa, ipinakita ni Jesus na taglay na niya ang nakapanggigilalas na awtoridad mula sa Diyos—awtoridad na nagpangyari sa kaniya na makontrol ang likas na mga elemento, malunasan ang lahat ng uri ng karamdaman, at bumuhay pa nga ng patay. (Mateo 9:2-8; Marcos 4:37-41; Juan 11:11-44) Patiunang sinabi ng kinasihang hula sa Bibliya na bibigyan din siya ng Diyos ng “pamamahala at dangal at kaharian, upang ang lahat ng mga bayan, mga liping pambansa at mga wika ay maglingkod sa kaniya.” (Daniel 7:13, 14) Ang pamahalaang iyan ay tinatawag na Kaharian ng langit; mula sa langit isinasagawa ni Jesu-Kristo sa ngayon ang kaniyang pamamahala.
[Mga larawan sa pahina 7]
Pangglobong pangangaral ng mabuting balita