Pinasigla ng mga Misyonero ang Pandaigdig na Paglawak
Kabanata 23
Pinasigla ng mga Misyonero ang Pandaigdig na Paglawak
ANG masigasig na gawain ng mga misyonero na handang maglingkuran saanman sila kailangan ay naging mahalagang salik sa pambuong-daigdig na paghahayag ng Kaharian ng Diyos.
Matagal pa bago itinatag ng Watch Tower Bible and Tract Society ang isang paaralan sa layuning ito, ang mga misyonero ay ipinadadala na sa ibang mga lupain. Nakita ng unang presidente ng Samahan, si C. T. Russell, ang pangangailangan para sa kuwalipikadong mga tao upang pasimulan at pangunahan ang pangangaral ng mabuting balita sa mga larangan sa ibang bansa. Sa layuning ito, isinugo niya ang mga lalaki—si Adolf Weber sa Europa, si E. J. Coward sa dakong Caribeano, si Robert Hollister sa Silangan, at si Joseph Booth sa gawing timog ng Aprika. Nakalulungkot, si Booth ay napatunayang higit na interesado sa kaniyang sariling mga panukala; kaya, noong 1910, si William Johnston ay isinugo mula sa Scotland tungo sa Nyasaland (ngayo’y Malawi), na siyang higit na apektado ng masamang impluwensiya ni Booth. Pagkatapos, si Brother Johnston ay inatasan na magtatag ng isang tanggapang pansangay ng Samahang Watch Tower sa Durban, Timog Aprika, at nang maglaon ay naglingkod siya bilang tagapangasiwa ng sangay sa Australia.
Pagkatapos ng unang digmaang pandaigdig, si J. F. Rutherford ay nagsugo ng higit pang mga misyonero—halimbawa, sina Thomas Walder at George Phillips mula sa Britanya tungo sa Timog Aprika, si W. R. Brown mula sa isang atas sa Trinidad tungo sa Kanlurang Aprika, si George Young mula Canada tungo sa Timog Amerika at sa Europa, si Juan Muñiz una sa Espanya at pagkatapos sa Argentina, sina George Wright at Edwin Skinner sa India, na sinundan pa nina Claude Goodman, Ron Tippin, at mga iba pa. Sila’y tunay na mga payunir, na umaabot sa mga lugar na bahagya lamang o wala pang naisasagawang pangangaral ng mabuting balita at naglalatag ng isang matibay na pundasyon para sa panghinaharap na paglago ng organisasyon.
Mayroon pa ring iba, na pinakilos ng espiritu ng misyonero upang mangaral sa labas ng kanilang sariling bansa. Kabilang dito ay si Kate Goas at ang kaniyang anak na babaing si Marion, na gumugol ng maraming taon sa masigasig na paglilingkod sa Colombia at Venezuela. Ang isa pa ay si Joseph Dos Santos, na umalis sa Hawaii sa isang nangangaral na paglalakbay na humantong sa 15 taóng ministeryo sa Pilipinas. Naroon din si Frank Rice, na naglakbay sa isang barkong pangkargamento mula sa Australia upang mabuksan ang pangangaral ng mabuting balita sa kapuluan ng Java (ngayo’y nasa Indonesia).
Gayunman, noong 1942 may nabuong mga plano para sa isang paaralan na may kursong sadyang dinisenyo upang sanayin ang kapuwa lalaki at babae na nagnanais na makibahagi sa gayong paglilingkurang misyonero saanman sila kailanganin sa pandaigdig na larangan.
Paaralang Gilead
Yamang nasa kalagitnaan pa ng pandaigdig na digmaan, tila di-praktikal mula sa pangmalas ng tao na magplano para sa paglawak ng pangangaral ng Kaharian sa ibang mga bansa. Gayunman, noong Setyembre 1942, taglay ang pananalig kay Jehova, sinang-ayunan ng mga direktor ng dalawa sa pangunahing legal na korporasyon na ginagamit ng mga Saksi ni Jehova ang mungkahi ni N. H. Knorr na magtatag ng isang paaralang dinisenyo upang magsanay ng mga misyonero at iba pa para sa pantanging paglilingkuran. Ito’y tatawaging ang Watchtower Bible College of Gilead. Nang maglaon ang pangalang iyan ay pinalitan ng Watchtower Bible School of Gilead. Walang matrikulang dapat bayaran, at ang mga estudyante ay patutuluyin at pakakanin ng Samahan nang walang bayad sa panahon ng kanilang pagsasanay.
Isa sa mga inanyayahan upang tumulong sa pagbabalangkas ng kurso sa pag-aaral ay si Albert D. Schroeder, na nagkaroon na ng maraming karanasan sa Service Department sa punong-tanggapan ng Samahan sa Brooklyn at bilang tagapangasiwa ng sangay ng Samahan sa Britanya. Dahil sa kaniyang positibong pangmalas, sa pagtatalaga ng kaniyang panahon at lakas para sa iba, at sa kaniyang magiliw na pagmamalasakit sa mga estudyante siya’y napamahal sa mga tinuruan niya sa loob ng 17 taóng paglilingkod niya bilang tagapagrehistro at instruktor sa paaralan. Noong 1974 siya’y naging miyembro ng Lupong Tagapamahala, at nang sumunod na taon ay inatasan siyang maglingkod sa Teaching Committee nito.
Awit 146:1-6; Kaw. 3:5, 6; Efe. 4:24) Ang mga estudyante ay hindi binibigyan ng sauladong mga sagot sa bawat bagay kundi sinasanay silang magsiyasat at tinutulungan silang maunawaan kung bakit gayon ang paniniwala ng mga Saksi ni Jehova at kung bakit sila nanghahawakan sa gayong paraan ng pamumuhay. Natuto silang unawain ang mga simulain na maikakapit nila sa anumang kalagayan. Dahil dito inilalatag ang pundasyon para sa higit na pagsulong.
Si Brother Schroeder at ang kaniyang kasamang mga tagapagturo (sina Maxwell Friend, Eduardo Keller, at Victor Blackwell) ay bumalangkas ng isang limang-buwang kurso ng pag-aaral na nagtampok sa pag-aaral ng Bibliya mismo at sa organisasyong teokratiko, gayundin sa mga doktrina ng Bibliya, pagpapahayag sa madla, ministeryo sa larangan, paglilingkurang misyonero, relihiyosong kasaysayan, banal na kautusan, kung papaano pakikitunguhan ang mga opisyal ng pamahalaan, pandaigdig na batas, pag-iingat ng mga rekord, at isang wikang banyaga. Nagkaroon ng mga pagbabago sa kurikulum sa nagdaang mga taon, subalit ang pag-aaral ng Bibliya mismo at ang kahalagahan ng gawaing pag-eebanghelyo ang laging nananatiling pangunahin. Ang pakay ng kurso ay upang patibayin ang pananampalataya ng mga estudyante, upang tulungan silang maglinang ng espirituwal na mga katangiang kakailanganin nila upang matagumpay nilang harapin ang mga hamon ng paglilingkurang misyonero. Lalo nang binigyang-diin ang kahalagahan ng lubos na pananalig kay Jehova at pagtatapat sa kaniya. (Ang mga paanyaya para sa unang klase ay ipinadala sa mga magiging estudyante noong Disyembre 14, 1942. Noon ay kalagitnaan ng taglamig nang ang 100 estudyante na bumuo ng klaseng iyan ay nagpatala sa mga pasilidad ng paaralan sa estado ng New York, sa South Lansing. Sila’y handa, nasasabik, at medyo ninenerbiyos. Bagaman ang kasalukuyan nilang ikinababahala ay ang kanilang pag-aaral sa klase, hindi maaaring hindi nila isipin kung saan sa pandaigdig na larangan sila aatasan pagkatapos ng gradwasyon.
Sa isang pahayag sa unang klaseng iyan noong Pebrero 1, 1943, ang unang araw ng paaralan, sinabi ni Brother Knorr: “Binibigyan kayo ng karagdagang pagsasanay para sa isang gawain na katulad ng ginawa ni apostol Pablo, ni Marcos, ni Timoteo, at iba pa na naglakbay sa lahat ng bahagi ng Imperyo Romano upang ihayag ang mensahe ng Kaharian. Sila’y kinailangang patibayin ng Salita ng Diyos. Kinailangang taglayin nila ang malinaw na kaalaman ng Kaniyang mga layunin. Sa maraʹming dako sila’y kinailangang tumayong mag-isa laban sa mga matatayog at makapangyarihan ng sanlibutang ito. Maaaring gayundin ang mararanasan ninyo; at magiging kalakasan ninyo ang Diyos sa paggawa nito.
“Marami pang mga lugar na hindi gaanong pinatotohanan tungkol sa Kaharian. Ang mga taong nakatira sa mga lugar na ito ay nasa kadiliman, na binibihag ng relihiyon. Sa ilan sa mga lupaing ito kung saan kakaunti pa ang mga Saksi napapansin na ang mga taong may mabubuting loob ay handang makinig at makisama sa organisasyon ng Panginoon, kung wasto ang pagtuturo sa kanila. Marahil ay may daan-daan at libu-libo pa na maaari sanang maabot kung marami pa ang mga manggagawa sa bukirin. Sa biyaya ng Panginoon, magkakaroon pa nang marami.
“HINDI layunin ng kolehiyong ito na kayo’y sangkapan upang maging ordinadong mga ministro. Kayo ay mga ministro na at naging aktibo sa ministeryo nang maraming taon. . . . Ang kurso ng pag-aaral sa kolehiyo ay may natatanging layunin
na kayo’y ihanda upang maging higit na may-kakayahang mga ministro sa mga teritoryong inyong pupuntahan. . . .“Ang pangunahin ninyong gawain ay ang pangangaral ng ebanghelyo ng Kaharian sa bahay-bahay katulad ng ginawa ni Jesus at ng mga apostol. Kapag may nasumpungan kayong handang makinig, magsaayos ng isang pagbabalik-muli, magsimula ng isang pantahanang pag-aaral, at mag-organisa ng isang kompanya [kongregasyon] ng gayong mga tao sa isang lunsod o bayan. Hindi lamang kaluguran ninyong mag-organisa ng isang kompanya, kundi dapat ninyong tulungan silang maunawaan ang Salita, patibayin sila, kausapin sila sa tuwi-tuwina, tulungan sila sa kanilang mga pulong ukol sa paglilingkod at sa kanilang pagiging organisado. Kapag sila’y malakas na at makatatayo nang mag-isa at kaya na nilang pangasiwaan ang teritoryo, maaari kayong lumipat sa iba namang lunsod upang ihayag ang Kaharian. Sa pana-panahon baka kailangang balikan ninyo sila upang sila’y palakasin sa kabanal-banalang pananampalataya at ituwid sa doktrina; kaya ang magiging gawain ninyo ay ang pangalagaan ang ‘ibang tupa’ na Panginoon, at huwag silang pababayaan. (Juan 10:16) Ang talagang gawain ninyo ay upang tulungan ang mga taong may mabubuting loob. Kailangang gamitin ninyo ang sariling pagkukusa, subalit laging umaasa sa patnubay ng Diyos.” a
Limang buwan pagkaraan nito natapos ng mga miyembro ng unang klaseng iyan ang kanilang natatanging pagsasanay. Kumuha ng mga visa, gumawa ng mga kaayusan para sa paglalakbay, at sila’y nagsimulang lumisan tungo sa siyam na lupain sa Latin Amerika. Tatlong buwan pagkatapos ng kanilang gradwasyon, ang unang mga misyonerong sinanay sa Gilead na lumisan sa Estados Unidos ay patungo na sa Cuba. Pagsapit ng 1992, mahigit na 6,500 studyante mula sa mahigit na 110 bansa ang sinanay at naglingkod pagkatapos sa mahigit na 200 lupain at mga kapuluan.
Hanggang sa kaniyang kamatayan 34 na taon pagkaraan ng inagurasyon ng Paaralang Gilead, nagpakita si Brother Knorr ng matinding personal na interes sa gawain ng mga misyonero. Sa bawat bagong klase, dinadalaw niya ang grupo ng mga estudyante nang ilang beses hangga’t maaari, na nagbibigay ng mga pahayag at nagsasama ng ibang mga tauhan mula sa punong-tanggapan upang magpahayag sa mga estudyante. Nang pasimulan ng mga nagtapos sa Gilead ang kanilang paglilingkod sa ibang lupain, personal niyang dinalaw ang mga grupo ng mga misyonero, anupat tinulungan silang malutas ang mga problema, at binigyan sila ng kinakailangang
pampatibay-loob. Habang dumarami ang bilang ng mga grupo ng mga misyonero, nagsaayos siya na ibang kuwalipikadong mga kapatid ang gagawa rin ng gayong mga pagdalaw, upang tiyakin na lahat ng mga misyonero, saanman sila naglilingkuran, ay tatanggap ng regular na personal na atensiyon.Naiiba ang mga Misyonerong Ito
Ang mga misyonero ng Sangkakristiyanuhan ay nagtatag ng mga ospital, mga kampo para sa nagsisilikas, at mga bahay-ampunan upang tustusan ang materyal na pangangailangan ng tao. Nag-aastang mga tagapagtanggol ng mga dukha, sila’y nagsulsol din ng rebolusyon at nakilahok sa rebolusyonaryong pakikidigma. Bilang kabaligtaran nito, ang mga misyonerong nagtapos sa Paaralang Gilead ay nagtuturo ng Bibliya sa mga tao. Sa halip na magtayo ng mga simbahan at umasang sila’y puntahan ng mga tao, sila’y dumadalaw sa bahay-bahay upang hanapin at turuan ang mga nagugutom at nauuhaw sa katuwiran.
Samantalang mahigpit na nanghahawakan sa Salita ng Diyos, ang mga misyonerong Saksi ay nagpapakita sa mga tao kung bakit ang Kaharian ng Diyos ang tunay at namamalaging lunas sa mga suliranin ng sangkatauhan. (Mat. 24:14; Luc. 4:43) Ang kaibahan ng gawaing ito sa gawain ng mga misyonero ng Sangkakristiyanuhan ay naidiin kay Peter Vanderhaegen noong 1951 nang siya’y naglalakbay patungo sa kaniyang atas sa Indonesia. Ang kaisa-isang pasaherong kasama niya sa barkong pangkargamento ay isang misyonero ng Baptist. Bagaman sinikap ni Brother Vanderhaegen na kausapin siya hinggil sa mabuting balita ng Kaharian ng Diyos, nilinaw ng Baptist na ang kaniyang pangunahing interes ay ang pagsuporta sa mga pagsisikap ni Chiang Kai-shek sa Taiwan na bumalik sa kapangyarihan sa mainland.
Gayunman, maraming ibang tao ang nagpahalaga sa sinasabi sa Salita ng Diyos. Sa Barranquilla, Colombia, nang si Olaf Olson ay nagpatotoo kay Antonio Carvajalino, na dati’y isang masigasig na tagapagtaguyod ng isang kilusang makapulitika, hindi pumanig sa kaniya si Brother Olson, ni nagtaguyod man ng iba namang pulitikal na ideolohiya. Sa halip, nag-alok siya ng walang-bayad na pag-aaral sa Bibliya kay Antonio at sa kaniyang mga kapatid na babae. Di-nagtagal at natalos ni Antonio na ang Kaharian ng Diyos nga ang tanging pag-asa para sa mga dukha sa Colombia at sa buong daigdig. (Awit 72:1-4, 12-14; Dan. 2:44) Si Antonio at ang kaniyang mga kapatid na babae ay naging masigasig na mga lingkod ng Diyos.
Ang bagay na ang mga misyonerong Saksi ay naiiba at nabubukod sa relihiyosong sistema ng Sangkakristiyanuhan ay itinampok sa iba pang paraan sa isang
pangyayaring naganap sa Rhodesia (ngayo’y Zimbabwe). Nang dalawin ni Donald Morrison ang tahanan ng isa sa mga misyonero ng Sangkakristiyanuhan doon, nagreklamo ang misyonero na hindi iginagalang ng mga Saksi ang itinakdang mga hangganan. Anong mga hangganan? Buweno, ang lupain ay hinati-hati ng mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan sa mga dako na doon maaaring gumawa ang isang relihiyon na hindi pinakikialaman ng mga iba. Hindi maaaring sundin ng mga Saksi ni Jehova ang gayong kaayusan. Sinabi ni Jesus na ang mensahe ng Kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa. Talagang hindi ito ginagawa ng Sangkakristiyanuhan. Ang mga misyonerong sinanay sa Gilead ay determinadong puspusang gawin ito, bilang pagtalima kay Kristo.Ang mga misyonerong ito ay ipinadala, hindi upang paglingkuran, kundi upang maglingkod. Naging maliwanag sa maraming paraan na talagang ito nga ang pinagsikapan nilang gawin. Hindi masama ang tumanggap ng materyal na mga panustos na inihahandog nang kusang-loob (at hindi dahil sa pangingilak) bilang pasasalamat sa espirituwal na tulong na ibinigay. Subalit upang maabot ang puso ng mga tao sa Alaska, nasumpungan nina John Errichetti at Hermon Woodard na kapaki-pakinabang na gumamit ng kahit kaunting panahon sa pagtatrabaho upang tustusan ang kanilang pisikal na mga pangangailangan, tulad ng ginawa ni apostol Pablo. (1 Cor. 9:11, 12; 2 Tes. 3:7, 8) Ang pangunahing gawain nila ay ang pangangaral ng mabuting balita. Ngunit kapag sila’y pinagpakitaan ng kagandahang-loob, sila’y tumutulong din sa mga gawaing dapat isagawa—halimbawa, paglalagay ng alkitran sa bubungan ng bahay ng isang tao sapagkat napansin nilang kailangan niya ang tulong. At nang sila’y maglakbay sa iba’t ibang dako sa pamamagitan ng bangka, sila’y tumulong sa pagdidiskarga ng mga bagahe. Natalos kaagad ng mga tao na ang mga misyonerong ito ay ibang-iba sa mga klero ng Sangkakristiyanuhan.
Sa ibang mga lugar ang mga misyonerong Saksi ay kinailangang kumuha ng sekular na trabaho pansamantala upang makapanatili sila sa isang lupain at nang maipagpatuloy roon ang kanilang ministeryo. Kaya, nang pumunta si Jesse Cantwell sa Colombia, siya’y nagturo ng Ingles sa medical department ng isang pamantasan hanggang sa nagbago ang kalagayan sa pulitika at naalis ang paghihigpit sa mga relihiyon. Pagkatapos nito ay nagamit niya nang buong panahon ang kaniyang kasanayan sa ministeryo bilang naglalakbay na tagapangasiwa ng mga Saksi ni Jehova.
Sa maraming dako, nang pasimula ay kinailangang pumasok ang mga misyonero sa bansa na may taglay na tourist visa na nagpahintulot sa kanilang manatili nang isang buwan o kaya’y ilang buwan. Pagkatapos ay kailangan nilang umalis at saka bumalik muli. Ngunit ito’y pinagtiyagaan nila, na paulit-ulit na ginagawa ito hanggang sa makuha nila ang kinakailangang mga papeles ng paninirahan. Ang matinding hangarin nila ay ang tulungan ang mga tao sa mga lupaing iniatas sa kanila.
Hindi iniisip ng mga misyonerong ito na sila’y mas magaling kaysa sa lokal na mga tao. Bilang naglalakbay na tagapangasiwa, si John Cutforth, na dati’y isang guro sa paaralan sa Canada, ay dumalaw sa mga kongregasyon at nabubukod na mga Saksi sa Papua New Guinea. Siya’y umupo sa sahig na kasama nila, nakisalo sa kanila sa pagkain, at tumanggap ng mga imbitasyon na matulog sa isang banig sa sahig ng kanilang mga tahanan. Siya’y nakisalamuha sa kanila samantalang naglalakad silang
magkakasama sa ministeryo sa larangan. Ngunit ito’y pinagtatakhan ng mga di-Saksing nakapansin dito, sapagkat ang Europeong mga pastor ng mga misyon ng Sangkakristiyanuhan ay kilala sa pagiging malayo sa lokal na mga tao, na nakikisama lamang sa kanilang mga miyembro sa ilan sa kanilang mga pulong, subalit kailanma’y hindi nakikisalo sa kanila sa pagkain.Nadama ng mga taong pinaglilingkuran ng mga Saksing ito ang maibiging pagmamalasakit ng mga misyonero at ng organisasyon na nagsugo sa kanila. Bilang tugon sa isang sulat mula kay João Mancoca, isang abáng Aprikanong nakakulong sa isang kampong piitan sa Portuguese West Africa (ngayo’y Angola), ang isang misyonero ng Watch Tower ay isinugo upang maglaan ng espirituwal na tulong. Bilang paggunita sa pagdalaw na iyon, sinabi ni Mancoca nang maglaon: “Wala na akong alinlangan na ito ang tunay na organisasyon na tinatangkilik ng Diyos. Hindi man lamang sumagi sa aking isipan o paniniwala na magagawa ng anumang ibang relihiyosong organisasyon ang gayong bagay: walang bayad, na isugo ang isang misyonero mula sa malayo upang dumalaw sa isang hamak na tao dahil lamang sa siya’y sumulat ng liham.”
Mga Kalagayan ng Pamumuhay at mga Kostumbre
Kalimitan ang mga kalagayan ng pamumuhay sa mga lupaing pinagsuguan sa mga misyonero ay hindi maunlad sa materyal na mga bagay di-gaya niyaong mga dakong pinanggalingan nila. Nang si Robert Kirk ay makarating sa Burma (ngayo’y Myanmar) sa kaagahan ng 1947, makikita pa rin ang mga epekto ng digmaan, at kakaunti lamang sa mga tahanan ang may kuryente. Sa maraming mga lupain, nasumpungan ng mga misyonero na ang mga damit ay isa-isang nilalabhan sa tabla o kaya sa ibabaw ng mga bato sa ilog sa halip na sa isang washing machine. Ngunit sila’y pumaroon upang turuan ang mga tao ng katotohanan ng Bibliya, kaya nakibagay sila sa lokal na mga kalagayan at naging abala sa ministeryo.
Noong unang mga panahon, kadalasa’y walang sumasalubong sa mga misyonero. Bahala silang maghanap ng matutuluyan nila. Nang si Charles Eisenhower, kasama ang 11 iba pa, ay dumating sa Cuba noong 1943, sila’y natulog sa sahig nang unang gabi nila. Kinabukasan ay bumili sila ng mga kama at gumawa sila ng mga aparador at tukador mula sa mga kahon ng mansanas. Sa paggamit ng anumang kontribusyong tinanggap nila mula sa naipasakamay na mga literatura, kasama ng maliit na pinansiyal na tulong na inilalaan ng Samahang Watch Tower para sa mga special pioneer, ang bawat grupo ng mga misyonero ay umasa kay Jehova upang pagpalain ang kanilang mga pagsisikap na mabayaran ang upa sa bahay, bumili ng pagkain, at tumugon sa iba pang kinakailangang mga gastusin.
Kung minsan ay kailangang baguhin ang isipan may kaugnayan sa paghahanda ng pagkain. Pagka walang pridyeder, kailangang pumunta araw-araw sa palengke. Sa maraming lupain nagluluto sila sa pamamagitan ng uling o kahoy sa halip na sa kalang de-gas o de-kuryente. Sina George at Willa Mae Watkins, na inatasan
sa Liberia, ay nakasumpong na ang kanilang kalan ay tatlong bato lamang na pinapatungan ng isang kalderong bakal.Kumusta naman ang tubig? Habang pinagmamasdan niya ang kaniyang bagong tahanan sa India, sinabi ni Ruth McKay: ‘Ngayon lamang ako nakakita ng ganitong bahay. Ang kusina ay walang lababo, basta isang gripo lamang sa sulok ng pader na may konkretong halang sa palibot upang huwag umapaw ang tubig sa buong sahig. Hindi 24 na oras na may tubig, kung kaya kailangang mag-ipon para sa mga panahong napuputol ang suplay.’
Palibhasa’y hindi sanay sa lokal na mga kalagayan, ang ilan sa mga misyonero ay laging nagkakasakit sa unang mga buwan sa kanilang atas. Si Russell Yeatts ay paulit-ulit na nagkaroon ng disintirya nang siya’y dumating sa Curaçao noong 1946. Ngunit gayon na lamang kataimtim ang pasasalamat kay Jehova ng isang lokal na kapatid dahil sa mga misyonero kung kaya hindi man lamang nila maatim na umalis. Pagdating sa Upper Volta (ngayo’y Burkina Faso), nasumpungan nina Brian at Elke Wise na ang klima roon ay napakatindi at nakaaapekto sa kalusugan ng isa. Kailangang pagtiisan nila ang mga temperatura kung araw na 43° C. Sa una nilang taon, ang matinding init kasabay ng malarya ay naging sanhi ng ilang linggong pagkakasakit ni Elke. Nang sumunod na taon, si Brian ay limang buwang nakaratay sa higaan dahil sa grabeng kaso ng hepatitis. Ngunit di-nagtagal at nasumpungan nila na nakapagdaraos sila ng lahat ng pag-aaral sa Bibliya na kaya nilang pangasiwaan—at kung minsan ay higit pa sa kaya nila. Ang pag-ibig nila para sa mga taong iyon ang tumulong sa kanila na magtiyaga; tumulong din ang bagay na ang atas nila’y itinuturing nilang isang pribilehiyo at mabuting pagsasanay para sa anumang nilalayon ni Jehova para sa kanila sa hinaharap.
Sa paglipas ng mga taon, lalong maraming misyonero ang sinalubong sa kanilang atas ng mga nauna sa kanila o ng lokal na mga Saksi. Ang ilan ay inatasan sa mga lupain na may modernong pangunahing mga lunsod. Pasimula noong 1946, sinikap ng Samahang Watch Tower na maglaan ng angkop na tahanan at kinakailangang mga muwebles para sa bawat grupo ng mga misyonero gayundin ang isang pondo para sa pagkain, sa gayo’y hindi ito gaanong makababalisa sa kanila at maaari silang mag-ukol ng higit na pansin sa gawaing pangangaral.
Sa ilang mga lugar, ang paglalakbay ay naging pagsubok sa kanilang pagtitiis. Pagkatapos ng ulan, ang mga kapatid na misyonera sa Papua New Guinea ay madalas na nagpapasan ng kanilang suplay sa isang napsak samantalang naglalakad sa kagubatan sa isang madulas na landas na napakaputik kung kaya paminsan-minsan ay naiiwan ang kanilang mga sapatos. Sa Timog Amerika, maraming misyonero ang nakaranas ng nakatatakot na mga paglalakbay sa bus sa makikitid na daan sa kaitaasan ng Kabundukan ng Andes. Isa ngang di-agad malilimot na karanasan kapag ang
iyong bus na sinasakyan, sa bingit ng daan, ay makasalubong ng isa pang malaking sasakyan sa isang kurba na walang bakod na panghalang at nararamdaman mong waring nagsisimula nang tumagilid ang bus pahulog sa bangin!Waring regular na bahagi na ng buhay ang pulitikal na mga rebolusyon sa ibang lugar, subalit laging isinasaisip ng mga misyonerong Saksi ang sinabi ni Jesus na ang kaniyang mga alagad ay “hindi bahagi ng sanlibutan”; kaya sila’y walang pinapanigan sa gayong mga alitan. (Juan 15:19) Natuto silang huwag mag-usyoso upang huwag mapahantad sa panganib. Kadalasan, ang pinakamabuti ay huwag nang lumabas sa mga lansangan hanggang sa pumayapa ang kalagayan. Siyam na mga misyonero sa Vietnam ay doon nakatira sa mismong sentro ng Saigon (ngayo’y Ho Chi Minh City) nang lumaganap ang digmaan sa lunsod na iyon. Nakikita nila ang inihuhulog na mga bomba, mga sunog sa buong siyudad, at libu-libong mga taong nagsisitakas upang iligtas ang kanilang buhay. Subalit yamang naniniwala na sila’y ipinadala ni Jehova roon upang paglaanan ng nagbibigay-buhay na kaalaman ang mga taong nagugutom sa katotohanan, sila’y umasa sa kaniya ukol sa proteksiyon.
Kahit sa mga panahong masasabing may kapayapaan, mahirap din para sa mga misyonero na isagawa ang kanilang ministeryo sa ilang bahagi ng mga lunsod sa Asia. Sa pagkakita pa lamang sa isang dayuhan sa makikitid na daan ng isang dukhang lugar sa Lahore, Pakistan, ay sapat na upang matawag ang pansin ng maraming marurumi, gusgusing mga batang iba’t iba ang edad. Nagsisigawan at nagtutulakan, sinusundan nila ang misyonero sa bahay-bahay, na madalas na pinapasok pa nila ang mga bahay kasunod ng mamamahayag. Di-nagtagal at ang buong kalye ay nasabihan na ng presyo ng mga magasin at na ang estranghero ay ‘nangungumberte upang maging Kristiyano.’ Sa gayong mga kalagayan, kadalasan ay kailangang umalis sa lugar na iyan. Ang pag-alis nila kalimita’y sinasabayan ng pagtili, palakpakan, at kung minsan, ng pag-ulan ng mga bato.
Dahil sa lokal na mga kostumbre ay kailangang makibagay ang mga misyonero. Sa Hapón natuto silang iwan ang kanilang mga sapatos sa may pintuan kapag pumapasok sa isang bahay. At, hangga’t maaari, kailangang masanay sila na umupo sa sahig sa harap ng isang mababang dulang sa mga pag-aaral sa Bibliya. Sa ilang bahagi ng Aprika, natutuhan nila na ang paggamit ng kaliwang kamay kapag may iniaabot sa ibang tao ay itinuturing na isang insulto. At nasumpungan nila na sa dakong iyan ng daigdig, hindi kabutihang asal ang magpaliwanag ng dahilan ng kanilang pagdalaw hangga’t hindi pa nakapagbabatian muna—nagkukumustahan hinggil sa kalusugan at sumasagot sa mga tanong tulad ng taga-saan ang isa, ilan ang mga anak nila, at iba pa. Sa Brazil nasumpungan ng mga misyonero na sa halip na kumatok sa mga pintuan, kadalasan ay kailangang pumalakpak muna sa may tarangkahan sa harap upang tawagan ang maybahay.
Subalit, sa Lebanon ang mga misyonero ay napaharap sa naiiba namang kostumbre. Kakaunti sa mga kapatid na lalaki ang nagsasama ng kanilang mga asawa at mga anak na babae sa mga pulong. Ang mga babaing dumadalo ay laging umuupo sa may likuran, kailanma’y hindi kasama ng mga lalaki. Ang mga misyonero, palibhasa’y walang alam sa kostumbre, ay lumikha ng malaking pagkabahala sa kanilang unang pagpupulong. Isang mag-asawa ang umupo sa may unahan, at ang mga dalagang Deuteronomio 31:12; Galacia 3:28.) Ang pagbubukod sa mga babae ay itinigil. Dumami ang mga asawang babae at mga anak na babae na dumadalo sa mga pulong. Nakisama rin sila sa mga misyonera sa ministeryo sa bahay-bahay.
misyonera ay umupo kung saan may bakanteng upuan. Subalit pagkatapos ng pulong isang pagtalakay sa Kristiyanong mga simulain ang nag-alis sa di-pagkakaunawaan. (Ihambing angAng Hamon ng Isang Bagong Wika
Ang maliit na grupo ng mga misyonero na dumating sa Martinique noong 1949 ay walang gaanong nalalaman sa Pranses, ngunit alam nila na kailangang marinig ng mga tao ang mensahe ng Kaharian. Taglay ang tunay na pananampalataya nagsimula sila sa bahay-bahay, na sinisikap na bumasa ng ilang talata mula sa Bibliya o mga halaw sa isang publikasyong iniaalok nila. Dahil sa kanilang pagtitiyaga ang kanilang pagsasalita ng Pranses ay unti-unting sumulong.
Bagaman hangarin nilang tulungan ang lokal na mga Saksi at iba pang mga interesado, ang mga misyonero mismo ang madalas na unang nangangailangan ng tulong—sa wika. Yaong mga ipinadala sa Togo ay nakasumpong na ang balarila ng Ewe, ang pangunahing katutubong wika, ay ibang-iba sa mga wikang Europeano, gayundin na ang tono ng boses sa pagbigkas ng isang salita ay maaaring magbago ng kahulugan nito. Kaya, ang dalawang-letrang salita na to, kapag binigkas na may mataas na tono, ay maaaring mangahulugang tainga, bundok, biyenang-lalaki, o tribo; kapag sa mababang tono, ito’y nangangahulugang buffalo. Ang mga misyonerong nagsisimulang maglingkod sa Vietnam ay napaharap sa isang wika na gumagamit ng anim na iba’t ibang tono sa isang salita, na ang bawat tono ay nagbibigay ng ibang kahulugan.
Si Edna Waterfall, na inatasan sa Peru, ay hindi agad nakalimot sa unang bahay na doon siya sumubok na magpatotoo sa Kastila. Habang pinapawisan siya ng malamig, nagpautal-utal siya sa kaniyang sauladong presentasyon, nag-alok ng literatura, at nagsaayos ng isang pag-aaral sa Bibliya sa isang matandang babae. Pagkatapos ay sinabi ng babae sa matatas na Ingles: “Tama, mainam ang lahat ng iyan. Ako’y makikipag-aral sa inyo at gagawin natin ang lahat sa Kastila upang matulungan kang matuto ng Kastila.” Nagtataka, sumagot si Edna: “Marunong pala kayo ng Ingles? At binayaan pa ninyo akong maghirap sa aking balu-baluktot na Kastila?” “Mabuti iyon para sa iyo,” ang sagot ng babae. At totoo nga ito! Gaya ng
madaling natalos ni Edna, ang aktuwal na pagsasalita ng isang wika ay napakahalaga upang ito’y matutuhan.Sa Italya, nang si George Fredianelli ay magsikap na magsalita ng wika, natuklasan niya na ang inaakala niyang mga Italyanong pananalita (subalit sa totoo ay mga salitang Ingles na binibigkas sa Italyano) ay hindi naiintindihan. Upang lutasin ang problema, nagpasiya siyang isulat ang kaniyang mga pahayag sa mga kongregasyon at basahin ito mula sa isang manuskrito. Ngunit marami sa tagapakinig ay nakakatulog. Kaya isinaisang-tabi niya ang manuskrito, nagsalita nang ekstemporanyo, at pinakiusapan niya ang tagapakinig na tumulong kapag siya’y kinapos. Ito’y nakatulong upang manatili silang gising, at siya rin ay natulungang sumulong.
Upang ang mga misyonero ay mabigyan ng magandang pasimula sa kanilang bagong wika, ang kurso ng pag-aaral sa Gilead para sa unang mga klase ay naglakip ng mga wikang tulad ng Kastila, Pranses, Italyano, Portuges, Hapones, Arabic, at Urdu. Sa nagdaang mga taon, mahigit na 30 wika ang itinuro. Ngunit yamang ang mga nagtapos sa isang klase ay hindi lahat tumutungo sa mga lugar na gumagamit ng wika ring iyon, ang mga klaseng ito sa wika nang dakong huli ay pinalitan ng mga kaayusan na magkaroon ng isang takdang panahon ng masinsinang pag-aaral ng wika sa ilalim ng isang tagapagturo pagdating nila sa kanilang mga atas. Sa unang buwan, isinubsob ng mga baguhan ang kanilang ulo sa pag-aaral ng wika sa loob ng 11 oras bawat araw; at sa sumunod na buwan, ang kalahati ng kanilang panahon ay ginugol sa pag-aaral ng wika sa bahay, at ang kalahati naman ay iniukol sa paggamit sa kaalamang iyan sa ministeryo sa larangan.
Gayunman, napansin na ang mismong paggamit ng wika sa ministeryo sa larangan ay isang pangunahing susi sa pagsulong; kaya may pagbabagong ginawa. Sa unang tatlong buwan sa kanilang atas, ang baguhang mga misyonero na walang alam sa lokal na wika ay gugugol ng apat na oras bawat araw kasama ng isang kuwalipikadong guro, at pasimula mismo sa unang araw, sa pamamagitan ng pagpapatotoo
sa lokal na mga tao tungkol sa Kaharian ng Diyos, gagamitin nila ang kanilang natututuhan.Maraming grupo ng mga misyonero ang gumawang magkakasama upang mapasulong ang pagkaunawa nila sa wika. Tumatalakay sila ng ilan, o hanggang mga 20, na bagong salita araw-araw sa almusal at saka nagsisikap silang gamitin ang mga ito sa kanilang ministeryo sa larangan.
Ang pagkatuto sa lokal na wika ay naging mahalagang salik upang makuha nila ang pagtitiwala ng mga tao. Sa ilang dako, hindi gaanong pinagtitiwalaan ang mga dayuhan. Sina Hugh at Carol Cormican ay nakapaglingkod na bilang binata’t dalaga o bilang mag-asawa sa limang lupain sa Aprika. Kabisadung-kabisado nila ang kawalan ng tiwala na kadalasang umiiral sa pagitan ng mga Aprikano at mga Europeo. Subalit sinabi nila: “Madaling maalis ang damdaming ito pagka nagsasalita ng lokal na wika. Bukod dito, ang iba na hindi mahilig makinig ng mabuting balita mula sa mga kababayan nila ay agad na nakikinig sa amin, kumukuha ng literatura, at nag-aaral, dahil sa pagsisikap naming kausapin sila sa kanilang sariling wika.” Upang magawa ito, si Brother Cormican ay natuto ng limang wika, bukod sa Ingles, at si Sister Cormican ay natuto ng anim.
Sabihin pa, maaaring may mga problema sa pagsisikap na mag-aral ng bagong wika. Sa Puerto Rico isang kapatid na lalaki na nag-aalok na magpatugtog ng isang isinaplakang mensahe mula sa Bibliya para sa mga maybahay ang nagsasara ng kaniyang ponograpo at tumutungo sa susunod na pinto kapag sumagot ang tao na, “¡Como no!” Sa kaniyang pagdinig ito’y parang “No” (“Hindi”), at tumagal pa bago niya natutuhan na ang pananalitang iyon ay nangangahulugang “Bakit hindi!” Sa kabilang dako naman, kung minsan ay hindi nauunawaan ng mga misyonero kapag sinabi ng maybahay na hindi siya interesado, kaya patuloy pa rin sila sa pagpapatotoo. Ang ilang maunawaing mga maybahay ay nakinabang dahil dito.
Nagkaroon din ng katawa-tawang mga pangyayari. Napag-alaman ni Leslie Franks, sa Singapore, na dapat mag-ingat na huwag gamitin ang salita para sa niyog (kelapa) kapag ang talagang ibig niyang sabihin ay ulo (kepala), at damo (rumput) kapag ang ibig niyang sabihin ay buhok (rambut). Isang misyonero sa Samoa, dahil sa maling bigkas, ay nagtanong sa isang tagaroon, “Kumusta ang balbas mo?” (walang balbas yaong tinatanong), samantalang ang layunin lamang niya ay kumustahin ang asawa ng taong ito. Sa Ecuador, nang biglang pinaandar ng tsuper ang bus, si Zola Hoffman, na nakatayo sa loob ng bus, ay nawalan ng panimbang at napaupo sa kandungan ng isang lalaki. Hiyang-hiya, nagsikap siyang humingi ng paumanhin. Ngunit ang nasabi pa niya ay, “Con su permiso” (Kung ipahihintulot mo). Nang may-kabaitang sumagot ang lalaki, “Kung gusto mo, Senyora, puwede naman,” nagtawanan ang ibang mga pasahero.
Sa kabila nito, nagkaroon ng mabuting bunga sa ministeryo sapagkat talagang nagsisikap ang mga misyonero. Naalaala ni Lois Dyer, na dumating sa Hapón noong 1950, ang payong ibinigay ni Brother Knorr: “Gawin ninyo ang inyong makakaya, at, kahit magkamali, magpatuloy lang kayo!” Sinunod niya ito, at gayon din ng iba. Nang sumunod na 42 taon, nakita ng mga misyonerong ipinadala sa Hapón na sumulong ang bilang ng mga tagapaghayag ng Kaharian doon mula sa halos mabibilang lamang sa daliri hanggang sa mahigit na 170,000, at nagpapatuloy pa rin ang pagsulong. Kaylaking gantimpala dahil sa, matapos silang tumingin kay Jehova para sa patnubay, sila’y handang magsumikap!
Binubuksan ang Bagong mga Larangan, Pinauunlad Naman ang Iba
Sa maraming lupain at mga kapuluan, ang mga misyonerong sinanay sa Gilead ang siyang nagpasimula ng pangangaral ng Kaharian o kaya’y nagpasigla ng gawain matapos gumawa ng limitadong pagpapatotoo ang mga iba. Sa wari’y sila ang unang mga Saksi ni Jehova na nangaral ng mabuting balita sa Somalia, Sudan, Laos, at sa maraming mga kapuluan sa palibot ng globo.
May naunang pangangaral na nagawa sa mga lugar tulad ng Bolivia, Dominican Republic, Ecuador, El Salvador, Honduras, Nicaragua, Ethiopia, Ang Gambia, Liberia, Cambodia, Hong Kong, Hapón, at Vietnam. Subalit walang mga Saksi na nag-uulat ng gawain sa mga lupaing ito nang dumating ang unang mga misyonerong nagtapos sa Paaralang Gilead. Saanman magagawa, sinikap ng mga misyonero na sistematikong malaganapan ang bansa, na unang binibigyang-pansin ang malalaking lunsod. Hindi sila basta namahagi ng literatura at pagkatapos ay lumipat sa iba, tulad ng ginawa noong una ng mga colporteur. Sila’y matiyagang dumalaw-muli sa mga interesado, nagdaos sa kanila ng mga pag-aaral sa Bibliya, at nagsanay sa kanila sa ministeryo sa larangan.
Ang ibang mga lupain ay mayroon lamang mga sampung tagapaghayag ng Kaharian (at, kung minsan, wala pang sampu) bago dumating ang mga misyonerong nagtapos sa Paaralang Gilead. Kasama sa mga ito ay ang Colombia, Guatemala, Haiti, Puerto Rico, Venezuela, Burundi, Ivory Coast (ngayo’y Côte d’Ivoire), Kenya, Mauritius, Senegal, Timog-Kanlurang Aprika (ngayo’y Namibia), Ceylon (ngayo’y Sri Lanka), Tsina, at Singapore, bukod pa sa maraming kapuluan. Ang mga misyonero ay nagbigay ng masigasig na halimbawa sa ministeryo, tumulong sa lokal na mga Saksi na paunlarin ang kanilang mga kakayahan, nag-organisa ng mga kongregasyon, at tumulong sa mga kapatid na lalaki na maging kuwalipikadong manguna. Malimit na binuksan pa rin nila ang gawain sa mga lugar na hindi dating pinangangaralan.
Dahil sa tulong na ito ang bilang ng mga Saksi ay nagsimulang lumago. Sa karamihan sa mga bansang ito, may libu-libong aktibong mga Saksi ni Jehova sa ngayon. Sa ilan sa mga ito, may sampu-sampung libo, o lampas pa nga sa isang daang libong tagapuri kay Jehova.
Ang Ilan ay Sabik na Makinig
Sa ilang mga lugar nasumpungan ng mga misyonero na maraming tao ang handa at sabik na matuto. Nang sina Ted at Doris Klein, mga nagsipagtapos sa unang klase ng Gilead, ay dumating sa Virgin Islands noong 1947, totoong napakaraming tao ang gustong mag-aral ng Bibliya anupat madalas na hatinggabi na kung sila’y matapos sa maghapong paglilingkod. Para sa unang pahayag pangmadla na ibinigay ni Brother Klein sa Market Square ng Charlotte Amalie, may isang libo na dumalo.
Sina Joseph McGrath at Cyril Charles ay ipinadala sa teritoryong Amis sa Taiwan noong 1949. Sila’y nakatira sa mga bahay na ang bubungan ay hinabi sa kogon at walang mga sahig. Ngunit nandoon sila upang tulungan ang mga tao. Ang ilan sa mga kabilang sa tribo ng Amis ay dati nang nakakuha ng literatura ng Watch Tower, nalugod sa kanilang nabasa,
at ibinahagi ang mabuting balita sa iba. Ngayon ay naroon ang mga misyonero upang tulungan silang sumulong sa espirituwal. Sinabihan sila na 600 katao ang interesado sa katotohanan, ngunit may kabuuang 1,600 ang dumadalo sa mga pulong na idinaraos nila samantalang pumupunta sila sa bawat nayon. Ang abáng mga taong ito ay handang matuto, ngunit kulang sila sa wastong kaalaman sa maraming bagay. Buong pagtitiyaga silang tinuruan ng mga kapatid, na isa-isang tinatalakay ang bawat paksa, at madalas ay gumugugol ng walo o higit pang oras sa tanong-sagot na pagtalakay sa isang paksa sa bawat nayon. Naglaan din ng pagsasanay para sa 140 na nagsabing gusto nilang makibahagi sa pagpapatotoo sa bahay-bahay. Kayligayang karanasan ito para sa mga misyonero! Subalit malaki pa ang kailangang gawin upang magkaroon ng tunay na espirituwal na paglago.Mga 12 taon pagkaraan nito, sina Harvey at Kathleen Logan, mga misyonerong sinanay sa Gilead na nakapaglingkod sa Hapón, ay inatasang magbigay ng karagdagang tulong sa mga kapatid na Amis. Si Brother Logan ay gumugol ng maraming panahon sa pagtulong sa kanilang maunawaan ang saligang mga turo at simulain ng Bibliya gayundin ang mga bagay may kaugnayan sa organisasyon. Sinamahan ni Sister Logan ang mga sister na Amis sa paglilingkod sa larangan araw-araw, at pagkatapos ay sinikap niyang ituro sa kanila ang saligang mga katotohanan ng Bibliya. Pagkatapos, noong 1963, isinaayos ng Samahang Watch Tower na ang mga delegado mula sa 28 lupain ay makipagtipon kasama ng lokal na mga Saksi doon sa nayon ng Shou Feng, may kaugnayan sa isang lumilibot-sa-daigdig na kombensiyon. Lahat ng ito ay nagsimulang maglatag ng matibay na pundasyon para sa higit na pagsulong.
Noong 1948, dalawang misyonero, sina Harry Arnott at Ian Fergusson, ay dumating sa Northern Rhodesia (ngayo’y Zambia). Mayroon nang 252 kongregasyon ng mga Saksing Aprikano noong panahong iyon, ngunit ngayon ang binigyang-pansin ay ang mga Europeano na nakalipat doon dahil sa trabaho sa pagmimina ng tanso. Kapana-panabik ang naging resulta. Maraming literatura ang ipinamahagi;
ang mga pinagdarausan ng mga pag-aaral sa Bibliya ay mabilis na sumulong. Noong taóng iyon nagkaroon ng 61-porsiyentong pagsulong sa bilang ng mga Saksing aktibo sa ministeryo sa larangan.Sa maraming dako naging pangkaraniwan na sa mga misyonero na magkaroon ng talaan ng mga tao na naghihintay na maturuan sa Bibliya. Kung minsan ang mga kamag-anak, mga kapitbahay, at iba pang mga kaibigan ay naroon din kapag idinaraos ang mga pag-aaral. Kahit bago pa maidaos ang kanilang sariling pag-aaral sa Bibliya, maaaring dumadalo na sila nang palagian sa mga pulong sa Kingdom Hall.
Subalit, sa ibang mga lupain, sa kabila ng malaking pagsisikap sa bahagi ng mga misyonero, naging limitado lamang ang pag-aani. Sing-aga ng 1953, ang mga misyonero ng Watch Tower ay ipinadala sa East Pakistan (ngayo’y Bangladesh), na doon ang kalakhan ng populasyon, na ngayo’y mahigit nang 115,000,000, ay Muslim at Hindu. Gumawa ng malaking pagsisikap upang tulungan ang mga tao. Gayunman, noong 1992, mayroon lamang 42 mananamba kay Jehova sa lupaing iyon. Subalit, sa paningin ng mga misyonerong naglilingkod sa mga dakong iyon, ang bawat isa na nanghahawakan sa tunay na pagsamba ay napakahalaga—sapagkat sila’y iilan lamang.
Maibiging Tulong sa mga Kapuwa Saksi
Ang pangunahing gawain ng mga misyonero ay ang pag-eebanghelyo, ang pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. Ngunit habang sila’y personal na nakikibahagi sa gawaing ito, sila’y nakapagbibigay rin ng malaking tulong sa lokal na mga Saksi. Ang mga ito’y isinasama ng mga misyonero sa ministeryo sa larangan at binabahaginan ng mga mungkahi kung papaano pakikitunguhan ang mahihirap na kalagayan. Sa pagmamasid sa mga misyonero, kadalasa’y natututuhan ng lokal na mga Saksi kung papaano magagampanan ang kanilang ministeryo sa higit na organisadong paraan at kung papaano magiging higit na mabibisang tagapagturo. At ang mga misyonero naman ay tinutulungan ng lokal na mga Saksi na makibagay sa lokal na mga kostumbre.
Nang siya’y dumating sa Portugal noong 1948, si John Cooke ay gumawa ng hakbang upang mag-organisa ng sistematikong gawain sa bahay-bahay. Bagaman handa sila, marami sa lokal na mga Saksi ang dapat pang sanayin. Nang maglaon ay sinabi niya: “Hindi ko kailanman malilimot ang isa sa unang paglabas ko sa ministeryo kasama ang mga sister sa Almada. Oo, anim sa kanila ang sama-samang nagpunta sa iisang bahay. Isip-isipin na lamang ang isang grupo ng anim na babae na nakapalibot sa isang pintuan samantalang ang isa sa kanila’y nagbibigay ng sermon! Ngunit unti-unting naging maayos ang mga bagay-bagay at nagsimulang sumulong.”
Ang matapang na halimbawa ng mga misyonero ay tumulong sa mga Saksi sa Leeward Islands na magkaroon ng tibay ng loob, na hindi nahihintakutan dahil sa mga mananalansang na nagsisikap na humadlang sa gawain. Ang pananampalatayang ipinakita ng isang misyonero ay tumulong sa mga kapatid sa Espanya na magsimulang magbahay-bahay, sa kabila ng Katolikong Pasistang diktadura na namamahala noong panahong iyon. Ang mga misyonerong naglilingkod sa Hapón pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig II ay nagbigay ng halimbawa sa pagiging mataktika—na hindi inuulit-ulit pa ang kabiguan ng pambansang relihiyon, matapos
talikuran ng emperador ng Hapón ang kaniyang pagiging diyos, kundi naghaharap ng nakakukumbinsing katibayan upang maniwala sa Maylalang.Ang lokal na mga Saksi ay nagmasid sa mga misyonero at madalas ay naaapektuhan nang malaki sa mga paraan na hindi napagtanto noon ng mga misyonero. Sa Trinidad, ang mga pangyayaring naganap na nagpakita ng kababaang-loob ng mga misyonero, ng kanilang pagiging handang pagtiisan ang mahihirap na kalagayan, at ng kanilang kasipagan sa paglilingkod kay Jehova sa kabila ng kainitan ng panahon ay pinag-uusap-usapan pa rin kahit makalipas ang maraming taon. Naantig ang damdamin ng mga Saksi sa Korea dahil sa mapagsakripisyo-sa-sariling espiritu ng mga misyonero na sa loob ng sampung taon ay hindi umalis sa lupain upang dumalaw sa kanilang mga pamilya sapagkat ayaw silang bigyan ng gobyerno ng reentry permit maliban lamang sa ilang kasong pangkagipitan o sa “makataong” mga kadahilanan.
Sa panahon ng kanilang pag-aaral sa Gilead at pagkatapos, nakita nang malapitan ng karamihan ng mga misyonero ang pagkilos ng punong-tanggapan ng nakikitang organisasyon ni Jehova. Kadalasan sila’y nagkaroon ng maraming pagkakataon upang makasalamuha ang mga miyembro ng Lupong Tagapamahala. Nang malaunan, sa kanilang mga atas bilang misyonero, naipadama nila sa lokal na mga Saksi at sa mga baguhang interesado kung papaano kumikilos ang organisasyon at ang kanilang sariling pagpapahalaga rito. Ang lalim ng pagpapahalaga na kanilang ipinadama tungkol sa teokratikong pagkilos ng organisasyon ay madalas na naging mahalagang salik sa paglagong tinamasa.
Sa maraming dako na pinagsuguan ng mga misyonero, walang mga pulong sa kongregasyon nang sila’y dumating. Kaya gumawa sila ng kinakailangang mga kaayusan, nagdaos ng mga pulong, at pinangasiwaan ang karamihan ng mga bahagi sa pulong hanggang sa maging kuwalipikado ang iba na makibahagi sa mga pribilehiyong ito. Patuluyan nilang sinanay ang ibang mga kapatid na lalaki upang maging kuwalipikadong bumalikat ng pananagutan. (2 Tim. 2:2) Karaniwan nang ang unang dakong pinagpupulungan ay ang tahanang misyonero. Nang dakong huli, gumawa ng mga kaayusan upang magkaroon ng mga Kingdom Hall.
Sa mga lugar na may dati nang umiiral na kongregasyon, ang mga misyonero ay tumulong upang ang mga pulong ay gawing higit na kawili-wili at nakapagtuturo. Ang inihandang-mabuting mga komento nila ay pinahalagahan at di-nagtagal ito’y naging huwaran na sinikap na tularan ng iba. Dahil sa paggamit ng pagsasanay na tinanggap nila sa Gilead, ang mga lalaki ay nagbigay ng mainam na halimbawa sa pagpapahayag sa madla at sa pagtuturo, at malugod silang gumugol ng panahon upang tulungan ang lokal na mga kapatid na lalaki na matutuhan ang sining na ito. Sa mga lupain kung saan ang mga tao ay may ugaling mapagwalang-bahala at hindi gaanong palaisip sa oras, ang mga misyonero ay tumulong din sa kanila na pahalagahan ang pagpapasimula
ng mga pulong sa tamang oras at nagpasigla sa lahat na tiyaking naroon sa pasimula pa lamang.Ang nasumpungan nilang kalalagayan sa ilang lugar ay nagpakita na kailangan ang tulong upang higit na makita ang pangangailangan na manghawakan sa matuwid na mga pamantayan ni Jehova. Sa Botswana, halimbawa, nakita nila na ang ilan sa mga sister ay nagsasabit pa rin ng pisi o kuwintas sa kanilang mga sanggol bilang proteksiyon laban sa anumang pinsala, na hindi lubusang nauunawaan na ang pinaka-ugat ng kostumbreng ito ay ang pamahiin at pangkukulam. Sa Portugal may nasumpungan silang mga kalagayan na naging sanhi ng di-pagkakaisa. Dahil sa pagkamatiisin, maibiging tulong, at katatagan kapag kailangan, nagpasimulang mahayag ang pagsulong sa espirituwal na kalusugan.
Ang mga misyonerong inatasang mangasiwa sa Pinlandya ay gumugol ng maraming panahon at pagsisikap upang sanayin ang lokal na mga kapatid na mangatuwiran sa mga problema sa liwanag ng mga simulain ng Bibliya at sa gayo’y makapagpasiya nang sang-ayon sa mismong kaisipan ng Diyos. Sa Argentina tinulungan din nila ang mga kapatid na matutuhan ang kahalagahan ng isang iskedyul, kung papaano mag-iingat ng mga rekord, ang kahalagahan ng wastong pagsasalansan ng mga papeles. Sa Alemanya tinulungan nila ang tapat na mga kapatid na sa ilang bagay ay masyadong mahigpit sa kanilang mga pangmalas, bunga ng kanilang pakikipagbaka upang makatagal sa mga kampong piitan, upang higit nilang tularan ang mahinahong mga paraan ni Jesu-Kristo samantalang pinapastol nila ang kawan ng Diyos.—Mat. 11:28-30; Gawa 20:28.
Nasasangkot sa gawain ng ilang misyonero ang pakikitungo sa mga opisyal ng pamahalaan, pagsagot sa kanilang mga tanong, at paggawa ng aplikasyon upang legal na makilala ang gawain ng mga Saksi ni Jehova. Halimbawa, sa loob ng halos apat na taon, si Brother Joly, na inatasan sa Cameroon kasama ang kaniyang asawa, ay paulit-ulit na nagsikap na makakuha ng legal na pagkilala. Madalas na kinausap niya ang mga opisyal na Pranses at Aprikano. Sa wakas, matapos magbago ang pamahalaan, ipinagkaloob ang legal na pagkilala. Nang panahong iyon ang mga Saksi ay naging aktibo sa Cameroon nang 27 taon na at may bilang sila na mahigit sa 6,000.
Pagharap sa mga Hamon ng Naglalakbay na Paglilingkod
Ang ilan sa mga misyonero ay inatasang maglingkod bilang naglalakbay na mga tagapangasiwa. May pantanging pangangailangan sa Australia, kung saan ang pagsisikap ng ilang kapatid ay di-matalinong nailipat mula sa mga kapakanan ng Kaharian tungo sa sekular na mga gawain noong Digmaang Pandaigdig II. Nang malaunan, ito’y naituwid, at sa panahon ng pagdalaw ni Brother Knorr noong 1947, idiniin ang kahalagahan na laging unahin ang pangangaral ng Kaharian. Pagkatapos nito, ang kasiglahan, mainam na halimbawa, at paraan ng pagtuturo ng mga nagtapos sa Gilead na naglingkod bilang mga tagapangasiwa ng sirkito at distrito ay naglaan ng karagdagang tulong upang linangin ang isang tunay na espirituwal na kapaligiran sa gitna ng mga Saksi roon.
Sa pakikibahagi sa gayong naglalakbay na paglilingkod kadalasa’y kailangang maging handang magsumikap at humarap sa mga panganib. Nasumpungan ni Wallace Liverance na ang tanging paraan upang marating ang isang pamilya ng nabubukod Sant. 4:15.
na mga mamamahayag sa Volcán, Bolivia, ay ang maglakad ng 90 kilometro balikan patawid sa mabato, iláng na mga daan sa ilalim ng nakapapasong init ng araw sa taas na 3,400 metro, samantalang dala-dala niya ang kaniyang sleeping bag, pagkain, at tubig, gayundin ang literatura. Upang maglingkod sa mga kongregasyon sa Pilipinas, si Neal Callaway ay madalas sumasakay sa siksikang mga bus sa probinsiya na ang sakay ay hindi lamang mga tao kundi mga hayop at produkto rin naman. Si Richard Cotterill ay nagsimula ng kaniyang gawain bilang naglalakbay na tagapangasiwa sa India noong panahon na libu-libong tao ang pinapatay dahil sa relihiyosong pagkakapootan. Nang siya’y naka-iskedyul na maglingkod sa mga kapatid sa isang dakong may gulo, sinikap ng tagapagbili ng tiket sa tren na siya’y pigilin. Naging isang kahindik-hindik na paglalakbay iyon para sa karamihan ng mga pasahero, ngunit si Brother Cotterill ay may matinding pag-ibig sa kaniyang mga kapatid, saanman sila nakatira o anumang wika ang ginagamit nila. Taglay ang pananalig kay Jehova, siya’y nangatuwiran: “Kung loloobin ni Jehova, sisikapin kong makarating.”—Nagpapasigla sa Iba na Makibahagi sa Buong-Panahong Paglilingkod
Dahil sa masigasig na espiritung ipinakita ng mga misyonero, marami sa kanilang mga naturuan ay tumulad sa kanilang halimbawa at pumasok sa buong-panahong paglilingkod. Sa Hapón, kung saan ay 168 misyonero ang nakapaglingkod, may 75,956 na payunir noong 1992; mahigit na 40 porsiyento ng mga mamamahayag sa Hapón ay nasa isa sa mga pitak ng buong-panahong paglilingkuran. Sa Republika ng Korea, halos pareho rin ang porsiyento.
Mula sa mga lupaing may kainaman ang bilang ng mga Saksi kung ihahambing sa populasyon, maraming buong-panahong ministro ang inanyayahang tumanggap
ng pagsasanay sa Paaralang Gilead at pagkatapos ay isinugo upang maglingkod sa ibang mga dako. Marami sa mga misyonero ang nanggaling sa Estados Unidos at Canada; mga 400 mula sa Britanya; mahigit na 240 mula sa Alemanya; mahigit na 150 mula sa Australia; mahigit na 100 mula sa Sweden; bukod sa marami-rami mula sa Denmark, Pinlandya, Hawaii, Netherlands, New Zealand, at iba pa. Ang ilang lupain na tinulungan noon ng mga misyonero nang dakong huli ay naglaan din ng mga misyonero upang maglingkod sa ibang mga lupain.Sinasapatan ang mga Pangangailangan sa Isang Lumalaking Organisasyon
Habang lumalaki ang organisasyon, ang mga misyonero ay tumatanggap din ng higit pang mga pananagutan. Ang marami sa kanila ay nakapaglingkod bilang matatanda o mga ministeryal na lingkod sa mga kongregasyong inorganisa nila. Sa maraming lupain sila ang unang mga tagapangasiwa ng sirkito at distrito. Kapag dahil sa pagsulong ay naging kapaki-pakinabang para sa Samahan na magtatag ng bagong tanggapang pansangay, ang ilang misyonero ay pinagkatiwalaan ng pananagutan may kaugnayan sa gawain sa sangay. Sa ilang kaso yaong mga naging mahusay na sa wika ay hinilingang tumulong sa pagsasalin at proofreading ng literatura sa Bibliya.
Subalit, lalong higit ang nadarama nilang kaligayahan kapag yaong mga inaaralan nila sa Salita ng Diyos, o mga kapatid na tinulungan nilang sumulong sa espirituwal, ay naging kuwalipikadong bumalikat sa gayong mga pananagutan. Kaya ang isang mag-asawa sa Peru ay tuwang-tuwa nang ang ilan sa mga inaralan nila ay magsimulang maglingkod bilang mga special pioneer, na nagpapatibay sa bagong mga kongregasyon at nagbubukas ng bagong teritoryo. Ang isa sa mga miyembro ng Komite ng Sangay sa Sri Lanka ay nanggaling sa isang pag-aaral na idinaos ng isang misyonero sa isang pamilya sa lupaing iyon. Marami pang ibang mga misyonero ang nagtamasa rin ng nakakatulad na mga kagalakan.
Napaharap din sila sa pagsalansang.
Sa Harap ng Pagsalansang
Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod na sila’y pag-uusigin, katulad niya. (Juan 15:20) Yamang karamihan ng mga misyonero ay galing sa ibang bansa, kapag sumiklab ang matinding pag-uusig sa isang lupain, ito’y madalas humahantong sa pagpapaalis sa kanila.
Noong 1967, si Sona Haidostian at ang kaniyang mga magulang ay inaresto sa Aleppo, Syria. Sila’y nabilanggo nang limang buwan at pagkatapos ay pinaalis sa lupain na walang anumang dalang mga kagamitan nila. Si Margarita Königer, mula sa Alemanya, ay inatasan sa Madagascar; ngunit dahil sa sunud-sunod na pagpapaalis sa kaniya, siya’y nagpunta sa bagong mga atas sa Kenya, Dahomey (Benin), at Upper Volta (Burkina Faso). Si Domenick Piccone at ang asawa niyang si Elsa, ay pinaalis mula sa Espanya noong 1957 dahil sa kanilang pangangaral, saka mula sa Portugal noong 1962, at mula sa Morocco noong 1969. Gayunman, sa bawat lupain samantalang sinisikap na pigilin ang pagpapaalis sa kanila, may kabutihang nagawa. Binigyan ng pagpapatotoo ang mga opisyal. Sa Morocco, halimbawa, may pagkakataon silang magpatotoo sa mga opisyal sa Sécurité Nationale, sa isang hukom ng Korte Suprema, sa hepe ng pulisya sa Tangier, at sa mga konsul ng E.U. sa Tangier at Rabat.
Ang pagpapaalis sa mga misyonero ay hindi nagpahinto sa gawain ng mga Saksi ni Jehova, katulad ng inaasahan ng ilang opisyal. Ang naihasik ng mga binhi ng katotohanan ay madalas na patuloy na lumalago. Halimbawa, apat na misyonero ang nakapaglingkod lamang ng ilang buwan sa Burundi bago sila paalisin ng gobyerno noong 1964. Subalit ang isa sa kanila ay patuloy na lumiham sa isang taong interesado, na sumulat na siya’y nagdaraos ng pag-aaral sa 26 na katao. Isang Saksi na taga-Tanzania na kalilipat lamang sa Burundi ang patuloy rin sa pangangaral. Unti-unti silang dumami hanggang sa daan-daan ang nagbabahagi ng mensahe ng Kaharian sa iba pa.
Sa ibang mga lugar, bago gumawa ng utos ng pagpapaalis, gumamit ang mga opisyal ng dahas upang subuking pasukuin ang lahat sa kanilang mga kahilingan. Sa Gbarnga, Liberia, noong 1963, kinubkob ng mga sundalo ang 400 lalaki, babae, at mga bata na dumalo sa isang Kristiyanong kombensiyon doon. Pinagmartsa sila ng mga sundalo tungo sa kampo ng army, pinagbantaan sila, binugbog sila, at inutusan na ang bawat isa—anuman ang nasyonalidad o relihiyosong paniniwala—ay sapilitang sumaludo sa bandila ng Liberia. Kasama sa grupong ito ay si Milton Henschel, mula sa Estados Unidos. Naroon din ang ilang misyonero, katulad ni John Charuk mula sa Canada. Ang isa sa mga nagtapos sa Gilead ay nakipagkompromiso, gaya ng kaniyang ginawa sa isang naunang okasyon (bagaman hindi niya ito ipinaalam), at walang alinlangang ito ang dahilan kung bakit nakipagkompromiso rin ang iba na nasa asambleang iyon. Naging maliwanag kung sino ang tunay na natatakot sa Diyos at kung sino ang nasisilo ng pagkatakot sa tao. (Kaw. 29:25) Pagkatapos nito, pinaalis ng gobyerno sa lupain ang lahat ng misyonerong Saksi mula sa ibang bansa, bagaman sa dakong huli ng taon ding yaon ang isang opisyal na utos mula sa presidente ay nagpahintulot sa kanila na bumalik.
Kadalasan, ang pagkilos ng mga opisyal ng gobyerno laban sa mga misyonero ay nagawa dahil sa panggigipit ng mga klero. Kung minsan ang panggigipit na ito ay ginawa nang palihim. Sa iba namang pagkakataon, alam ng lahat kung sino ang nagsusulsol ng pagsalansang. Hindi kailanman malilimot ni George Koivisto ang unang umaga niya sa paglilingkod sa larangan sa Medellín, Colombia. Walang anu-ano may lumitaw na nagsisigawang grupo ng mga batang mag-aarál, na naghahagis ng mga bato at mga binilog na putik. Ang maybahay, na noon lamang niya nakilala, ay dali-daling nagpapasok sa kaniya sa loob ng bahay at isinara ang mga bintanang kahoy, na paulit-ulit na humihingi ng paumanhin sa masamang inaasal ng mga mang-uumog sa labas. Nang dumating ang pulis, ang ilan ay sumisi sa guro ng paaralan sapagkat pinayagan niyang lumabas ang mga estudyante. Subalit sumigaw ang isa namang tinig: “Hindi totoo iyan! Ang pari ang may kagagawan!
Ipinatalastas niya sa mikropono na dapat palabasin ang mga estudyante upang ‘batuhin ang mga Protestantes.’”Kailangan ang maka-Diyos na tibay-loob kalakip ng pag-ibig para sa mga tupa. Sina Elfriede Löhr at Ilse Unterdörfer ay inatasan sa libis ng Gastein sa Austria. Di-nagtagal, maraming literatura sa Bibliya ang ipinamahagi sa mga taong nagugutom sa espirituwal na pagkain. Subalit pagkatapos ay gumanti naman ang mga klero. Inudyukan nila ang mga batang mag-aarál na sigawan ang mga misyonero sa lansangan at tumakbo sa unahan nila upang babalaan ang mga maybahay na huwag makinig sa kanila. Natakot ang mga tao. Subalit dahil sa tiyaga na may pag-ibig, may ilang mahuhusay na pag-aaral na sinimulan. Nang magsaayos ng pangmadlang pahayag sa Bibliya, ang klerigo ay may paghamong tumayo sa harapan mismo ng dakong pinagpupulungan. Ngunit nang lumabas sa kalye ang mga misyonero upang salubungin ang mga tao, ang klerigo ay umalis. Sumundo siya ng pulis at saka bumalik, sa kagustuhang guluhin ang miting. Subalit nabigo ang kaniyang mga pagsisikap. Nang dakong huli isang mainam na kongregasyon ang naitatag doon.
Sa mga bayan malapit sa Ibarra, Ecuador, sina Unn Raunholm at Julia Parsons ay paulit-ulit na napaharap sa mga mang-uumog na sinulsulan ng pari. Dahil sa laging lumilikha ng gulo ang pari sa tuwing pupunta ang mga misyonera sa San Antonio, ang mga sister ay nagpasiyang magbigay-pansin sa iba namang bayan, na tinawag na Atuntaqui. Ngunit isang araw ang lokal na pulis doon ay may pangambang humimok kay Sister Raunholm na lumisan sa bayan karaka-raka. “Ang pari ay nag-oorganisa ng isang demonstrasyon laban sa inyo, at wala akong sapat na tauhan upang ipagtanggol kayo,” ang pahayag niya. Buong-linaw niyang nagugunita: “Hinahabol kami ng mga tao! Ang bandilang puti at dilaw ng Batikano ay iniwawagayway sa harapan ng grupo habang ang pari ay sumisigaw ng mga sawikaing tulad ng ‘Mabuhay ang Iglesya Katolika!’ ‘Ibagsak ang mga Protestante!’ ‘Mabuhay ang kalinisan ng Birhen!’ ‘Mabuhay ang kumpisalan!’ Pagkatapos ng bawat sigaw, inuulit ng pulutong ang bawat salita ng mga sawikain ng pari.” Sa oras na iyon dalawang kalalakihan ang nag-anyaya sa mga Saksi na magtago sa Bahay ng mga Manggagawa upang maligtas. Doon ang mga misyonera ay abala sa pagpapatotoo sa nag-uusyosong mga tao na pumasok upang makita kung ano ang nangyayari. Naipamahagi nila ang lahat ng literaturang taglay nila.
Mga Kursong Dinisenyo Upang Tumugon sa Pantanging mga Pangangailangan
Sa mga taon matapos ipadala ang unang mga misyonero mula sa Paaralang Gilead, ang organisasyon ng mga Saksi ni Jehova ay nagtamasa ng kahanga-hangang
pagsulong. Noong 1943, nang magbukas ang paaralan, mayroon lamang 129,070 Saksi sa 54 na lupain (ngunit 103 lupain batay sa paraan ng paghahati sa mapa maaga noong dekada ng 1990). Noong 1992, may 4,472,787 sa 229 na bansa at mga kapuluan sa buong daigdig. Habang nagaganap ang pagsulong na ito, nabago ang mga pangangailangan ng organisasyon. Ang mga tanggapang pansangay na noon ay nag-aasikaso sa wala pang isang daang Saksi na inorganisa sa iilang kongregasyon sa ngayon ay nangangasiwa sa gawain ng sampu-sampung libong mga Saksi, at marami sa mga sangay na ito ang kailangang lokal na mag-imprenta ng literatura upang masangkapan ang mga nakikibahagi sa gawaing pag-eebanghelyo.Upang matugunan ang bagong mga pangangailangan, 18 taon pagkatapos magbukas ang Paaralang Gilead, isang sampung-buwang kurso ng pagsasanay ang inilaan sa pandaigdig na punong-tanggapan ng Samahan tangi para sa mga kapatid na bumabalikat sa mabibigat na pananagutan sa mga tanggapang pansangay ng Samahang Watch Tower. Ang ilan sa mga ito ay dati nang nakadalo sa limang-buwang kurso para sa mga misyonero sa Gilead; ang iba’y hindi naman. Silang lahat ay maaaring makinabang mula sa pagsasanay na pantanging dinisenyo para sa kanilang gawain. Ang mga pag-uusap kung papaano haharapin ang iba’t ibang kalagayan at tutugunin ang mga pangangailangan ng organisasyon kasuwato ng mga simulain ng Bibliya ay nagbuklod sa lahat sa pagkakaisa. Itinampok sa kurso ang isang bersikulo-por-bersikulong mapanuring pag-aaral ng buong Bibliya. Naglaan din ito ng pagrerepaso sa kasaysayan ng relihiyon; pagsasanay sa mga detalye may kaugnayan sa pag-oorganisa ng isang tanggapang pansangay, isang Tahanang Bethel, at isang palimbagan; at mga tagubilin sa pangangasiwa sa ministeryo sa larangan, pag-oorganisa ng bagong mga kongregasyon, at pagbubukas ng bagong mga larangan. Ang mga kursong ito (kasama ang huli na pinaikli para maging walong buwan) ay idinaos sa pandaigdig na punong-tanggapan sa Brooklyn, New York, mula 1961 hanggang 1965. Marami sa mga nagtapos ay ibinalik sa mga lupain kung saan sila dating naglilingkod; ang ilan ay inatasan sa ibang mga lupain kung saan magiging kapaki-pakinabang ang tulong nila sa gawain.
Noong Pebrero 1, 1976, isang bagong kaayusan ang pinasimulan sa mga tanggapang pansangay ng Samahan upang maghanda para sa higit na pagsulong na siyang inaasahan kasuwato ng hula ng Bibliya. (Isa. 60:8, 22) Sa halip na magkaroon ng isa lamang tagapangasiwa ng sangay, kasama ng kaniyang katulong, upang mangasiwa sa bawat sangay, ang Lupong Tagapamahala ay nag-atas ng tatlo o higit pang kuwalipikadong mga kapatid upang maglingkod sa bawat Komite ng Sangay. Ang mas malalaking sangay ay maaaring magkaroon ng hanggang pito sa kanilang komite. Upang maglaan ng pagsasanay para sa lahat ng mga kapatid na ito, isang pantanging limang-linggong kurso ng Gilead sa Brooklyn, New York, ang isinaayos. Labing-apat na klase na binubuo ng mga miyembro ng Komite ng Sangay mula sa buong daigdig ang binigyan ng pantanging pagsasanay na ito sa pandaigdig na punong-tanggapan mula sa huling bahagi ng 1977 hanggang 1980. Ito’y isang mainam na pagkakataon upang pagkaisahin at pagbutihin ang mga kaayusan.
Ang Paaralang Gilead ay patuloy na nagsanay sa mga may maraming taóng karanasan sa buong-panahong ministeryo at may pagnanais at kakayahan na maipadala sa ibang mga bansa, subalit marami pa ang maaaring gamitin. Upang pabilisin ang pagsasanay, ang mga paaralan ay pinasimulan sa ibang mga bansa bilang ekstensiyon ng Gilead upang hindi na kailangan pang mag-aral ng Ingles ang mga estudyante bago sila maging kuwalipikadong dumalo. Noong 1980-81, ang Gilead Cultural School of Mexico ay naglaan ng pagsasanay para sa mga estudyanteng nagsasalita ng Kastila na tumulong upang sapatan ang isang apurahang pangangailangan para sa kuwalipikadong mga manggagawa sa Sentral at Timog Amerika. Noong 1981-82, 1984, at muli noong 1992, ang mga klase ng isang Gilead Extension School ay idinaos din sa Alemanya. Mula roon ang mga nagtapos ay ipinadala sa Aprika, Silangang Europa, Timog Amerika, at iba’t ibang mga kapuluan. Karagdagang mga klase ang idinaos sa India noong 1983.
Habang ang masisigasig na lokal na Saksi ay nakikisama sa mga misyonero sa pagpapalawak ng pagpapatotoo sa Kaharian, mabilis na dumami ang bilang ng mga Saksi ni Jehova, at ito’y umakay sa pagkatatag ng higit pang mga kongregasyon. Sa pagitan ng 1980 at 1987, ang bilang ng mga kongregasyon sa buong daigdig ay sumulong ng 27 porsiyento, tungo sa kabuuang 54,911. Sa ilang lugar, bagaman marami ang dumadalo sa mga pulong at nakikibahagi sa ministeryo sa larangan, ang karamihan ng mga kapatid ay baguhan pa. May apurahang pangangailangan para sa may-karanasang Kristiyanong mga lalaki upang maglingkod bilang espirituwal na mga pastol at mga guro, gayundin upang manguna sa gawaing pag-eebanghelyo. Upang matugunan ang pangangailangang ito, noong 1987 ay pinasimulan ng Lupong Tagapamahala ang Ministerial Training School bilang bahagi ng programa ng edukasyon sa Bibliya ng Paaralang Gilead. Ang walong-linggong kurso ay naglalakip ng isang masinsinang pag-aaral ng Bibliya gayundin ng personal na atensiyon sa espirituwal na pagsulong ng bawat estudyante. Ang mga bagay na may kinalaman sa organisasyon at batas, kasama na rin ang mga pananagutan ng matatanda at ministeryal na lingkod, ay isinasaalang-alang, at pantanging pagsasanay ang inilalaan sa pagpapahayag sa madla. Ang paaralang ito ay gumagamit ng ibang mga pasilidad,
na nagtitipon sa iba’t ibang lupain anupat hindi nakaaabala sa regular na mga klase sa pagsasanay ng mga misyonero. Ang mga nagtapos dito ay nakasasapat sa mahahalagang pangangailangan sa maraming lupain.Kaya ang pinalawak na pagsasanay na inilaan ng Watchtower Bible School of Gilead ay umaalinsabay sa nagbabagong mga pangangailangan ng mabilis na lumalagong pambuong-daigdig na organisasyon.
“Narito Ako! Suguin Mo Ako”
Ang espiritung ipinakikita ng mga misyonero ay katulad niyaong kay propetang Isaias. Nang ipagbigay-alam sa kaniya ni Jehova ang isang pagkakataon ukol sa pantanging paglilingkod, siya’y tumugon: “Narito ako! Suguin mo ako.” (Isa. 6:8) Ang ganitong nagkukusang espiritu ang nagpakilos sa libu-libong kabataang lalaki at babae upang iwanan ang kanilang kinalakhang kapaligiran at mga kamag-anak upang maglingkod sa ikasusulong ng kalooban ng Diyos saanman sila kailangan.
Dahil sa pagkakaroon ng pamilya nagkaroon ng pagbabago ang buhay ng maraming misyonero. Ang ilan na nagkaanak matapos maging misyonero ay nakapanatili sa lupaing pinag-atasan sa kanila, na gumagawa ng kinakailangang sekular na trabaho at gumagawang kasama ng mga kongregasyon. Ang ilan, pagkaraan ng maraming taóng paglilingkuran, ay kinailangang bumalik sa tinubuan nilang lupain upang alagaan ang nagkakaedad nang mga magulang, o sa ibang mga kadahilanan. Subalit ang nagawa nila sa paglilingkurang misyonero sa abot ng kanilang nakayanan ay ibinibilang nilang isang pribilehiyo.
Nakaya ng iba na gawing pambuong-buhay na gawain nila ang paglilingkurang misyonero. Upang magawa ito, kinailangan nilang lahat na harapin ang humahamong mga kalagayan. Si Olaf Olson, na nagtamasa ng mahabang karera bilang misyonero sa Colombia, ay umamin: “Ang unang taon ang pinakamahirap.” Sa kalakhan ito’y dahil sa hindi pa niya gaanong maipahayag ang kaniyang sarili sa bago niyang wika. Idinagdag pa niya: “Kung lagi kong aalalahanin ang iniwanan kong bansa, hindi ako magiging maligaya, ngunit nagpasiya ako na mamuhay sa Colombia kapuwa sa katawan at sa isip, na makipagkaibigan sa mga kapatid doon na nasa katotohanan, na puspusin ang aking buhay sa ministeryo, at di-nagtagal ang aking atas ay naging parang sarili kong tahanan.”
Ang kanilang pagtitiyaga sa kanilang mga atas ay hindi dahil sa laging maganda ang kanilang pisikal na kapaligiran. Si Norman Barber, na naglingkod sa Burma (ngayo’y Myanmar) at India, mula 1947 hanggang sa kamatayan niya noong 1986, ay nagsabi nang ganito: “Kung ikinagagalak ng isang tao na siya’y gamitin ni Jehova, kung gayon ay wala siyang pinipiling dako. . . . Sa totoo lang, kung para sa akin ay hindi ko pipiliin ang klima sa tropiko. Ni personal kong pipiliin na mamuhay katulad ng ginagawa ng mga tao sa tropiko. Ngunit dapat isaalang-alang ang mas mahahalagang bagay kaysa sa maliliit na bagay na ito. Ang maglaan ng tulong sa mga taong talagang dukha sa espirituwal ay isang pribilehiyong hindi kayang ilarawan ng tao.”
Marami pa ang may taglay ng gayunding pangmalas, at malaki ang nagawa ng ganitong mapagsakripisyo-sa-sariling espiritu sa ikatutupad ng hula ni Jesus na ang mabuting balitang ito ng Kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa, bilang patotoo sa lahat ng mga bansa, bago dumating ang wakas.—Mat. 24:14.
[Talababa]
a Ang Bantayan, Pebrero 15, 1943, p. 60-4 (sa Ingles).
[Blurb sa pahina 523]
Pagdiriin sa kahalagahan ng lubos na pananalig kay Jehova at pagtatapat sa kaniya
[Blurb sa pahina 534]
Nakatulong ang pagiging palabiro!
[Blurb sa pahina 539]
Pagkamatiisin, maibiging tulong, at katatagan kung kinakailangan
[Blurb sa pahina 546]
‘Ang maglaan ng tulong sa mga taong talagang dukha sa espirituwal ay isang pribilehiyong hindi kayang ilarawan ng tao’
[Kahon sa pahina 533]
Mga Klase sa Gilead
1943-60: Paaralan sa South Lansing, New York. Sa 35 klase, 3,639 estudyante mula sa 95 lupain ang nagtapos, na ang karamihan ay inatasan sa paglilingkurang misyonero. Ang mga tagapangasiwa ng sirkito at distrito na naglilingkod sa Estados Unidos ay isinama rin sa mga klase.
1961-65: Paaralan sa Brooklyn, New York. Sa 5 klase, 514 na estudyante ang nagtapos at ipinadala sa mga lupain kung saan may mga tanggapang pansangay ang Samahang Watch Tower; karamihan sa mga estudyante ay pinagkatiwalaan ng mga atas sa administrasyon. Ang apat sa mga klaseng ito ay may 10-buwang mga kurso; ang isa, isang 8-buwang kurso.
1965-88: Paaralan sa Brooklyn, New York. Sa 45 klase, na ang bawat isa ay may 20-linggong kurso, 2,198 pang mga estudyante ang sinanay, ang karamihan ay para sa paglilingkurang misyonero.
1977-80: Paaralan sa Brooklyn, New York. Limang-linggong kurso sa Gilead para sa mga miyembro ng Komite ng Sangay. Labing-apat na klase ang idinaos.
1980-81: Gilead Cultural School of Mexico; 10-buwang kurso; tatlong klase; 72 nagtapos na nagsasalita ng Kastila ang inihanda para sa paglilingkuran sa Latin Amerika.
1981-82, 1984, 1992: Gilead Extension School sa Alemanya; 10-linggong kurso; apat na klase; 98 estudyanteng nagsasalita ng Aleman mula sa mga lupain sa Europa.
1983: Mga klase sa India; 10-linggong kurso, idinaos sa Ingles; 3 grupo; 70 estudyante.
1987- : Ministerial Training School; na may 8-linggong kurso, ang idinaos sa sentrong mga lokasyon sa iba’t ibang bahagi ng daigdig. Hanggang noong 1992, ang mga nagtapos ay naglilingkod na sa mahigit na 35 lupain sa labas ng sarili nilang bansa.
1988- : Paaralan sa Wallkill, New York. Dalawampung-linggong kurso bilang paghahanda para sa paglilingkurang misyonero ay kasalukuyang idinaraos doon. May plano na ang paaralan ay ilipat sa Watchtower Educational Center sa Patterson, New York, kapag ito’y natapos na.
[Kahon sa pahina 538]
Internasyonal na Kalipunan ng mga Estudyante
Ang mga estudyanteng nakadalo sa Paaralang Gilead ay kumatawan sa maraming nasyonalidad at pumaroon sa paaralan mula sa 110 lupain.
Ang unang internasyonal na grupo ay ang ikaanim na klase, noong 1945-46.
Gumawa ng aplikasyon sa pamahalaan ng E.U. na pahintulutang makapasok ang mga estudyanteng dayuhan sa ilalim ng mga probisyon para sa nonimmigration student visa. Bilang pagtugon, ang U.S. Office of Education ay nagkaloob ng pagkilala sa Paaralang Gilead bilang nag-aalok ng edukasyon na katulad ng sa propesyonal na mga kolehiyo at mga institusyon ng edukasyon. Kaya, mula noong 1953, ang Watchtower Bible School of Gilead ay nakalista sa mga konsul ng E.U. sa buong daigdig sa kanilang talaan ng sinang-ayunang mga institusyon ng edukasyon. Sapol noong Abril 30, 1954, ang paaralang ito ay lumitaw sa publikasyong pinamagatang “Educational Institutions Approved by the Attorney General.”
[Mga larawan sa pahina 522]
Mga estudyante ng unang klase ng Paaralang Gilead
[Larawan sa pahina 524]
Si Albert Schroeder na tumatalakay ng mga katangian ng tabernakulo kasama ng mga estudyante ng Gilead
[Larawan sa pahina 525]
Si Maxwell Friend na nagpapahayag sa amphitheater ng Paaralang Gilead
[Mga larawan sa pahina 526]
Ang mga gradwasyon sa Gilead ay mga tampok na okasyon sa espirituwal
. . . ilan ay sa malalaking kombensiyon (New York, 1950)
. . . ilan ay sa kampus ng paaralan (kung saan makikita si N. H. Knorr na nagsasalita sa harap ng silid-aklatan ng paaralan, noong 1956)
[Mga larawan sa pahina 527]
Ang kampus ng Paaralang Gilead sa South Lansing, New York, gaya ng makikita noong dekada ng 1950
[Larawan sa pahina 528]
Sina Hermon Woodard (kanan) at John Errichetti (kaliwa) habang naglilingkod sa Alaska
[Larawan sa pahina 529]
Si John Cutforth na gumagamit ng larawan upang magturo sa Papua New Guinea
[Larawan sa pahina 530]
Mga misyonero sa Irlandya, at ang tagapangasiwa ng distrito, noong 1950
[Larawan sa pahina 530]
Mga nagtapos patungo sa atas bilang misyonero sa Silangan noong 1947
[Larawan sa pahina 530]
Ilang misyonero at kamanggagawa sa Hapón noong 1969
[Mga larawan sa pahina 530]
Mga misyonero sa Brazil noong 1956
. . . sa Uruguay noong 1954
. . . sa Italya noong 1950
[Larawan sa pahina 530]
Ang unang apat na misyonerong sinanay sa Gilead na ipinadala sa Jamaica
[Larawan sa pahina 530]
Unang tahanang misyonero sa Salisbury (ngayo’y Harare, Zimbabwe), noong 1950
[Larawan sa pahina 530]
Si Malcolm Vigo (Gilead, 1956-57) kasama ang kaniyang asawang si Linda Louise; nakapaglingkod silang dalawa sa Malawi, Kenya, at Nigeria
[Larawan sa pahina 530]
Sina Robert Tracy (kaliwa) at Jesse Cantwell (kanan) kasama ang kani-kanilang asawa—mga naglalakbay na misyonero sa Colombia noong 1960
[Larawan sa pahina 532]
Klase sa pag-aaral ng wika sa tahanang misyonero sa Côte d’Ivoire
[Larawan sa pahina 535]
Sina Ted at Doris Klein, na nakasumpong ng maraming taong sabik na makinig sa katotohanan ng Bibliya sa U.S. Virgin Islands noong 1947
[Larawan sa pahina 536]
Si Harvey Logan (sentro sa harap) kasama ang mga Saksing Amis sa harap ng Kingdom Hall, noong dekada ng 1960
[Larawan sa pahina 540]
Si Victor White, sinanay-sa-Gilead na tagapangasiwa ng distrito, na nagpapahayag sa Pilipinas noong 1949
[Larawan sa pahina 542]
Si Margarita Königer, sa Burkina Faso, na nagdaraos ng isang pantahanang pag-aaral sa Bibliya
[Larawan sa pahina 543]
Si Unn Raunholm, isang misyonera mula noong 1958, ay napaharap sa mga mang-uumog na pinangungunahan ng pari sa Ecuador
[Mga larawan sa pahina 545]
Ministerial Training School
Unang klase, Coraopolis, Pa., E.U.A., noong 1987 (sa itaas)
Ikatlong klase sa Britanya, sa Manchester, noong 1991 (kanan)