Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Kanilang Pandaigdig na Organisasyon at Gawain

Ang Kanilang Pandaigdig na Organisasyon at Gawain

Ang Kanilang Pandaigdig na Organisasyon at Gawain

MAY ilang kawing na ginagamit sa pangangasiwa ng gawaing pagpapatotoo sa mahigit na 230 lupain kung saan isinasagawa ito. Ang pangkalahatang pangangasiwa ay nagmumula sa Lupong Tagapamahala na nasa pandaigdig na punong-tanggapan sa Brooklyn, New York. Ang Lupong Tagapamahala ay nagpapadala ng mga kinatawan bawat taon sa iba’t ibang sona sa buong daigdig upang makipagpulong sa mga kinatawan ng sangay sa mga sonang iyon. Sa mga tanggapang pansangay, may mga Komite ng Sangay na kinabibilangan ng tatlo hanggang pitong miyembro upang pangasiwaan ang gawain sa mga lupaing nasasakupan nila. Ang ilan sa mga sangay ay may mga pasilidad para sa pag-iimprenta, na ang ilan ay nagpapatakbo ng mabibilis na rotary press. Ang bansa o pook na pinaglilingkuran ng bawat sangay ay nahahati sa mga distrito, at ang mga distrito naman ay nahahati sa mga sirkito. Bawat sirkito ay may mga 20 kongregasyon. Sunud-sunod na dinadalaw ng isang tagapangasiwa ng distrito ang mga sirkito sa kaniyang distrito. Dalawang asamblea ang idinaraos taun-taon sa bawat sirkito. Mayroon ding tagapangasiwa ng sirkito, at karaniwan nang dumadalaw siya sa bawat kongregasyon sa kaniyang sirkito nang makalawa sa isang taon, anupat tumutulong sa mga Saksi sa pag-oorganisa at pagsasagawa ng pangangaral sa teritoryong nakaatas sa kongregasyong iyon.

Ang lokal na kongregasyon at ang Kingdom Hall nito ang sentro sa paghahatid ng mabuting balita sa inyong komunidad. Ang mga lugar na sakop ng bawat kongregasyon ay hinati sa maliliit na teritoryo. Ang mga ito’y iniaatas sa indibiduwal na mga Saksi na nagsisikap na madalaw at makausap ang mga tao sa bawat tahanang naroroon. Bawat kongregasyon, na binubuo ng mula sa iilan hanggang sa mga 200 Saksi, ay may matatanda na inatasang gumanap ng iba’t ibang tungkulin. Ang indibiduwal na tagapaghayag ng mabuting balita ang siyang mahalaga sa organisasyon ng mga Saksi ni Jehova. Bawat isa sa mga Saksi, naglilingkod man sa pandaigdig na punong-tanggapan, sa mga sangay, o sa mga kongregasyon, ay nagsasagawa ng gawaing ito ng personal na pagsasabi sa iba ng tungkol sa Kaharian ng Diyos sa larangan.

Ang mga ulat ng gawaing ito sa wakas ay dumarating sa pandaigdig na punong-tanggapan, at isang taunang Yearbook ang tinitipon at inilalathala. Gayundin, isang tsart ang inilalathala taun-taon sa Enero 1 na isyu ng Ang Bantayan. Ang dalawang publikasyong ito ay nagbibigay ng detalyadong ulat ng mga naisagawa sa bawat taon sa pagpapatotoo tungkol kay Jehova at sa kaniyang Kaharian sa ilalim ni Kristo Jesus. Nitong nakaraang mga taon, mga 14,000,000 Saksi at interesadong tao ang nakadalo sa taunang Memoryal ng kamatayan ni Jesus. Ang mga Saksi ni Jehova ay gumugugol ng mahigit sa 1,000,000,000 oras sa isang taon sa paghahayag ng mabuting balita, at mahigit sa 300,000 baguhan ang nababautismuhan. Ang naipasakamay na mga literatura ay umaabot sa daan-daang milyong kopya.