Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

APENDISE

Kailan at Bakit Dapat Maglambong sa Ulo?

Kailan at Bakit Dapat Maglambong sa Ulo?

Kailan at bakit dapat maglambong ang isang Kristiyanong babae may kaugnayan sa kaniyang pagsamba? Isaalang-alang natin ang kinasihang pagtalakay ni apostol Pablo hinggil sa paksang ito. Nagbigay siya ng mga tagubilin upang makapagpasiya tayo nang wasto sa bagay na ito at sa gayo’y makapagdulot ng kaluwalhatian sa Diyos. (1 Corinto 11:3-16) Ipinakita ni Pablo ang tatlong salik na dapat pag-isipang mabuti: (1) ang mga gawain kung saan dapat maglambong ang isang babae, (2) ang mga situwasyon kung kailan kailangan niyang maglambong, at (3) ang motibo niya sa pagkakapit ng pamantayang ito.

Mga gawain. Binanggit ni Pablo ang dalawang gawain: pananalangin at panghuhula. (Talata 4, 5) Sabihin pa, ang panalangin ay mapitagang pakikipag-usap kay Jehova. Sa ngayon, ang panghuhula ay katumbas ng anumang pagtuturo sa Bibliya na ginagawa ng isang ministrong Kristiyano. Gayunman, sinasabi ba ni Pablo na dapat maglambong sa ulo ang isang babae tuwing siya ay mananalangin o magtuturo ng katotohanan sa Bibliya? Hindi. Depende ito sa situwasyon.

Mga situwasyon. Ipinahihiwatig ng mga sinabi ni Pablo ang dalawang situwasyon, o larangan ng gawaing Kristiyano kung kailan maaaring kailangang maglambong ang babae​—sa loob ng pamilya at sa kongregasyon. Sinabi niya: “Ang ulo . . . ng babae ay ang lalaki . . . Ang bawat babae na nananalangin o nanghuhula nang di-nalalambungan ang kaniyang ulo ay humihiya sa kaniyang ulo.” (Talata 35) Sa loob ng pamilya, ang asawang lalaki ang itinalaga ni Jehova bilang ulo. Kaya dapat kilalanin ng asawang babae ang awtoridad ng kaniyang asawang lalaki lalo na kapag gumaganap siya ng mga pananagutang iniatas ni Jehova sa kaniyang asawang lalaki, dahil kung hindi niya ito gagawin, magdudulot siya ng kahihiyan sa kaniyang asawang lalaki. Halimbawa, kung kailangan niyang magdaos ng isang pag-aaral sa Bibliya habang naroroon ang kaniyang asawang lalaki, maipapakita niya na kinikilala niya ang awtoridad nito kung maglalambong siya sa ulo. Dapat siyang maglambong, bautisado man o hindi ang kaniyang asawa, yamang ang asawang lalaki ang ulo ng pamilya. a Kung mananalangin o magtuturo siya at naroroon ang kaniyang bautisadong menor-de-edad na anak na lalaki, dapat din siyang maglambong sa ulo, hindi dahil sa ito ang ulo ng pamilya, kundi upang ipakita ang paggalang niya rito bilang bautisadong lalaki na miyembro ng kongregasyong Kristiyano.

Ganito naman ang binanggit ni Pablo hinggil sa situwasyon sa kongregasyon: “Kung waring nakikipagtalo ang sinumang tao dahil sa ibang kaugalian, wala na tayong iba pa, ni ang mga kongregasyon man ng Diyos.” (Talata 16) Sa loob ng kongregasyong Kristiyano, ang pagkaulo ay iniaatas sa mga bautisadong lalaki. (1 Timoteo 2:11-14; Hebreo 13:17) Mga lalaki lamang ang hinihirang bilang matatanda at mga ministeryal na lingkod upang tumanggap ng bigay-Diyos na pananagutang mangalaga sa kawan ng Diyos. (Gawa 20:28) Gayunman, kung minsan, ang isang Kristiyanong babae ay maaaring bigyan ng atas na karaniwan nang ginagampanan ng isang kuwalipikado at bautisadong lalaki. Halimbawa, maaaring manguna ang isang babae sa pagtitipon para sa paglilingkod sa larangan kung walang kuwalipikadong bautisadong lalaki na gaganap nito. Maaari din siyang magdaos ng pantahanang pag-aaral sa Bibliya kahit may bautisadong lalaki na naroroon. Ang pag-aaral na iyon ay nagiging bahagi ng gawaing pagtuturo sa kongregasyong Kristiyano yamang may bautisadong lalaki roon. Sa dalawang halimbawang ito, dapat siyang maglambong. Ipinakikita nito na kinikilala niyang gumaganap siya ng isang atas na karaniwang ibinibigay sa isang bautisadong lalaki.

Sa kabilang dako, may mga aspekto ng pagsamba kung saan hindi na kailangang maglambong ang isang Kristiyanong babae. Halimbawa, hindi na niya kailangang gawin ito kapag nagkokomento sa mga Kristiyanong pagpupulong, nakikibahagi sa ministeryo kasama ng kaniyang asawang lalaki o iba pang bautisadong lalaki, o nag-aaral o nananalanging kasama ng kaniyang di-bautisadong mga anak sa panahong wala roon ang kaniyang asawang lalaki. Mangyari pa, may iba pang situwasyon na maaaring bumangon, at kung hindi tiyak ang kapatid na babae hinggil dito, maaari siyang gumawa ng higit pang pagsasaliksik. b Kung hindi pa rin siya tiyak sa bagay na iyon at sinasabi ng kaniyang budhi na maglambong siya sa ulo, wala namang masama rito, gaya ng makikita sa larawan.

Motibo. Sa talata 10, makikita natin ang dalawang dahilan kung bakit nanaisin ng isang Kristiyanong babae na gawin ang kahilingang ito: “Ang babae ay dapat magkaroon ng tanda ng awtoridad sa kaniyang ulo dahil sa mga anghel.” Una, pansinin ang pananalitang “tanda ng awtoridad.” Ang paglalagay ng lambong sa ulo ng isang babae ay isang paraan upang maipakita niya na kinikilala niya ang awtoridad na ibinigay ni Jehova sa mga bautisadong lalaki sa kongregasyon. Kaya sa pamamagitan nito, naipapakita niya ang kaniyang pag-ibig at pagkamatapat sa Diyos na Jehova. Ang ikalawang dahilan ay ipinahihiwatig ng pananalitang “dahil sa mga anghel.” Ano ang nagiging epekto sa makapangyarihang mga espiritung nilalang ng paglalagay ng lambong ng isang babae?

Interesado ang mga anghel na makitang kinikilala ng buong organisasyon ni Jehova ang Kaniyang awtoridad, sa langit man o sa lupa. Natututo sila sa halimbawa ng di-sakdal na mga taong matapat na kumikilala sa awtoridad ng Diyos. Tutal, dapat din naman silang magpasakop sa mga kaayusan ni Jehova​—isang bagay na nabigong gawin noon ng maraming anghel. (Judas 6) Maaaring makita sa ngayon ng mga anghel na bagaman ang isang Kristiyanong babae ay mas makaranasan, mas maraming alam, at mas matalino kaysa sa isang bautisadong lalaki sa kongregasyon, handa pa rin siyang magpasakop sa awtoridad nito. May mga kalagayan na ang isang babae ay pinahirang Kristiyano at darating ang panahon, magiging kasama siyang tagapagmana ni Kristo. Sa kalaunan, ang gayong Kristiyanong babae ay magkakaroon ng mas mataas na posisyon kaysa sa mga anghel yamang mamamahala siyang kasama ni Kristo sa langit. Napakainam ngang halimbawa para sa milyun-milyong anghel! Tunay ngang isang pribilehiyo para sa lahat ng Kristiyanong babae na magpakita ng magandang halimbawa ng kapakumbabaan at pagsunod sa pamamagitan ng kanilang katapatan at pagpapasakop!

a Hindi mangunguna sa panalangin ang Kristiyanong asawang babae kapag naroroon ang kaniyang sumasampalatayang asawang lalaki maliban lamang sa di-pangkaraniwang kalagayan, gaya ng kung hindi na ito makapagsalita dahil sa isang karamdaman.

b Para sa higit pang impormasyon, pakisuyong tingnan Ang Bantayan, Hulyo 15, 2002, pahina 26-7, at Agosto 15, 1977, pahina 508-11.