Pagkilala sa mga Tunay na Mananamba sa Panahon ng Kawakasan
Ikalabimpitong Kabanata
Pagkilala sa mga Tunay na Mananamba sa Panahon ng Kawakasan
1. Ayon sa Daniel kabanata 7, anong pambihirang mga karanasan ang sasapit sa isang maliit at walang kalaban-labang grupo ng mga tao sa ating kaarawan?
ISANG maliit at walang kalaban-labang grupo ng mga tao ang malupit na sinalakay ng isang malakas na kapangyarihang pandaigdig. Sila’y pawang nakaligtas at nakaranas pa nga ng panibagong sigla—hindi dahilan sa kanilang sariling lakas kundi dahilan sa sila’y mahalaga sa Diyos na Jehova. Inihula ng Daniel kabanata 7 ang mga pangyayaring ito, na naganap sa unang bahagi ng ika-20 siglo. Sino kung gayon ang mga taong ito na inihula? Ang kabanata ring ito ng Daniel ay tumukoy sa kanila bilang “mga banal ng Kadaki-dakilaan,” ng Diyos na Jehova. Isiniwalat din nito na ang mga indibiduwal na ito sa wakas ay magiging kasamang tagapamahala sa Mesiyanikong Kaharian!—Daniel 7:13, 14, 18, 21, 22, 25-27.
2. (a) Ano ang nadarama ni Jehova hinggil sa kaniyang pinahirang mga lingkod? (b) Anong matalinong landasin ang dapat sundin sa mga panahong ito?
2 Gaya ng ating natutuhan sa Daniel kabanata 11, ang hari ng hilaga ay ganap na magwawakas pagkatapos niyang pagbantaan ang matiwasay na espirituwal na lupain ng mga tapat na taong ito. (Daniel 11:45; ihambing ang Ezekiel 38:18-23.) Oo, ipinagsasanggalang na mabuti ni Jehova ang kaniyang mga tapat na pinahiran. Ang Awit 105:14, 15 ay nagsasabi sa atin: “Dahil sa kanila ay sumaway siya [si Jehova] ng mga hari, na sinasabi: ‘Huwag ninyong galawin ang aking mga pinahiran, at ang aking mga propeta ay huwag ninyong gawan ng masama.’” Kung gayon, hindi ba kayo sasang-ayon na sa magulong mga panahong ito, isang katalinuhan para sa lumalagong “malaking pulutong” na makipagsamahang matalik sa mga banal na ito hangga’t maaari? (Apocalipsis 7:9; Zacarias 8:23) Inirekomenda ni Jesu-Kristo sa tulad-tupang mga tao na gayung-gayon ang gawin—makisama sa kaniyang pinahirang espirituwal na mga kapatid sa pamamagitan ng pagsuporta sa kanilang gawain.—Mateo 25:31-46; Galacia 3:29.
3. (a) Bakit hindi madaling masumpungan ang pinahirang mga tagasunod ni Jesus at manatiling malapit sa kanila? (b) Paanong ang Daniel kabanata 12 ay makatutulong sa bagay na ito?
3 Gayunman, ang Kaaway ng Diyos, si Satanas, ay puspusang nakikipagdigma laban sa mga pinahiran. Itinaguyod niya ang huwad na relihiyon, anupat halos pinupunô ang sanlibutan ng mga huwad na Kristiyano. Bilang resulta, maraming tao ang nailigaw. Ang iba ay nawalan na ng pag-asa na masumpungan pa ang mga kumakatawan sa tunay na relihiyon. (Mateo 7:15, 21-23; Apocalipsis 12:9, 17) Kahit na yaong mga nakasumpong sa “munting kawan” at nakikisama sa kanila ay dapat na makipaglaban upang mapanatili ang pananampalataya, sapagkat ang sanlibutang ito ay patuloy na nagsisikap na sirain ang pananampalataya. (Lucas 12:32) Kumusta ka naman? Nasumpungan mo na ba ang “mga banal ng Kadaki-dakilaan,” at nakikisama ka ba sa kanila? Alam mo ba ang matibay na patotoo na nagpapatunay na ang mga nasumpungan mo ang siyang tunay na mga pinili ng Diyos? Ang gayong patotoo ay makapagpapatibay sa iyong pananampalataya. Ito’y magsasangkap din sa iyo upang matulungan ang iba na maunawaan ang tunay na dahilan ng relihiyosong kalituhan sa daigdig ngayon. Ang Daniel kabanata 12 ay naglalaman ng isang kabang-yaman ng nagliligtas-buhay na kaalamang ito.
KUMILOS NA ANG DAKILANG PRINSIPE
4. (a) Anong dalawang magkaibang bagay ang inihula ng Daniel 12:1 hinggil kay Miguel? (b) Sa Daniel, ano ang kadalasang kahulugan ng ‘pagtayo’ ng isang monarka?
4 Ang Daniel 12:1 ay kababasahan: “Sa panahong iyon ay tatayo si Miguel, ang dakilang prinsipe na nakatayo alang-alang sa mga anak ng iyong bayan.” Ang talatang ito ay humuhula hinggil sa dalawang magkaibang bagay tungkol kay Miguel: una, na siya’y “nakatayo,” na nagpapahiwatig ng isang kalagayan na umaabot nang mahaba-habang yugto ng panahon; ikalawa, na siya’y “tatayo,” na nagpapahiwatig ng isang pangyayari sa yugtong iyon ng panahon. Una, nais nating malaman ang yugto kung kailan si Miguel ay “nakatayo alang-alang sa mga anak ng bayan [ni Daniel].” Tandaan na Miguel ang pangalang ibinigay kay Jesus dahil sa kaniyang papel bilang isang makalangit na Tagapamahala. Ang pagtukoy sa kaniyang ‘pagtayo’ ay nagpapagunita sa atin ng paggamit sa terminong ito sa ibang lugar sa aklat ng Daniel. Ito’y kadalasang tumutukoy sa pagkilos ng isang hari, tulad ng pagkuha niya ng maharlikang kapangyarihan.—Daniel 11:2-4, 7, 20, 21.
5, 6. (a) Sa loob ng anong yugto ng panahon nakatayo si Miguel? (b) Kailan at paano “tatayo” si Miguel, at ano ang magiging resulta?
5 Maliwanag, na dito’y tinutukoy ng anghel ang isang yugto ng panahon na tiniyak sa ibang hula ng Bibliya. Ito’y tinawag ni Jesus na kaniyang “pagkanaririto” (Griego, pa·rou·siʹa), kung kailan siya mamamahala bilang Hari sa langit. (Mateo 24:37-39) Ang yugtong ito ng panahon ay tinawag din na “mga huling araw” at “panahon ng kawakasan.” (2 Timoteo 3:1; Daniel 12:4, 9) Mula pa nang magsimula ang panahong iyon noong 1914, si Miguel ay nakatayo na bilang Hari sa langit.—Ihambing ang Isaias 11:10; Apocalipsis 12:7-9.
6 Subalit, kailan “tatayo” si Miguel? Kapag siya’y tumayo upang magsagawa ng pantanging pagkilos. Ito’y gagawin ni Jesus sa hinaharap. Ang Apocalipsis 19:11-16 ay makahulang naglalarawan kay Jesus bilang ang makapangyarihang Mesiyanikong Hari na nasa unahan ng isang hukbo ng mga anghel at pumupuksa sa mga kaaway ng Diyos. Ang Daniel 12:1 ay nagpapatuloy: “At magkakaroon nga ng isang panahon ng kabagabagan na hindi pa nangyayari magbuhat nang magkaroon ng bansa hanggang sa panahong iyon.” Bilang Punong Tagapuksa ni Jehova, wawakasan ni Kristo ang buong balakyot na sistema ng mga bagay sa panahon ng inihulang “malaking kapighatian.”—Mateo 24:21; Jeremias 25:33; 2 Tesalonica 1:6-8; Apocalipsis 7:14; 16:14, 16.
7. (a) Anong pag-asa mayroon ang lahat ng tapat sa pagsapit ng “panahon ng kabagabagan”? (b) Ano ang aklat ni Jehova, at bakit mahalaga na masumpungan doon?
7 Sa madilim na panahong ito, ano ang mangyayari sa mga taong sumasampalataya? Si Daniel ay pinagsabihan pa: “Sa panahong iyon ay makatatakas ang iyong bayan, ang bawat isa na masumpungang nakasulat sa aklat.” (Ihambing ang Lucas 21:34-36.) Ano ang aklat na ito? Sa diwa, ito’y kumakatawan sa alaala ng Diyos na Jehova sa mga gumagawa ng kaniyang kalooban. (Malakias 3:16; Hebreo 6:10) Yaong mga nakasulat sa aklat na ito ng buhay ang pinakatiwasay na mga tao sa daigdig, sapagkat sila’y nagtatamasa ng proteksiyon ng Diyos. Anumang pinsala ang sumapit sa kanila, ito ay maaalis at talagang aalisin. Kahit na kung sila’y mamatay bago sumapit itong “panahon ng kabagabagan,” sila’y iingatang ligtas sa walang-hanggang alaala ni Jehova. Sila’y aalalahanin niya at bubuhayin sa Isang Libong Taóng Paghahari ni Jesu-Kristo.—Gawa 24:15; Apocalipsis 20:4-6.
“MAGIGISING” ANG MGA BANAL
8. Ang Daniel 12:2 ay nagbibigay ng anong kalugud-lugod na pag-asa?
8 Tunay na nakaaaliw ang pag-asa ng pagkabuhay-muli. Ang Daniel 12:2 ay bumabanggit dito sa pagsasabing: “Marami sa mga natutulog sa lupang alabok ang magigising, ang mga ito tungo sa buhay na namamalagi nang walang takda at ang mga iyon tungo sa kadustaan at tungo sa pagkamuhi na namamalagi nang walang takda.” (Ihambing ang Isaias 26:19.) Ang mga salitang ito ay nagpapaalaalang mabuti sa atin sa madamdaming pangako ni Jesu-Kristo para sa isang pangkalahatang pagkabuhay-muli. (Juan 5:28, 29) Anong kapana-panabik na pag-asa! Isip-isipin na lamang na ang minamahal mong mga kaibigan at pamilya—na ngayo’y patay na—ay mabibigyan ng pagkakataong mabuhay-muli sa hinaharap! Subalit ang pangakong ito sa aklat ng Daniel ay pangunahing tumutukoy sa ibang uri ng pagkabuhay-muli—isa na naganap na. Paano nangyari iyon?
9. (a) Bakit makatuwiran na asahang ang Daniel 12:2 ay matutupad sa mga huling araw? (b) Anong uri ng pagkabuhay-muli ang tinutukoy sa hula, at paano natin nalalaman iyon?
9 Isaalang-alang ang konteksto. Ang Dan unang talata ng kabanata ay kumakapit, gaya ng ating nakita, hindi lamang sa katapusan ng sistemang ito ng mga bagay kundi sa buong yugto rin ng mga huling araw. Sa katunayan, ang kalakhang bahagi ng kabanata ay matutupad, hindi sa dumarating na makalupang paraiso, kundi sa panahon ng kawakasan. Nagkaroon na ba ng pagkabuhay-muli sa panahong ito? Si apostol Pablo ay sumulat hinggil sa pagkabuhay-muli niyaong “mga kay Kristo” na magaganap “sa panahon ng kaniyang pagkanaririto.” Gayunman, yaong mga binubuhay para sa buhay sa langit ay ibinabangong “walang-kasiraan.” ( 121 Corinto 15:23, 52) Wala sa kanila na ibinabangon “tungo sa kadustaan at tungo sa pagkamuhi na namamalagi nang walang takda” ang inihula sa Daniel 12:2. Mayroon pa bang ibang uri ng pagkabuhay-muli? Sa Bibliya, ang pagkabuhay-muli kung minsan ay may espirituwal na kahulugan. Halimbawa, ang Ezekiel at ang Apocalipsis ay kapuwa naglalaman ng makahulang talata na kumakapit sa isang espirituwal na panunumbalik, o pagkabuhay-muli.—Ezekiel 37:1-14; Apocalipsis 11:3, 7, 11.
10. (a) Sa anong diwa nabuhay-muli ang mga pinahirang nalabi sa panahon ng kawakasan? (b) Paanong ang ilan sa mga pinahiran na nakapanumbalik ay gumising “tungo sa kadustaan at tungo sa pagkamuhi na namamalagi nang walang takda”?
10 Nagkaroon na ba ng gayong panunumbalik sa espirituwal ang pinahirang mga lingkod ng Diyos sa panahon ng kawakasan? Oo! Isang tunay na kasaysayan na noong 1918 ay may isang munting nalabi ng tapat na mga Kristiyano na sinalakay nang gayon na lamang anupat sinira ang kanilang organisadong pangmadlang ministeryo. Pagkatapos, bagaman waring imposible, noong 1919 sila’y nabuhay-muli sa espirituwal na diwa. Ang mga pangyayaring ito ay angkop sa naging paglalarawan sa inihulang pagkabuhay-muli sa Daniel 12:2. Ang ilan ay ‘nagising’ sa espirituwal nang panahong iyon at pagkatapos noon. Gayunman, ang lahat ay hindi naman nanatiling buháy sa espirituwal na kalagayan. Yaong mga pagkatapos na magising ay nagtakwil sa Mesiyanikong Hari at iniwan ang paglilingkod sa Diyos ay nakaranas sa ganang sarili ng ‘kadustaan at pagkamuhi na namamalagi nang walang takda’ gaya ng inilarawan sa Daniel 12:2. (Hebreo 6:4-6) Gayunman, ang tapat na mga pinahiran, palibhasa’y ginagamit na mabuti ang kanilang naibalik na espirituwal na kalagayan, ay matapat na sumuporta sa Mesiyanikong Hari. Sa wakas, ang kanilang katapatan ay umaakay, gaya ng binanggit ng hula, tungo sa “buhay na namamalagi nang walang takda.” Sa ngayon, ang kanilang espirituwal na kalakasan sa harap ng pagsalansang ay nakatutulong sa atin upang makilala sila.
SILA’Y ‘SUMISINAG GAYA NG MGA BITUIN’
11. Sino “silang may kaunawaan” ngayon, at sa anong diwa sila sumisinag gaya ng mga bituin?
11 Ang sumusunod na dalawang talata ng Daniel kabanata 12 ay malaki pa ang maitutulong sa atin upang makilala “ang mga banal ng Kadaki-dakilaan.” Sa talatang 3 ang anghel ay nagsabi kay Daniel: “Silang may kaunawaan ay sisinag na gaya ng ningning ng kalawakan; at silang nagdadala ng marami tungo sa katuwiran, tulad ng mga bituin hanggang sa panahong walang takda, magpakailan kailanman.” Sino “silang may kaunawaan” sa ngayon? Muli, itinuturo ng ebidensiya ang gayunding “mga banal ng Kadaki-dakilaan.” Tutal, sino pa nga ba kundi ang tapat na pinahirang nalabi ang may kaunawaan upang malaman na si Miguel, ang Dakilang Prinsipe, ay nagsimulang tumayo bilang Hari noong 1914? Sa pangangaral ng mga katotohanang kagaya nito—at sa pagtataguyod ng kanilang Kristiyanong paggawi—sila ay ‘sumisikat bilang mga tagapagbigay-liwanag’ sa madilim na kalagayang espirituwal ng sanlibutang ito. (Filipos 2:15; Juan 8:12) Hinggil sa kanila, si Jesus ay humula: “Sa panahong iyon ang mga matuwid ay sisikat nang maliwanag na gaya ng araw sa kaharian ng kanilang Ama.”—Mateo 13:43.
12. (a) Sa panahon ng kawakasan, paano nasangkot ang mga pinahiran sa ‘pagdadala ng marami tungo sa katuwiran’? (b) Paano dadalhin ng mga pinahiran ang marami tungo sa katuwiran at ‘sisinag gaya ng mga bituin’ sa Isang Libong Taóng Paghahari ni Kristo?
12 Ang Daniel 12:3 ay nagsasabi pa nga sa atin kung anong gawain ang pagkakaabalahan ng pinahirang mga Kristiyanong ito sa panahon ng kawakasan. Sila’y “nagdadala ng marami tungo sa katuwiran.” Pinasimulang tipunin ng mga pinahirang nalabi ang natitira pang bilang ng 144,000 na kasamang mga tagapagmana ni Kristo. (Roma 8:16, 17; Apocalipsis 7:3, 4) Nang matapos ang gawaing iyon—maliwanag na noong kalagitnaan ng mga taon ng 1930—pinasimulan nilang tipunin ang “malaking pulutong” ng “ibang tupa.” (Apocalipsis 7:9; Juan 10:16) Ang mga ito ay sumampalataya rin sa haing pantubos ni Jesu-Kristo. Samakatuwid, sila’y nagkaroon ng malinis na katayuan sa harapan ni Jehova. Bumibilang na ngayon ng milyun-milyon, kanilang pinagyayaman ang pag-asang makaligtas sa dumarating na pagkawasak ng balakyot na sanlibutang ito. Sa loob ng Isang Libong Taóng Paghahari ni Kristo, ilalapat ni Jesus at ng kaniyang kasamang 144,000 na mga hari at saserdote ang buong kapakinabangan ng pantubos, anupat tinutulungan ang lahat ng sumasampalataya na alisin ang pinakahuling bahid ng kasalanang minana kay Adan. (2 Pedro 3:13; Apocalipsis 7:13, 14; 20:5, 6) Sa ganap na diwa, makikibahagi ang pinahiran sa ‘pagdadala ng marami tungo sa katuwiran’ at sila’y ‘sisinag gaya ng mga bituin’ sa langit. Pinahahalagahan mo ba ang pag-asang mabuhay sa lupa sa ilalim ng makalangit na pamahalaan ni Kristo at ng kaniyang kasamang mga tagapamahala? Kay inam na pribilehiyong makibahagi kasama ng “mga banal” sa pangangaral ng mabuting balitang ito ng Kaharian ng Diyos!—Mateo 24:14.
SILA’Y ‘NAGPAPAROO’T PARITO’
13. Sa anong diwa tinatakan at inilihim ang mga salita sa aklat ng Daniel?
13 Ang kapahayagan ng anghel kay Daniel, na nagsimula pa sa Daniel 10:20, ay nagtatapos na ngayon sa pamamagitan ng nakapagpapasigla-sa-pusong mga pananalitang ito: “At kung tungkol sa iyo, O Daniel, ilihim mo ang mga salita at tatakan mo ang aklat, hanggang sa panahon ng kawakasan. Marami ang magpaparoo’t parito, at ang tunay na kaalaman ay sasagana.” (Daniel 12:4) Ang karamihan sa may-pagkasing ipinasulat kay Daniel ay inilihim at tinatakan upang hindi maunawaan ng tao. Aba, si Daniel mismo ay sumulat sa dakong huli: “Sa ganang akin naman, narinig ko, ngunit hindi ko maunawaan.” (Daniel 12:8) Sa ganitong diwa, ang aklat ni Daniel ay nanatiling natatatakan sa loob ng maraming siglo. Kumusta naman ngayon?
14. (a) Sa “panahon ng kawakasan,” sino ang ‘nagparoo’t parito,’ at saan? (b) Ano ang patotoo na pinagpala ni Jehova ang ‘pagparoo’t paritong’ ito?
14 Tayo ay may pribilehiyong mabuhay sa “panahon ng kawakasan” na inihula sa aklat ng Daniel. Gaya ng inihula, maraming tapat ang ‘nagparoo’t parito’ sa mga pahina ng Salita ng Diyos. Ang resulta? Sa pagpapala ni Jehova, ang tunay na kaalaman ay sumagana. Ang tapat na pinahirang mga Saksi ni Jehova ay pinagpala sa pagkakaroon ng kaunawaan upang malaman nilang ang Anak ng tao ay naging Hari na noong 1914, upang makilala nila ang mga hayop sa hula ni Daniel, upang magbabala laban sa “kasuklam-suklam na bagay na sanhi ng pagkatiwangwang”—at ito’y ilang halimbawa lamang. (Daniel 11:31) Kung gayon, ang saganang kaalamang ito ay isa pang tandang pagkakakilanlan ng “mga banal ng Kadaki-dakilaan.” Subalit si Daniel ay tumanggap ng karagdagan pang patotoo.
‘DINUROG’ SILA
15. Anong katanungan ang ibinangon ngayon ng isang anghel, at tungkol kanino maaaring magpaalaala sa atin ang katanungang ito?
15 Gaya ng natatandaan natin, tinanggap ni Daniel ang mensaheng ito ng anghel sa pampang ng “malaking ilog” ng Hidekel, na kilala rin bilang Tigris. (Daniel 10:4) Dito ay nakita niya ngayon ang tatlong nilalang na anghel at nagsabi: “Nakita ko, akong si Daniel, at, narito! may dalawa pang nakatayo, ang isa ay sa pampang ng ilog sa dako rito at ang isa ay sa pampang ng ilog sa dako roon. At ang isa ay nagsabi sa lalaking nadaramtan ng lino, na nasa ibabaw ng tubig ng ilog: ‘Hanggang kailan pa ang kawakasan ng mga kamangha-manghang bagay?’” (Daniel 12:5, 6) Ang katanungang ibinangon dito ng anghel ay maaaring magpaalaala na naman sa atin hinggil sa “mga banal ng Kadaki-dakilaan.” Sa pasimula ng “panahon ng kawakasan,” noong 1914, sila’y lubos na nababahala sa katanungan kung gaano pa katagal bago matupad ang mga pangako ng Diyos. Na sa kanila nakatuon ang hulang ito ay nagliwanag dahil sa naging kasagutan sa katanungang ito.
16. Anong hula ang binigkas ng anghel, at paano niya idiniin ang tiyak na katuparan nito?
16 Ang ulat ng Daniel ay nagpapatuloy: “At narinig ko ang lalaking nadaramtan ng lino, na nasa ibabaw ng tubig ng ilog, habang itinataas niya ang kaniyang kanang kamay at ang kaniyang kaliwang kamay sa langit at sumusumpa sa pamamagitan ng Isa na buháy sa panahong walang takda: ‘Iyon ay magiging sa isang takdang panahon, mga takdang panahon at kalahati. At kapag natapos na ang pagdurog sa kapangyarihan ng banal na bayan, ang lahat ng bagay na ito ay darating sa kanilang katapusan.’” (Daniel 12:7) Ito ay isang seryosong bagay. Itinaas ng anghel ang kaniyang dalawang kamay sa pagsumpa, marahil ay upang makita ito ng dalawa pang anghel na nasa kabilang panig ng malapad na ilog. Kaya idiniin niya ang lubos na katiyakan ng katuparan ng hulang ito. Kailan kung gayon ang mga takdang panahong ito? Hindi mahirap masumpungan ang kasagutan gaya marahil ng iniisip mo.
17. (a) Anong pagkakatulad ang masusumpungan sa mga hulang nakaulat sa Daniel 7:25, Daniel 12:7, at Apocalipsis 11:3, 7, 9? (b) Gaano kahaba ang tatlo at kalahating panahon?
17 Ang hulang ito ay malaki ang pagkakatulad sa dalawang iba pang hula. Ang isa, na ating isinaalang-alang sa Kabanata 9 ng publikasyong ito, ay masusumpungan sa Daniel 7:25; ang isa pa, sa Apocalipsis 11:3, 7, 9. Pansinin ang ilang pagkakatulad. Ang bawat isa ay nakatakdang maganap sa panahon ng kawakasan. Ang dalawang hula ay may kinalaman sa mga banal na lingkod ng Diyos, na nagpapakitang sila’y pag-uusigin at pansamantala pa ngang hindi makapagsasagawa ng kanilang pangmadlang pangangaral. Bawat hula ay nagpapakita na ang mga lingkod ng Diyos ay muling mabubuhay at makapagpapatuloy sa kanilang gawain, na bumigo sa mga umuusig sa kanila. At ang bawat hula ay bumabanggit sa haba ng panahong ito ng kahirapan para sa mga banal. Ang mga hula sa Daniel (7:25 at 12:7) ay kapuwa tumutukoy sa ‘isang panahon, mga panahon, at kalahati ng isang panahon.’ Kinikilala sa pangkalahatan ng mga iskolar na ito’y nangangahulugan ng tatlo at kalahating panahon. Ang Apocalipsis ay tumutukoy sa ganito ring yugto bilang 42 buwan, o 1,260 araw. (Apocalipsis 11:2, 3) Pinatutunayan nito na ang tatlo at kalahating panahon sa Daniel ay tumutukoy sa tatlo at kalahating taon na tig-360 araw bawat isa. Subalit kailan nagpasimula ang 1,260 araw na ito?
18. (a) Ayon sa Daniel 12:7, ano ang magiging tanda ng katapusan ng 1,260 araw? (b) Kailan nadurog sa wakas “ang kapangyarihan ng banal na bayan,” at paano ito nangyari? (c) Kailan nagsimula ang 1,260 araw, at paano ‘nanghula sa telang-sako’ ang mga pinahiran sa yugtong iyon?
18 Ang hula ay may-katiyakang nagsasabi kung kailan matatapos ang 1,260 araw—kapag “natapos na ang pagdurog sa kapangyarihan ng banal na bayan.” Sa kalagitnaan ng 1918, ang pangunahing miyembro ng Watch Tower Bible and Tract Society, lakip na ang presidente nito, si J. F. Rutherford, ay nahatulan salig sa maling mga paratang, nasentensiyahan nang matagal na pagkakakulong, at ibinilanggo. Tunay na nakita ng mga banal ng Diyos na ang kanilang gawain ay ‘nadurog,’ at ang kanilang kapangyarihan ay nawala. Ang pabalik na pagbilang ng tatlo at kalahating taon mula sa kalagitnaan ng 1918 ay magdadala sa atin sa katapusan ng 1914. Sa panahong iyon ang maliit na bilang ng mga pinahiran ay naghahanda na para sa dumarating na pag-uusig. Ang Digmaang Pandaigdig I ay sumiklab na, at lumalaki na ang pagsalansang sa kanilang gawain. Para sa taóng 1915, ibinatay pa nga nila ang kanilang taunang teksto sa tanong ni Kristo sa kaniyang mga tagasunod: “Mangyayari bagang inuman ninyo ang aking saro?” (Mateo 20:22, King James Version) Gaya ng inihula sa Apocalipsis 11:3, ang sumunod na yugto ng 1,260 araw ay isang panahon ng pagdadalamhati para sa mga pinahiran—waring sila’y nanghuhula na nakadamit ng telang-sako. Lalong lumubha ang pag-uusig. Ang ilan sa kanila ay ibinilanggo, ang iba ay inumog, at ang iba naman ay pinahirapan. Marami ang nasiraan ng loob sa pagkamatay ng unang presidente ng Samahan, na si C. T. Russell, noong 1916. Subalit, ano ang mangyayari pagkatapos ng madilim na panahong ito kapag pinatay ang mga banal na ito bilang isang nangangaral na organisasyon?
19. Paano tinitiyak sa atin ng hula sa Apocalipsis kabanata 11 na ang mga pinahiran ay hindi mapatatahimik sa mahabang panahon?
19 Ang nakakatulad na hula na masusumpungan sa Apocalipsis 11:3, 9, 11 ay nagpapakita na pagkatapos patayin ang “dalawang saksi,” sila’y nakahandusay na patay sa loob ng isang maikling yugto lamang ng panahon—tatlo at kalahating araw—hanggang sa sila’y mabuhay-muli. Nakakatulad nito, ang hula sa Daniel kabanata 12 ay nagpapakita na ang mga banal ay hindi mananatiling tahimik kundi marami pang gawain ang nasa harapan nila.
SILA’Y ‘NILINIS, PINAPUTI, AT DINALISAY’
20. Ayon sa Daniel 12:10, anong mga pagpapala ang sasapit sa mga pinahiran pagkatapos ng kanilang mahirap na mga karanasan?
20 Gaya ng ipinakita sa pasimula, isinulat ni Daniel ang mga bagay na ito subalit hindi niya naunawaan ang mga ito. Subalit, marahil ay nag-iisip siya kung ang mga banal ay talagang mapupuksa sa kamay ng mga mang-uusig sa kanila, sapagkat nagtanong siya, “Ano ang magiging huling bahagi ng mga bagay na ito?” Ang anghel ay sumagot: “Yumaon ka, Daniel, sapagkat ang mga salita ay inilihim at tinatakan hanggang sa panahon ng kawakasan. Marami ang maglilinis ng kanilang sarili at magpapaputi ng kanilang sarili at magpapadalisay. At ang mga balakyot ay tiyak na gagawi nang may kabalakyutan, at walang sinumang balakyot ang makauunawa; ngunit silang may kaunawaan ay makauunawa.” (Daniel 12:8-10) May tiyak na pag-asa para sa mga banal! Sa halip na mapuksa, sila’y papuputiin at pagpapalain ng isang malinis na katayuan sa harap ng Diyos na Jehova. (Malakias 3:1-3) Ang kanilang kaunawaan sa espirituwal na mga bagay ay magpapangyaring sila’y manatiling malinis sa paningin ng Diyos. Sa kabaligtaran, ang mga balakyot ay tatangging makaunawa ng espirituwal na mga bagay. Subalit kailan mangyayari ang lahat ng ito?
21. (a) Ang yugto ng panahong inihula sa Daniel 12:11 ay magsisimula kapag umiral na ang anong kalagayan? (b) Ano ang “palagiang handog,” at kailan ito inalis? (Tingnan ang kahon sa pahina 298.)
21 Sinabihan si Daniel: “Mula sa panahon na ang palagiang handog ay alisin at maganap ang paglalagay ng kasuklam-suklam na bagay na sanhi ng pagkatiwangwang, magkakaroon ng isang libo dalawang daan at siyamnapung araw.” Kaya ang yugtong ito ng panahon ay magsisimula kapag umiral na ang ilang mga kalagayan. “Ang palagiang handog”—o “ang patuluyang handog” a—ay kailangang alisin. (Daniel 12:11, talababa sa Ingles) Anong handog ang nais sabihin ng anghel? Hindi ang mga handog na hayop na inihahain sa alinmang makalupang templo. Aba, maging ang templo na dating nakatayo sa Jerusalem ay isa lamang “kopya ng katunayan”—ang dakilang espirituwal na templo ni Jehova, na nagpasimulang kumilos nang si Kristo ay maging Mataas na Saserdote nito noong 29 C.E.! Sa espirituwal na templong ito, na kumakatawan sa kaayusan ng Diyos para sa dalisay na pagsamba, hindi na kailangan pa ang patuluyang mga handog sa kasalanan, yamang ‘si Kristo ay inihandog nang minsanan upang dalhin ang mga kasalanan ng marami.’ (Hebreo 9:24-28) Gayunman, ang lahat ng mga tunay na Kristiyano ay naghahandog nga ng mga hain sa templong ito. Si apostol Pablo ay sumulat: “Sa pamamagitan niya [Kristo] ay lagi tayong maghandog sa Diyos ng hain ng papuri, alalaong baga, ang bunga ng mga labi na gumagawa ng pangmadlang pagpapahayag sa kaniyang pangalan.” (Hebreo 13:15) Kaya ang unang kalagayang ito ng hula—ang pag-aalis ng “palagiang handog”—ay nangyari sa kalagitnaan ng 1918 nang ang gawaing pangangaral ay pansamantalang napatigil.
22. (a) Ano ang “kasuklam-suklam na bagay” na sanhi ng pagkatiwangwang, at kailan ito nailagay? (b) Kailan nagsimula ang yugto ng panahong inihula sa Daniel 12:11, at kailan ito nagwakas?
22 Subalit, kumusta naman ang tungkol sa ikalawang kalagayan—ang “paglalagay,” o pagtatalaga, ng “kasuklam-suklam na bagay na sanhi ng pagkatiwangwang”? Gaya ng ating nakita na sa ating pagtalakay ng Daniel 11:31, ang kasuklam-suklam na bagay na ito sa pasimula ay ang Liga ng mga Bansa at sa dakong huli ay lumitaw na muli bilang ang Nagkakaisang mga Bansa. Ang mga ito ay kapuwa kasuklam-suklam sa bagay na sila’y ipinangalandakan bilang ang tanging pag-asa para sa kapayapaan sa lupa. Kaya, sa puso ng marami, ang mga institusyong ito ay talagang kumuha sa dako ng Kaharian ng Diyos! Ang Liga ay opisyal na ipinanukala noong Enero 1919. Nang panahong iyon, kung gayon, natupad na ang dalawang kalagayan sa Daniel 12:11. Kaya ang 1,290 araw ay nagsimula sa unang bahagi ng 1919 at nagpatuloy hanggang sa taglagas (Hilagang Hemispero) ng 1922.
23. Paano sumulong ang mga banal ng Diyos tungo sa nilinis na kalagayan noong 1,290 araw na inihula sa Daniel kabanata 12?
23 Noong panahong iyon, sumulong ba ang mga banal tungo sa pagiging pinaputi at nilinis sa mata ng Diyos? Tunay na tunay! Noong Marso 1919 ang presidente ng Samahang Watch Tower at ang kaniyang malapit na mga kasama ay pinalaya mula sa bilangguan. Pagkatapos sila ay pinawalang-sala sa lahat ng maling paratang laban sa kanila. Sa pagkakaalam na ang kanilang gawain ay hindi pa natatapos, sila’y karaka-rakang naging abala, anupat nag-organisa ng isang kombensiyon para sa Setyembre 1919. Noong taon ding iyon, isang kasamang magasin ng The Watch Tower ang inilathala sa unang pagkakataon. Orihinal na tinawag na The Golden Age (ngayo’y Awake!), ito’y laging sumusuporta sa The Watchtower sa walang-takot na paglalantad ng katiwalian ng sanlibutang ito at sa pagtulong sa bayan ng Diyos na makapanatiling malinis. Sa katapusan ng inihulang 1,290 araw, ang mga banal ay patungo na sa isang nilinis at isinauling kalagayan. Noong Setyembre 1922, tamang-tamang sa panahon ng pagtatapos ng yugtong ito, sila’y nagdaos ng isang makasaysayang kombensiyon sa Cedar Point, Ohio, E.U.A. Ito’y nagbigay ng napakalaking pampasigla sa gawaing pangangaral. Gayunman, kailangan pa ring gumawa ng higit pang pagsulong. Iyon ay para sa susunod na itinakdang panahon.
KALIGAYAHAN PARA SA MGA BANAL
24, 25. (a) Anong yugto ng panahon ang inihula sa Daniel 12:12, at kailan ito maliwanag na nagsimula at nagwakas? (b) Ano ang espirituwal na kalagayan ng mga pinahirang nalabi sa pagsisimula ng 1,335 araw?
24 Tinapos ng anghel ni Jehova ang kaniyang hula hinggil sa mga banal sa mga pananalitang ito: “Maligaya siya na patuloy na naghihintay at darating sa isang libo tatlong daan tatlumpu’t limang araw!” (Daniel 12:12) Ang anghel ay hindi nagbigay ng pahimaton kung kailan magsisimula o magwawakas ang yugtong ito. Ipinahihiwatig ng kasaysayan na ito ay karaka-rakang sumunod sa naunang yugto. Kung gayon ito ay magmumula sa taglagas ng 1922 hanggang sa pagtatapos ng tagsibol ng 1926 (Hilagang Hemispero). Ang mga banal ba ay sumapit sa maligayang kalagayan sa katapusan ng yugtong iyon? Oo, sa mahahalagang espirituwal na paraan.
25 Kahit na pagkatapos ng kombensiyon noong 1922 (ipinakita sa pahina 302), ang ilan sa mga banal ng Diyos ay nakatingin pa ring may pananabik sa nakaraan. Ang saligang materyal sa pag-aaral para sa kanilang mga pulong ay ang Bibliya pa rin at ang mga tomo ng Studies in the Scriptures, ni C. T. Russell. Sa panahong iyon, ang karamihan ay tumitingin sa 1925 bilang ang taon ng pagsisimula ng pagkabuhay-muli at sa pagsasauli ng Paraiso sa lupa. Kaya, marami ang naglilingkod taglay ang isang petsa sa isipan. Ang ilan ay may-katigasang tumangging makibahagi sa gawaing pangangaral sa madla. Ang ganitong kalagayan ng mga bagay ay hindi nakaliligaya.
26. Habang nagdaraan ang 1,335 araw, paano nagbago ang espirituwal na kalagayan ng mga pinahiran?
26 Gayunman, habang nagdaraan ang 1,335 araw, ang lahat ng ito ay nagpasimulang magbago. Ang pangangaral ay itinampok, habang ang regular na kaayusan upang makabahagi ang bawat isa sa ministeryo sa larangan ay itinatag. Ang mga pulong ay isinaayos upang pag-aralan ang The Watch Tower bawat linggo. Ang isyu ng Marso 1, 1925, ay may makasaysayang artikulong “Ang Pagsilang ng Bansa,” na nagbibigay ng lubos na kaunawaan sa bayan ng Diyos hinggil sa nangyari noong mga panahon ng 1914-19. Pagkalipas ng 1925, ang mga banal ay hindi na naglilingkod sa Diyos dahilan sa pagtingin sa isang malapit at eksaktong petsa. Sa halip, ang pagpapabanal sa pangalan ni Jehova ang siyang pinakamahalaga. Ang mahalagang katotohanang ito ay itinampok, higit kailanman, sa Enero 1, 1926, sa artikulo ng Watch Tower na “Sino ang Magpaparangal kay Jehova?” Sa kombensiyon noong Mayo 1926, ang aklat na Deliverance ay inilabas. (Tingnan ang pahina 302.) Ito’y isa sa mga serye ng bagong mga aklat na dinisenyo upang pumalit sa Studies in the Scriptures. Ang mga banal ay hindi na lumingon pa sa nakaraan. Sila’y may pagtitiwalang tumitingin sa hinaharap at sa gawain na dapat na isagawa. Gaya ng inihula, ang 1,335 araw kung gayon ay natapos na taglay ng mga banal ang maligayang kalagayan.
27. Paanong ang pagkaunawa sa Daniel kabanata 12 ay tumutulong sa atin na makagawa ng kapani-paniwalang pagkilala sa mga pinahiran ni Jehova?
27 Sabihin pa, hindi lahat ay nakapagtiis sa maligalig na panahong iyon. Walang alinlangan na ito ang dahilan kung bakit idiniin ng anghel ang kahalagahan ng pagiging “patuloy na naghihintay.” Yaong mga nagtiis at patuloy na naghintay ay lubusang pinagpala. Ang pagkakaunawa sa Daniel kabanata 12 ay nagpapatunay nito. Gaya ng inihula, ang pinahiran ay nakapanumbalik, o nabuhay-muli, sa espirituwal na diwa. Sila’y binigyan ng pambihirang kaunawaan sa Salita ng Diyos, na pinalakas upang doo’y “magparoo’t parito” at, sa pagpatnubay ng banal na espiritu, maisiwalat ang sinaunang mga misteryo. Sila’y nilinis ni Jehova at pinakinang sa espirituwal, na kasingningning ng mga bituin. Dahil dito, nadala nila ang marami tungo sa isang matuwid na katayuan sa Diyos na Jehova.
28, 29. Ano ang dapat na maging kapasiyahan natin habang “ang panahon ng kawakasan” ay nalalapit na sa katapusan?
28 Taglay ang lahat ng makahulang tandang ito upang makilala “ang mga banal ng Kadaki-dakilaan,” ano pa ang maidadahilan upang hindi sila kilalanin at samahan? Kamangha-manghang mga pagpapala ang naghihintay sa malaking pulutong, na nakikisama sa lumiliit na bilang ng uring pinahiran sa paglilingkod kay Jehova. Tayong lahat ay dapat na magpatuloy sa paghihintay sa katuparan ng mga pangako ng Diyos. (Habakuk 2:3) Sa ating panahon si Miguel, ang Dakilang Prinsipe, ay nakatayo na sa loob ng maraming dekada sa kapakanan ng bayan ng Diyos. Siya’y malapit na ngayong kumilos bilang inatasang tagapuksa ng Diyos sa sistemang ito ng mga bagay. Kapag ginawa na niya ito, saan kaya tayo tatayo?
29 Ang sagot sa katanungang ito ay depende kung ating pinipiling mamuhay sa katapatan ngayon. Upang patibayin ang ating kapasiyahang gawin iyon habang papatapos na ang “panahon ng kawakasan,” ating isaalang-alang ang pinakahuling talata ng aklat ni Daniel. Ang ating pagtalakay nito sa susunod na kabanata ay tutulong sa atin upang makita kung paano tumayo si Daniel sa harap ng kaniyang Diyos at kung paano siya tatayo sa harap Niya sa hinaharap.
[Talababa]
a Isinalin lamang bilang “ang handog” sa Griegong Septuagint.
ANO ANG IYONG NAUNAWAAN?
• Sa anong yugto ng panahon “nakatayo” si Miguel, at paano at kailan siya “tatayo”?
• Anong uri ng pagkabuhay-muli ang tinutukoy sa Daniel 12:2?
• Anong mga petsa ang nagiging tanda ng pasimula at katapusan ng
tatlo at kalahating panahon na binanggit sa Daniel 12:7?
1,290 araw na inihula sa Daniel 12:11?
1,335 araw na inihula sa Daniel 12:12?
• Paanong ang pagbibigay-pansin sa Daniel kabanata 12 ay tutulong sa atin na makilala ang tunay na mga mananamba ni Jehova?
[Mga Tanong sa Pag-aaral]
[Kahon sa pahina 298]
PAG-AALIS NG PALAGIANG HANDOG
Sa aklat ng Daniel, ang terminong “palagiang handog” ay lumilitaw ng limang ulit. Ito’y tumutukoy sa isang hain ng papuri—“ang bunga ng mga labi”—na regular na inihahain sa Diyos na Jehova ng kaniyang mga lingkod. (Hebreo 13:15) Ang inihulang pag-aalis nito ay tinukoy sa Daniel 8:11, 11:31, at 12:11.
Sa panahon ng dalawang digmaang pandaigdig, ang bayan ni Jehova ay matinding pinag-usig sa mga lugar na nasasakupan ng “hari ng hilaga” at “hari ng timog.” (Daniel 11:14, 15) Ang pag-aalis ng “palagiang handog” ay naganap sa pagtatapos ng Digmaang Pandaigdig I nang halos mapatigil ang gawaing pangangaral noong kalagitnaan ng 1918. (Daniel 12:7) Noong Digmaang Pandaigdig II, “ang palagiang handog” ay ‘inalis’ sa loob ng 2,300 araw ng Kapangyarihang Pandaigdig ng Anglo-Amerikano. (Daniel 8:11-14; tingnan ang Kabanata 10 ng aklat na ito.) Ito’y inalis din ng “mga bisig” ng Nazi sa loob ng isang yugto ng panahong hindi tiniyak sa Kasulatan.—Daniel 11:31; tingnan ang Kabanata 15 ng aklat na ito.
[Chart/Mga larawan sa pahina 301]
MAKAHULANG MGA YUGTO NG PANAHON SA DANIEL
Pitong panahon (2,520 taon): Oktubre 607 B.C.E. hanggang
Daniel 4:16, 25 Oktubre 1914 C.E.
(Itinatag ang Mesiyanikong Kaharian.
Tingnan ang Kabanata 6 ng aklat na ito.)
Tatlo at kalahating panahon Disyembre 1914 hanggang Hunyo 1918
(1,260 araw): (Ang pinahirang mga Kristiyano ay niligalig.
Daniel 7:25; 12:7 Tingnan ang Kabanata 9 ng aklat na ito.)
2,300 gabi at Hunyo 1 o 15, 1938, hanggang
umaga: Oktubre 8 o 22, 1944
Daniel 8:14 (Lumitaw at dumami ang “malaking pulutong.”
(Tingnan ang Kabanata 10 ng aklat na ito.)
70 sanlinggo (490 taon): 455 B.C.E. hanggang 36 C.E.
Daniel 9:24-27 (Ang pagdating ng Mesiyas at ang kaniyang makalupang ministeryo. Tingnan ang Kabanata 11
ng aklat na ito.)
1,290 araw: Enero 1919 hanggang
Daniel 12:11 Setyembre 1922
(Ang pinahirang mga Kristiyano ay nagising at
sumulong sa espirituwal.)
1,335 araw: Setyembre 1922 hanggang Mayo 1926
Daniel 12:12 (Ang mga pinahirang Kristiyano
ay nagtamo ng maligayang kalagayan.)
[Mga larawan sa pahina 287]
Ang mga kilalang lingkod ni Jehova ay walang katarungang ikinulong sa bilangguang pederal ng Atlanta, Georgia, E.U.A. Mula kaliwa pakanan: (nakaupo) A. H. Macmillan, J. F. Rutherford, W. E. Van Amburgh; (nakatayo) G. H. Fisher, R. J. Martin, G. DeCecca, F. H. Robison, at C. J. Woodworth
[Mga larawan sa pahina 299]
Mahahalagang kombensiyon na idinaos sa Cedar Point, Ohio, E.U.A., noong 1919 (itaas) at 1922 (ibaba)
[Buong-pahinang larawan sa pahina 302]