Aklat ng Bibliya Bilang 58—Mga Hebreo
Aklat ng Bibliya Bilang 58—Mga Hebreo
Manunulat: Si Pablo
Saan Isinulat: Sa Roma
Natapos Isulat: c. 61 C.E.
1. Kasuwato ng anong atas isinulat ni Pablo ang liham sa Mga Hebreo?
SI PABLO ay mas kilala bilang apostol “sa mga bansa.” Ngunit limitado ba sa mga di-Judio ang kaniyang ministeryo? Hindi! Nang si Pablo ay malapit nang bautismuhan at atasan sa gawain, sinabi ng Panginoong Jesus kay Ananias: “Ang taong ito [si Pablo] ay sisidlang hirang upang dalhin ang aking pangalan sa mga bansa at maging sa mga hari at sa mga anak ni Israel.” (Gawa 9:15; Gal. 2:8, 9) Ang pagsulat ng Mga Hebreo ay kasuwato ng atas ni Pablo na dalhin ang pangalan ni Jesus sa mga anak ni Israel.
2. Papaano mapabubulaanan ang mga pangangatuwiran laban sa pagkasulat ni Pablo ng Mga Hebreo?
2 Gayunman, alinlangan ang ilang kritiko sa pagkasulat ni Pablo ng Mga Hebreo. Ang isang pagtutol ay wala raw ang pangalan ni Pablo sa liham. Hindi talaga hadlang ito, pagkat marami ring kanonikal na aklat ang hindi bumabanggit sa manunulat ngunit naaaninaw ito sa panloob na ebidensiya. Isa pa, naniniwala ang iba na sadyang inalis ni Pablo ang kaniyang pangalan, sapagkat galít dito ang mga Judio. (Gawa 21:28) Ang kaibahan ng estilo sa iba niyang liham ay hindi rin saligan upang tutulan ang pagkasulat ni Pablo. Ang sinusulatan man niya ay mga pagano, Judio, o Kristiyano, laging ipinakikita ni Pablo ang kakayahang “makibagay sa lahat ng uri ng tao.” Dito, ang pangangatuwiran niya ay inihaharap sa mga Judio mula sa isang Judio, pangangatuwirang kanilang mauunawaan at mapahahalagahan.—1 Cor. 9:22.
3. Anong panloob na ebidensiya ang kapuwa umaalalay sa pagkasulat ni Pablo ng Mga Hebreo at nagpapahiwatig na ito’y isinulat pangunahin na para sa mga Judio?
3 Ang panloob na ebidensiya ng aklat ay umaalalay sa pagkasulat ni Pablo. Ang manunulat ay nasa Italya at kasama ni Timoteo. Kapit ang mga ito kay Pablo. (Heb. 13:23, 24) Bukod dito, ang doktrina ay tipong kay Pablo, bagaman ang mga pangangatuwiran ay mula sa punto-de-bista ng isang Judio, na sinadyang umakit sa kongregasyon ng mga purong Hebreo na siyang pinatutungkulan ng liham. Sinasabi ng Commentary ni Clarke, Tomo 6, pahina 681, tungkol dito: “Isinulat ito sa mga Judio, at ito’y pinatutunayan ng buong balangkas ng liham. Kung ito ay isinulat sa mga Gentil, isa man sa sampung libo ay hindi makauunawa sa pangangatuwiran, palibhasa’y hindi sila pamilyar sa Judiong sistema; sa buong liham ay ito ang nasa isip ng manunulat.” Tumutulong ito sa pag-unawa sa pagbabago ng estilo kung ihahambing sa iba pang liham ni Pablo.
4. Ano ang karagdagang ebidensiya ng pagkasulat ni Pablo ng Mga Hebreo?
4 Ang pagkatuklas ng Chester Beatty Papyrus No. 2 (P46) noong mga 1930 ay dagdag na ebidensiya sa pagkasulat ni Pablo. Kinumentuhan ng pangunahing Ingles na kritiko sa teksto na si Sir Frederic Kenyon ang papyrus codex na ito, na isinulat mga isang siglo at kalahati lamang pagkamatay ni Pablo: “Kapansin-pansin na ang Mga Hebreo ay isinusunod agad sa Mga Taga-Roma (bagay na halos walang nakakatulad), upang ipakita na sa maagang petsa ng pagkasulat ng manuskrito ay walang alinlangan sa pagkaka-akda ni Pablo.” a Kaugnay nito ay idiniriin ng Cyclopedia nina McClintock at Strong: “Walang sapat na ebidensiya, panlabas man o panloob, na pabor sa anomang pag-aangkin sa pagkaka-akda ng liham kung hindi kay Pablo.” b
5. Papaano pinatutunayan ng nilalaman ng Mga Hebreo na ito ay kinasihan?
5 Bukod sa pagtanggap ng sinaunang mga Kristiyano, ang nilalaman ng Mga Hebreo ay patotoo na ito ay “kinasihan ng Diyos.” Ang mambabasa ay laging inaakay sa mga hula sa Kasulatang Hebreo, at ipinakikita ng marami nitong pagtukoy sa sinaunang mga kasulatan na ang mga ito’y pawang natupad kay Kristo Jesus. Sa unang kabanata lamang, di-kukulangin sa pitong pagsipi sa Kasulatang Hebreo ang nagpapakita na ang Anak ay mas mataas ngayon sa mga anghel. Lagi itong dumadakila sa Salita at pangalan ni Jehova, at ipinakikilala si Jesus bilang Punong Ahente ng buhay at ang Kaharian ng Diyos sa ilalim ni Kristo ang tanging pag-asa ng sangkatauhan.
6. Ano ang ebidensiya tungkol sa dako at panahon ng pagkasulat ng Mga Hebreo?
6 Tungkol sa panahon ng pagsulat, nakita natin na ito’y noong si Pablo ay nasa Italya. Sa pagtatapos ng liham, sinasabi niya: “Talastasin na ang kapatid nating si Timoteo ay napalaya na, at kung darating siya agad, ay ipagsasama ko sa inyo.” (13:23) Waring nagpapahiwatig ito na si Pablo ay umaasa sa maagang paglaya sa bilangguan at sa pagsama kay Timoteo na naibilanggo rin ngunit napalaya na. Kaya ang huling taon ng unang pagkabilanggo ni Pablo sa Roma ang iminumungkahing petsa ng pagsulat, at iyon ay 61 C.E.
7. Sa anong pagsalansang napaharap ang mga Judiong Kristiyano sa Jerusalem, at ano ang kailangan nila?
7 Noong panahon ng kawakasan ng Judiong sistema, dumanas ng mahigpit na pagsubok ang mga Hebreong Kristiyano sa Judea at lalo na sa Jerusalem. Dahil sa paglago at paglaganap ng mabuting balita, lalong naging malupit at panatiko ang mga Judio sa pag-uusig sa mga Kristiyano. Iilang taon pa ang nakakalipas, ang pagparoon ni Pablo sa Jerusalem ay sapat na upang siya’y umugin, at ubod-lakas na ipinagsigawan ng relihiyosong mga Judio: “Alisin sa lupa ang taong ito, pagkat hindi siya nararapat mabuhay!” Mahigit na 40 Judio ang sumumpa na hindi sila kakain ni iinom hangga’t di nila naililigpit siya, at kinailangan siyang samahan sa Cesarea ng napakaraming armadong kawal sa gabi. (Gawa 22:22; 23:12-15, 23, 24) Sa gitna ng ganitong relihiyosong panatisismo at pagkapoot, ang kongregasyon ay kinailangang mamuhay, mangaral at magpakatatag sa pananampalataya. Kinailangan nila ang malalim na kaalaman at unawa hinggil sa kung papaano tinupad ni Kristo ang Kautusan upang huwag silang matuksong bumalik sa Judaismo at sa Kautusang Mosaico na may paghahandog ng mga hayop na sa ngayo’y walang kabuluhang mga rituwal na lamang.
8. Bakit kahanga-hanga ang pagkasangkap kay Pablo upang isulat ang liham sa Mga Hebreo, at anong sunud-sunod na pangangatuwiran ang iniharap niya?
8 Walang higit na nakakaunawa sa panggigipit at pag-uusig sa mga Judiong Kristiyano kung hindi si apostol Pablo. Walang higit na nasasangkapan sa pagbibigay ng maririing argumento at pagpapabulaan sa tradisyong Judio kundi si Pablo, isang dating Fariseo. Mula sa malawak na kaalaman sa Kautusang Mosaico na natutuhan kay Gamaliel, ay nagharap siya ng di-matututulang patotoo na si Kristo ang katuparan ng Kautusan, ng mga alituntunin at hain nito. Ipinakita niya na ito’y pinalitan na ng mas maluwalhating mga katunayan, na nagdudulot ng higit na pakinabang sa ilalim ng isang bago at mas mabuting tipan. Inihanay ng matalino niyang kaisipan ang sunud-sunod na katibayan sa maliwanag at kapani-paniwalang paraan. Ang wakas ng tipang Kautusan at ang pagsisimula ng bago, ang kahigitan ng pagkasaserdote ni Kristo sa pagkasaserdoteng Aaroniko, ang tunay na halaga ng hain ni Kristo kung ihahambing sa mga handog na baka at kambing, ang pagharap ni Kristo kay Jehova sa langit sa halip na sa isang makalupang tolda—lahat ng ito ay bagung-bagong mga turo, lubhang kinapootan ng di-sumasampalatayang mga Judio, at iniharap sa mga Hebreong Kristiyano lakip ang saganang patotoo ng Kasulatang Hebreo na tiyak na kukumbinse sa sinomang makatuwirang Judio.
9. Ang liham sa Mga Hebreo ay naging makapangyarihang sandata ukol sa ano, at papaano ito nagtanghal ng pag-ibig ni Pablo?
9 Sa tulong ng liham, nasangkapan ang mga Hebreong Kristiyano ng bago at makapangyarihang sandata na magpapatikom sa bibig ng mga mang-uusig na Judio, at ng pangangatuwiran na kukumbinse at aakit sa tapat-pusong mga Judio na naghahanap ng katotohanan. Ipinakikita nito ang taos-pusong pag-ibig ni Pablo at ang marubdob na pagnanasa na tulungan ang mga Hebreong Kristiyano sa isang praktikal na paraan sa panahon ng kagipitan.
NILALAMAN NG MGA HEBREO
10. Tungkol kay Kristo, ano ang isinasaad ng pambungad ng Mga Hebreo?
10 Ang dakilang katayuan ni Kristo (1:1–3:6). Kay Kristo nakatuon ang pambungad: “Ang Diyos, na noong una ay nagsalita sa ating mga magulang sa iba’t-ibang pagkakataon at iba’t-ibang paraan sa pamamagitan ng mga propeta, ay nagsasalita sa atin sa mga huling araw sa pamamagitan ng kaniyang Anak.” Ang Anak ang Tagapagmana ng lahat ng bagay at larawan ng kaluwalhatian ng Ama. Matapos linisin ang ating mga kasalanan, siya’y “naupo sa kanang kamay ng Kamahalan sa kaitaasan.” (1:1-3) Sunud-sunod na sumisipi si Pablo sa mga kasulatan upang patunayan ang kahigitan ni Jesus sa mga anghel.
11. (a) Bakit nagpayo si Pablo na magbigay ng higit-sa-karaniwang pansin sa mga bagay na narinig? (b) Dahil sa kaniyang mga karanasan at dakilang katayuan, anong mga bagay ang nagawa ni Jesus?
11 Sinasabi ni Pablo na “dapat tayong mag-ukol ng higit sa karaniwang pansin.” Bakit? Sapagkat, kung mahigpit ang parusa sa pagsuway sa “salitang ipinahayag ng mga anghel, . . . papaano tayo makakaiwas kung pababayaan natin ang napaka-dakilang kaligtasan na ipinahayag ng Panginoon?” “Ang anak ng tao” ay ginawa ng Diyos na mas mababa kaysa mga anghel, ngunit ngayo’y nakikita natin si Jesus “na dahil sa pagbabata ng kamatayan ay pinutungan ng kaluwalhatian at ng karangalan, upang sa di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos ay lasapin niya ang kamatayan para sa lahat ng tao.” (2:1-3, 6, 9) Sa pagdadala ng maraming anak sa kaluwalhatian, ang Punong Ahente ng kaligtasan ay ginawang “sakdal [ng Diyos] sa pamamagitan ng mga pagtitiis.” Siya ang lilipol sa Diyablo at magpapalaya sa “lahat na dahil sa takot sa kamatayan ay naging mga alipin sa buong buhay nila.” Kaya si Jesus ay nagiging “mataas na saserdoteng maawain at tapat.” At, palibhasa nagtiis siya ng pagsubok, “siya’y makasasaklolo sa mga nasa pagsubok.” (2:10, 15, 17, 18) Kaya si Jesus ay may higit na kaluwalhatian kaysa kay Moises.
12. Ano ang dapat iwasan ng mga Kristiyano upang makapasok sa kapahingahan ng Diyos?
12 Pagpasok sa kapahingahan ng Diyos dahil sa pananampalataya at pagsunod (3:7–4:13). Ang mga Kristiyano ay dapat mabigyang-babala sa kataksilan ng mga Israelita, upang huwag silang tubuan ng “masamang puso na walang pananampalataya dahil sa paglayo sa Diyos na buháy.” (Heb. 3:12; Awit 95:7-11) Bunga ng pagsuway at di-pagsampalataya, ang mga Israelitang umalis sa Ehipto ay hindi nakapasok sa pamamahinga, o Sabbath, ng Diyos, nang siya’y huminto sa paglalang kaugnay ng lupa. Gayunman, nagpaliwanag si Pablo: “May natitira pang sabbath ng pamamahinga para sa bayan ng Diyos. Sapagkat ang pumapasok sa kapahingahan ng Diyos ay nagpapahinga rin sa kaniyang mga gawa, gaya ng Diyos sa kaniyang paglikha.” Dapat iwasan ang pagiging-masuwayin ng Israel. “Sapagkat ang salita ng Diyos ay buháy at makapangyarihan at matalas kaysa alinmang tabak na may dalawang talim . . . at madaling kumilala ng mga pag-iisip at haka ng puso.”—Heb. 4:9, 10, 12.
13. (a) Papaano naging “saserdote magpakailanman” si Kristo, na may pananagutan sa walang-hanggang kaligtasan? (b) Bakit hinimok ni Pablo ang mga Hebreo na sumulong sa pagkamaygulang?
13 Maygulang na pangmalas sa kahigitan ng pagkasaserdote ni Kristo (4:14–7:28). Upang kaawaan, dapat silang manghawakan sa pagpapatotoo kay Jesus, ang dakilang Mataas na Saserdote na pumasok sa kalangitan. Hindi niluwalhati ni Kristo ang sarili, kundi ang Ama ang nagsabi: “Ikaw ay saserdote magpakailanman ayon sa wangis ni Melkisedek.” (Heb. 5:6; Awit 110:4) Una’y pinasakdal si Kristo bilang mataas na saserdote nang siya’y maging masunurin sa kabila ng pagtitiis, upang dulutan ng walang-hanggang kaligtasan ang mga nagsisitalima. Si Pablo ay “maraming masasabi ngunit nahihirapang magpaliwanag,” pagkat ang mga Hebreo’y nanatiling sanggol na nangangailangan ng gatas bagaman sila’y dapat nang maging mga guro. “Ang pagkaing matigas ay sa mga maygulang, na sa pagsasanay ng unawa ay natutong kumilala sa mabuti at masama.” Hinimok sila ng apostol na “sumulong sa pagka-maygulang.”—Heb. 5:11, 14; 6:1.
14. Papaano makakamit ng mga mananampalataya ang pangako, at papaano naging matibay ang kanilang pag-asa?
14 Ang mga tumanggap ng salita ng Diyos at saka tumalikod ay mahirap nang mapanumbalik sa pagsisisi “sapagkat muli nilang ipinapako at inilalantad sa kahihiyan ang Anak ng Diyos.” Tanging sa pananampalataya at pagtitiis makakamit ang pangakong binitiwan kay Abraham—pangakong tiniyak at pinagtibay ng dalawang di-mababagong bagay: ang salita at sumpa ng Diyos. Ang pag-asa nila, “isang sinepete ng kaluluwa, na kapuwa tiyak at matatag,” ay pinangyari ng pagpasok ni Jesus “sa loob ng tabing” bilang Tagapagpauna at Mataas na Saserdote ayon kay Melkisedek.—6:6, 19.
15. Ano ang nagpapakita na ang pagkasaserdote ni Jesus, ayon sa wangis ni Melkisedek, ay hihigit sa kay Levi?
15 Si Melkisedek ay kapuwa “hari ng Salem” at “saserdote ng Kataas-taasang Diyos.” Maging ang patriarkang si Abraham ay nagbayad sa kaniya ng mga ikapu, at sa gayon si Levi, na nasa mga balakang pa ni Abrahan, ay gumawa rin ng ganito. Kaya ang pagpapala ni Melkisedek kay Abraham ay sumaklaw sa di-pa-naisisilang na si Levi, upang ipakita na ang pagkasaserdoteng Levitiko ay mas mababa kaysa kay Melkisedek. Kung ang pagkasaserdoteng Levitiko ni Aaron ay nagdulot ng kasakdalan, mangangailangan pa ba ng isang saserdote “ayon sa wangis ni Melkisedek”? Yamang nagbago ang pagkasaserdote, “dapat ding magbago ang kautusan.”—7:1, 11, 12.
16. Bakit nakahihigit ang pagkasaserdote ni Jesus sa pagkasaserdote sa ilalim ng Kautusan?
16 Ang totoo, hindi nagpasakdal ang Kautusan kaya ito ay mahina at walang-bisa. Palibhasa’y nangamamatay, marami ang mga saserdote, ngunit si Jesus “ay walang kahalili dahil siya’y nabubuhay magpakailanman. Kaya maililigtas niya ang mga lumalapit sa Diyos sa pamamagitan niya, sapagkat siya’y laging nabubuhay upang mamagitan sa kanila.” Ang Mataas na Saserdote, si Jesus, ay “tapat, walang-sala, walang-dungis, hiwalay sa mga makasalanan,” samantalang ang matataas na saserdote na hinirang ng Kautusan ay mahihina, at kailangang maghandog muna ukol sa sariling kasalanan bago ang sa iba. Kaya ang sinumpaang salita ng Diyos ay “humihirang ng isang Anak, na napasakdal magpakailanman.”—7:24-26, 28.
17. Papaano nakahihigit ang bagong tipan?
17 Ang kahigitan ng bagong tipan (8:1–10:31). Si Jesus ang “tagapamagitan ng isang mas mabuting tipan, salig sa mas mabubuting pangako.” (8:6) Sinisipi ni Pablo nang buo ang Jeremias 31:31-34, upang ipakita na para sa mga nasa bagong tipan, ang kautusan ng Diyos ay nasusulat sa isip at puso, na lahat ay makakakilala kay Jehova, at hindi na “aalalahanin [ni Jehova] ang kanilang pagkakasala.” Ang “bagong tipan” ay nagpawalang-bisa sa luma (ang tipang Kautusan), na “malapit nang lumipas.”—Heb. 8:12, 13.
18. Anong paghahambing ang ginawa ni Pablo sa paghahain kaugnay ng dalawang tipan?
18 Inilalarawan ni Pablo ang taunang mga hain sa tolda ng lumang tipan bilang “lehitimong mga kahilingan . . . hanggang sa takdang panahon ng pagbabago.” Subalit nang dumating si Kristo bilang Mataas na Saserdote, inihandog niya ang kaniyang dugo, at hindi yaong sa mga kambing at bulong baka. Ang pagwiwisik ni Moises ng dugo ng mga hayop ay nagbigay-bisa sa dating tipan at luminis sa makasagisag na tolda, ngunit kailangan ang mas mabuting hain ukol sa makalangit na mga katunayan ng bagong tipan. “Sapagkat si Kristo ay pumasok, hindi sa dakong banal na ginawa ng mga kamay, na larawan lamang ng tunay, kundi sa langit mismo, upang lumapit sa harapan ng Diyos alang-alang sa atin.” Hindi kailangan ni Kristo na gumawa ng taunang paghahandog gaya ng mataas na saserdote sa Israel, pagkat “nahayag siya minsan at magpakailanman sa katapusan ng pamamalakad ng mga bagay upang alisin ang kasalanan sa pamamagitan ng paghandog ng sarili.”—9:10, 24, 26.
19. (a) Ano ang hindi nagawa ng Kautusan, at bakit? (b) Ano ang kalooban ng Diyos tungkol sa pagpapakabanal?
19 Bilang sumaryo, sinasabi ni Pablo na “yamang ang Kautusan ay may anino ng mabubuting bagay na darating,” hindi naalis ng paulit-ulit na mga hain ang “alaala ng kasalanan.” Ngunit naparito si Jesus upang gawin ang kalooban ng Diyos. “Sa ‘kaloobang’ ito,” ani Pablo, “nilinis tayo ng paghahandog ng katawan ni Jesu-Kristo minsan at magpakailanman.” Kaya dapat manghawakan ang mga Hebreo sa pangmadlang pagpapahayag ng pananampalataya nang walang pag-aalinlangan at “magtinginan upang maudyukan sa pag-ibig at mabubuting gawa,” na di-nagpapabaya sa pagtitipong sama-sama. Kung sasadyaing magkasala matapos tumanggap ng tumpak na kaalaman, “wala nang haing natitira ukol sa mga kasalanan.”—10:1, 2, 10, 24, 26.
20. (a) Ano ang pananampalataya? (b) Anong nagpapasiglang mga salitang-larawan ang iginuhit ni Pablo tungkol sa pananampalataya?
20 Ang pananampalataya ay ipinaliwanag at inilarawan (10:32–12:3). Sinabi ni Pablo: “Alalahanin ang nakaraang mga araw nang, matapos maliwanagan, nagtiis kayo sa malaking paligsahan ng mga pagbabata.” Huwag iwawaksi ang kalayaan ng pagsasalita, na may malaking gantimpala, at magkaroon “ng pananampalataya sa ikaliligtas ng kaluluwa.” Pananampalataya! Iyan ang kailangan. Una, binibigyang-katuturan ito ni Pablo: “Ang pananampalataya ay ang tiyak na paghihintay sa mga bagay na inaasahan, ang malinaw na kapahayagan ng mga katunayang hindi nakikita.” Saka sa isang nagpapatibay na kabanata ay iginuguhit niya ang maiikling salitang- larawan ng mga sinauna na namuhay, gumawa, nakipaglaban, nagtiis, at naging mga tagapagmana ng katuwiran dahil sa pananampalataya. “Sa pananampalataya” si Abraham, na nanirahang kasama nina Isaac at Jacob sa mga tolda, ay naghintay “sa lungsod na may tunay na mga patibayan,” na ang Tagapagtayo ay ang Diyos. “Sa pananampalataya” si Moises ay nanatiling matatag, “na waring nakatanaw sa Kaniya na hindi nakikita.” “Ano pa ang sasabihin ko?” tanong ni Pablo. “Kukulangin ako ng panahon kung isasaysay ko ang tungkol kina Gideon, Barak, Samson, Jefte, David at sina Samuel at iba pang propeta, na sa pananampalataya ay nagsilupig ng mga kaharian, nagsigawa ng katuwiran, nagtamo ng mga pangako.” Ang iba ay sinubok ng mga panlilibak, mga palo, mga tanikala, at mga pahirap subalit tumangging patubos “upang kamtin ang mas mabuting pagkabuhay-na-muli.” Oo, “ang sanlibutan ay hindi naging marapat sa kanila.” Lahat sila’y sinaksihan ng kanilang pananampalataya subalit hindi pa nila nakakamit ang katuparan ng pangako. “Kaya,” patuloy ni Pablo, “yamang napaliligiran tayo ng makapal na ulap ng mga saksi, iwaksi ang bawat pasanin at ang kasalanang sumisilo, at takbuhíng may pagtitiis ang takbuhing nasa harapan habang minamasdan ang Punong Ahente at Tagapagpasakdal ng ating pananampalataya, si Jesus.”—10:32, 39; 11:1, 8, 10, 27, 32, 33, 35, 38; 12:1, 2.
21. (a) Papaano makapagtitiis ang mga Kristiyano sa paligsahan ng pananampalataya? (b) Anong mas matibay na dahilan sa pakikinig sa babala ng Diyos ang ibinigay ni Pablo?
21 Pagtitiis sa paligsahan ng pananampalataya (12:4-29). Hinihimok ang mga Hebreong Kristiyano na magtiis sa paligsahan ng pananampalataya, pagkat dinidisiplina sila ni Jehova na gaya ng mga anak. Dapat palakasin ang mahihinang kamay at tuhod at tumahak sa matuwid na landas. Mag-ingat na huwag sumibol ang nakalalasong ugat o karumihan na aakay sa pagkatakwil, gaya ni Esau na di-nagpahalaga sa mga bagay na banal. Sa literal na bundok ay sinabi ni Moises: “Ako’y natakot at nanginig” dahil sa nakasisindak na apoy, ulap, at tinig. Ngunit sila’y lumalapit sa isa na higit pang kagila-gilalas—ang Bundok Sion at makalangit na Jerusalem, laksa-laksang mga anghel, ang kongregasyon ng Panganay, ang Diyos at Hukom ng lahat, at si Jesus na Tagapamagitan ng bago at mas mabuting tipan. Ngayo’y lalo silang dapat makinig sa babala ng Diyos! Noong panahon ni Moises ay nayanig ang lupa sa tinig ng Diyos, ngunit ngayon nangako Siyang yayanigin kapuwa ang langit at lupa. Ito ang idiniin ni Pablo: “Yamang nakikita natin na tayo’y tatanggap ng isang kaharian na hindi nakikilos, tayo’y . . . maghandog ng banal na paglilingkod sa banal na pagkatakot at paggalang. Sapagkat ang ating Diyos ay isang apoy na namumugnaw.”—12:21, 28, 29.
22. Sa anong nagpapatibay na payo winakasan ni Pablo ang kaniyang liham sa Mga Hebreo?
22 Iba’t-ibang payo sa pagsamba (13:1-25). Nagtatapos si Pablo sa nagpapatibay na mga payo: Magpakita ng pag-ibig sa kapatid, huwag kaliligtaan ang pagpapatulóy, maging marangal ang pag-aasawa, iwasan ang pag-ibig sa salapi, sumunod sa nangunguna, at huwag padadala sa naiibang turo. Bilang pangwakas, “sa pamamagitan niya [ni Jesus] ay lagi tayong maghandog sa Diyos ng isang hain ng papuri, alalaong baga, ang bunga ng mga labi na gumagawa ng pangmadlang pagpapahayag sa kaniyang pangalan.”—13:15.
BAKIT KAPAKI-PAKINABANG
23. Ano ang ikinatuwiran ni Pablo tungkol sa Kautusan, at papaano niya sinuhayan ito?
23 Bilang lehitimong pangangatuwiran na umaalalay kay Kristo, ang liham sa Mga Hebreo ay isang di-mapapantayang obra-maestra, sakdal ang pagkabalangkas at lubusang pinatutunayan ng Kasulatang Hebreo. Tinatalakay nito ang sari-saring pitak ng Kautusang Mosaico—ang tipan, ang dugo, ang tagapamagitan, ang tolda ng pagsamba, ang pagkasaserdote, ang mga handog—mga sagisag lamang na ginamit ng Diyos upang ilarawan ang mas dakilang mga bagay na darating, na ang kasukdulan ay kay Kristo Jesus at sa kaniyang hain bilang katuparan ng Kautusan. Ang Kautusan “na naging luma at matanda na ay malapit nang lumipas.” Ngunit “si Jesu-Kristo ay siya rin kahapon, ngayon, at magpakailanman.” (8:13; 13:8; 10:1) Tiyak na galak-na-galak ang mga Hebreo sa pagkabasa ng liham!
24. Anong kaayusan ang ipinaliliwanag ng Mga Hebreo na may di-masukat na pakinabang sa atin ngayon?
24 Subalit ano ang halaga nito sa atin ngayon, na naiiba ang kalagayan? Yamang wala tayo sa ilalim ng Kautusan, makikinabang ba tayo sa paliwanag ni Pablo? Oo, tiyak iyon. Binabalangkas dito ang dakilang kaayusan ng bagong tipan salig sa pangako kay Abraham na pagpapalain ng lahat ng sambahayan sa lupa ang sarili sa pamamagitan ng kaniyang binhi. Ito ang pag-asa natin, ang tanging pag-asa, bilang katuparan ng pangako ni Jehova sa pamamagitan ng Binhi ni Abraham, si Jesu-Kristo. Bagaman wala sa ilalim ng Kautusan, isinilang tayo sa pagkakasala bilang supling ni Adan, at kailangan natin ang isang mahabaging mataas na saserdote, na may mabisang handog ukol sa kasalanan, na makahaharap kay Jehova upang mamagitan para sa atin. Dito’y nakilala natin ang Mataas na Saserdote na aakay sa buhay sa bagong sanlibutan ni Jehova, na dadamay sa ating mga kahinaan palibhasa “sinubok sa lahat ng paraan na gaya natin,” at nag-aanyaya sa atin na “lumapit na may kalayaan sa pagsasalita sa luklukan ng di-sana-nararapat na kabaitan, upang tayo’y makapagtamo ng awa at ng di-sana-nararapat na kabaitan na tutulong sa tamang panahon.”—4:15, 16.
25. Anong maliliwanag na pagkakapit ang ginawa ni Pablo sa Kasulatang Hebreo?
25 Narito rin ang nagpapasigla-sa-pusong katibayan na ang mga hulang matagal nang naisulat sa Kasulatang Hebreo ay natupad sa kagila-gilalas na paraan. Lahat ay sa ating ikatututo at ikaaaliw. Halimbawa, ang hula sa Awit 110:1 ay limang beses ikinakapit ni Pablo kay Jesu-Kristo bilang Binhi ng Kaharian na “umupo sa kanang kamay ng luklukan ng Diyos” at naghintay “hanggang ang mga kaaway ay gawing tuntungan ng kaniyang mga paa.” (Heb. 12:2; 10:12, 13; 1:3, 13; 8:1) Sinisipi rin ni Pablo ang Awit 110:4 bilang paliwanag sa tungkulin ng Anak ng Diyos na “saserdote magpakailanman ayon sa wangis ni Melkisedek.” Gaya ni Melkisedek, na “walang ama, walang ina, walang talaangkanan, walang pasimula ng mga araw ni katapusan ng buhay,” si Jesus ay kapuwa Hari at “saserdote magpakailanman” na maglalapat ng walang-hanggang mga pakinabang ng haing pantubos sa lahat ng magpapasakop sa kaniya. (Heb. 5:6, 10; 6:20; 7:1-21) Ito rin ang Hari’t-Saserdote na tinutukoy ni Pablo nang sipiin niya ang Awit 45:6, 7: “Ang Diyos ay iyong luklukan magpakailan-kailanman, at ang setro ng iyong kaharian ay setro ng katuwiran. Inibig mo ang katuwiran, at kinapootan ang kasamaan. Kaya ang Diyos, ang iyong Diyos, ay nagpahid sa iyo ng langis ng kagalakan nang higit kaysa iyong mga kasamahan.” (Heb. 1:8, 9) Sa pagsipi ni Pablo sa Kasulatang Hebreo at sa pagkakapit nito kay Kristo Jesus, isa-isang nagliliwanag ang iba’t-ibang bahagi ng banal na huwaran.
26. Anong pampatibay-loob ang ibinibigay ng Mga Hebreo sa pagtakbong may pananampalataya at pagtitiis?
26 Gaya ng ipinaliliwanag ng Mga Hebreo, si Abraham ay nakatanaw sa Kaharian, “ang lungsod na may tunay na mga patibayan, na ang nagtayo at gumawa ay ang Diyos”—ang lungsod na “nasa langit.” “Sa pananampalataya” ay umasa siya sa Kaharian, at gumawa ng mga paghahandog upang makamit ang mga pagpapala ng “mas mabuting pagkabuhay-na-muli.” Pambihirang halimbawa si Abraham at ang lahat ng iba pang lalaki at babaeng may pananampalataya—ang “makapal na ulap ng mga saksi” na inilalarawan sa kabanata 11 ng Mga Hebreo! Sa pagbasa nito, ang puso nati’y natutuwa at napapalukso sa galak bilang pagpapahalaga sa ating pribilehiyo at pag-asang tinaglay ng tapat na mga mananampalatayang yaon. Napasisigla tayo na “takbuhing may pagtitiis ang takbuhing nasa harapan.”—11:8, 10, 16, 35; 12:1.
27. Anong maluluwalhating pag-asa sa Kaharian ang itinatampok ng Mga Hebreo?
27 Upang itawag-pansin ang pangako ng Diyos, sumisipi si Pablo sa hula ni Hagai: “Minsan pa’y yayanigin ko hindi lamang ang lupa kundi pati ang langit.” (Heb. 12:26; Hag. 2:6) Ngunit ang Kaharian ng Diyos sa ilalim ni Kristo Jesus, ang Binhi, ay mananatili magpakailanman. “Yamang tayo’y tatanggap ng isang kaharian na hindi nakikilos, tayo’y . . . maghandog ng banal na paglilingkod sa banal na pagkatakot at paggalang.” Tinitiyak ng nakapupukaw na ulat na si Kristo ay muling paririto “nang hiwalay sa kasalanan at tungo sa mga umaasa sa kaniya ukol sa kaligtasan.” Kaya, “sa pamamagitan niya’y lagi tayong maghandog sa Diyos ng isang hain ng papuri, ang bunga ng mga labi na gumagawa ng pangmadlang pagpapahayag sa kaniyang pangalan.” Ang dakilang pangalan ng Diyos na Jehova ay pakabanalin nawa magpakailanman ng Hari’t-Saserdote, si Jesu-Kristo!—Heb. 12:28; 9:28; 13:15.
[Mga talababa]
a The Story of the Bible, 1964, pahina 90.
b Muling paglilimbag noong 1981, Tomo IV, pahina 147.
[Mga Tanong sa Aralin]