Aklat ng Bibliya Bilang 55—2 Timoteo
Aklat ng Bibliya Bilang 55—2 Timoteo
Manunulat: Si Pablo
Saan Isinulat: Sa Roma
Natapos Isulat: c. 65 C.E.
1. Anong pag-uusig ang sumiklab sa Roma noong 64 C.E., at sa anong maliwanag na dahilan?
SI PABLO ay isa na namang bilanggo sa Roma. Gayunman, mas malubha ang ikalawang pagkabilanggong ito kaysa sa una. Noo’y humigit-kumulang 65 C.E. Noong Hulyo 64 C.E., isang malaking sunog ang puminsala sa 10 sa 14 na distrito ng lungsod. Ayon sa Romanong mananalaysay na si Tacitus, nahirapan si Emperador Nero na “pawiin ang paniwala na ang sunog ay sadyang iniutos. Upang masugpo ang hinala, pinagbintangan at pinahirapan ni Nero ang isang grupo na lubhang kinasusuklaman, mga Kristiyano ang tawag sa kanila. . . . Napakarami sa kanila ang hinatulan, hindi talaga dahil sa panununog, kundi sa pagkamuhi ng mga ito sa sangkatauhan. Ang kamatayan nila’y dinagdagan pa ng sari-saring anyo ng kadustaan. Sinuotan ng mga balat ng hayop, ipinalapa sila sa mga aso, o kaya’y ipinako sa krus, o sinunog sa tulos, upang maging tanglaw sa gabi, kapag lumubog na ang araw. Ginamit ni Nero ang kaniyang mga hardin ukol sa panooring ito . . . Napukaw ang simpatiya ng marami; pagkat lumitaw na kaya sila nililipol ay hindi dahil sa ikabubuti ng bayan, kundi upang busugin lamang ang kalupitan ng isang tao.” a
2. Sa gitna ng anong mga kalagayan isinulat ni Pablo ang Ikalawang Timoteo, at bakit niya pinapurihan si Onesiforo?
2 Malamang na si Pablo ay muling nabilanggo sa Roma noong kasagsagan ng marahas na pag-uusig. Ngayon ay mayroon na siyang mga tanikala. Hindi siya umaasang makalaya kundi naghihintay na lamang ng hatol na kamatayan. Kakaunti na ang dumadalaw. Sabihin pa, ang sinomang hayagang magpapakilala bilang Kristiyano ay nanganganib madakip at mapahirapan hanggang mamatay. Kaya sumulat si Pablo bilang pagpapahalaga sa kaniyang panauhin mula sa Efeso: “Kahabagan nawa ng Panginoon ang sambahayan ni Onesiforo, pagkat malimit niya akong paginhawahin, at hindi niya ikinahiya ang aking mga tanikala. Sa katunayan, nang siya’y nasa Roma, pilit niya akong hinanap hanggang ako’y matagpuan.” (2 Tim. 1:16, 17) Sa lilim ng kamatayan ay sumulat si Pablo, at tinukoy ang sarili bilang “apostol ni Kristo Jesus sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos ayon sa pangako ng buhay na kaisa ni Kristo Jesus.” (1:1) Batid ni Pablo na naghihintay sa kaniya ang buhay na kaisa ni Kristo. Nangaral siya sa maraming pangunahing lungsod ng daigdig noon, mula Jerusalem hanggang sa Roma, at malamang na hanggang Espanya. (Roma 15:24, 28) Tinapos niya nang may katapatan ang takbuhin.—2 Tim. 4:6-8.
3. Kailan isinulat ang Ikalawang Timoteo, at papaano ito pinakinabangan ng mga Kristiyano sa lahat ng panahon?
3 Ang liham ay malamang na isinulat noong mga 65 C.E., nang malapit nang maging martir si Pablo. Malamang na nasa Efeso pa si Timoteo, pagkat hinimok siya ni Pablo na manatili roon. (1 Tim. 1:3) Ngayon ay makalawa siyang pinagmamadali ni Pablo na pumaroon sa kaniya, at hiniling na isama si Marcos at dalhin ang balabal at mga balumbon na iniwan ni Pablo sa Troas. (2 Tim. 4:9, 11, 13, 21) Palibhasa isinulat sa mapanganib na panahon, ang liham ay malaking pampatibay-loob sa tunay na mga Kristiyano sa lahat ng panahon.
4. Ano ang patotoo na ang Ikalawang Timoteo ay tunay at kanonikal?
4 Ang Ikalawang Timoteo ay tunay at kanonikal salig sa mga dahilang tinalakay na para sa Unang Timoteo. Kinilala ito at ginamit ng sinaunang mga manunulat at komentarista, kabilang si Polycarp noong ikalawang siglo C.E.
NILALAMAN NG IKALAWANG TIMOTEO
5. Anong uri ng pananampalataya ang tinaglay ni Timoteo, ngunit ano ang dapat niyang patuloy na gawin?
5 “Manghawakan sa uliran ng mga salitang nagpapatibay” (1:1–3:17). Sinabi ni Pablo kay Timoteo na hindi siya kinalilimutan sa panalangin at nasasabik na makita siya. Naalaala niya ‘ang pananampalatayang hindi paimbabaw’ na na kay Timoteo at na unang nakita sa lola niyang si Loida at sa ina niyang si Eunice. Ang kaloob na nasa kaniya ay dapat paningasing gaya ng apoy, ‘sapagkat nagkaloob ang Diyos, hindi ng espiritu ng karuwagan, kundi ng kapangyarihan at pag-ibig at matinong isipan.’ Kaya huwag niyang ikahihiya ang pagpapatotoo at pagtitiis ng kasamaan alang-alang sa mabuting balita sapagkat ang di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos ay lalong tiniyak ng pagkahayag ng Tagapagligtas, si Kristo Jesus. Si Timoteo ay dapat “manghawakan sa uliran ng mga salitang nagpapatibay” na narinig niya kay Pablo, at ingatan ito gaya ng isang mabuting bagay na ipinagkatiwala.—1:5, 7, 13.
6. Anong payo sa pagtuturo ang ibinigay ni Pablo, at papaano magiging sinang-ayunang manggagawa at kapuri-puring sisidlan si Timoteo?
6 Ang mga bagay na tinanggap niya kay Pablo ay dapat ipagkatiwala ni Timoteo sa “mga tapat na lalaki na lubos ding nasasangkapan na magturo sa iba.” Dapat patunayan ni Timoteo na siya’y isang mahusay na kawal ni Kristo Jesus. Ang isang kawal ay umiiwas na masangkot sa pangangalakal. Bukod dito, ang pinuputungan sa mga palaro ay yaong nakikipagtunggali ayon sa tuntunin. Upang magkamit ng unawa, dapat isaisip ni Timoteo sa tuwina ang mga salita ni Pablo. Ang mahahalagang bagay na dapat tandaan at ipaalaala sa iba ay na “si Jesu-Kristo ay ibinangon sa mga patay at siya’y binhi ni David” at na ang gantimpala sa mga hinirang na makapagtitiis ay kaligtasan at walang-hanggang kaluwalhatian kaisa ni Kristo, na naghaharing kasama niya. Dapat pagsikapan ni Timoteo na humarap sa Diyos bilang subok na manggagawa, at iwasan ang mga usapang hangal na lumalabag sa kabanalan, at kumakalat na parang gangrena. Kung papaanong sa isang bahay ang mga sisidlang kapuri-puri ay inihihiwalay sa mga walang-kapurihan, pinapayuhan ni Pablo si Timoteo na “layuan ang masasamang pita ng kabataan, at sa halip ay itaguyod ang katuwiran, pananampalataya, pag-ibig, kapayapaan, kasama ng mga tumatawag sa Panginoon mula sa isang pusong malinis.” Ang alipin ng Panginoon ay dapat maging maamo sa lahat, sapat na makapagturo, mahinahon.—2:2, 8, 22.
7. Bakit naging lalong kapaki-pakinabang “sa mga huling araw” ang kinasihang mga Kasulatan?
7 “Sa huling araw,” darating ang mapanganib na mga panahong mahirap pakibagayan at ang mga tao ay magpapaimbabaw sa kabanalan, “laging nag-aaral ngunit kailanma’y hindi matuto ng tumpak na kaalaman sa katotohanan.” Subalit maingat na sinubaybayan ni Timoteo ang turo at pamumuhay ni Pablo, ang pag-uusig sa kaniya, na mula rito’y iniligtas siya ng Panginoon. “Sa katunayan,” aniya, “lahat ng naghahangad mamuhay sa kabanalan na kaisa ni Kristo Jesus ay pag-uusigin din.” Gayunman, si Timoteo ay dapat magpatuloy sa mga bagay na natutuhan niya mula sa pagkasanggol, na magpapadunong sa kaniya sa ikaliligtas, sapagkat “lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos at kapaki-pakinabang.”—3:1, 7, 12, 16.
8. Hinimok ni Pablo si Timoteo na gawin ang ano, at kaugnay nito papaano nagalak si Pablo?
8 Lubos na pagtupad sa ministeryo (4:1-22). Inatasan si Timoteo na “ipangaral ang salita” nang apurahan. (4:2) Marami ang hindi makikinig sa nagpapatibay na aral kundi babaling sa bulaang mga guro, kaya siya’y dapat maging listo, ‘maging ebanghelisador, at lubusin ang kaniyang ministeryo.’ Bagaman malapit nang mamatay, nagagalak si Pablo na naipaglaban niya ang mabuting pakikibaka, natapos ang takbuhin at naingatan ang pananampalataya. May tiwala siyang umaasa sa gantimpala, “ang putong ng katuwiran.”—4:5, 8.
9. Anong pagtitiwala sa kapangyarihan ng Panginoon ang ipinahayag ni Pablo?
9 Si Timoteo ay ipinasusundo ni Pablo at binigyan niya ito ng tagubilin sa paglalakbay. Noong unang pagtatanggol ni Pablo lahat ay tumalikod sa kaniya, ngunit pinalakas siya ng Panginoon upang ang pangangaral ay makarating sa mga bansa. Oo, may tiwala siya na ililigtas siya ng Panginoon sa bawat masamang gawa at iingatan siya sa Kaniyang makalangit na Kaharian.
BAKIT KAPAKI-PAKINABANG
10. (a) Anong partikular na pakinabang ng “lahat ng Kasulatan” ang idiniriin sa Ikalawang Timoteo, at dapat sikapin ng mga Kristiyano na maging ano? (b) Anong impluwensiya ang dapat iwasan, at papaano magagawa ito? (c) Ukol sa ano may apurahang pangangailangan?
10 “Lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos at kapaki-pakinabang.” Sa ano? Sinasabi ni Pablo kay Timoteo: “Sa pagtuturo, sa pagsaway, sa pagtutuwid, sa pagdidisiplina sa katuwiran, upang ang lingkod ng Diyos ay magkaroon ng ganap na kakayahan, lubusang nasasangkapan sa bawat mabuting gawa.” (3:16, 17) Kaya idiniriin ng liham ang pakinabang ng “pagtuturo.” Lahat ng umiibig sa katuwiran ay magnanais sumunod sa matalinong payo nito at magsisikap maging guro ng Salita at manggagawang sinang-ayunan ng Diyos, “na wastong gumagamit ng salita ng katotohanan.” Tulad sa Efeso noong panahon ni Timoteo, marami rin ngayong mahilig sa “walang-kabuluhan at hangal na mga pagtatalo,” na “laging nag-aaral ngunit kailanma’y hindi matuto ng tumpak na kaalaman sa katotohanan,” at nagtatakwil ng “nagpapatibay na aral” alang-alang sa mga gurong handang kumiliti ng kanilang tainga. (2:15, 23; 3:7; 4:3, 4) Upang maiwasan ang nakakahawang impluwensiya ng sanlibutan, dapat “manghawakan sa uliran ng mga salitang nagpapatibay” sa pananampalataya at pag-ibig. Isa pa, mahigpit ang pangangailangan ukol sa mas marami na “maging lubos na nasasangkapang magturo sa iba” kapuwa sa loob at labas ng kongregasyon, gaya ni Timoteo, “ang lingkod ng Diyos.” Maligaya ang bumabalikat sa pananagutang ito, na ‘sapat na makapagtuturo sa kahinahunan’ at nangangaral ng salita “sa buong pagpapahinuhod at sining ng pagtuturo”!—1:13; 2:2, 24, 25; 4:2.
11. Anong payo ang ibinibigay sa mga kabataan?
11 Gaya ng sinabi ni Pablo, nakilala ni Timoteo ang banal na mga kasulatan “mula sa pagkasanggol” dahil sa maibiging turo nina Loida at Eunice. Ang pasimula ng pagtuturo ng Bibliya sa bata ay ipinahihiwatig din ng “mula sa pagkasanggol.” Papaano kung mamatay ang dating maapoy na sigasig? Nagpayo si Pablo na ito’y paningasin uli sa espiritu ng “kapangyarihan at ng pag-ibig at ng matinong isipan,” na iniingatan ang pananampalatayang hindi paimbabaw. “Sa mga huling araw,” aniya, darating ang mga panahong mapanganib lakip ang mga suliranin ng delingkuwensiya at maling mga turo. Kaya napakahalaga, lalo na sa kabataan, na ‘maging listo sa lahat ng bagay at lubusin ang kanilang ministeryo.’—3:15; 1:5-7; 3:1-5; 4:5.
12. (a) Papaano itinawag-pansin ni Pablo ang Binhi ng Kaharian, at anong pag-asa ang ipinahayag niya? (b) Papaano tataglayin ng mga lingkod ng Diyos ngayon ang kaisipan ni Pablo?
12 Sulit ang gantimpalang pinaglalabanan. (2:3-7) Kaugnay nito, itinatawag-pansin ni Pablo ang Binhi ng Kaharian: “Tandaan na si Jesu-Kristo ay ibinangon sa mga patay at siya’y binhi ni David, ayon sa mabuting balita.” Umaasa si Pablo na manatiling kaisa ng Binhi. Binabanggit niya sa matagumpay na pananalita ang kaniyang napipintong kamatayan: “Mula ngayon ay nakalaan na sa akin ang putong ng katuwiran, na ipagkakaloob ng Panginoon, ang matuwid na hukom, hindi lamang sa akin, kundi sa lahat ng naghihintay ng kaniyang kapahayagan.” (2:8; 4:8) Maligaya ang makalilingon sa nakalipas na mga taon ng tapat na paglilingkod at makapagsasabi rin nang ganito! Ngunit nangangailangan ito ng paglilingkod ngayon sa katapatan, taglay ang pag-ibig sa kapahayagan ni Jesu-Kristo, at ng pagtitiwalang ipinamalas ni Pablo nang siya’y sumulat: “Ililigtas ako ng Panginoon sa bawat masamang gawa at iingatan ako sa kaniyang makalangit na kaharian. Suma-kaniya ang kaluwalhatian magpakailan-kailan man. Siya nawa.”—4:18.
[Talababa]
a The Complete Works of Tacitus, 1942, pinamatnugutan ni Moses Hadas, pahina 380-1.
[Mga Tanong sa Aralin]