Aklat ng Bibliya Bilang 45—Mga Taga-Roma
Aklat ng Bibliya Bilang 45—Mga Taga-Roma
Manunulat: Si Pablo
Saan Isinulat: Sa Corinto
Natapos Isulat: c. 56 C.E.
1. Ano ang tinatalakay ni Pablo sa liham niya sa Mga Taga-Roma?
SA MGA Gawa nakita natin na si Pablo, dating marahas na mang-uusig ng mga Judiong Kristiyano, ay naging masigasig na apostol ni Kristo sa mga bansang di-Judio. Nagsisimula sa Mga Taga-Roma ang 14 na aklat ng Bibliya na isinulat, sa pagkasi ng banal na espiritu, ng dating Fariseo na ngayo’y isa nang tapat na lingkod ng Diyos. Nang isulat ni Pablo ang Mga Taga-Roma, tapos na niya ang dalawang mahabang paglalakbay-misyonero at nasimulan na ang ikatlo. Naisulat na niya ang limang kinasihang liham: Una at Ikalawang Tesalonica, Mga Taga-Galacia, Una at Ikalawang Corinto. Ngunit sa makabagong Bibliya, angkop na mauna ang Mga Taga-Roma, yamang tumatalakay ito nang husto sa bagong pagkakapantay ng mga Judio at di-Judio, ang dalawang grupong pinangaralan ni Pablo. Ipinaliliwanag nito ang bagong pakikitungo ng Diyos sa kaniyang bayan at ang matagal nang inihulang pangangaral ng mabuting balita maging sa mga di-Judio.
2. (a) Anong mga suliranin ang tinatalakay ni Pablo sa mga Taga-Roma? (b) Ano ang tinitiyak ng liham na ito?
2 Sa tulong ni Tercio bilang kalihim, pinaglahok ni Pablo ang sunud-sunod na pangangatuwiran at ang mga pagsipi sa Kasulatang Hebreo upang buuin ang isa sa pinakamariing aklat sa Kristiyanong Kasulatang Griyego. Sa marikit na pananalita, tinatalakay niya ang suliraning bumangon nang magsama ang mga Judio at Griyego sa unang-siglong kongregasyon. Nakalalamang ba ang mga Judio pagkat sila’y inapo ni Abraham? Dahil sa pagkapalaya sa Batas Mosaiko, karapatan ba ng maygulang na mga Kristiyano na tisurin ang mahihinang kapatid na Judio na nanghahawakan pa sa sinaunang mga kaugalian? Sa liham ay idiniin ni Pablo na ang mga Judio at di-Judio ay magkapantay sa harap ng Diyos at na ang tao ay inaaring-matuwid ng pananampalataya kay Jesu-Kristo at sa di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos, hindi dahil sa Kautusang Mosaiko. Kasabay nito, ang Kristiyano ay dapat pasakop sa mga autoridad na sumasaklaw sa kanila.
3. Papaano nagsimula ang kongregasyon sa Roma, at bakit napakaraming kilala si Pablo roon?
3 Papaano nagsimula ang kongregasyon sa Roma? Mula nang masakop ni Pompey ang Jerusalem noong 63 B.C.E., isang malaking pamayanang Judio ang naitatag sa Roma. Ayon sa Gawa 2:10, ang ilan sa mga Judiong yaon ay nasa Jerusalem noong Pentekostes at doo’y narinig nila ang mabuting balita. Nanatili sa Jerusalem ang nakumberteng mga dayuhan upang matuto pa mula sa mga apostol, at nang maglaon ay tiyak na nagbalik ang ilang taga-Roma, malamang na noong magsiklab ang pag-uusig sa Jerusalem. (Gawa 2:41-47; 8:1, 4) Bukod dito, ang mga tao noon ay sanay sa paglalakbay at ito marahil ang dahilan kung bakit matalik na nakilala ni Pablo ang maraming miyembro ng kongregasyon sa Roma, at ang ilan ay maaaring nakarinig ng mabuting balita sa Gresya o Asya bunga ng pangangaral ni Pablo.
4. (a) Anong impormasyon ang inilalaan ng Roma tungkol sa kongregasyon sa lungsod na yaon? (b) Ano ang ipinahihiwatig ng pagkanaroroon nina Aquila at Priscila sa Roma?
4 Nasa liham ang unang mapanghahawakang impormasyon tungkol sa kongregasyon. Nililiwanag nito na ang kongregasyon ay binubuo ng mga Judio at di-Judiong Kristiyano at na kapuri-puri ang kanilang sigasig. Sinabi ni Pablo: “Ang pananampalataya ninyo ay napabantog sa buong daigdig,” at, “Ang inyong pagtalima ay umabot sa kaalaman ng lahat.” (Roma 1:8; 16:9) Ayon kay Suetonio, ikalawang siglong manunulat, pinalayas ni Claudio (41-54 C.E.) ang mga Judio sa Roma. Ngunit nagbalik sila, kaya sina Aquila at Priscila ay nasa Roma. Sila’y mga Judiong nakilala ni Pablo sa Corinto at na umalis sa Roma noong ilabas ang utos ni Claudio, ngunit nakabalik na nang ang kongregasyon ay sinusulatan ni Pablo.—Gawa 18:2; Roma 16:3.
5. Ano ang patotoo ng pagiging-tunay ng Roma?
5 Tiyak ang pagiging-tunay ng liham. Ayon sa pambungad, mula ito kay “Pablo, alipin ni Jesu-Kristo at tinawag upang maging apostol, . . . sa inyong lahat na nasa Roma, mga iniibig ng Diyos, tinawag na maging mga banal.” (Roma 1:1, 7) Ang panlabas na patotoo nito ay isa sa pinakamaaga para sa Kristiyanong Kasulatang Griyego. May paniwala ang mga iskolar na nabasa na ni Pedro ang Mga Taga-Roma pagkat marami itong pangungusap na kahawig ng kaniyang liham na isinulat pagkaraan ng anim hanggang walong taon. Ang pagiging-bahagi ng Mga Taga-Roma sa mga liham ni Pablo ay kinilala nina Clement ng Roma, Polycarp ng Smyrna, at Ignatius ng Antioquia, pawang mula sa katapusan ng una at pasimula ng ikalawang siglo C.E.
6. Papaano pinatutunayan ng isang matandang papiro ang pagiging-kanonikal ng Roma?
6 Ang aklat ng Mga Taga-Roma ay natuklasan sa isang codex na tinatawag na Chester Beatty Papyrus No. 2 (P46), kasama ng walo pang ibang liham ni Pablo. Tungkol dito si Sir Frederic Kenyon ay sumusulat: “Narito ang halos kumpletong manuskrito ng Mga Liham ni Pablo, na malamang na isinulat sa pasimula ng ikatlong siglo.” a Ang Chester Beatty Greek Biblical papyri ay mas matanda kaysa tanyag na Sinaitic Manuscript at Vatican Manuscript No. 1209, kapuwa mula sa ikaapat na siglo C.E. Ang Roma ay nilalaman din ng dalawang ito.
7. Ano ang katibayan tungkol sa dako at panahon ng pagkasulat ng Mga Taga-Roma?
7 Kailan at mula saan isinulat ang Mga Taga-Roma? Ang mga komentarista ng Bibliya ay nagkakaisa na ito ay isinulat mula sa Gresya, malamang na mula sa Corinto nang mamalagi roon si Pablo nang ilang buwan sa pagtatapos ng ikatlong paglalakbay-misyonero. Corinto ang itinuturo ng panloob na ebidensiya. Si Pablo ay lumiham mula sa tahanan ni Gayo, kaanib ng kongregasyon doon at binanggit niya si Febe ng kalapit na kongregasyon ng Cenchrea, daungan ng Corinto. Malamang na si Febe ang naghatid ng liham sa Roma. (Roma 16:1, 23; 1 Cor. 1:14) Sinabi ni Pablo sa Roma 15:23: “Napangaralan ko nang lahat ang mga dakong ito,” at sa susunod na talata ay ipinahiwatig niya ang pagnanais na palawakin ang pagmimisyonero sa kanluran, hanggang sa Espanya. Masasabi lamang niya ito sa pagtatapos ng ikatlo niyang paglalakbay, sa pasimula ng 56 C.E.
NILALAMAN NG MGA TAGA-ROMA
8. (a) Ano ang sinasabi ni Pablo tungkol sa kaniyang misyon? (b) Papaano niya ipinakikita na ang mga Judio at Griyego ay kapuwa makatitikim ng galit ng Diyos?
8 Di-pagtatangi ng Diyos sa Judio o Gentil (1:1–2:29). Ano ang sinabi ni Pablo sa mga taga-Roma? Sa pambungad, nagpapakilala siya bilang apostol na pinili ni Kristo upang ituro sa mga bansa ang ‘pagtalima sa pamamagitan ng pananampalataya.’ Nagpahayag siya ng marubdob na pagnanais na dalawin ang mga banal sa Roma, upang “makipagpalitan ng pampatibay-loob” kasama nila, at upang ipahayag ang mabuting balita na siyang “kapangyarihan ng Diyos sa ikaliligtas ng bawat sumasampalataya.” Gaya ng matagal nang naisulat, ang matuwid ay mabubuhay “sa pananampalataya.” (1:5, 12, 16, 17) Ipinakita niya na kapuwa Judio at Griyego ay titikim ng galit ng Diyos. Ang mga makasalanan ay walang maidadahilan sapagkat “ang di-nakikitang mga katangian [ng Diyos] ay malinaw na nahahayag mula pa nang lalangin ang sanlibutan.” (1:20) Sa kabila nito, ang mga bansa ay may kamangmangang gumawa ng mga diyus-diyosan. Subalit ang mga Judio ay hindi dapat maging marahas sa paghatol sa mga bansa, sapagkat sila rin ay nagkakasala. Lahat ay hahatulan ayon sa kanilang gawa, sapagkat ang Diyos ay hindi nagtatangi. Ang saligan ay hindi ang pagtutuli sa laman; “siya’y Judio sa loob, at ang kaniyang pagtutuli ay yaong sa puso.”—2:29.
9. (a) Sa ano nakahihigit ang mga Judio, ngunit anong mga kasulatan ang sinisipi ni Pablo upang ipakita na lahat ay nagkakasala? (b) Papaano, kung gayon, aariing-matuwid ang isa, at anong halimbawa ang umaalalay sa katuwirang ito?
9 Sa pananampalataya lahat ay inaaring-matuwid (3:1–4:25). “Ano ang kahigitan ng Judio?” Malaki, pagkat sa kanila ibinigay ang banal na mga kapahayagan ng Diyos. Gayunman, “ang Judio at Griyego ay kapuwa nasa ilalim ng pagkakasala,” at walang “matuwid” sa mata ng Diyos. Pitong ulit sinisipi ang Kasulatang Hebreo bilang patotoo nito. (Roma 3:1, 9-18; Awit 14:1-3; 5:9; 140:3; 10:7; Kaw. 1:16; Isa. 59:7, 8; Awit 36:1) Idiniriin ng Kautusan na makasalanan ang tao, kaya “sa mga gawa ng kautusan ay walang laman na aariing-matuwid.” Gayunman, sa di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos at sa pagpapalaya ng pantubos, kapuwa Judio at Griyego ay aariing-matuwid “sa pananampalataya at hindi sa mga gawa ng kautusan.” (Roma 3:20, 28) Sinuhayan ito ni Pablo nang sabihin niya na si Abraham ay inaring-matuwid, hindi dahil sa mga gawa o sa pagtutuli, kundi sa huwarang pananampalataya. Kaya si Abraham ay naging ama hindi lamang ng mga Judio kundi ng “lahat ng mga sumasampalataya.”—4:11.
10. (a) Papaano naghari ang kamatayan? (b) Ano ang ibinunga ng pagsunod ni Kristo, ngunit anong babala ang ibinibigay tungkol sa kasalanan?
10 Hindi na alipin ng kasalanan kundi ng katuwiran sa pamamagitan ni Kristo (5:1–6:23). Dahil kay Adan, pumasok sa sanlibutan ang kasalanang may dulot na kamatayan, “at ang kamatayan ay naranasan ng lahat ng tao sapagkat lahat ay nagkasala.” (5:12) Naghari ang kamatayan mula kay Adan hanggang kay Moises. Nang ibigay ang Kautusan, lumalâ ang kasalanan at ang kamatayan ay patuloy na naghari. Ngunit sumagana ang di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos at dahil sa pagsunod ni Kristo marami ang inaaring-matuwid ukol sa buhay na walang-hanggan. Subalit hindi ito dahilan upang mamuhay sa kasalanan. Ang nabautismuhan kay Kristo ay dapat maging patay sa kasalanan. Ang dating pagkatao ay ipinako at namumuhay na sila ukol sa Diyos. Hindi na sila pinaghaharian ng kasalanan kundi mga alipin sila ng katuwiran sa layuning magkamit ng kabanalan. “Ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan, ngunit ang kaloob ng Diyos ay buhay na walang-hanggan kay Kristo Jesus na ating Panginoon.”—6:23.
11. (a) Papaano inilalarawan ni Pablo ang paglaya ng mga Judiong Kristiyano sa Kautusan? (b) Ano ang niliwanag ng Batas, kaya anong pagbabaka ang nararanasan ng isang Kristiyano?
11 Patay sa Kautusan, buháy sa espiritu at kaisa ni Kristo (7:1–8:39). Inihalimbawa ang babae na natatalian sa asawa habang ito’y nabubuhay, ngunit siya’y makapag-aasawa sa iba kung ito ay mamatay, upang ipakita na dahil sa hain ni Kristo ang mga Judiong Kristiyano ay namatay sa Kautusan at napalaya upang ariin ni Kristo at upang makapagluwal ng bunga sa Diyos. Ang kasalanan ay lalong pinatingkad ng Kautusan, at nagbunga ito ng kamatayan. Ang kasalanang naghahari sa laman ay nakikipagbaka sa mabubuting hangarin. Sinabi ni Pablo: “Ang mabuti na ibig ko ay hindi ko ginagawa, ngunit ang masamang hindi ko ibig ay siya kong ginagawa.” Kaya, “ang gumagawa ay hindi ako, kundi ang kasalanang tumitirá sa akin.”—7:19, 20.
12. Papaano nagiging kapuwa-tagapagmana ni Kristo ang ilan, at sa ano sila lubusang nagtatagumpay?
12 Papaano makaliligtas sa kalagayang ito? Sa pamamagitan ng espiritu ay bubuhayin ng Diyos ang mga kaisa ni Kristo! Inaampon sila bilang anak at inaaring-matuwid, nagiging tagapagmana ng Diyos at kapuwa tagapagmana ni Kristo, at sila ay niluluwalhati. Sabi ni Pablo: “Kung ang Diyos ay sumasa-atin, sino ang lalaban sa atin? Sino ang maghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Kristo?” Wala! Aniya: “Tayo’y nagtagumpay dahil sa kaniya na umibig sa atin. Natitiyak ko na ang kamatayan ni ang buhay ni ang mga anghel ni ang mga pamahalaan ni ang mga bagay na narito ni ang mga bagay na darating ni ang mga kapangyarihan ni ang kataasan ni ang kalaliman ni ang iba pang nilalang ay hindi makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos na nasa kay Kristo Jesus na ating Panginoon.”—8:31, 35, 37-39.
13. (a) Ayon sa hula, sino ang kalakip sa tunay na Israel ng Diyos, at salig sa anong banal na simulain? (b) Bakit nabigo ang likas na Israel, ngunit ano ang kailangan ukol sa kaligtasan?
13 Iniligtas ang “Israel” dahil sa pananampalataya at awa ng Diyos (9:1–10:21). Nakadama si Pablo ng “matinding kalungkutan” para sa mga kapuwa Israelita, ngunit inamin niya na hindi lahat ng Israel sa laman ay tunay ngang “Israel,” yamang karapatan ng Diyos na tawaging anak ang sinomang ibigin niya. Gaya ng pakikitungo kay Paraon at ng halimbawa ng magpapalayok, “nasasalig ito, hindi sa may nais o sa tumatakbo, kundi sa Diyos, na nagpapakita ng awa.” (9:2, 6, 16) Tumatawag siya “hindi lamang sa mga Judio kundi mula rin sa mga bansa” gaya ng matagal nang inihula ni Oseas. (Ose. 2:23) Nabigo ang Israel pagkat sinikap nilang magkamit ng pagsang-ayon ng Diyos, “hindi sa pamamagitan ng pananampalataya, kundi sa gawa,” at dahil sa pagkatisod kay Kristo, ang “bunton-ng-batong katitisuran.” (Roma 9:24, 32, 33) Sila’y “may sigasig sa Diyos” ngunit hindi “ayon sa tumpak na kaalaman.” Si Kristo ang hantungan ng Kautusan, at upang maligtas dapat ihayag sa madla “na si Jesus ay Panginoon” at dapat sumampalataya na “ibinangon siya ng Diyos sa mga patay.” (10:2, 9) Isinusugo ang mga mangangaral upang ang mga bansa ay makarinig, manampalataya, at makatawag sa pangalan ni Jehova.
14. Ano ang inilalarawan ni Pablo sa pamamagitan ng punong olibo?
14 Talinghaga ng punong olibo (11:1-36). Dahil sa di-sana-nararapat na kabaitan, pinili ang isang nalabi ng likas na Israel, at sapagkat natisod ang karamihan, “dumating ang kaligtasan sa mga tao ng mga bansa.” (11:11) Sa talinghaga ng punong olibo, ipinakita ni Pablo na dahil sa kawalan ng pananampalataya ng likas na Israel, inihugpong ang mga di-Judio. Gayunman, hindi sila dapat magalak sa pagtatakwil sa Israel, pagkat kung pinutol ang likas na mga sanga, gaano pa ang ligaw na sangang olibo na galing sa mga bansa.
15. Ano ang nasasangkot sa paghaharap ng mga haing buháy sa Diyos?
15 Pagbabago ng isipan; at nakatataas na mga kapangyarihan (12:1–13:14). Nagpayo si Pablo na iharap ang mga katawan sa Diyos bilang haing buháy. Huwag “makiayon sa pamamalakad na ito,” kundi “mag-iba sa pamamagitan ng pagbabago ng isipan.” Huwag magpalalo. Ang katawan ni Kristo, gaya ng sa tao, ay maraming sangkap at may iba’t-ibang tungkulin ngunit gumagawang may pagkakaisa. Huwag gumanti ng masama sa masama. Ipaubaya kay Jehova ang paghihiganti. Daigin “ang masama sa pamamagitan ng mabuti.”—12:2, 21.
16. Papaano dapat lumakad ang Kristiyano sa harap ng mga tagapamahala at iba pa?
16 Magpasakop sa nakatataas na mga kapangyarihan; kaayusan ito ng Diyos. Gumawa ng mabuti at huwag magkautang kaninoman ng anoman kundi mag-ibigan sa isa’t-isa. Darating ang kaligtasan, kaya “iwaksi ang mga gawa ng kadiliman” at “isakbat ang mga sandata ng kaliwanagan.” (13:12) Lumakad nang marangal, hindi sa pita ng laman.
17. Ano ang ipinapayo tungkol sa paghatol at pagpapatibay sa mahihina?
17 Tanggapin ang lahat nang walang pagtatangi at paghatol (14:1–15:33). Pagtiisan ang may mahinang pananampalataya na umiiwas sa ilang pagkain o nangingilin ng mga kapistahan. Huwag humatol sa kapatid o tumisod sa kaniya dahil sa inyong pagkain at inumin, yamang Diyos ang humahatol sa lahat. Itaguyod ang kapayapaan at ang mga bagay na nagpapatibay, at pagtiisan ang kahinaan ng iba.
18. (a) Anong karagdagang mga pagsipi ang ginagawa ni Pablo upang ipakita na tinatanggap ng Diyos ang mga di-Judio? (b) Papaano sinamantala mismo ni Pablo ang di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos?
18 Sumulat ang apostol: “Lahat ng bagay na napasulat noong una ay isinulat sa ating ikatututo,” at apat na beses siyang sumipi sa Kasulatang Hebreo bilang patotoo na ang inihulang mga pangako ng Diyos ay pararatingin sa mga di-Judio. (Roma 15:4, 9-12; Awit 18:49; Deut. 32:43; Awit 117:1; Isa. 11:1, 10) “Kaya,” ipinayo ni Pablo, “tanggapin ang isa’t-isa, kung papaanong tinanggap tayo ni Kristo, sa ikaluluwalhati ng Diyos.” (15:7) Nagpapahalaga siya sa di-sana-nararapat na kabaitan na ipinakita sa kaniya ng Diyos sa pagiging ministro sa mga bansa, “sa pakikibahagi sa banal na gawain ng mabuting balita ng Diyos.” Lagi siyang naghahanap ng bagong mga teritoryo imbes na “magtayo sa ibabaw ng pinagsaligan ng iba.” At hindi pa siya tapos, sapagkat pagkadala niya ng mga abuloy sa Jerusalem, gagawa pa siya ng mas malawak na paglalakbay-misyonero sa Espanya at, habang paparoon, ay makapagdala ng “saganang pagpapala mula kay Kristo” sa mga kapatid sa Roma.—15:16, 20, 29.
19. Sa anong mga pagbati at pampasigla nagtatapos ang liham?
19 Pangwakas na mga pagbati (16:1-27). Nagpaabot si Pablo ng personal na pagbati sa 26 na kapatid sa Roma ayon sa pangalan, at sa iba pa, habang hinihimok sila na iwasan ang mga lumilikha ng pagkakabaha-bahagi at “maging marunong sa kabutihan, ngunit maging musmos sa kasamaan.” Lahat ay sa ikaluluwalhati ng Diyos “sa pamamagitan ni Jesu-Kristo magpakailanman. Siya nawa.”—16:19, 27.
BAKIT KAPAKI-PAKINABANG
20. (a) Anong makatuwirang dahilan ang ibinibigay ni Pablo upang maniwala sa Diyos? (b) Papaano inilalarawan ang katuwiran at awa ng Diyos, at umakay ito upang maipahayag ni Pablo ang ano?
20 Ang aklat ng Roma ay naghaharap ng saligan sa paniniwala sa Diyos, sa pagsasabi na “ang di-nakikitang mga katangian niya ay malinaw na nahahayag mula pa nang lalangin ang sanlibutan, at natatanto sa mga bagay na ginawa, maging ang walang hanggan niyang kapangyarihan at pagka-Diyos.” Ngunit higit pa rito, ibinubunyi nito ang kaniyang katuwiran at ipinapahayag ang dakila niyang awa at di-sana-nararapat na kabaitan. Buong-kagandahan itong idiniriin sa talinghaga ng punong olibo, na pinutulan ng likas na mga sanga at hinugpungan ng ligáw. Sa pagbubulay sa kahigpitan at kabaitan ng Diyos, si Pablo ay napabulalas: “O kalaliman ng kayamanan at karunungan at kaalaman ng Diyos! Hindi maarok ang kaniyang mga hatol at di-malirip ang kaniyang mga daan!”—1:20; 11:33.
21. Papaano ipinakikita ng Roma ang karagdagang pagsulong ng banal na lihim ng Diyos?
21 Kaugnay nito nililiwanag ng aklat ng Roma ang higit pang pagsulong ng banal na lihim ng Diyos. Sa kongregasyong Kristiyano, wala nang pagtatangi sa pagitan ng Judio at Gentil, kundi lahat ay maaaring makibahagi sa di-sana-nararapat na kabaitan ni Jehova sa pamamagitan ni Jesu-Kristo. “Ang Diyos ay hindi nagtatangi.” “Siya’y Judio sa loob, at ang pagtutuli ay yaong sa puso sa pamamagitan ng espiritu, hindi ng titik.” “Walang pagkakaiba ang Judio at Griyego, pagkat iisa ang Panginoon ng lahat, at mayaman siya sa mga tumatawag sa kaniya.” Sa lahat ng ito, pananampalataya, at hindi gawa, ang nag-aaring matuwid.—2:11, 29; 10:12; 3:28.
22. Anong praktikal na payo ang ibinibigay ng Roma tungkol sa pakikipag-ugnayan sa mga nasa labas ng kongregasyon?
22 Ang praktikal na payo ng liham sa mga Kristiyano sa Roma ay kapaki-pakinabang sa mga Kristiyano ngayon na napapaharap sa gayon ding mga suliranin sa gitna ng masamang sanlibutan. Tayo ay hinihimok na “makipagpayapaan sa lahat ng tao,” pati sa mga nasa labas ng kongregasyon. Bawat kaluluwa ay “pasakop sa nakatataas na kapangyarihan,” sapagkat kaayusan ito ng Diyos at sila’y dapat katakutan, hindi ng mga masunurin-sa-batas, kundi ng mga gumagawa ng masama. Dapat pasakop ang Kristiyano hindi lamang dahil sa takot na maparusahan kundi dahil sa budhi, kaya sila’y nagbabayad ng buwis, nag-uukol ng nararapat, tumutupad sa pananagutan, at hindi nagkakautang ng anoman, “maliban na ang mag-ibigan sa isa’t-isa.” Pag-ibig ang katuparan ng Kautusan.—12:17-21; 13:1-10.
23. Papaano idiniriin ni Pablo ang halaga ng pagpapahayag sa madla, at anong halimbawa ang ibinigay niya tungkol sa paghahanda sa ministeryo?
23 Idiniriin ni Pablo ang pagpapahayag sa madla. Bagaman sa puso nagmumumula ang pananampalataya sa ikatutuwid, sa bibig ginagawa ang pangmadlang pagpapahayag ukol sa kaligtasan. “Bawat tumatawag sa pangalan ni Jehova ay maliligtas.” Upang maganap ito, kailangan ang mga mangangaral upang “magpahayag ng mabuting balita ng mabubuting bagay.” Maligaya ang mga mangangaral na ang tinig ay umaabot “hanggang sa dulo ng tinatahanang lupa”! (10:13, 15, 18) At bilang paghahanda, maging bihasa nawa tayo sa kinasihang Kasulatan gaya ni Pablo, sapagkat sa iisang bahaging ito (10:11-21) sunud-sunod siyang sumisipi sa mga Kasulatang Hebreo. (Isa. 28:16; Joel 2:32; Isa. 52:7; 53:1; Awit 19:4; Deut. 32:21; Isa. 65:1, 2) Masasabi nga niya: “Lahat ng bagay na napasulat noong una ay isinulat sa ating ikatututo, upang sa pamamagitan ng pagtitiis at sa kaaliwan mula sa Kasulatan ay mangagkaroon tayo ng pag-asa.”—Roma 15:4.
24. Anong payo ang ibinigay ni Pablo sa pagpapatibay ng sigasig at ng masayang pakikipag-ugnayan sa loob ng kongregasyon?
24 Kamangha-mangha ang praktikal na payo sa mga ugnayan sa loob ng kongregasyong Kristiyano. Anoman ang pinagmulang bansa, lahi, o lipunan, lahat ay dapat magbago ng isipan upang makapag-ukol ng banal na paglilingkod sa Diyos ayon sa kaniyang “mabuti at kalugud-lugod at sakdal na kalooban.” (11:17-22; 12:1, 2) Napaka-praktikal ang pagiging-makatuwiran ng payo ni Pablo sa Roma 12:3-16! Ito ay mahusay na payo sa pagpapatibay ng sigasig, kababaang-loob, at magiliw na pagtingin sa lahat ng kaanib sa kongregasyon. Sa huling mga kabanata, nagbibigay si Pablo ng mariing payo sa pag-iingat at pag-iwas sa pagkakabaha-bahagi, ngunit tinatalakay rin niya ang kagalakan at kaginhawahan na nagmumula sa malinis na pagsasamahan sa kongregasyon.—16:17-19; 15:7, 32.
25. (a) Anong wastong pangmalas at karagdagang unawa ang ibinibigay ng Roma tungkol sa Kaharian ng Diyos? (b) Papaano magiging kapaki-pakinabang ang pag-aaral sa Roma?
25 Bilang Kristiyano, dapat tayong mag-iingat sa ating ugnayan sa isa’t-isa. “Ang kaharian ng Diyos ay hindi ang pagkain at pag-inom, kundi ang katuwiran at kapayapaan at kagalakan sa banal na espiritu.” (14:17) Ang ganitong katuwiran, kapayapaan, at kagalakan ay tatamasahin pangunahin na ng “mga kapuwa tagapagmana ni Kristo,” na “luluwalhatiing kasama” niya sa makalangit na Kaharian. Pansinin din na ang Roma ay sumusulong ng isa pang hakbang sa katuparan ng pangako ng Kaharian na ibinigay sa Eden: “Si Satanas ay dudurugin ng Diyos ng kapayapaan sa ilalim ng inyong mga paa.” (Roma 8:17; 16:20; Gen. 3:15) Taglay ang pananampalataya sa dakilang mga katotohanang ito, patuloy nawa tayong mapuspos ng kagalakan at kapayapaan at ng pag-asa. Maging desidido tayo na makapanagumpay sa panig ng Binhi ng Kaharian, sapagkat tiyak na alinmang bagay sa langit o sa lupa “ni ang iba pang nilalang ay hindi makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos na nasa kay Kristo Jesus na Panginoon.”—Roma 8:39; 15:13.
[Talababa]
a Our Bible and the Ancient Manuscripts, 1958, pahina 188.
[Mga Tanong sa Aralin]