Aklat ng Bibliya Bilang 36—Zefanias
Aklat ng Bibliya Bilang 36—Zefanias
Manunulat: Si Zefanias
Saan Isinulat: Sa Juda
Natapos Isulat: Bago ang 648 B.C.E.
1. (a) Bakit angkop sa panahon ni Zefanias ang kaniyang mensahe? (b) Papaano umangkop sa kalagayan ang kahulugan ng kaniyang pangalan?
MAAGA sa paghahari ni Josias ng Juda (659-629 B.C.E.), nang palasak ang pagsamba kay Baal at ang “mga saserdote ng dayuhang mga diyos” ay nanguna sa maruming pagsamba, tiyak na nabigla ang mga taga-Jerusalem sa mensahe ni Zefanias. Bagaman tila inapo siya ni Haring Ezekias ng maharlikang sambahayan ng Juda, mahigpit na pinuna ni Zefanias ang kalagayan ng bansa. (Zef. 1:1, 4) Malagim ang mensahe niya. Naging masuwayin ang bayan, at si Jehova lamang ang makapagsasauli sa kanila sa dalisay na pagsamba at magpapala sa kanila upang sila’y maging “isang pangalan at kapurihan sa gitna ng lahat ng mga bayan.” (3:20) Idiniin ni Zefanias na sila ay maaari lamang “maikubli sa araw ng galit ni Jehova” kung mamamagitan ang Diyos. (2:3) Kaya angkop ang kaniyang pangalang Tsephan·yahʹ (Hebreo), nangangahulugang “Si Jehova Ang Nagkubli (Nag-ingat)”!
2. Papaano nagbunga ang pagsisikap ni Zefanias, subalit bakit pansamantala lamang ito?
2 Nagbunga ang pagsisikap ni Zefanias. Sa ika-12 taon ng kaniyang paghahari, si Josias, na lumuklok sa trono sa edad na walo, ay nagsimulang “linisin ang Juda at Jerusalem.” Binunot niya ang huwad na pagsamba, kinumpuni “ang bahay ni Jehova,” at ipinagdiwang uli ang Paskuwa. (2 Cron., mga kab. 34, 35) Ngunit pansamantala lamang ang mga reporma ni Haring Josias sapagkat hinalinhan siya ng tatlo niyang anak at isang apo na pawang “nagsigawa ng masama sa paningin ni Jehova.” (2 Cron. 36:1-12) Lahat ng ito ay katuparan ng mga salita ni Zefanias: “Aking parurusahan ang mga prinsipe, ang mga anak ng hari, at . . . ang mga nagpupunô ng karahasan at pandaraya sa bahay ng kanilang mga panginoon.”—Zef. 1:8, 9.
3. Kailan at saan humula si Zefanias, at anong tambalang mensahe ang nasa aklat?
3 Maliwanag na “ang salita ni Jehova . . . ay dumating kay Zefanias” bago noong 648 B.C.E., ang ika-12 taon ni Josias. Ang paninirahan niya sa Juda ay pinatutunayan hindi lamang ng unang talata na nagsasabing siya ay nagsalita sa Juda kundi maging ng detalyado niyang kaalaman sa kapaligiran at mga kaugalian sa Jerusalem. Ang mensahe ng aklat ay tambalan, kapuwa nagbabanta at umaaliw. Sa kalakhan, nakatuon ito sa araw ni Jehova, isang napipintong araw ng sindak, ngunit humuhula rin na isasauli ang mga maaamo na “manganganlong sa pangalan ni Jehova.”—1:1, 7-18; 3:12.
4. Ano ang patotoo na ang Zefanias ay tunay at kinasihan ng Diyos?
4 Hindi matututulan ang pagiging-tunay ng aklat na ito ng hula. Nawasak ang Jerusalem noong 607 B.C.E., mahigit na 40 taon pagkatapos ihula ito ni Zefanias. Hindi lamang natin taglay ang patotoo ng sekular na kasaysayan kundi nasa Bibliya mismo ang panloob na katibayan na natupad ito nang tamang-tama ayon sa hula ni Zefanias. Di-nagtagal pagkaraang mawasak ang Jerusalem, isinulat ni Jeremias ang Mga Panaghoy na naglalarawan sa mga kakilabutang nasaksihan niya, habang ito ay sariwa pa sa alaala. Ipinakikita ng paghahambing sa mga talata na ang mensahe ni Zefanias ay tunay ngang “kinasihan ng Diyos.” Nagbabala si Zefanias na dapat silang magsisi “bago dumating sa inyo ang nagniningas na galit ni Jehova,” samantalang tumutukoy si Jeremias sa isang bagay na natapos nang maganap nang sabihin niya, na “ibinuhos [ni Jehova] ang kaniyang nagniningas na galit.” (Zef. 2:2; Pan. 4:11) Inihula ni Zefanias na si Jehova “ay magpapasapit ng dalamhati sa tao, at sila ay lalakad na gaya ng mga bulag . . . At ang dugo nila ay mabubuhos na parang alabok.” (Zef. 1:17) Sinasabi ito ni Jeremias bilang isang bagay na nangyari na: “Nagpalabuy-laboy sila sa lansangan na gaya ng bulag. Sila’y nadumhan ng dugo.”—Pan. 4:14; ihambing din ang Zefanias 1:13—Panaghoy 5:2; Zefanias 2:8, 10—Panaghoy 1:9, 16 at Pan 3:61.
5. Papaano ipinakikita ng kasaysayan na ang hula ni Zefanias ay natupad nang may kawastuan?
5 Iniuulat din ng kasaysayan ang pagkawasak ng mga bansang pagano, ang Moab at Amon at pati na ang Asirya, sampu ng kabisera nito sa Nineve, gaya ng inihula ni Zefanias sa patnubay ng Diyos. Gaya ng paghula ni Nahum sa pagkawasak ng Nineve (Nah. 1:1; 2:10), humula rin si Zefanias na “gigibain [ni Jehova] ang Nineve, at tutuyuing gaya ng ilang.” (Zef. 2:13) Ganap ang pagkawasak nito anupat wala pang 200 taon pagkaraan, ang Tigris ay inilarawan ng mananalaysay na si Herodotus bilang “ilog na dating kinatatayuan ng bayan ng Nineve.” a Noong 150 C.E. sinabi ng Griyegong manunulat na si Lucian na “wala na itong naiwang bakas ngayon.” b Tungkol sa lumulusob na mga hukbo sinasabi ng The New Westminster Dictionary of the Bible (1970), pahina 669, na “malaki ang naitulong ng biglang pagtaas ng Tigris, na tumangay sa malaking bahagi ng pader ng lungsod kaya ito ay nawalan ng depensa. . . . Ganap ang pagkawasak anupat halos alamat na lamang ang Nineve noong mga panahong Griyego at Romano. Samantalang sa buong panahong ito ang isang bahagi ng lungsod ay natatabunan ng wari’y bundok ng sukal.” Sa pahina 627 ipinakikita rin ng aklat na ang Moab ay nawasak gaya ng inihula: “Nilupig ni Nabukodonosor ang mga Moabita.” Iniulat din ni Josephus ang panlulupig sa Amon. c Nang maglaon ang mga Moabita at Amonita ay kapuwa naglaho bilang isang bayan.
6. Bakit wastong maibibilang ang Zefanias sa kanon ng Bibliya?
6 Ang Zefanias ay dati nang kabilang sa kanon ng kinasihang Kasulatan ng mga Judio. Kapansin-pansin ang katuparan ng mga hulang binigkas sa pangalan ni Jehova, sa ikaluluwalhati ni Jehova.
NILALAMAN NG ZEFANIAS
7. Mangangahulugan ng ano ang araw ni Jehova para sa kaniyang mga kaaway?
7 Malapit na ang araw ni Jehova (1:1-18). Malagim ang pambungad ng aklat. “ ‘Lilipulin ko ang lahat ng bagay sa ibabaw ng lupa,’ sabi ni Jehova.” (1:2) Walang tatakas, tao man o hayop. Ang mga mananamba ni Baal, mga saserdote ng dayuhang mga diyos, mga sumasamba sa langit, mga naglalahok ng pagsamba ni Jehova at ni Malcam, mga nagsisilayo kay Jehova, at ang mga hindi naghahanap sa kaniya—lahat ay mapupuksa. Nag-uutos ang propeta: “Manahimik kayo sa harap ng Soberanong Panginoong Jehova; pagkat malapit na ang araw ni Jehova.” (1:7) Si Jehova ay naghanda ng isang hain. Ang mga prinsipe, ang mararahas, ang mga mandaraya, at ang mga nagwawalang-bahala—lahat ay parurusahan. Ang kanilang kayamanan at ari-arian ay mawawalan ng kabuluhan. Malapit na ang dakilang araw ni Jehova! Ito’y “araw ng galit, ng kapighatian at dalamhati, ng pagkasira at pagkawasak, ng kadiliman at kalungkutan, ng makapal na ulap at lagim.” Ang dugo ng mga nagkasala kay Jehova ay mabubuhos na gaya ng alabok. “Kahit ang kanilang pilak at ginto ay hindi makapagliligtas sa kanila sa araw ng mabangis na galit ni Jehova.” Ang buong lupa ay lalamunin ng apoy ng kaniyang sigasig.—1:15, 18.
8. (a) Papaano masusumpungan ang kaligtasasn? (b) Anong mga kaabahan ang binibigkas laban sa mga bansa?
8 Hanapin si Jehova; mawawasak ang mga bansa (2:1-15). Bago dumaan ang araw na parang dayami, lahat ng maaamo ay “hanapin si Jehova . . . Hanapin ang katuwiran, hanapin ang kaamuan,” kaypala kayo ay “maikukubli sa araw ng galit ni Jehova.” (2:3) Patuloy si Jehova sa pagsasalita, sa paghatol ng kaabahan sa lupain ng mga Filisteo na magiging “dako ukol sa mga nalabi sa sambahayan ni Juda.” Ang palalong Moab at Amon ay wawasakin na gaya ng Sodoma at Gomora “sapagkat sila’y nang-upasala at nagmalaki laban sa bayan ni Jehova ng mga hukbo.” Ang kanilang mga diyos ay malilipol na kasama nila. (2:7, 10) Papatayin din ng “tabak” ni Jehova ang mga Etiope. Kumusta ang Asirya, at ang kabisera nito na Nineve, sa hilaga? Yao’y magiging ilang at tirahan ng mababangis na hayop, oo, “isang bagay na pagtatakhan,” anupat “lahat ng dumaraan sa kaniya ay mapapasutsot” sa panghihinayang.—2:12, 15.
9. (a) Bakit may kaabahan para sa Jerusalem, at ano ang pasiya ni Jehova sa mga bansa? (b) Sa anong masayang himig nagwawakas ang hula?
9 Pinagsusulit ang mapaghimagsik na Jerusalem; pinagpapala ang maamong nalabi (3:1-20). Sa aba rin ng Jerusalem, mapaghimasik at mapaniil na lungsod! Ang mga prinsipe, “mga leong nagsisiungal,” ang mga propeta, “mga taong taksil,” ay hindi nagtiwala sa Diyos, si Jehova. Pagsusulitin niya sila. Sila ba’y matatakot kay Jehova at tatanggap ng disiplina? Hindi, pagkat sila’y “maagap sa pagsira sa kanilang mga gawa.” (3:3, 4, 7) Ipinasiya ni Jehova na tipunin ang mga bansa at ibuhos ang kaniyang nag-aalab na galit, at ang buong lupa ay lalamunin ng apoy ng kaniyang sigasig. Subalit may kagila-gilalas na pangako! Si Jehova ay “magbibigay sa kaniyang bayan ng isang bagong wika, upang sila ay makatawag sa pangalan ni Jehova, upang paglingkuran siya nang may pagkakaisa.” (3:9) Aalisin ang mga palalo, at isang maamong nalabi na gumagawa ng katuwiran ay makakasumpong ng kanlungan sa pangalan ni Jehova. Maririnig sa Sion ang masayang sigawan, awitan, kagalakan, at pagdiriwang, pagkat si Jehova na Hari ng Israel ay nasa gitna nila. Hindi ito panahon upang matakot o manglupaypay, pagkat si Jehova ay magliligtas at magbubunyi dahil sa kaniyang pag-ibig at kagalakan. “ ‘Gagawin ko kayo na isang pangalan at isang kapurihan sa gitna ng lahat ng mga bayan sa lupa, kapag tinipon ko ang inyong mga bihag sa harapan ng inyong mga mata,’ sabi ni Jehova.”—3:20.
BAKIT KAPAKI-PAKINABANG
10. Ano ang pakinabang ng hula ni Zefanias noong panahon ni Haring Josias?
10 Isa na nakinig at nakinabang nang malaki sa babala ni Zefanias ay si Haring Josias. Nanguna siya sa malawak na kampanya ng reporma sa relihiyon. Noon natuklasan ang aklat ng Kautusan, na nawaglit nang magiba ang bahay ni Jehova. Nanlumo si Josias nang marinig ang parusa na binasa mula sa aklat, na nagpatotoo sa bibig ng isa pang saksi, si Moises, tungkol sa matagal nang inihuhula ni Zefanias. Nagpakumbaba si Josias sa harap ng Diyos, kaya nangako si Jehova na ang inihulang pagkawasak ay hindi darating sa panahon niya. (Deut., mga kab. 28-30; 2 Hari 22:8-20) Naligtas ang lupain sa kapahamakan! Subalit hindi nagtagal, sapagkat ang mga anak ni Josias ay hindi sumunod sa mabuti niyang halimbawa. Gayunman, kung para kay Josias at sa bayan, ang pakikinig sa “salita ni Jehova na dumating kay Zefanias” ay naging kapaki-pakinabang.—Zef. 1:1.
11. (a) Sa pagbibigay ng mahusay na payo, papaano nakakasuwato ng Zefanias ang Sermon sa Bundok at ang liham ni Pablo sa Mga Hebreo? (b) Bakit sinasabi ni Zefanias na “kaypala ay maikukubli kayo”?
11 Sa kaniyang tanyag na Sermon sa Bundok, si Kristo Jesus, ang pinakadakilang propeta ng Diyos, ay nagpatotoo na si Zefanias ay tunay na propeta ng Diyos nang bigkasin niya ang mga salitang nakakahawig ng payo ni Zefanias sa kabanata 2, talata 3: “Hanapin si Jehova, kayong lahat na maaamo sa lupa . . . Hanapin ang katuwiran, hanapin ang kaamuan.” Ang payo ni Jesus ay: “Patuloy, kung gayon, na hanapin muna ang kaharian at ang kaniyang katuwiran.” (Mat. 6:33) Ang mga naghahanap muna ng Kaharian ng Diyos ay dapat mag-ingat laban sa pagwawalang-bahala na ibinabala ni Zefanias nang magsalita siya tungkol “sa mga nagsitalikod sa pagsunod kay Jehova at hindi nagsihanap kay Jehova at hindi sumangguni sa kaniya” at na “nagsasabi sa kanilang puso, ‘Si Jehova ay hindi gagawa ng mabuti, ni gagawa man siya ng masama.’ ” (Zef. 1:6, 12) Sa liham niya sa Mga Hebreo, binanggit din ni Pablo ang dumarating na araw ng paghatol at nagbabala laban sa pag-urong. Idinagdag pa niya: “Hindi tayo ang uri na umuurong sa kapahamakan, kundi ang uri na may pananampalataya sa ikaliligtas ng kaluluwa.” (Heb. 10:30, 37-39) Hindi sa mga umaayaw o sa mga walang pagpapahalaga kundi sa maaamo at taimtim na naghahanap kay Jehova sa pananampalataya, na sinasabi ng propeta: “Kaypala ay maikukubli kayo sa araw ng galit ni Jehova.” Bakit “kaypala”? Sapagkat ang pangwakas na kaligtasan ay depende sa igagawi ng isa. (Mat. 24:13) Paalaala rin ito na hindi tayo maaaring magbaka-sakali sa awa ng Diyos. Tinitiyak ni Zefanias na ang araw na yaon ay biglang darating sa mga walang-malay.—Zef. 2:3; 1:14, 15; 3:8.
12. Anong saligan sa pagkakaroon ng tibay-loob ang ibinibigay ni Zefanias sa mga “humahanap kay Jehova”?
12 Ito’y isang mensahe ng kapahamakan para sa mga nagkakasala kay Jehova subalit may maningning na mga silahis ng pagpapala sa mga ‘humahanap kay Jehova.’ Dapat patibaying-loob ang mga nagsisisi sapagkat, ayon kay Zefanias, “ang hari ng Israel, si Jehova, ay nasa gitna ninyo.” Hindi ito panahon upang ang Sion ay matakot o manglupaypay. Panahon ito ng pagtitiwala kay Jehova. “Bilang ang makapangyarihan, ay magliligtas siya. Siya’y magbubunyi sa iyo sa kagalakan. Mananahimik siya sa kaniyang pag-ibig. Magagalak siya sa iyo na may masayang awit.” Maligaya rin sila na ‘hinahanap muna ang kaniyang kaharian,’ bilang pag-asam-asam sa kaniyang maibiging pagsasanggalang at walang-hanggang pagpapala!—3:15-17.
[Mga talababa]
a Cyclopedia nina McClintock at Strong, Muling paglimbag noong 1981, Tomo VII, pahina 112.
b Lucian, isinalin ni A. M. Harmon, 1968, Tomo II, p. 443.
c Jewish Antiquities, X, 181, 182 (ix, 7).
[Mga Tanong sa Aralin]