Uri, I
Isinisiwalat ng ulat ng paglalang, na nasa unang kabanata ng Genesis, na nilalang ng Diyos na Jehova ang nabubuhay na mga bagay sa lupa “ayon sa kani-kanilang uri.” (Gen 1:11, tlb sa Rbi8) Sa pagtatapos ng ikaanim na araw ng paglalang, nagkaroon sa lupa ng napakaraming iba’t ibang saligang “uri” na nilalang, na kinabibilangan ng napakasalimuot na mga anyo ng buhay. Pinagkalooban ang mga ito ng kakayahang magparami ng supling “ayon sa kani-kanilang uri” sa isang itinakda at maayos na paraan.—Gen 1:12, 21, 22, 24, 25; 1Co 14:33.
Ang tinutukoy ng Bibliya na mga “uri” ay waring mga dibisyon ng mga anyo ng buhay, anupat yaon lamang kabilang sa bawat dibisyon ang maaaring magkalahian. Kung gayon, ang hangganan ng bawat “uri” ay makikilala kapag hindi na posible ang pertilisasyon.
Nitong nakaraang mga taon, ang terminong species ay ginamit sa paraang nakalilito kapag inihambing iyon sa salitang “uri.” Ang saligang kahulugan ng species ay “isang klase; uri; partikular na klase.” Gayunman, sa terminolohiya ng biyolohiya, kumakapit ito sa alinmang grupo ng mga hayop o mga halaman na nagkakalahian at pare-parehong nagtataglay ng isa o higit pang espesipikong katangian. Dahil dito, maaaring magkaroon ng maraming gayong species o partikular na klase sa loob ng iisang dibisyon ng mga “uri” sa Genesis.
Bagaman ipinakikita ng ulat ng Bibliya tungkol sa paglalang at ng pisikal na mga batas na ikinintal ng Diyos na Jehova sa mga bagay na nilalang na maaaring magkaroon ng malawak na pagkakasari-sari sa loob ng mga “uri” na nilalang, walang batayan ang mga teoriya na nagsasabing may bagong mga “uri” na lumitaw pagkatapos ng panahon ng paglalang. Ang di-mababagong alituntunin na ang mga “uri” ay hindi maaaring magkalahian ay isang simulain ng biyolohiya na hindi pa kailanman napabulaanan. Kahit sa tulong ng makabagong mga pamamaraan at manipulasyon sa laboratoryo, wala pang napalitaw na bagong mga “uri.” Bukod diyan, ang pagpapalahi ng magkakaibang “uri” na nilalang ay sasalungat sa layunin ng Diyos na panatilihing magkakahiwalay ang mga grupo ng pamilya at sisirain nito ang indibiduwalidad ng sari-saring uri ng nabubuhay na mga nilalang at mga bagay. Samakatuwid, dahil sa malinaw na agwat sa pagitan ng mga “uri” na nilalang, ang bawat saligang grupo ay nananatiling isang nakabukod na yunit na hiwalay sa ibang mga “uri.”
Mula sa pinakamaagang rekord ng tao hanggang sa ngayon, ipinakikita ng katibayan na ang mga aso ay mga aso pa rin, ang mga pusa ay nananatiling mga pusa, at ang mga elepante ay nananatiling mga elepante. Ang kawalang-kakayahang magparami sa pagitan ng magkaibang uri ang namamalaging salik na nagsisilbing hangganan ng bawat “uri.” Dahil dito, kung pagbabatayan ang salik na ito ng kawalang-kakayahang magparami, posibleng itakda ang mga hangganan ng lahat ng “uri” na umiiral sa ngayon. Sa pamamagitan ng likas na pagsubok na ito sa pertilisasyon, posibleng tuklasin kung alin-alin ang pangunahing magkakamag-anak sa gitna ng mga buhay-hayop at mga buhay-halaman. Halimbawa, ang kawalang-kakayahang magparami sa pagitan ng tao at ng mga hayop ay isang di-matawid na bangin. Ipinakikita ng mga eksperimento sa pagpapalahi na hindi hitsura ang batayan. Ang tao at ang chimpanzee ay waring magkahawig, anupat may magkatulad na mga kalamnan at mga buto; gayunman, ang pagiging imposible na malahian ang tao ng pamilya ng mga unggoy ay nagpapatunay na ang mga ito ay dalawang magkahiwalay na nilalang at hindi nagmula sa iisang “uri” na nilalang.
Bagaman inaasahan noon na ang hybridization (pagpapalahi ng dalawang magkaibang uri) ang pinakamahusay na paraan upang makalikha ng isang bagong “uri,” sa bawat kaso ng hybridization na inimbestigahan, laging natutuklasan na ang pinagpareha ay nagmula sa iisang “uri,” gaya sa pagpapalahi ng kabayo at buriko, na kapuwa kabilang sa pamilya ng mga kabayo. Maliban sa bibihirang mga kaso, ang mula na isinilang sa gayong paraan ay baog at walang kakayahang makapagparami ng naiibang anyo na ito sa likas na paraan. Dahil sa mga katotohanang ito, maging si Charles Darwin ay napilitang umamin: “Ang pagiging bukod-tangi ng espesipikong mga anyo at ang bagay na hindi sila nagkakahalu-halo dahil sa napakaraming namamagitang kawing, ay maliwanag na isang balakid.” (Origin of Species, 1902, Bahagi 2, p. 54) Totoo pa rin iyan hanggang sa ngayon.
Bagaman ang espesipikong mga “uri” na nilalang ay maaaring ilang daan lamang, mas marami ang partikular na klase ng mga hayop at halaman sa lupa. Ipinakikita ng makabagong pananaliksik na daan-daang libong iba’t ibang halaman ang kabilang sa iisang pamilya. Sa katulad na paraan, sa kaharian ng mga hayop, maaaring maraming partikular na klase ng pusa, na pawang kabilang naman sa iisang pamilya ng mga pusa o ‘uring’ pusa. Totoo rin ito sa mga tao, mga baka, at mga aso, anupat posible ang malawak na pagkakasari-sari sa loob ng bawat “uri.” Ngunit sa kabila nito, gaano man karaming partikular na klase ang lumitaw sa bawat pamilya, hindi maaaring magkahalo ang mga gene ng mga “uri” na ito sa pamamagitan ng pagpapalahi.
Malinaw na pinatutunayan ng pananaliksik sa heolohiya na ang mga fosil na itinuturing na kabilang sa pinakamaaagang ispesimen ng isang partikular na nilalang ay kahawig na kahawig ng kanilang mga inapo na nabubuhay sa ngayon. Ang mga ipis na natagpuang kasama ng diumano’y pinakamaaagang fosil ng mga insekto ay halos walang ipinagkaiba sa makabagong-panahong mga ipis. Walang “mga tulay” na fosil sa pagitan ng mga “uri.” Ang mga kabayo, mga puno ng ensina, mga agila, mga elepante, mga walnut, mga pakô, at iba pa, ay pawang nananatili sa loob ng iisang “uri” anupat hindi nagbabago tungo sa iba pang mga “uri.” Ang patotoo ng mga fosil ay lubusang kasuwato ng kasaysayan ng paglalang sa Bibliya, na nagpapakitang nilalang ni Jehova ang maraming bilang ng nabubuhay na mga bagay sa lupa “ayon sa kani-kanilang uri” noong huling mga araw ng paglalang.—Gen 1:20-25.
Batay sa mga nabanggit, lumilitaw na mapagkakasya ni Noe sa arka ang lahat ng kinakailangang hayop upang mailigtas ang mga ito sa Baha. Hindi sinasabi ng Bibliya na kinailangan niyang ingatang buháy ang bawat partikular na klase ng mga hayop. Sa halip, sinasabi nito: “Sa mga lumilipad na nilalang ayon sa kani-kanilang uri at sa maaamong hayop ayon sa kani-kanilang mga uri, sa lahat ng gumagalang hayop sa lupa ayon sa kani-kanilang uri, dalawa sa bawat uri ang papasok doon sa iyo upang maingatan silang buháy.” (Gen 6:20; 7:14, 15) Alam ng Diyos na Jehova na kailangan lamang magligtas ng mga miyembro na kumakatawan sa iba’t ibang “uri,” yamang makapagpaparami ang mga ito tungo sa iba’t ibang partikular na klase pagkatapos ng Baha.—Tingnan ang ARKA Blg. 1.
Nang kumati na ang tubig-baha, ang maituturing na iilang saligang “uri” na ito ay lumabas sa arka at nangalat sa ibabaw ng buong lupa, anupat sa kalaunan ay nagluwal ng maraming naiibang anyo ng kanilang “uri.” Bagaman marami pang bagong partikular na klase ang umiral pagkatapos ng Baha, ang mga “uri” na nakaligtas ay nanatiling di-nagbabago, kasuwato ng di-mababagong salita ng Diyos na Jehova.—Isa 55:8-11.