Puwersahang Pagtatrabaho
Maliwanag na pangkaraniwan ang paggamit ng “puwersahang pagtatrabaho” (sa Heb., mas) noong panahon ng Bibliya, anupat kadalasa’y ginagawang mga alipin ang nalupig na mga tao. (Deu 20:11; Jos 16:10; 17:13; Es 10:1; Isa 31:8; Pan 1:1) Bilang mga alipin na puwersahang pinagtrabaho, ang mga Israelita, sa ilalim ng tuwirang pangangasiwa ng mga Ehipsiyong pinuno na naniniil sa kanila, ay nakibahagi sa pagtatayo ng mga imbakang dako ng Pitom at Raamses. (Exo 1:11-14) Pagkatapos nito, nang makapasok sila sa Lupang Pangako, sa halip na sundin ang utos ni Jehova na palayasin ang lahat ng mga Canaanitang tumatahan sa lupain at italaga ang mga ito sa pagkapuksa, puwersahang pinagtrabaho ng mga Israelita ang mga ito bilang mga alipin. Nagkaroon ito ng masamang epekto anupat nagsilbing pain upang sumamba ang Israel sa huwad na mga diyos. (Jos 16:10; Huk 1:28; 2:3, 11, 12) Patuloy namang kinalap ni Haring Solomon ang mga inapo ng mga Canaanitang ito, samakatuwid nga, ng mga Amorita, mga Hiteo, mga Perizita, mga Hivita, at mga Jebusita, para sa mapang-aliping puwersahang pagtatrabaho.—1Ha 9:20, 21.
Kung minsan, kinukuha ang mga manggagawang Israelita upang matugunan ang isang dagliang pangangailangan o upang matapos ang isang pantanging proyekto na hindi maaaring maantala. Si Isacar, ayon sa mga salita ng kaniyang naghihingalong ama na si Jacob, ay mapapasailalim sa ganitong uri ng puwersahang pagtatrabaho bilang isang tribo. (Gen 49:15) Tumawag naman si Solomon ng 30,000 lalaki ng Israel para sa mga gawain sa pagtatayo niya ng templo. Gayunpaman, hindi sila ginawang mga alipin, sapagkat naglilingkod sila sa rilyebong 10,000 sa isang buwan sa Lebanon at sa gayo’y nakagugugol sila ng dalawang buwan sa kanilang tahanan at isang buwan naman sa gawain. Ngunit waring namuo ang matinding hinanakit sa pagtawag ng mga Israelita para sa puwersahang pagtatrabaho. Nang hindi sumang-ayon si Rehoboam na pagaanin ang mabigat na pamatok na pinapasan ng Israel sa ilalim ng pamamahala ni Solomon at pagkatapos nito ay isinugo niya sa kanila si Adoram (Hadoram, Adoniram), binato ng mga Israelita si Adoram, na malamang ay matanda na noon, yamang nagsimula siyang maglingkod bilang tagapangasiwa niyaong mga tinawag upang magtrabaho noon pang panahon ni David.—2Sa 20:24; 1Ha 4:6; 5:13, 14; 12:14, 18; 2Cr 10:18.
Dahil sa katamaran, madaling mababaon sa utang ang isang Israelita at sa kalaunan ay mapipilitan siyang ipagbili ang kaniyang mana at pati ang kaniyang sarili sa pagkaalipin. Kaya naman may kawikaan: “Ang kamay na makupad ay mauukol sa puwersahang pagtatrabaho.”—Kaw 12:24.
Tingnan ang SAPILITANG PAGLILINGKOD.