Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pantubos

Pantubos

 Isang halagang ibinabayad upang tubusin o palayain ang isa mula sa isang obligasyon o di-kanais-nais na kalagayan. Ang saligang ideya ng “pantubos [ransom]” ay isang halaga na tumatakip (gaya ng kabayaran para sa mga pinsala o upang matugunan ang katarungan), samantalang idiniriin naman ng “katubusan [redemption]” ang pagpapalayang naisasagawa dahil sa pagbabayad ng pantubos. Ang pinakamahalagang pantubos ay ang itinigis na dugo ni Jesu-Kristo, anupat dahil dito ay naging posibleng mahango sa kasalanan at kamatayan ang mga supling ni Adan.

 Ang iba’t ibang terminong Hebreo at Griego na isinalin bilang “pantubos” at “tubusin” ay pawang may ideya ng isang halaga, o bagay na may halaga, na ibinibigay upang maisagawa ang pagtubos, o katubusan. Ang diwa ng pakikipagpalit, gayundin ang diwa ng pagiging magkatumbas, pagiging magkapantay, o paghalili, ay nasa lahat ng mga terminong ito. Samakatuwid nga, may isang bagay na ibinibigay kapalit ng ibang bagay, anupat natutugunan ang mga kahilingan ng katarungan at nababalanse ang mga bagay-bagay.​—Tingnan ang PAKIKIPAGKASUNDO.

 Isang Halagang Tumatakip. Ang pangngalang Hebreo na koʹpher ay nagmula sa pandiwang ka·pharʹ, na may saligang kahulugan na “takpan,” kung paanong tinakpan, o binalutan, ni Noe ng alkitran ang arka. (Gen 6:14) Gayunman, sa karamihan ng mga paglitaw nito, ang ka·pharʹ ay ginagamit upang ipakita kung paano natutugunan ang katarungan sa pamamagitan ng pagtatakip o pagbabayad-sala sa mga kasalanan. (Aw 65:3; 78:38; 79:8, 9) Ang pangngalang koʹpher ay tumutukoy sa bagay na ibinibigay upang maisagawa iyon, ang pantubos na halaga. Ang isang pantakip ay katugma ng bagay na tinatakpan nito, maaaring sa anyo nito (gaya ng isang literal na takip, tulad ng “takip [kap·poʹreth]” ng kaban ng tipan; Exo 25:17-22), o sa halaga nito (gaya ng isang kabayaran upang matakpan ang mga perhuwisyong dulot ng isang pinsala).

 Upang mabalanse ang katarungan at maituwid ang mga bagay-bagay sa kaniyang bayang Israel, si Jehova, sa tipang Kautusan, ay nagtalaga ng iba’t ibang hain at handog upang mabayaran, o matakpan, ang mga kasalanan, kasama na ang kasalanan ng mga saserdote at mga Levita (Exo 29:33-37; Lev 16:6, 11), ng ibang mga indibiduwal, o ng bansa sa kabuuan (Lev 1:4; 4:20, 26, 31, 35), at upang dalisayin din ang altar at tabernakulo, anupat gumagawa ng pagbabayad-sala dahil sa mga kasalanan ng bayang nakapalibot sa mga ito. (Lev 16:16-20) Sa diwa, ang buhay ng inihaing hayop ay humahalili sa buhay ng nagkasala, anupat ang dugo nito ay nagbabayad-sala sa altar ng Diyos, samakatuwid nga, sa antas na magagawa nito. (Lev 17:11; ihambing ang Heb 9:13, 14; 10:1-4.) Maaari pa ngang tukuyin ang “araw ng pagbabayad-sala [yohm hak·kip·pu·rimʹ]” bilang ang “araw ng mga pantubos.” (Lev 23:26-28) Kahilingan ang mga haing ito upang ang bansa at ang pagsamba nito ay patuloy na tanggapin at sang-ayunan ng matuwid na Diyos.

 Ang diwa ng pakikipagpalit na tumutubos ay malinaw na ipinakikita ng kautusan hinggil sa isang toro na kilaláng nanunuwag. Kung hahayaan ng may-ari na makawala ang toro anupat makapatay ito ng tao, ang may-ari ay papatayin, anupat pagbabayaran niya ng kaniyang sariling buhay ang buhay ng taong napatay. Ngunit yamang hindi naman niya sinadyang patayin o tuwirang pinatay ang taong iyon, kapag ipinasiya ng mga hukom na magpataw na lamang sa kaniya ng “pantubos [koʹpher],” dapat niyang bayaran ang halagang pantubos. Ang halagang ipinataw at binayaran ay itinuturing na humahalili sa kaniyang sariling buhay at nagsisilbing kabayaran para sa buhay na nawala. (Exo 21:28-32; ihambing ang Deu 19:21.) Sa kabilang dako, hindi maaaring tumanggap ng pantubos para sa isang tahasang mamamaslang; tanging ang kaniyang sariling buhay ang maaaring tumakip sa pagkamatay ng biktima. (Bil 35:31-33) Yamang maliwanag na ang sensus ay nagsasangkot ng buhay ng mga tao, sa panahong kinukuha ito, ang bawat lalaki na lampas sa 20 taon ay kailangang magbigay kay Jehova ng pantubos (koʹpher) na kalahati ng isang siklo ($1.10) para sa kaniyang kaluluwa, anupat ito ang halagang ibabayad mayaman man o mahirap ang indibiduwal.​—Exo 30:11-16.

 Yamang ang pagiging di-balanse ng katarungan ay kinapopootan ng Diyos, at maging ng mga tao, ang pantubos, o pantakip, ay nagsisilbi ring pamigil o pampahupa ng galit. (Ihambing ang Jer 18:23; gayundin ang Gen 32:20, kung saan ang ka·pharʹ ay isinalin bilang “mapaglulubag.”) Gayunman, ang lalaking galit na galit sa lalaking nangalunya sa kaniyang asawa ay tatanggi sa anumang “pantubos [koʹpher].” (Kaw 6:35) Maaari ring gamitin ang terminong ito may kinalaman doon sa mga dapat maglapat ng katarungan subalit sa halip ay tumatanggap ng suhol o kaloob bilang “lagay [koʹpher]” upang pagtakpan ang masamang gawa sa kanilang paningin.​—1Sa 12:3; Am 5:12.

 Ang Katubusan, o Pagpapalaya. Ang pandiwang Hebreo na pa·dhahʹ ay nangangahulugang “tubusin [redeem],” at ang kaugnay nitong pangngalan na pidh·yohnʹ ay nangangahulugang “halagang pantubos [redemption price].” (Exo 21:30) Maliwanag, idiniriin ng mga terminong ito ang pagpapalayang naisasagawa ng halagang pantubos, samantalang idiniriin naman ng ka·pharʹ ang kalidadnilalaman ng halagang iyon at ang bisa niyaon sa pagbalanse sa timbangan ng katarungan. Ang gayong pagpapalaya, o pagtubos (pa·dhahʹ), ay maaaring mula sa pagkaalipin (Lev 19:20; Deu 7:8), mula sa iba pang nakapipighati o mapaniil na kalagayan (2Sa 4:9; Job 6:23; Aw 55:18), o mula sa kamatayan at sa libingan. (Job 33:28; Aw 49:15) Malimit tukuyin ang pagtubos ni Jehova sa bansang Israel mula sa Ehipto upang ito’y maging kaniyang “pansariling pag-aari” (Deu 9:26; Aw 78:42) at ang pagtubos niya sa kanila mula sa pagkatapon sa Asirya at sa Babilonya pagkaraan ng maraming siglo. (Isa 35:10; 51:11; Jer 31:11, 12; Zac 10:8-10) Dito rin naman, ang katubusan ay may kasangkot na isang halaga, isang pakikipagpalit. Nang tubusin ni Jehova ang Israel mula sa Ehipto, lumilitaw na ang Ehipto ang pinagbayad niya ng halagang iyon. Sa diwa, ang Israel ay “panganay” ng Diyos, at nagbabala si Jehova kay Paraon na kung magmamatigas ito at tatangging palayain ang Israel, ang buhay ng panganay ni Paraon at ng mga panganay ng buong Ehipto, kapuwa mula sa mga tao at mga hayop, ay sisingilin. (Exo 4:21-23; 11:4-8) Sa katulad na paraan, bilang bayad sa pagpapabagsak ni Ciro sa Babilonya at sa pagpapalaya niya sa mga Judio mula sa kanilang pagkakatapon, ibinigay ni Jehova “ang Ehipto bilang pantubos [isang anyo ng koʹpher] para sa [kaniyang bayan], ang Etiopia at ang Seba” bilang kapalit nila. Kaya nang maglaon ay nilupig ng Imperyo ng Persia ang mga rehiyong iyon, at sa gayo’y ‘ibinigay ang mga liping pambansa bilang kapalit ng kaluluwa ng mga Israelita.’ (Isa 43:1-4) Ang mga pakikipagpalit na ito ay kaayon ng kinasihang kapahayagan na ang “balakyot ay [nagsisilbing] pantubos [koʹpher] para sa matuwid; at ang nakikitungo nang may kataksilan ay kapalit ng mga matapat.”​—Kaw 21:18.

 Ang isa pang terminong Hebreo na kaugnay ng katubusan ay ang ga·ʼalʹ, at pangunahin na, itinatawid nito ang diwa ng pagbawi o pagtubos. (Jer 32:7, 8) Makikita ang pagkakahawig nito sa pa·dhahʹ dahil ginamit itong kaugnay ng terminong iyon sa Oseas 13:14: “Mula sa kamay ng Sheol ay tutubusin [isang anyo ng pa·dhahʹ] ko sila; mula sa kamatayan ay babawiin [isang anyo ng ga·ʼalʹ] ko sila.” (Ihambing ang Aw 69:18.) Idiniriin ng ga·ʼalʹ ang karapatang bumawi o tumubos. Maaaring ito’y karapatan ng isang malapit na kamag-anak ng isang tao na ang ari-arian, o siya mismo, ay kailangang tubusin o bawiin. Maaari ring ito’y karapatan ng orihinal na may-ari o ng nagbili mismo. Sa gayon, ang isang malapit na kamag-anak, na kung tawagi’y isang go·ʼelʹ, ay nagiging isang “manunubos” (Ru 2:20; 3:9, 13) o, sa mga kaso ng pagpaslang, siya’y nagiging isang “tagapaghiganti ng dugo.”​—Bil 35:12.

 Sa kaso ng isang dukhang Israelita na napilitang ipagbili ang kaniyang mga manang lupain, ang kaniyang bahay sa lunsod, o baka ipinagbili pa nga niya ang kaniyang sarili sa pagkaalipin, may probisyon ang Kautusan na “isang manunubos na may malapit na kaugnayan sa kaniya,” o go·ʼelʹ, ang may karapatang ‘tumubos [ga·ʼalʹ] sa ipinagbili,’ o maaaring gawin iyon ng mismong nagbili kung magkaroon na siya ng salapi. (Lev 25:23-27, 29-34, 47-49; ihambing ang Ru 4:1-15.) Kapag ang isang tao ay nanatang maghandog sa Diyos ng isang bahay o isang bukid at pagkatapos ay nais niya itong bilhing muli, kailangan niyang bayaran ang halagang itinakda sa ari-arian at ang isang kalima ng halagang iyon. (Lev 27:14-19) Gayunman, hindi maaaring tubusin ang anumang bagay na ‘itinalaga sa pagkapuksa.’​—Lev 27:28, 29.

 Sa kaso ng pagpaslang, ang mamamaslang ay hindi pahihintulutang manganlong sa itinalagang mga kanlungang lunsod kundi, pagkatapos ng hudisyal na pagdinig, ibibigay siya ng mga hukom sa “tagapaghiganti [go·ʼelʹ] ng dugo,” isang malapit na kamag-anak ng biktima, na papatay naman sa mamamaslang. Yamang hindi ipinahihintulot ang anumang “pantubos [koʹpher]” para sa mamamaslang at yamang hindi na mababawi ng malapit na kamag-anak, na may karapatang tumubos, ang buhay ng kaniyang namatay na kamag-anak, may karapatan siyang kunin ang buhay ng isa na kumitil sa buhay ng kaniyang kamag-anak.​—Bil 35:9-32; Deu 19:1-13.

 Hindi Laging Isang Materyal na Halaga. Gaya ng naipakita na, “tinubos” (pa·dhahʹ) o ‘binawi’ (ga·ʼalʹ) ni Jehova ang Israel mula sa Ehipto. (Exo 6:6; Isa 51:10, 11) Nang maglaon, dahil patuloy na “ipinagbili [ng mga Israelita] ang kanilang sarili sa paggawa ng masama” (2Ha 17:16, 17), ilang ulit silang ‘ipinagbili ni Jehova sa kamay ng kanilang mga kaaway.’ (Deu 32:30; Huk 2:14; 3:8; 10:7; 1Sa 12:9) Subalit kapag sila’y nagsisisi, tinutubos o binabawi niya sila mula sa kabagabagan o pagkatapon (Aw 107:2, 3; Isa 35:9, 10; Mik 4:10), sa gayo’y ginagampanan niya ang gawain ng isang Go·ʼelʹ, isang Manunubos na kamag-anak nila yamang itinuring niyang asawa ang bansang iyon. (Isa 43:1, 14; 48:20; 49:26; 50:1, 2; 54:5-7) Kapag ‘ipinagbibili’ sila ni Jehova, hindi siya binibigyan ng mga bansang pagano ng anumang materyal na kabayaran. Ang nagiging kabayaran sa kaniya ay ang matugunan ang kaniyang katarungan at matupad ang kaniyang layunin na sila’y maituwid at madisiplina dahil sa kanilang paghihimagsik at kawalang-galang.​—Ihambing ang Isa 48:17, 18.

 Sa katulad na paraan, hindi laging kasangkot sa ‘pagtubos [repurchasing]’ na isinasagawa ng Diyos ang isang materyal na kabayaran. Nang tubusin ni Jehova ang mga Israelitang ipinatapon sa Babilonya, kusang-loob silang pinalaya ni Ciro nang walang kapalit na materyal na kabayaran noong siya’y nabubuhay pa. Gayunman, kapag tinutubos ni Jehova ang kaniyang bayan mula sa mapaniil na mga bansang nagmalupit sa Israel, sinisingil ni Jehova ang halagang kabayaran mula sa mga maniniil mismo, anupat pinagbabayad sila sa pamamagitan ng kanilang buhay. (Ihambing ang Aw 106:10, 11; Isa 41:11-14; 49:26.) Nang “ipagbili,” o ibigay, sa mga Babilonyo ang mga taong-bayan ng kaharian ng Juda, si Jehova ay walang tinanggap na anumang personal na kabayaran. Hindi rin nagbayad ng salapi ang ipinatapong mga Judio, sa mga Babilonyo man o kay Jehova upang matubos ang kanilang kalayaan. Ipinagbili sila “nang walang kapalit” at tinubos sila “nang walang salapi.” Samakatuwid, hindi kailangang bayaran ni Jehova ang mga mambibihag ng mga Israelita upang maging balanse ang mga bagay-bagay. Sa halip, isinagawa niya ang pagtubos sa pamamagitan ng kapangyarihan ng “kaniyang banal na bisig.”​—Isa 52:3-10; Aw 77:14, 15.

 Samakatuwid, kasama sa papel ni Jehova bilang Go·ʼelʹ ang ipaghiganti ang mga kamaliang ginawa sa kaniyang mga lingkod, anupat bilang resulta, nalinis ang sarili niyang pangalan mula sa mga paratang niyaong mga dumusta sa kaniya dahil sa kabagabagang sumapit sa Israel. (Aw 78:35; Isa 59:15-20; 63:3-6, 9) Yamang siya ang Dakilang Kamag-anak at Manunubos kapuwa ng bansa at ng mga indibiduwal na Israelita, ipinakipaglaban niya ang kanilang “usapin sa batas” upang maipatupad ang katarungan.​—Aw 119:153, 154; Jer 50:33, 34; Pan 3:58-60; ihambing ang Kaw 23:10, 11.

 Bagaman ang sinalot-ng-karamdamang si Job ay nabuhay bago umiral ang bansang Israel, sinabi niya: “Alam na alam ko na ang aking manunubos ay buháy, at na, kasunod ko, siya ay babangon sa alabok.” (Job 19:25; ihambing ang Aw 69:18; 103:4.) Bilang pagtulad sa Diyos, ang hari ng Israel ay kikilos bilang isang manunubos alang-alang sa mga maralita at dukha sa bansa.​—Aw 72:1, 2, 13, 14.

 Ang Papel ni Kristo Jesus Bilang Manunubos. Makatutulong ang nabanggit na impormasyon upang maunawaan natin ang pantubos na inilaan para sa sangkatauhan sa pamamagitan ng Anak ng Diyos, si Kristo Jesus. Nangailangan ng pantubos ang sangkatauhan dahil sa paghihimagsik na naganap sa Eden. Ipinagbili ni Adan ang kaniyang sarili sa paggawa ng masama dahil sa mapag-imbot na pagnanais na patuloy na makasama ang kaniyang asawa, na naging isang makasalanan at mananalansang. Dahil dito, hinatulan din siya ng Diyos. Sa gayo’y ipinagbili niya ang kaniyang sarili at ang kaniyang mga inapo sa pagkaalipin sa kasalanan at sa kamatayan, ang kabayarang hinihingi ng katarungan ng Diyos. (Ro 5:12-19; ihambing ang Ro 7:14-25.) Yamang taglay ni Adan noon ang kasakdalan bilang tao, naiwala niya ang mahalagang pag-aaring ito para sa kaniyang sarili at sa lahat ng kaniyang mga supling.

 Ang Kautusan, na may “anino ng mabubuting bagay na darating,” ay may probisyon upang ang mga haing hayop ay magsilbing pantakip sa kasalanan. Gayunman, ang pantakip na ito’y makasagisag lamang, yamang ang mga hayop na iyon ay nakabababa sa tao; kaya naman, “ang dugo ng mga toro at ng mga kambing ay hindi maaaring [aktuwal na] mag-alis ng mga kasalanan,” gaya ng idiniin ng apostol. (Heb 10:1-4) Ang makalarawang mga haing hayop na iyon ay dapat na walang dungis at sakdal. (Lev 22:21) Samakatuwid, ang tunay na haing pantubos, isang tao na aktuwal na makapag-aalis ng mga kasalanan, ay dapat na sakdal din at walang dungis. Siya’y dapat na maging katumbas ng sakdal na si Adan at magtaglay ng kasakdalan bilang tao, upang mabayaran niya ang halagang pantubos na magpapalaya sa mga supling ni Adan mula sa pagkakautang, kawalang-kakayahan, at pagkaalipin na doo’y ipinagbili sila ng kanilang unang amang si Adan. (Ihambing ang Ro 7:14; Aw 51:5.) Sa gayong paraan lamang niya matutugunan ang sakdal na katarungan ng Diyos na humihiling ng mata para sa mata, isang ‘kaluluwa para sa isang kaluluwa.’​—Exo 21:23-25; Deu 19:21.

 Dahil mahigpit ang katarungan ng Diyos, imposibleng mailaan ng sangkatauhan ang sarili nitong manunubos. (Aw 49:6-9) Gayunman, napadakila ang pag-ibig at kaawaan ng Diyos nang tugunan niya ang kaniyang sariling mga kahilingan kahit nangahulugan ito ng malaking sakripisyo sa bahagi niya. Ibinigay niya ang buhay ng kaniyang sariling Anak upang mailaan ang halagang pantubos. (Ro 5:6-8) Dahil dito, kinailangang maging tao ang kaniyang Anak upang maging katumbas siya ng sakdal na si Adan. Ginawa ito ng Diyos sa pamamagitan ng paglilipat ng buhay ng kaniyang Anak mula sa langit tungo sa bahay-bata ng Judiong birhen na si Maria. (Luc 1:26-37; Ju 1:14) Yamang hindi utang ni Jesus ang kaniyang buhay sa kaninumang amang tao na inapo ng makasalanang si Adan, at yamang ‘nililiman’ si Maria ng banal na espiritu ng Diyos mula nang maglihi siya hanggang noong maisilang niya si Jesus, si Jesus ay isinilang na malaya sa anumang minanang kasalanan o di-kasakdalan. Dahil dito, masasabing siya’y isang “walang-dungis at walang-batik na kordero,” na ang dugo ay maaaring maging isang kaayaayang hain. (Luc 1:35; Ju 1:29; 1Pe 1:18, 19) Sa buong buhay niya, nanatili siyang malaya sa kasalanan at sa gayo’y nanatili siyang kuwalipikado bilang haing pantubos. (Heb 4:15; 7:26; 1Pe 2:22) Bilang isang “kabahagi sa dugo at laman,” siya’y isang malapit na kamag-anak ng sangkatauhan at taglay niya ang halaga na magagamit niya upang tubusin at palayain ang sangkatauhan, ang kaniyang sariling sakdal na buhay na naingatang dalisay sa kabila ng mga pagsubok sa katapatan.​—Heb 2:14, 15.

 Nililinaw ng Kristiyanong Griegong Kasulatan na ang pagpapalaya mula sa kasalanan at kamatayan ay talagang isinasagawa sa pamamagitan ng pagbabayad ng isang halaga. Ang mga Kristiyano ay sinasabing ‘binili sa isang halaga’ (1Co 6:20; 7:23), anupat mayroong “may-ari na bumili sa kanila” (2Pe 2:1), at si Jesus ay ipinakikilala bilang ang Korderong ‘pinatay at sa pamamagitan ng kaniyang dugo ay bumili siya ng mga tao para sa Diyos mula sa bawat tribo, wika, at bansa.’ (Apo 5:9) Sa mga tekstong ito, ginamit ang pandiwang a·go·raʹzo, na ang simpleng kahulugan ay “bumili sa palengke [a·go·raʹ].” Ginamit ni Pablo ang kaugnay nitong e·xa·go·raʹzo (pagpapalaya sa pamamagitan ng pagbili) upang ipakita na pinalaya ni Kristo “yaong mga nasa ilalim ng kautusan sa pamamagitan ng pagbili” nang mamatay si Jesus sa tulos. (Gal 4:5; 3:13) Subalit ang diwa ng katubusan [“redemption”] o pagtubos [“ransoming”] ay mas malimit at mas lubusang ipinahahayag ng Griegong lyʹtron at ng kaugnay na mga termino.

 Ang lyʹtron (mula sa pandiwang lyʹo, nangangahulugang “pawalan”) ay pantanging ginamit ng mga Griegong manunulat upang tumukoy sa isang halagang ibinabayad upang tubusin ang mga bilanggong nahuli sa digmaan o upang palayain yaong mga nasa pagkaalipin. (Ihambing ang Heb 11:35.) Sa dalawang paglitaw nito sa Kasulatan, inilalarawan nito ang pagbibigay ni Kristo ng “kaniyang kaluluwa bilang pantubos na kapalit ng marami.” (Mat 20:28; Mar 10:45) Lumilitaw naman sa 1 Timoteo 2:6 ang kaugnay na salitang an·tiʹly·tron. Ayon sa Greek and English Lexicon to the New Testament ni Parkhurst, ito’y nangangahulugang: “isang pantubos, halagang pantubos, o kaya’y isang katumbas na pantubos.” Sinipi niya ang sinabi ni Hyperius: “Ito’y wastong tumutukoy sa isang halaga na sa pamamagitan niyao’y tinutubos ang mga bihag mula sa kaaway; at sa uri ng pakikipagpalit kung saan ang buhay ng isa ay tinutubos ng buhay ng iba.” Nagtapos siya sa pagsasabi: “Ganiyan ginamit ni Aristotle ang pandiwa [an·ti·ly·troʹo] upang tumukoy sa pagtubos ng buhay sa pamamagitan ng buhay.” (London, 1845, p. 47) Sa gayong paraan ‘ibinigay ni Kristo ang kaniyang sarili bilang katumbas na pantubos para sa lahat.’ (1Ti 2:5, 6) Ang iba pang kaugnay na mga salita ay ang ly·troʹo·mai, “pawalan sa pamamagitan ng pantubos” (Tit 2:14; 1Pe 1:18, 19), at a·po·lyʹtro·sis, “isang pagpapalaya sa pamamagitan ng pantubos.” (Efe 1:7, 14; Col 1:14) Kitang-kita ang pagkakahawig ng paggamit sa mga salitang ito at sa mga terminong Hebreo na natalakay na. Ang mga ito ay naglalarawan, hindi ng isang karaniwang pagbili o pagpapalaya, kundi ng isang pagtubos, isang katubusang naisasagawa sa pamamagitan ng pagbabayad ng isang katumbas na halaga.

 Bagaman ang haing pantubos ni Kristo ay bukás sa lahat, hindi ito tinatanggap ng lahat, at “ang poot ng Diyos ay nananatili” sa mga hindi tumatanggap sa haing ito, kung paanong sumasapit din iyon sa mga unang tumanggap sa paglalaang ito at pagkatapos ay tumalikod dito. (Ju 3:36; Heb 10:26-29; ihambing ang pagkakaiba ng Ro 5:9, 10.) Hindi sila tutubusin mula sa pagkaalipin sa mga haring Kasalanan at Kamatayan. (Ro 5:21) Sa ilalim ng Kautusan, hindi maaaring tubusin ang isang tahasang mamamaslang. Si Adan, dahil sa kaniyang sinasadyang pagkakasala, ay nagdulot ng kamatayan sa buong sangkatauhan, sa gayo’y naging isang mamamaslang. (Ro 5:12) Kaya naman hindi matatanggap ng Diyos ang inihaing buhay ni Jesus bilang pantubos para sa makasalanang si Adan.

 Subalit nalulugod ang Diyos na ikapit ang pantubos sa mga supling ni Adan na nagnanais makinabang sa gayong pagpapalaya. Gaya ng sabi ni Pablo, “sa pamamagitan ng pagsuway ng isang tao ay marami ang ibinilang na makasalanan, sa gayunding paraan sa pamamagitan ng pagkamasunurin ng isang tao ay marami ang ibibilang na matuwid.” (Ro 5:18, 19) Noong magkasala si Adan at masentensiyahan ng kamatayan, ang lahat ng kaniyang mga supling o lahi ay di-pa-naisisilang at nasa kaniyang mga balakang anupat pawang namatay na kasama niya. (Ihambing ang Heb 7:4-10.) Si Jesus bilang isang taong sakdal, “ang huling Adan” (1Co 15:45), ang tanging tao na makapagbibigay ng halagang pantubos para sa di-pa-naisisilang na mga supling ni Adan. Kusang-loob niyang ibinigay ang kaniyang sarili at namatay siya nang walang kasalanan bilang isang sakdal na haing tao, ayon sa kalooban ni Jehova. (Heb 10:5) Gagamitin ni Jesus ang awtoridad na ibinigay ni Jehova salig sa kaniyang pantubos upang bigyang-buhay ang lahat ng mga tatanggap sa paglalaang ito.​—1Co 15:45; ihambing ang Ro 5:15-17.

 Kaya naman, tunay ngang si Jesus ay isang “katumbas na pantubos,” hindi para sa katubusan ng makasalanang si Adan, kundi para sa katubusan ng buong sangkatauhang nagmula kay Adan. Tinubos niya sila upang sila’y maging kapamilya niya, anupat ginawa niya ito nang umakyat siya sa langit at iharap ang buong halaga ng kaniyang haing pantubos sa Diyos na humihiling ng ganap na katarungan. (Heb 9:24) Sa gayo’y nagkaroon siya ng isang Kasintahang Babae, isang makalangit na kongregasyong binubuo ng kaniyang mga tagasunod. (Ihambing ang Efe 5:23-27; Apo 1:5, 6; 5:9, 10; 14:3, 4.) Ipinakikita rin ng Mesiyanikong mga hula na magkakaroon siya ng “supling” bilang isang “Walang-hanggang Ama.” (Isa 53:10-12; 9:6, 7) Upang siya’y maging gayon, hindi lamang yaong mga kabilang sa kaniyang “Kasintahang Babae” ang dapat saklawin ng kaniyang pantubos. Samakatuwid, bukod pa sa mga “binili mula sa sangkatauhan bilang mga unang bunga” upang bumuo sa makalangit na kongregasyong iyon, may iba pang makikinabang sa kaniyang haing pantubos at magtatamo ng buhay na walang hanggan kapag inalis na ang kanilang mga kasalanan at ang kalakip nitong di-kasakdalan. (Apo 14:4; 1Ju 2:1, 2) Yamang ang mga kabilang sa makalangit na kongregasyon ay maglilingkod na kasama ni Kristo bilang mga saserdote at “mga hari sa ibabaw ng lupa,” tiyak na ang iba pang tatanggap ng mga kapakinabangan ng pantubos ay mga makalupang sakop ng Kaharian ni Kristo, at bilang mga anak ng isang “Walang-hanggang Ama,” sila’y magtatamo ng buhay na walang hanggan. (Apo 5:10; 20:6; 21:2-4, 9, 10; 22:17; ihambing ang Aw 103:2-5.) Makikita sa buong kaayusang ito ang karunungan ni Jehova at ang kaniyang katuwiran dahil lubusan niyang binalanse ang timbangan ng katarungan habang siya’y nagpapakita ng di-sana-nararapat na kabaitan at nagpapatawad ng mga kasalanan.​—Ro 3:21-26.