Mesiyas
Halaw sa pandiwang salitang-ugat na Hebreo na ma·shachʹ, na nangangahulugang “pahiran.” (Exo 29:2, 7) Ang Mesiyas (ma·shiʹach) ay nangangahulugang “pinahiran.” Ang katumbas nito sa Griego ay Khri·stosʹ, o Kristo.—Mat 2:4, tlb sa Rbi8.
Sa Hebreong Kasulatan, ang anyong pandiwang pang-uri na ma·shiʹach ay ikinapit sa maraming tao. Si David ay opisyal na inatasang maging hari sa pamamagitan ng pagpapahid sa kaniya ng langis at sa gayon ay tinatawag siyang “pinahiran” o, sa literal, “mesiyas.” (2Sa 19:21; 22:51; 23:1; Aw 18:50) Ang iba pang mga hari, gaya nina Saul at Solomon, ay tinukoy na “pinahiran” o “ang pinahiran ni Jehova.” (1Sa 2:10, 35; 12:3, 5; 24:6, 10; 2Sa 1:14, 16; 2Cr 6:42; Pan 4:20) Ang terminong ito ay ikinapit din sa mataas na saserdote. (Lev 4:3, 5, 16; 6:22) Ang mga patriyarkang sina Abraham, Isaac, at Jacob ay tinawag na “mga pinahiran” ni Jehova. (1Cr 16:16, 22, tlb sa Rbi8) Ang Persianong si Haring Ciro ay tinukoy na “pinahiran,” sapagkat itinalaga siya ng Diyos sa isang partikular na atas.—Isa 45:1; tingnan ang PINAHIRAN, PAGPAPAHID.
Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang transliterasyong Mes·siʹas ay lumilitaw sa tekstong Griego sa Juan 1:41, kalakip ang ganitong paliwanag, “na kapag isinalin ay nangangahulugang Kristo.” (Tingnan din ang Ju 4:25.) Kung minsan ang salitang Khri·stosʹ ay ginagamit nang mag-isa upang tumukoy sa Mesiyas o sa Pinahiran, o sa isa na nag-aangking gayon. (Mat 2:4; 22:42; Mar 13:21) Gayunman, sa karamihan ng mga paglitaw nito, ang Khri·stosʹ ay kasama ng personal na pangalang Jesus, gaya sa mga pananalitang “Jesu-Kristo” o “Kristo Jesus,” upang tukuyin siya bilang ang Mesiyas. Kung minsan naman, ang salitang ito ay ginagamit nang mag-isa ngunit espesipikong tumutukoy kay Jesus bilang Ang Kristo, gaya sa pananalitang, “si Kristo ay namatay para sa atin.”—Ro 5:8; Ju 17:3; 1Co 1:1, 2; 16:24; tingnan ang KRISTO.
Ang Mesiyas sa Hebreong Kasulatan. Sa Daniel 9:25, 26, ang salitang ma·shiʹach ay pantanging kumakapit sa darating na Mesiyas. (Tingnan ang PITUMPUNG SANLINGGO.) Gayunman, maraming iba pang teksto sa Hebreong Kasulatan ang tumutukoy rin sa Isa na darating, bagaman hindi siya ang pantanging tinutukoy sa mga iyon. Halimbawa, maliwanag na ang Awit 2:2 ay unang natupad noong panahong tangkain ng mga Filisteong hari na ibagsak ang pinahirang si Haring David. Gayunman, ang ikalawang katuparan nito, sa inihulang Mesiyas, ay ipinakikita ng Gawa 4:25-27, kung saan ang teksto ay ikinakapit kay Jesu-Kristo. Gayundin, ang marami sa mga lalaking tinawag na “pinahiran” sa iba’t ibang diwa ay patiunang lumarawan kay Jesu-Kristo at sa kaniyang gawain; kabilang na rito si David, ang mataas na saserdote ng Israel, at si Moises (na tinukoy bilang “Kristo” sa Heb 11:23-26).
Mga hula na hindi gumamit ng “Mesiyas.” Maraming iba pang teksto sa Hebreong Kasulatan ang hindi espesipikong bumanggit ng “Mesiyas” ngunit inunawa ng mga Judio bilang mga hula tungkol sa isang iyon. Nakasumpong si Alfred Edersheim ng 456 na talata na “tinukoy ng sinaunang Sinagoga bilang Mesiyaniko,” at sa pinakasinaunang mga akdang rabiniko ay may 558 pagtukoy na sumusuporta sa gayong mga pagkakapit. (The Life and Times of Jesus the Messiah, 1906, Tomo I, p. 163; Tomo II, p. 710-737) Halimbawa, inihula sa Genesis 49:10 na ang setro ng pamamahala ay mapupunta sa tribo ni Juda at na ang Shilo ay manggagaling sa linyang iyon. Kinikilala ng Targum ni Onkelos, ng mga Jerusalem Targum, at ng Midrash na ang pananalitang “Shilo” ay tumutukoy sa Mesiyas.
Maraming hula sa Hebreong Kasulatan ang naglalaan ng mga detalye tungkol sa pagmumulan ng Mesiyas, sa panahon ng kaniyang paglitaw, sa mga gawain niya, sa pagtrato sa kaniya ng iba, at sa dako niya sa kaayusan ng Diyos. Sa gayon, ang iba’t ibang detalye hinggil sa Mesiyas ay magkakasamang bumubuo ng isang malaking larawan na tutulong sa mga tunay na mananamba upang makilala siya. Magsisilbi itong saligan ng pananampalataya sa kaniya bilang ang tunay na Lider na isinugo ni Jehova. Bagaman hindi patiunang nakilala ng mga Judio ang lahat ng mga hulang nauugnay sa Pinahiran, ipinakikita ng katibayan sa mga Ebanghelyo na may sapat silang kaalaman noon para makilala ang Mesiyas kapag lumitaw na siya.
Pagkaunawa Hinggil sa Mesiyas Noong Unang Siglo C.E. Isinisiwalat ng impormasyong inilalaan ng kasaysayan kung gaano kalawak ang kaalaman ng mga Judio tungkol sa Mesiyas noong unang siglo ng Karaniwang Panahon. Ang impormasyong ito ay pangunahin nang masusumpungan sa mga Ebanghelyo.
Hari at anak ni David. Karaniwan nang tinatanggap noon ng mga Judio na ang magiging Mesiyas ay isang hari na mula sa linya ni David. Nang magtanong ang mga astrologo tungkol sa “isa na ipinanganak na hari ng mga Judio,” alam ni Herodes na Dakila na ang tinutukoy nila ay ang “Kristo.” (Mat 2:2-4) Tinanong ni Jesus ang mga Pariseo kung kaninong inapo ang Kristo, o Mesiyas. Bagaman ang relihiyosong mga lider na iyon ay hindi naniniwala kay Jesus, alam nila na ang magiging Mesiyas ay anak ni David.—Mat 22:41-45.
Ipinanganak sa Betlehem. Binanggit sa Mikas 5:2, 4 na mula sa Betlehem ay lalabas ang isa na magiging “tagapamahala sa Israel” anupat “magiging dakila siya hanggang sa mga dulo ng lupa.” Kinikilala noon na ito’y tumutukoy sa Mesiyas. Nang tanungin ni Herodes na Dakila ang mga punong saserdote at mga eskriba kung saan ipanganganak ang Mesiyas, sumagot sila, “Sa Betlehem ng Judea,” at sinipi nila ang Mikas 5:2. (Mat 2:3-6) Alam din ito maging ng ilan sa karaniwang mga tao.—Ju 7:41, 42.
Isang propeta na gagawa ng maraming tanda. Sa pamamagitan ni Moises, inihula ng Diyos ang pagdating ng isang dakilang propeta. (Deu 18:18) Ang isang ito ay hinihintay ng mga Judio noong mga araw ni Jesus. (Ju 6:14) Ipinahihiwatig ng pagkakagamit ng apostol na si Pedro sa pananalita ni Moises, sa Gawa 3:22, 23, na alam niyang tatanggapin ito bilang hulang Mesiyaniko kahit ng mga relihiyosong mananalansang, at ipinakikita nito na nauunawaan ng marami ang Deuteronomio 18:18. Iniisip din ng babaing Samaritana na nasa tabi ng balon na ang magiging Mesiyas ay isang propeta. (Ju 4:19, 25, 29) Inaasahan din ng mga tao na ang Mesiyas ay gagawa ng maraming tanda.—Ju 7:31.
Ilang pagkakaiba sa paniniwala. Maliwanag na bagaman alam ng mga Judio ang tungkol sa pagdating ng Mesiyas, hindi pare-pareho ang kanilang nalalaman o nauunawaan tungkol sa isang iyon. Halimbawa, bagaman marami ang nakaaalam na siya’y magmumula sa Betlehem, hindi ito alam ng iba. (Mat 2:3-6; Ju 7:27) Naniniwala ang ilan na ang Propeta ay iba pa sa Kristo. (Ju 1:20, 21; 7:40, 41) May mga hula tungkol sa Mesiyas na hindi nauunawaan noon, maging ng mga alagad ni Jesus, partikular na yaong mga hula tungkol sa pagtatakwil sa Mesiyas, sa kaniyang pagdurusa, kamatayan, at pagkabuhay-muli. (Isa 53:3, 5, 12; Aw 16:10; Mat 16:21-23; 17:22, 23; Luc 24:21; Ju 12:34; 20:9) Ngunit nang maganap na ang mga ito at maipaliwanag ang mga hula, naunawaan ng kaniyang mga alagad at maging niyaong hindi pa mga alagad na ang mga tekstong iyon sa Hebreong Kasulatan ay makahula. (Luc 24:45, 46; Gaw 2:5, 27, 28, 31, 36, 37; 8:30-35) Yamang hindi nababatid ng karamihan sa mga Judio na ang Mesiyas ay kailangang magdusa at mamatay, idiniin ng unang mga Kristiyano ang puntong ito kapag nangangaral sila sa mga Judio.—Gaw 3:18; 17:1-3; 26:21-23.
Mali ang Inaasahan. Ipinakikita ng ulat ni Lucas na maraming Judio ang may-pananabik na umaasa na ang Mesiyas ay lilitaw noon mismong panahong narito sa lupa si Jesus. Si Simeon at ang iba pang mga Judio ay “naghihintay sa kaaliwan ng Israel” at sa “katubusan ng Jerusalem” noong dalhin ang sanggol na si Jesus sa templo. (Luc 2:25, 38) Noong panahon ng ministeryo ni Juan na Tagapagbautismo, ang mga tao ay “naghihintay” may kaugnayan sa Kristo, o Mesiyas. (Luc 3:15) Gayunman, marami ang umaasa na matutugunan ng Mesiyas ang kanilang mga inaakala tungkol sa kaniya. Ipinakikita ng mga hula sa Hebreong Kasulatan na ang Mesiyas ay gaganap ng dalawang magkaibang papel, una ay bilang isa na “mapagpakumbaba, at nakasakay sa asno,” at ikalawa ay bilang isa na “kasama ng mga ulap sa langit” upang lipulin ang mga sumasalansang at paglingkurin sa kaniya ang lahat ng pamamahala. (Zac 9:9; Dan 7:13) Hindi naunawaan ng mga Judio na ang mga hulang ito ay nauugnay sa dalawang magkaibang paglitaw ng Mesiyas, na ang mga panahon ng kaganapan ay magkalayung-magkalayo.
Ang mga akdang Judio ay kaayon ng Lucas 2:38 sa pagsasabing hinihintay ng mga tao noong panahong iyon ang katubusan ng Jerusalem. Ang The Jewish Encyclopedia ay nagsabi: “Inaasam-asam nila ang ipinangakong manunubos ng sambahayan ni David, na magpapalaya sa kanila mula sa pamatok ng kinapopootang banyagang tagapamahala, tatapos sa di-makadiyos na pamamahala ng Roma, at magtatatag ng Kaniyang mapayapang paghahari.” (1976, Tomo VIII, p. 508) Sinikap nila na gawin siyang isang makalupang hari. (Ju 6:15) Nang hindi niya tuparin ang kanilang mga inaasahan, itinakwil nila siya.
Maliwanag na inaasahan din ni Juan na Tagapagbautismo at ng kaniyang mga alagad na ang Mesiyas ay magiging isang makalupang hari. Alam ni Juan na si Jesus ang Mesiyas at ang Anak ng Diyos, yamang nakita niya nang pahiran ito ng banal na espiritu at narinig niya ang tinig ng Diyos na nagpahayag ng pagsang-ayon. Hindi nagkulang ng pananampalataya si Juan. (Mat 11:11) Kaya ang tanong niya na, “May iba pa ba kaming aasahan?” ay maaaring nangangahulugang, ‘May iba pa ba kaming aasahan na siyang tutupad sa lahat ng inaasahan ng mga Judio?’ Bilang tugon ay itinawag-pansin ni Kristo ang mga gawa na isinasagawa niya (mga bagay na patiunang inihula sa Hebreong Kasulatan). Bilang pagtatapos ay sinabi niya: “At maligaya siya na hindi natitisod sa akin.” Ang sagot na ito, bagaman nagpahiwatig na kakailanganin ang pananampalataya at kaunawaan, ay makalulugod at makaaaliw kay Juan, anupat magbibigay-katiyakan sa kaniya na si Jesus ang Isa na tutupad sa mga pangako ng Diyos. (Mat 11:3; Luc 7:18-23) Gayundin, bago umakyat si Jesus sa langit, iniisip ng kaniyang mga alagad na sa panahong iyon ay ililigtas na niya ang Israel mula sa pamumuno ng mga Gentil at itatatag niya ang Kaharian (isasauli ang paghahari ng Davidikong linya) sa lupa.—Luc 24:21; Gaw 1:6.
Mga bulaang Mesiyas. Pagkamatay ni Jesus, sumunod ang mga Judio sa maraming bulaang Mesiyas, gaya ng inihula ni Jesus. (Mat 24:5) “Mula kay Josephus, lumilitaw na noong unang siglo bago ang pagkawasak ng Templo [noong 70 C.E.] maraming Mesiyas ang bumangon na nangangako ng kaginhawahan mula sa pamatok ng Roma, at agad silang nakaaakit ng mga tagasunod.” (The Jewish Encyclopedia, Tomo X, p. 251) Pagkatapos, noong 132 C.E., si Bar Kokhba (Bar Koziba), isa sa pinakaprominente sa mga nag-aangking Mesiyas, ay ibinunyi bilang Mesiyas na hari. Libu-libong Judio ang napatay ng mga kawal na Romano nang sugpuin nila ang paghihimagsik na pinangunahan niya. Bagaman makikita sa kaso ng gayong mga bulaang Mesiyas na maraming Judio ang pangunahin nang interesado sa isang pulitikal na Mesiyas, ipinakikita rin nito na may-kawastuan silang naghihintay ng isang Mesiyas na persona, hindi lamang ng isang Mesiyanikong panahon o Mesiyanikong bansa. Naniniwala ang ilan na si Bar Kokhba ay isang inapo ni David, anupat posibleng nakatulong ito sa pag-aangkin niya na siya ang Mesiyas. Gayunman, yamang ang mga rekord ng talaangkanan ay maliwanag na nasira noong 70 C.E., hindi na mapatutunayan ng mga nag-angking Mesiyas nang dakong huli na sila ay mula sa pamilya ni David. (Samakatuwid, ang Mesiyas ay dapat lumitaw bago ang 70 C.E., gaya sa kaso ni Jesus, upang mapatunayan ang pag-aangkin niya bilang tagapagmana ni David. Ipinakikita nito na mali ang mga taong naghihintay pa rin sa paglitaw ng Mesiyas sa lupa.) Kabilang sa mga nag-angking Mesiyas nang dakong huli si Moises ng Creta, na naghambog na hahatiin niya ang dagat na nasa pagitan ng Creta at ng Palestina, at si Serenus, na nagligaw ng maraming Judio sa Espanya. Ang The Jewish Encyclopedia ay nagtala ng 28 bulaang Mesiyas sa pagitan ng mga taóng 132 C.E. at 1744 C.E.—Tomo X, p. 252-255.
Tinanggap si Jesus Bilang ang Mesiyas. Ipinakikita ng aktuwal na katibayang batay sa mga Ebanghelyo na si Jesus nga ang Mesiyas. Tinanggap ng mga tao noong unang siglo, na nasa posisyong magtanong sa mga saksi at magsuri sa mga ebidensiya, ang autentisidad ng mga impormasyong iyon. Lubos nilang natiyak ang katumpakan nito anupat naging handa silang magtiis ng pag-uusig at mamatay dahil sa kanilang pananampalataya salig sa mapananaligang impormasyong iyon. Ipinakikita ng mga ulat ng Ebanghelyo na maraming indibiduwal ang hayagang kumilala na si Jesus ang Kristo, o Mesiyas. (Mat 16:16; Ju 1:41, 45, 49; 11:27) Hindi sinabi ni Jesus na mali sila, at may mga pagkakataong inamin niya na siya ang Kristo. (Mat 16:17; Ju 4:25, 26) Kung minsan ay hindi tuwirang sinasabi ni Jesus na siya ang Mesiyas; paminsan-minsa’y tinatagubilinan niya ang iba na huwag itong ihayag. (Mar 8:29, 30; 9:9; Ju 10:24, 25) Yamang masusumpungan noon si Jesus sa mga lugar na doo’y maririnig siya ng mga tao at makikita nila ang kaniyang mga gawa, nais niyang maniwala sila salig sa matibay na ebidensiyang ito, upang ang maging pundasyon ng kanilang pananampalataya ay ang katuparan ng Hebreong Kasulatan na nasaksihan nila mismo. (Ju 5:36; 10:24, 25; ihambing ang Ju 4:41, 42.) Sa ngayon, ang ulat ng Ebanghelyo hinggil sa kung sino si Jesus at kung ano ang mga ginawa niya ay inilaan kalakip ng Hebreong Kasulatan, na nagbigay ng maraming impormasyon tungkol sa kaniyang mga gagawin, upang malaman ng mga indibiduwal, at maniwala sila, na si Jesus nga ang Mesiyas.—Ju 20:31; tingnan ang JESU-KRISTO.
[Tsart sa pahina 385]
NATATANGING MGA HULA HINGGIL KAY JESUS AT ANG KATUPARAN NG MGA ITO
Hula
Pangyayari
Katuparan
Ipinanganak sa tribo ni Juda
Mat 1:2-16; Luc 3:23-33; Heb 7:14
Mula sa pamilya ni David na anak ni Jesse
Mat 1:1, 6-16; 9:27; Gaw 13:22, 23; Ro 1:3; 15:8, 12
Ipinanganak sa Betlehem
Ipinanganak ng isang birhen
Mga sanggol pinatay pagkasilang niya
Tinawag mula sa Ehipto
Patiunang inihanda ang daan
Mat 3:1-3; 11:10-14; 17:10-13; Luc 1:17, 76; 3:3-6; 7:27; Ju 1:20-23; 3:25-28; Gaw 13:24; 19:4
Inatasan
Dahil sa ministeryo, mga tao sa Neptali at Zebulon nakakita ng malaking liwanag
Gumamit ng mga ilustrasyon
Nagdala ng ating mga sakit
Masigasig para sa bahay ni Jehova
Bilang lingkod ni Jehova, hindi nakipagtalo sa mga lansangan
Hindi pinaniwalaan
Pumasok sa Jerusalem sakay ng bisiro ng asno; ibinunyi bilang hari na dumarating sa pangalan ni Jehova
Mat 21:1-9; Mar 11:7-11; Luc 19:28-38; Ju 12:12-15
Isa 28:16; 53:3; Aw 69:8; 118:22, 23
Itinakwil ngunit naging pangulong batong-panulok
Mat 21:42, 45, 46; Gaw 3:14; 4:11; 1Pe 2:7
Naging batong katitisuran
Isang apostol nagtaksil, ipinagkanulo siya
Mat 26:47-50; Ju 13:18, 26-30; Gaw 1:16-20
Ipinagkanulo sa halagang 30 pirasong pilak
Mat 26:15; 27:3-10; Mar 14:10, 11
Nangalat ang mga alagad
Mga pinunong Romano at mga lider ng Israel, pinagtulungan ang pinahiran ni Jehova
Mat 27:1, 2; Mar 15:1, 15; Luc 23:10-12; Gaw 4:25-28
Nilitis at hinatulan
Mat 26:57-68; 27:1, 2, 11-26; Ju 18:12-14, 19-24, 28-40; 19:1-16
Paggamit ng mga bulaang saksi
Tahimik sa harap ng mga tagapag-akusa
Mat 27:12-14; Mar 14:61; 15:4, 5; Luc 23:9
Kinapootan nang walang dahilan
Sinaktan, dinuraan
Aw 22:16, tlb sa Rbi8
Ibinayubay
Mat 27:35; Mar 15:24, 25; Luc 23:33; Ju 19:18, 23; 20:25, 27
Pinagpalabunutan ang mga kasuutan
Ibinilang kasama ng mga makasalanan
Mat 26:55, 56; 27:38; Luc 22:37
Nilait samantalang nasa tulos
Binigyan ng sukà at apdo
Pinabayaan ng Diyos sa mga kaaway
Walang nabaling buto
Inulos
Mat 27:49; Ju 19:34, 37; Apo 1:7
Namatay bilang hain upang alisin ang mga kasalanan at gawing posible ang matuwid na katayuan sa Diyos
Mat 20:28; Ju 1:29; Ro 3:24; 4:25; 1Co 15:3; Heb 9:12-15; 1Pe 2:24; 1Ju 2:2
Inilibing kasama ng mayayaman
Nasa libingan nang tatlong araw, pagkatapos ay binuhay-muli
Mat 12:39, 40; 16:21; 17:23; 27:64; 28:1-7; Gaw 10:40; 1Co 15:3-8
Aw 16:8-11, tlb sa Rbi8
Ibinangon bago dumanas ng kasiraan
Ipinahayag ni Jehova na Kaniyang Anak noong ianak sa espiritu at noong buhaying muli
Mat 3:16, 17; Mar 1:9-11; Luc 3:21, 22; Gaw 13:33; Ro 1:4; Heb 1:5; 5:5