Mana
Anumang ari-arian na sa pagkamatay ng may-ari nito ay isinasalin sa tagapagmana o sa mga may karapatang humalili sa kaniya; anumang bagay na tinanggap mula sa mga ninuno o mula sa mga hinalinhan ng isa. Ang pangunahing pandiwang Hebreo na ginagamit para rito ay na·chalʹ (pangngalan, na·chalahʹ). Kasangkot dito ang pagkuha o pagbibigay ng mana o minanang pag-aari, kadalasa’y resulta ng paghalili. (Bil 26:55; Eze 46:18) Kung minsan, ang pandiwang ya·rashʹ ay ginagamit sa diwa na “humalili bilang tagapagmana,” ngunit mas madalas ay sa diwang “ariin” na walang kaugnayan sa paghalili. (Gen 15:3; Lev 20:24) Mayroon din itong kahulugan na “itaboy,” anupat may kasangkot na aksiyong militar. (Deu 2:12; 31:3) Ang mga salitang Griego na may kinalaman sa mana ay nauugnay sa kleʹros, na orihinal na nangangahulugang “palabunot” ngunit sa kalaunan ay nangahulugang “bahagi” at nang dakong huli ay “mana.”—Mat 27:35; Gaw 1:17; 26:18.
Sa Israel, ang mana ay pangunahing tumutukoy sa mga pag-aaring lupain, bagaman ginamit din ito may kinalaman sa madadalang ari-arian. Binabanggit din ng Bibliya ang pagmamana ng mga bagay na espirituwal. Ang mga Kristiyanong inianak sa espiritu ay tinatawag na “mga tagapagmana nga ng Diyos, ngunit mga kasamang tagapagmana ni Kristo.” Kung mananatili silang tapat, makaaasa silang tatanggap sila ng “walang-hanggang mana.”—Ro 8:17; Heb 9:15.
Kapanahunan ng mga Patriyarka. Ang tapat na mga patriyarkang Hebreo na sina Abraham, Isaac, at Jacob ay walang pag-aaring lupain, maliban sa parang na may yungib na ginamit bilang dakong libingan at sa parang na malapit sa Sikem na binili ni Jacob. (Gen 23:19, 20; 33:19) May kinalaman sa pananahanan ni Abraham sa Canaan, sinabi ng Kristiyanong martir na si Esteban: “Gayunma’y hindi niya siya binigyan dito ng anumang pag-aaring mamanahin, hindi, ni ng sinlapad-ng-talampakan; ngunit nangako siyang ibibigay ito sa kaniya bilang pag-aari, at sa kaniyang binhi na kasunod niya, samantalang noon ay wala pa siyang anak.” (Gaw 7:5) Ang materyal na manang ipinamana ng mga lalaking ito ay ang kanilang bakahan at ang kanilang madadalang mga pag-aari. Dobleng bahagi (dalawang bahagi) ng ari-arian ang minamana ng panganay na anak na lalaki kung ihahambing sa itinakda para sa ibang mga anak na lalaki. Sa kaso ng patriyarkang si Job, ang kaniyang mga anak na babae ay tumanggap ng mana kasama ng kanilang mga kapatid na lalaki. Hindi sinasabi kung kasama rito ang lupaing mana.—Job 42:15.
Maaaring isalin ng ama sa iba ang pagkapanganay kung mayroon siyang mabuting dahilan, anupat ibinibigay ang mana ng panganay sa isang nakababatang anak na lalaki. Sa ganitong mga kaso na binanggit sa Bibliya, hindi iyon dahil sa kapritso o paboritismo, kundi may saligan kung bakit ipinasiya ng ama na ilipat sa iba ang mana ng pagkapanganay. Sa loob ng 14 na taon, si Ismael, bilang panganay na anak na lalaki ni Abraham, ang inaasahang magiging tagapagmana. (Gen 16:16; 17:18-21; 21:5) Ngunit dahil sa kahilingan ni Sara na sinang-ayunan naman ni Jehova, pinaalis ni Abraham si Ismael, na noon ay mga 19 na taóng gulang. Nang magkagayon, si Isaac ang nagmay-ari ng karapatan ng panganay at nang maglaon ay napunta sa kaniya ang lahat ng tinatangkilik ni Abraham, maliban sa mga kaloob na ibinigay ni Abraham sa mga anak na isinilang sa kaniya ni Ketura noong bandang huli. (Gen 21:8-13; 25:5, 6) Naiwala ni Ruben na panganay ni Jacob ang kaniyang mana ng pagkapanganay dahil nakiapid siya sa kinakasamang babae ng kaniyang ama. (Gen 49:3, 4; 1Cr 5:1, 2) Ibinigay naman ni Jacob ang nakahihigit na pagpapala kay Efraim, nakababatang anak ni Jose, sa halip na kay Manases, ang nakatatanda.—Gen 48:13-19.
Legal noon ang pagkakaroon ng mga kinakasamang babae. Sa katunayan, kung minsan ay tinutukoy sa Bibliya ang kinakasamang babae bilang “asawa” ng lalaking kapisan niya. Ang ama ng kinakasamang babae ay tinatawag na biyenan ng lalaking kapisan niya, at ang lalaki naman ay tinatawag na manugang ng ama ng kinakasamang babae. (Gen 16:3; Huk 19:3-5) Ang mga anak ng mga kinakasamang babae ay lehitimo at sa gayon ay may katayuang kapantay niyaong sa mga anak ng isang karaniwang asawa kung tungkol sa pagmamana.
Bago nagkaanak si Abraham, tinukoy niya ang kaniyang aliping si Eliezer bilang potensiyal na tagapagmana ng kaniyang mga pag-aari ngunit sinabihan siya ni Jehova na magkakaroon siya ng isang anak bilang tagapagmana.—Gen 15:1-4.
Yugto ng Kautusan. Sa ilalim ng Kautusan, ang isang ama ay pinagbawalan na gawing kaniyang panganay ang anak ng mas iniibig na asawa sa ikalulugi ng kaniyang tunay na panganay sa asawa na hindi gaanong iniibig. Kailangan niyang bigyan ang panganay ng dobleng bahagi ng lahat ng kaniyang pag-aari. (Deu 21:15-17) Kapag walang mga anak na lalaki, sa mga anak na babae mapupunta ang mana. (Bil 27:6-8; Jos 17:3-6) Gayunman, ang mga anak na babaing nagmana ng lupain ay kailangang mag-asawa tangi lamang sa pamilya ng tribo ng kanilang ama, upang ang kanilang mana ay huwag magpalipat-lipat sa tribo at tribo. (Bil 36:6-9) Kung walang mga anak, ang pagkakasunud-sunod ng pagsasalin ng mana ay (1) sa mga kapatid ng namatay, (2) sa mga kapatid ng kaniyang ama, (3) sa pinakamalapit na kadugo. (Bil 27:9-11) Ang asawang babae ay hindi tumatanggap ng mana mula sa kaniyang asawa. Kung walang mga anak, ang asawang babae ang itinuturing na may-ari ng lupain hanggang sa matubos ito niyaong may karapatang tumubos niyaon. Sa gayong kaso, ang asawang babae ay tinutubos kasama ng ari-arian. (Ru 4:1-12) Sa ilalim ng kautusan ng pag-aasawa bilang bayaw, ang unang anak na isisilang ng babae sa pamamagitan ng manunubos ay magiging tagapagmana ng namatay na asawa at magpapanatili ng pangalan nito.—Deu 25:5, 6.
Mga manang lupain. Si Jehova ang nagbigay sa mga anak ni Israel ng kanilang mana, anupat binalangkas niya mismo kay Moises ang mga hangganan ng lupain. (Bil 34:1-12; Jos 1:4) Ang mga anak ni Gad, ang mga anak ni Ruben, at ang kalahati ng tribo ni Manases ay pinagkalooban ni Moises ng kanilang takdang bahagi sa teritoryo. (Bil 32:33; Jos 14:3) Sa utos nina Josue at Eleazar, tinanggap ng iba pang mga tribo ang kanilang mana sa pamamagitan ng palabunutan. (Jos 14:1, 2) Kasuwato ng hula ni Jacob sa Genesis 49:5, 7, hindi binigyan sina Simeon at Levi ng hiwalay na seksiyon ng teritoryo bilang mana. Ang teritoryo ng Simeon ay binubuo ng lupain (kasama ang mga nakapaloob na lunsod) sa loob ng teritoryo ng Juda (Jos 19:1-9), samantalang ang Levi naman ay pinagkalooban ng 48 lunsod sa buong teritoryo ng Israel. Yamang ang mga Levita ay inatasan sa pantanging paglilingkod sa santuwaryo, sinasabing si Jehova ang kanilang mana. Tumanggap sila ng ikapu bilang kanilang takdang bahagi o pinakamana bilang ganti sa kanilang paglilingkod. (Bil 18:20, 21; 35:6, 7) Ang mga pamilya ay binigyan ng mga atas sa loob ng teritoryo ng kanilang tribo. Habang dumarami ang mga pamilya at ipinamamana ang lupain sa mga anak, unti-unti itong nahahati sa mas maliliit na bahagi.
Yamang iisang pamilya ang nagmamay-ari ng lupain sa sali’t salinlahi, hindi ito maaaring ipagbili nang panghabang-panahon. Sa diwa, kapag ibinenta ang lupain, pinauupahan lamang ito kapalit ng halaga ng mga aanihin mula rito, anupat ang halagang pambili ay batay sa bilang ng mga taon hanggang sa susunod na Jubileo, kung kailan ibinabalik sa orihinal na may-ari ang lahat ng lupaing pag-aari kung hindi pa ito natutubos bago ang Jubileo. (Lev 25:13, 15, 23, 24) Saklaw ng tuntuning ito ang mga bahay sa mga lunsod na walang pader, na itinuturing na bahagi ng malawak na parang. Kung tungkol naman sa isang bahay na nasa isang lunsod na may pader, ang karapatang tumubos ay mananatili lamang sa loob ng isang taon mula sa panahon ng pagbibili, at sa panahong iyon ay magiging pag-aari na ito ng bumili. Sa kaso ng mga bahay na nasa mga lunsod ng mga Levita, ang karapatang tumubos ay mananatili hanggang sa panahong walang takda sapagkat walang manang lupain ang mga Levita.—Lev 25:29-34.
Ipinakikita ng kaso ng ubasan ni Nabot na hindi maaaring sirain ang pagmamay-ari sa mana. Tumanggi si Nabot na ipagbili ito sa hari o ipagpalit ito sa ibang ubasan; ang monarkiya ay walang soberanong karapatan sa buong lupain. (1Ha 21:2-6) Gayunman, maaaring italaga ng isang tao ang isang bahagi ng kaniyang mana para kay Jehova upang magamit ng santuwaryo. Kapag nagkagayon, hindi ito maaaring tubusin, kundi mananatili itong pag-aari ng santuwaryo at ng pagkasaserdote niyaon. Kung nais ng isang tao na pabanalin ang isang bahagi ng kaniyang ari-arian upang pansamantalang gamitin sa santuwaryo, maaari niyang gawin iyon; at kung sa kalaunan ay nais niya itong tubusin, maaari niyang gawin iyon sa pamamagitan ng pagdaragdag ng isang kalima ng halaga nito. Walang alinlangang ipinagsanggalang nito ang ingatang-yaman ng santuwaryo mula sa kalugihan at ikinintal din nito ang higit na paggalang sa santuwaryo at sa mga bagay na inihandog sa pagsamba kay Jehova. Kapag ang bukid na pinabanal ay ipinagbili sa ibang tao, sa Jubileo ay ituturing itong isang bukid na nakatalaga at hindi ito isasauli sa orihinal na may-ari kundi mananatiling pag-aari ng santuwaryo at ng pagkasaserdote niyaon.—Lev 27:15-21, 28; tingnan ang PAGPAPABANAL (Pagpapabanal ng Lupain).
Batay sa mga nabanggit, makikita natin na walang dako ang mga testamento sa bokabularyo o kaugalian ng mga Hebreo, yamang hindi kinailangan ang gayong dokumento dahil sa mga kautusan ng pagmamana. Kahit ang madadalang ari-arian ay ipinamamahagi ng may-ari nito habang buháy pa siya o kaya’y ipinamamahagi ayon sa mga kautusan ng pagmamana kapag namatay na siya. Sa ilustrasyon ni Jesus tungkol sa alibughang anak, tinanggap ng nakababatang anak ang kaniyang bahagi sa ari-arian ng kaniyang ama bago pa ito mamatay dahil hiningi niya iyon.—Luc 15:12.
Mga pakinabang sa mga kautusan hinggil sa pagmamana. Ang mga kautusang umuugit sa mga minanang pag-aari at sa paghahati-hati sa mga ito sa mas maliliit na bahagi habang lumalaki ang populasyon ay nakatulong upang higit na magkaisa ang pamilya. Sa isang lupaing gaya ng Israel, kung saan maraming maburol na lupain, gaya sa Judea, naging kapaki-pakinabang ito sapagkat napilitan ang mga Israelita na gamitin ang lupain sa pinakamatipid na paraan, anupat gumawa pa nga sila ng hagdan-hagdang taniman sa mga dalisdis ng burol, kung kaya naman nadamtan ng kagandahan at luntiang pananim ang lupain, samantalang ang olibo, puno ng igos, palma, at puno ng ubas ay naglaan ng pagkain sa isang malaking populasyon. Yamang bawat tao ay nagmamay-ari ng lupain, lumikha ito ng higit na pagmamahal sa lupang kaniyang tinitirahan, nagtaguyod ng kasipagan, at, kasama ng tuntunin ng Jubileo, isinauli nito ang bansa sa orihinal na teokratikong katayuan nito tuwing ika-50 taon. Nakatulong naman ito upang mapanatili ang isang balanseng ekonomiya. Gayunman, gaya ng iba pang mga bahagi ng Kautusan, nang maglaon ay inabuso ito.
Gaya ng sinabi ni Jehova sa Israel, siya ang tunay na May-ari ng lupain. Sa kaniyang pangmalas, sila ay mga naninirahang dayuhan at mga nakikipamayan. Kaya naman pinalayas niya sila sa lupain kailanma’t minarapat niya iyon. (Lev 25:23) Dahil sa kanilang maraming paglabag sa kautusan ng Diyos, ipinadala sila sa pagkatapon sa loob ng 70 taon sa ilalim ng kapangyarihan ng Babilonya at nanatili sila sa ilalim ng pamumunong Gentil kahit pagkatapos silang maisauli noong 537 B.C.E. Nang dakong huli, noong 70 C.E., lubusan silang binunot ng mga Romano mula sa lupain, anupat libu-libo sa kanila ang ipinagbili sa pagkaalipin. Pati ang kanilang mga rekord ng talaangkanan ay alinman sa nawala o nasira.
Ang Mana ng mga Kristiyano. Bilang anak ni David, minana ni Jesu-Kristo ang trono ni David. (Isa 9:7; Luc 1:32) Bilang Anak ng Diyos, minana naman niya ang makalangit na pagkahari sa pamamagitan ng pakikipagtipan ng Diyos sa kaniya. (Aw 110:4; Luc 22:28-30) Samakatuwid, minana ni Kristo ang mga bansa upang durugin niya ang lahat ng mga sumasalansang at upang mamahala siya magpakailanman.—Aw 2:6-9.
Ang mga pinahirang miyembro ng kongregasyong Kristiyano ay tinutukoy na may makalangit na mana, anupat nakikibahagi sa mana ni Jesus bilang kaniyang “mga kapatid.” (Efe 1:14; Col 1:12; 1Pe 1:4, 5) Kasama sa manang ito ang lupa.—Mat 5:5.
Dahil tinubos ng Diyos ang Israel mula sa Ehipto, sila ay naging kaniyang pag-aari o “mana.” (Deu 32:9; Aw 33:12; 74:2; Mik 7:14) Lumarawan sila sa “bansa” ng espirituwal na Israel, na itinuturing ng Diyos bilang kaniyang “mana” sapagkat siya ang nagmamay-ari sa kanila, palibhasa’y binili niya sila sa pamamagitan ng dugo ng kaniyang bugtong na Anak, si Jesu-Kristo.—1Pe 2:9; 5:2, 3; Gaw 20:28.
Itinawag-pansin ni Jesu-Kristo na ang mga taong nag-iwan ng mahahalagang bagay alang-alang sa kaniyang pangalan at alang-alang sa mabuting balita ay “magmamana ng buhay na walang hanggan.”—Mat 19:29; Mar 10:29, 30; tingnan ang PAG-AASAWA BILANG BAYAW; PAGKAPANGANAY; PANGANAY.