Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kapistahan ng mga Kubol

Kapistahan ng mga Kubol

 Kilala rin bilang ang Kapistahan ng mga Tabernakulo, o ng Pagtitipon ng Ani; tinatawag ding “ang kapistahan ni Jehova” sa Levitico 23:39. Ang mga tagubilin sa pagdiriwang nito ay matatagpuan sa Levitico 23:34-43, Bilang 29:12-38, at Deuteronomio 16:13-15. Idinaraos ang kapistahang ito sa mga araw ng Etanim 15-21, na sinusundan ng isang kapita-pitagang kapulungan sa ika-22 ng buwan. Ang Etanim (Tisri; Setyembre-Oktubre) ang orihinal na unang buwan ng kalendaryong Judio, ngunit pagkatapos ng Pag-alis mula sa Ehipto, ito ang naging ikapitong buwan ng sagradong taon, dahil ang Abib (Nisan; Marso-Abril), na dating ikapitong buwan, ang ginawang unang buwan. (Exo 12:2) Ipinagdiriwang sa Kapistahan ng mga Kubol ang pagtitipon ng mga bunga ng lupa, “ang ani ng lupain,” kasama na ang mga butil, langis, at alak. (Lev 23:39) Tinutukoy ito bilang “ang kapistahan ng pagtitipon ng ani sa pagpihit ng taon.” Ang banal na kombensiyon sa ikawalong araw ang hudyat ng pormal na pagtatapos ng siklo ng mga kapistahan ng taon.​—Exo 34:22; Lev 23:34-38.

 Ang Kapistahan ng mga Kubol ay aktuwal na naghuhudyat na tapos na ang kalakhang bahagi ng taóng agrikultural sa Israel. Kaya naman isa itong panahon ng pagsasaya at pasasalamat para sa lahat ng pagpapalang ibinigay ni Jehova sa pamamagitan ng mga bunga ng lahat ng kanilang pananim. Bukod diyan, yamang limang araw pa lamang ang nakararaan mula nang ipagdiwang ng bayan ang Araw ng Pagbabayad-Sala, sila ay nakadarama ng pakikipagpayapaan kay Jehova. Bagaman mga lalaki lamang ang obligadong dumalo, isinasama nila ang buong pamilya. Kailangan silang tumahan sa mga kubol (sa Heb., suk·kohthʹ) sa loob ng pitong araw ng kapistahan. Kadalasan nang isang pamilya ang nanunuluyan sa isang kubol. (Exo 34:23; Lev 23:42) Ang mga ito ay itinatayo sa mga looban ng mga bahay, sa mga bubong ng mga tahanan, sa mga looban ng templo, sa mga liwasan, at sa mga lansangan na may layong di-lalampas sa isang araw ng Sabbath na paglalakbay mula sa lunsod. Ang mga Israelita ay dapat gumamit ng “bunga ng magagandang punungkahoy” at mga sanga ng palma, ng mayayabong na punungkahoy, at ng mga alamo. (Lev 23:40) Noong mga araw ni Ezra, ang ginamit sa pagtatayo ng pansamantalang mga silungang ito ay mga dahon ng olibo at ng punong-langis, mirto (na napakabango), at mga dahon ng palma, gayundin ang mga sanga ng iba pang mga punungkahoy. Yamang ang lahat, mayaman at dukha, ay mananahanan sa mga kubol, anupat doon pa nga sila kakain sa loob ng pitong araw, at yamang ang mga kubol ay yari sa magkakatulad na materyales, na kinuha sa mga burol at mga libis ng lupain, idiniriin nito na pantay-pantay ang lahat sa panahon ng kapistahan.​—Ne 8:14-16.

 Sa araw bago ang kapistahan, Etanim 14, ang karamihan sa mga magdiriwang, kung hindi man lahat, ay nasa Jerusalem na. Ang ika-14 ng buwan ay araw ng paghahanda, maliban kung tumapat iyon sa lingguhang araw ng Sabbath, anupat sa gayong kaso ay maaaring gawin nang mas maaga ang mga paghahanda. Abala ang lahat sa pagtatayo ng mga kubol, sa pagpapadalisay, sa pag-aasikaso sa dala nilang mga handog, at sa maligayang pakikipagsamahan. Sa panahong iyon, nagiging kakaiba at kaakit-akit ang tanawin sa lunsod ng Jerusalem at sa kapaligiran nito dahil sa mga kubol na makikita sa buong bayan at sa mga lansangan at mga hardin sa palibot ng Jerusalem. Nakadaragdag din sa kasayahan ng okasyon ang makukulay na mga bunga at mga dahon, gayundin ang mahalimuyak na mirto. Nananabik ang lahat habang hinihintay nila ang pagsapit ng dapit-hapong iyon ng taglagas, kung kailan patutunugin ang trumpeta mula sa mataas na lokasyon ng templo upang ihudyat ang pasimula ng kapistahan.

 Mas maraming hain ang inihahandog sa kapistahang ito kaysa sa alinpamang kapistahan ng taon. Ang hain ng bansa, na nagsisimula sa 13 toro sa unang araw at binabawasan ng isa bawat araw, ay umaabot sa 70 haing toro, bukod pa sa 119 na kordero, barakong tupa at kambing, gayundin ang mga handog na butil at alak. Sa loob ng sanlinggong iyon, libu-libo ring handog ang nagmumula sa mga indibiduwal na dumalo. (Bil 29:12-34, 39) Sa ikawalong araw, kung kailan hindi maaaring gumawa ng anumang mabigat na gawain, isang toro, isang barakong tupa, at pitong lalaking kordero na tig-iisang taóng gulang ang inihahandog bilang handog na sinusunog, kasama ng handog na mga butil at mga handog na inumin, gayundin ang isang kambing bilang handog ukol sa kasalanan.​—Bil 29:35-38.

 Sa mga taon ng Sabbath, ang Kautusan ay binabasa sa buong bayan sa panahon ng kapistahang ito. (Deu 31:10-13) Malamang na ang una sa 24 na pangkat ng mga saserdote na inorganisa ni David ay nagsimulang maglingkod sa templo pagkatapos ng Kapistahan ng mga Kubol, yamang ang templong itinayo ni Solomon ay pinasinayaan sa panahon ng kapistahang ito noong 1026 B.C.E.​—1Ha 6:37, 38; 1Cr 24:1-18; 2Cr 5:3; 7:7-10.

 Katangi-tangi ang Kapistahan ng mga Kubol dahil ito ay maligayang panahon ng pasasalamat. Nais ni Jehova na ang kaniyang bayan ay magsaya sa kaniya. “Magsasaya kayo sa harap ni Jehova na inyong Diyos.” (Lev 23:40) Ito ay isang kapistahan ng pasasalamat para sa pagtitipon ng ani​—hindi lamang para sa butil kundi para rin sa langis at sa alak, na nagdaragdag ng kasiyahan sa buhay. Sa panahon ng kapistahang ito, maaaring bulay-bulayin ng mga Israelita sa kanilang puso ang katotohanan na ang kanilang kaunlaran at kasaganaan sa mabubuting bagay ay hindi nagmula sa kanilang sariling kakayahan. Sa halip, ang pangangalaga ni Jehova na kanilang Diyos ang nagdulot sa kanila ng ganitong kasaganaan. Dapat nilang dibdibang pag-isipan ang mga bagay na ito, dahil kung hindi, gaya ng sinabi ni Moises, baka “ang iyong puso ay magmataas nga at makalimutan mo nga si Jehova na iyong Diyos, na naglabas sa iyo mula sa lupain ng Ehipto, mula sa bahay ng mga alipin.” Sinabi rin ni Moises: “At alalahanin mo si Jehova na iyong Diyos, sapagkat siya ang tagapagbigay ng kapangyarihan sa iyo upang gumawa ng yaman; sa layuning tuparin ang kaniyang tipan na isinumpa niya sa iyong mga ninuno, gaya ng sa araw na ito.”​—Deu 8:14, 18.

 Inutusan ang Israel na manirahan sa mga kubol sa loob ng isang linggo, “upang malaman ng inyong mga salinlahi na sa mga kubol ko pinatahan ang mga anak ni Israel noong inilalabas ko sila mula sa lupain ng Ehipto. Ako ay si Jehova na inyong Diyos.” (Lev 23:42, 43) Maaari nilang gunitain nang may kagalakan at pasasalamat kung paano sila pinangalagaan ng Diyos sa ilang nang maglaan sa kanila ng masisilungan si Jehova, ‘na pumatnubay sa kanila sa malaki at kakila-kilabot na ilang, na may makamandag na mga serpiyente at mga alakdan at may uháw na lupa na walang tubig; na nagpabukal ng tubig para sa kanila mula sa batong pingkian; na nagpakain sa kanila ng manna sa ilang, na hindi nakilala ng kanilang mga ama.’ (Deu 8:15, 16) Mag-uudyok ito sa kanila na magsaya dahil patuluyan silang pinangangalagaan at pinasasagana ng Diyos.

 Mga Kaugaliang Idinagdag Nang Maglaon. Ang isang kaugaliang isinagawa nang dakong huli, na posibleng tinutukoy sa Kristiyanong Griegong Kasulatan (Ju 7:37, 38) ngunit hindi sa Hebreong Kasulatan, ay ang pagsalok ng tubig mula sa Tipunang-tubig ng Siloam at ang pagbubuhos nito sa altar, kasama ng alak, sa panahon ng paghahandog ng pang-umagang hain. Sinasabi ng karamihan sa mga iskolar na ginagawa ito sa pitong araw ng kapistahan ngunit hindi sa ikawalo. Ang saserdote ay pumaparoon sa Tipunang-tubig ng Siloam dala ang isang ginintuang pitsel (maliban sa unang araw ng kapistahan, na isang sabbath, kung kailan ang tubig ay kinukuha mula sa isang ginintuang sisidlan sa templo, na pinaglagyan sa tubig na sinalok sa Siloam noong nagdaang araw). Itataon niyang makabalik siya mula sa Siloam dala ang tubig kapag handa na ang mga saserdote sa templo na ilagay sa altar ang mga piraso ng hain. Habang dumaraan siya sa Pintuang-daan ng Tubig ng templo papasók sa Looban ng mga Saserdote, ang pagdating niya ay ipinatatalastas ng tatlong pagpapatunog ng mga saserdote sa mga trumpeta. Pagkatapos, ang tubig ay ibinubuhos sa isang palanggana at umaagos patungo sa paanan ng altar, kasabay ng pagbubuhos ng alak sa isa pang palanggana. Saka naman sasaliwan ng musika ng templo ang pag-awit ng Hallel (Awit 113-118) samantalang ikinakaway ng mga mananamba ang kanilang mga sanga ng palma tungo sa altar. Maaaring ipinaaalaala ng seremonyang ito sa mga masayang nagdiriwang ang makahulang mga salita ni Isaias: “May-pagbubunying sasalok nga kayo ng tubig mula sa mga bukal ng kaligtasan.”​—Isa 12:3.

 Ang isa pang kahawig na seremonya ay ang pagpuprusisyon ng mga saserdote sa palibot ng altar sa bawat araw ng pitong-araw na kapistahan, habang umaawit, “Ah, ngayon, Jehova, magligtas ka, pakisuyo! Ah, ngayon, Jehova, maggawad ka ng tagumpay, pakisuyo!” (Aw 118:25) Ngunit sa ikapitong araw ay pitong ulit silang lilibot sa altar.

 Ayon sa mga impormasyong rabiniko, may isa pang namumukod-tanging kaugalian na isinasagawa sa kapistahang ito noong narito si Jesus sa lupa, bukod sa pagkuha ng tubig mula sa Siloam. Ang seremonyang ito ay nagsisimula sa pagtatapos ng ika-15 ng Tisri, ang unang araw ng kapistahan, anupat aktuwal na nagsisimula sa ika-16, ang ikalawang araw ng kapistahan, at isinasagawa sa loob ng limang sunud-sunod na gabi. Sa Looban ng mga Babae ginagawa ang mga paghahanda para rito. Apat na pagkalaki-laking ginintuang kandelero ang nasa looban, bawat isa ay may apat na ginintuang mangkok. Apat na kabataan mula sa makasaserdoteng angkan ang umaakyat sa mga hagdanan dala ang malalaking pitsel ng langis upang punuin ang 16 na mangkok. Mga lumang damit ng mga saserdote ang ginagamit na mitsa para sa mga lampara. Sinasabi ng mga Judiong manunulat na ang mga lamparang ito ay nakalilikha ng napakatinding liwanag na makikita mula sa malayo, anupat pinagliliwanag ng mga ito ang mga looban ng mga bahay sa Jerusalem. Ang ilang kalalakihan, kabilang na ang ilang matatandang lalaki, ay nagsasayaw sa saliw ng mga panugtog, samantalang may hawak na nagliliyab na mga sulo at umaawit ng mga awit ng papuri.

 Kapansin-pansin na si Jeroboam, na humiwalay sa anak ni Solomon na si Rehoboam at naging hari ng sampung hilagang tribo, ay nagsagawa (sa ikawalong buwan, hindi sa ikapito) ng isang imitasyong Kapistahan ng mga Kubol, maliwanag na upang huwag nang pumaroon sa Jerusalem ang sampung tribo. Sabihin pa, ang mga hain ay inihandog sa mga ginintuang guya na ginawa niya nang labag sa utos ni Jehova.​—1Ha 12:31-33.

 Malamang na ang espirituwal na kahulugan ng Kapistahan ng mga Kubol at marahil pati ang seremonya may kaugnayan sa tubig ng Siloam ang tinutukoy ni Jesus noong ‘huling araw, ang dakilang araw ng kapistahan,’ nang sabihin niya: “Kung ang sinuman ay nauuhaw, pumarito siya sa akin at uminom. Siyang nananampalataya sa akin, gaya ng sinasabi ng Kasulatan, ‘Mula sa kaniyang kaloob-loobang bahagi ay aagos ang mga daloy ng tubig na buháy.’⁠” (Ju 7:37, 38) Gayundin, maaaring ang pagliliwanag ng Jerusalem na dulot ng mga lampara at mga sulo sa lugar ng templo sa panahon ng kapistahan ang tinutukoy ni Jesus nang sa di-kalaunan ay sabihin niya sa mga Judio: “Ako ang liwanag ng sanlibutan. Siya na sumusunod sa akin ay hindi sa anumang paraan lalakad sa kadiliman, kundi magtataglay ng liwanag ng buhay.” (Ju 8:12) Di-nagtagal matapos siyang makipag-usap sa mga Judio, maaaring iniugnay ni Jesus sa kapistahan at sa mga ilaw nito ang Siloam nang pagalingin niya ang isang lalaking ipinanganak na bulag. Pagkatapos niyang sabihin sa kaniyang mga alagad, “Ako ang liwanag ng sanlibutan,” dumura siya sa lupa at gumawa ng putik sa pamamagitan ng laway, inilagay ang putik na iyon sa ibabaw ng mga mata ng lalaki at sinabi sa kaniya: “Humayo ka at maghugas sa tipunang-tubig ng Siloam.”​—Ju 9:1-7.

 Ang pagkakaway ng mga tao ng mga sanga ng palma sa kapistahang ito ay nagpapaalaala rin sa atin hinggil sa mga pulutong na nagkaway ng mga sanga ng palma noong pumasok si Jesus sa Jerusalem bago siya mamatay, bagaman hindi ito naganap sa panahon ng Kapistahan ng mga Kubol kundi bago mag-Paskuwa. (Ju 12:12, 13) Gayundin, matapos makita ng apostol na si Juan sa pangitain ang 144,000 alipin ng Diyos na natatatakan sa kanilang mga noo, sinabi niya sa atin: “Pagkatapos ng mga bagay na ito ay nakita ko, at, narito! isang malaking pulutong, na hindi mabilang ng sinumang tao, mula sa lahat ng mga bansa at mga tribo at mga bayan at mga wika, na nakatayo sa harap ng trono at sa harap ng Kordero, na nadaramtan ng mahahabang damit na puti; at may mga sanga ng palma sa kanilang mga kamay. At patuloy silang sumisigaw sa malakas na tinig, na sinasabi: ‘Ang kaligtasan ay utang namin sa ating Diyos, na nakaupo sa trono, at sa Kordero.’⁠”​—Apo 7:1-10.

 Walang alinlangan na ang Kapistahan ng mga Kubol ay isang angkop na pagtatapos ng kalakhang bahagi ng taóng agrikultural at ng siklo ng mga kapistahan ng taon. Ang lahat ng bagay na nauugnay sa kapistahang ito ay nagbabadya ng kagalakan, saganang mga pagpapala mula sa kamay ni Jehova, kaginhawahan, at buhay.