Hangganan
Ang salitang Hebreo na gevulʹ ay nangangahulugang “hangganan.” Maaari rin itong mangahulugan ng teritoryo o lupain na nakapaloob sa isang hanggahan o hangganan. Kaya naman, sinasabi ng Josue 13:23: “At ang naging hangganan [sa Heb., gevulʹ; sa Ingles, boundary] ng mga anak ni Ruben ay ang Jordan; at bilang teritoryo [u·ghevulʹ] ay ito ang mana.”
Mga Hangganang Itinakda ni Jehova. Bago ang pangglobong Baha, napalayas na ng Diyos ang unang mag-asawa mula sa hardin ng Eden, anupat napilitan silang mamuhay sa labas nito (Gen 3:23, 24), napalayas na niya si Cain mula sa mismong “lupa” na mula roon ay “sumisigaw” ang dugo ni Abel (Gen 4:10, 11), at nang maglaon ay nagtakda siya ng hangganang “isang daan at dalawampung taon” (Gen 6:3) na sa panahong iyon ay patuloy na makapananahanan sa lupa ang mga taong nabuhay bago ang Baha bago puksain ang karamihan sa kanila. (Gen 6:13) Iniutos niya sa mga nakaligtas sa Baha na dapat nilang ‘punuin ang lupa,’ at nang tangkaing pigilan ang pangangalat ng mga tao sa lupa, binigo ng Diyos ang gayong pagkilos at pinilit niya ang mga tao na tuparin ang batas na iyon.—Gen 9:1, 19; 11:1-9.
Pagkaraan ng ilang siglo, ipinangako ng Diyos kay Abraham at sa binhi nito ang isang lupain na may tiyak na mga hangganan. (Gen 15:18-21; Exo 23:31) Pinahintulutan ng Diyos ang mga Canaanitang tumatahan doon na patuloy pang manahanan sa Lupang Pangakong iyon sa loob ng inihulang yugto na “apat na raang taon” bago niya ipinatupad ang batas na nagpatalsik sa kanila nang “ang kamalian ng mga Amorita” ay malubos na. (Gen 15:13-16) Sa kabilang dako naman, iniutos ng Diyos na Jehova sa mga Israelita na huwag nilang panghimasukan ang mga hangganan ng mga bansang Edom, Moab, at Ammon, na noong sinauna ay nagmula sa mga kamag-anak ng mga ninuno ng mga Israelita. (Deu 2:4, 5, 18, 19) Ang mga salita ng awit ni Moises sa Deuteronomio 32:8 ay dapat unawain sa liwanag ng mga bagay na ito. Ang tekstong iyon ay nagsasabi: “Nang ang Kataas-taasan ay magbigay ng mana sa mga bansa, nang paghiwa-hiwalayin niya ang mga anak ni Adan, itinatag niya ang hangganan ng mga bayan na isinasaalang-alang ang bilang ng mga anak ni Israel.”
Nang maglaon, salig sa karapatan ni Jehova na magtakda ng mga hangganan bilang soberano, ipinagtanggol ni Hukom Jepte ang karapatan ng Israel sa bigay-Diyos na lupain nito. (Huk 11:12-15, 23-27) Gayunman, dahil hindi nanghawakan nang tapat ang Israel sa mga utos ng Diyos, pinahintulutan ni Jehova ang ilang kaaway na mga bayan na manatili sa loob ng mga hanggahan ng Israel (Bil 33:55; Huk 2:20-23), at noon lamang paghahari ni Haring David, mga apat na siglo matapos pumasok ang bansa sa Canaan, nagkaroon ang Israel ng pamumuno sa buong teritoryong nasa loob ng ipinangakong mga hangganan.—2Sa 8:1-15.
Nang bandang huli, alinsunod sa kaniyang naunang babalang kapahayagan, pinahintulutan ni Jehova na mapasok ng mga bansang pagano ang mga hangganan ng Lupang Pangako at maipatapon ang Israel, bilang parusa sa isang apostatang bayan. (Deu 28:36, 37, 49-53; Jer 25:8-11) Sa pamamagitan ng kaniyang mga propetang sina Isaias, Jeremias, Ezekiel, at Daniel, inihula ng Diyos ang pagbangon at pagbagsak ng mga kapangyarihang pandaigdig pasimula sa Babilonya patuloy at gayundin ang pagkakasunud-sunod ng paglitaw ng mga ito. (Isa 13:1–14:4; 44:28–45:5; Jer 25:12-29; Eze 21:18-27; Dan kab 2, 7, 8, at 11:1–12:4) Bagaman pinahintulutan ni Jehova na umiral at mamuno sa lupa ang pulitikal na mga bansa sa loob ng isang ‘takdang kapanahunan,’ inihula rin ni Jehova ang kanilang lubusang pagkawasak at ang pagpawi sa mga hangganan ng kanilang pulitikal na pamumuno, ito ay sa pamamagitan ng Kaharian ng Mesiyas.—Dan 2:44; ihambing ang Apo 11:17, 18; 19:11-16.
“Ang Tiyak na mga Hangganan” ng Pananahanan ng mga Tao. Sinabi ni Pablo sa mga taga-Atenas na nakikinig sa kaniya na “itinalaga [ng Diyos] ang mga takdang panahon at ang tiyak na mga hangganan [sa Gr., ho·ro·the·siʹas, sa literal, “pagtatatag ng mga hanggahan”] ng pananahanan ng mga tao.” (Gaw 17:26) May kinalaman sa Maylalang, isang katulad na kaisipan ang ipinahahayag sa Awit 74:17: “Ikaw ang nagtatag ng lahat ng hangganan ng lupa; ang tag-araw at ang taglamig—ikaw mismo ang nagtalaga ng mga iyon.” Ang Kataas-taasan ang nagpangyari ng pag-iral ng likas na mga hangganan gaya ng mga ilog, mga lawa, mga dagat, at mga bundok, na nagtatalaga naman ng tirahan ng mga tao.—Ihambing ang Jer 5:22.
Mga Hangganan ng mga Tribo ng Israel. (MAPA, Tomo 1, p. 744) Noong panahong sakupin ng Israel ang Lupang Pangako, ipinagkaloob sa mga tribo nina Ruben, Gad, at sa kalahati ng tribo ni Manases ang karapatan na tanggapin ang kanilang manang lupain “mula sa panig ng Jordan sa dakong sikatan ng araw.” (Bil 32:1-5, 19, 33-42; 34:14, 15; Jos 13:8-13, 15-32) Pagkatapos ng anim na taóng pakikipagdigma upang masupil ang mga Canaanita, dumating ang panahon upang italaga ang hangganan ng mga tribo sa K ng Jordan para sa siyam na tribo at sa nalalabing kalahati ng tribo ni Manases. Si Josue, si Eleazar na saserdote, at isang pinuno mula sa bawat tribo ang inatasan ni Jehova upang maglingkod bilang komite para sa lupain anupat mangangasiwa sa pamamahagi. (Bil 34:13-29; Jos 14:1) Ang pamamaraang sinunod ay salig sa naunang utos ng Diyos kay Moises: “Ayon sa kalakhan ng bilang ay daragdagan mo ang mana ng isa, at ayon sa kakauntian ay babawasan mo ang mana ng isa. Ang mana ng bawat isa ay ibibigay ayon sa kaniyang mga rehistrado. Tanging sa pamamagitan ng palabunutan hahati-hatiin ang lupain.”—Bil 26:52-56; 33:53, 54.
Lumilitaw kung gayon na ang pamamahagi ng lupain sa mga tribo ay batay sa dalawang salik: ang resulta ng palabunutan, at ang laki ng tribo. Maaaring ang itinalaga lamang ng palabunutan ay ang tinatayang lokasyon ng lupaing mana ng bawat tribo, sa gayon ay nag-aatas ng mana sa isang seksiyon o iba pang seksiyon ng lupain, halimbawa, kung iyon ay sa dakong H o T, S o K, sa kahabaan ng baybaying kapatagan, o sa bulubunduking pook. Ang pasiya ayon sa palabunutan ay nagmula kay Jehova at sa gayon ay maiiwasan ang paninibugho o awayan sa gitna ng mga tribo. (Kaw 16:33) Sa pamamagitan nito, mapapatnubayan din ng Diyos ang mga bagay-bagay upang ang lokasyon ng bawat tribo ay maging kasuwato ng kinasihang hula ng patriyarkang si Jacob nang mamamatay na ito na nakaulat sa Genesis 49:1-33.
Pagkatapos na maitalaga sa pamamagitan ng palabunutan ang magiging heograpikong lokasyon ng isang tribo, kailangan namang italaga ang lawak ng teritoryo nito salig sa ikalawang salik: ang laki ng tribo. “Paghahati-hatian ninyo ang lupain bilang pag-aari sa pamamagitan ng palabunutan ayon sa inyong mga pamilya. Ang marami ay daragdagan ninyo ng kaniyang mana, at ang kaunti ay babawasan ninyo ng kaniyang mana. Kung saan lumabas ang palabunot para sa kaniya, iyon ang magiging kaniya.” (Bil 33:54) Ang pasiya sa pamamagitan ng palabunutan may kinalaman sa pangunahing heograpikong lokasyon ay mananatili, ngunit maaaring gumawa ng mga pagbabago sa laki ng mana. Kaya naman nang matuklasan na ang teritoryo ng Juda ay napakalaki, ang sukat ng lupain nito ay binawasan sa pamamagitan ng pag-aatas ng ilang bahagi nito sa tribo ni Simeon.—Jos 19:9.
Waring ang pagdaragdag o pagbabawas ng mana ay hindi lamang salig sa sukat ng lupain, sapagkat ang tribo ni Dan, bagaman pangalawa sa pinakamarami, ay tumanggap ng isa sa pinakamaliliit na bahagi ayon sa aktuwal na mga sukat. Maaaring isinaalang-alang din ang iba pang mga salik, gaya ng bilang ng mga lunsod, uri ng lupain, at kalidad ng lupa.—Ihambing ang Jos 17:14-18.
Kapag ang mas eksaktong mga hangganan ng mga pangkat ng tribo ay naitakda na, maaari nang iatas ang indibiduwal na mga ari-arian ng mga pamilya, at lumilitaw na ginawa ito, hindi sa pamamagitan ng palabunutan, kundi sa pamamagitan ng direksiyon ng inatasang komite na binubuo nina Eleazar, Josue, at ng mga pinuno. (Jos 17:3, 4) Kaya, sinasabi ng Deuteronomio 19:14 na “kapag naitakda na ng mga ninuno ang mga hangganan ng iyong mana,” hindi dapat iurong ang mga ito.—Tingnan ang MUHON.
Ipinakikita ng ulat ng paghahati ng teritoryo sa K ng Jordan na itinalaga muna ang mga palabunot para sa Juda (Jos 15:1-63), sa Jose (Efraim) (Jos 16:1-10), at sa kalahati ng tribo ni Manases na nasa K ng Jordan (Jos 17:1-13), anupat isa-isang binanggit ang kanilang mga hangganan at mga lunsod. Pagkatapos nito, lumilitaw na natigil ang paghahati-hati ng lupain, yamang ipinakikita na ang kampo ng Israel ay lumipat mula sa Gilgal patungo sa Shilo. (Jos 14:6; 18:1) Hindi binabanggit kung gaano kahaba ang panahong nasangkot, ngunit nang bandang huli ay sinawata ni Josue ang nalalabing pitong tribo dahil ipinagpaliban ng mga ito ang pamamayan sa nalalabing bahagi ng lupain. (Jos 18:2, 3) Iba’t ibang paliwanag ang ibinibigay may kinalaman sa sanhi ng saloobing ito ng pitong tribo, anupat ikinakatuwiran ng ilang komentarista na maaaring dahil sa saganang samsam na nakuha noong panahon ng pananakop at dahil wala namang gaanong panganib na sasalakay ang mga Canaanita, hindi nadama ng mga tribong ito na dapat nilang ariin nang apurahan ang nalalabing bahagi ng teritoryo. Ang pag-aatubili na makipagsagupaan sa maliliit na pangkat ng mga kaaway roon na matindi ang pagsalansang ay maaaring dahilan din ng kakuparang ito. (Jos 13:1-7) Gayundin, maaaring mas limitado ang kaalaman nila hinggil sa bahaging ito ng Lupang Pangako kaysa sa kaalaman nila sa mga seksiyong naitakda na.
Upang mapabilis ang mga bagay-bagay, nagsugo si Josue ng isang delegasyon na binubuo ng 21 lalaki, 3 mula sa bawat isa sa 7 tribo, upang ‘igawa ng mapa ang lupain ayon sa pitong bahagi,’ at pagkatapos na ‘maigawa ito ng mga lalaki ng mapa ayon sa mga lunsod,’ nagpalabunutan si Josue para sa kanila upang makuha ang pasiya ni Jehova. (Jos 18:4-10) Ang indibiduwal na mga manang itinakda ay tinatalakay sa Josue 18:11–19:49.
Ang makasaserdoteng tribo ni Levi ay hindi binigyan ng isang partikular na rehiyon bilang takdang bahagi nito kundi pinagkalooban ng 48 nakapangalat na mga lunsod at mga pastulan na nasa loob ng mga hangganan ng ibang mga tribo.—Jos 13:14, 33; 21:1-42.
Iba Pang mga Hangganan. Sa pamamagitan ng tipang Kautusan ng Diyos, ‘ibinukod ng Diyos ang Israel’ bilang kaniyang piling bayan sa loob ng 1,545 taon (Lev 20:26), ngunit sa pamamagitan ng sakripisyong kamatayan ng kaniyang Anak ay giniba niya ang makasagisag na “pader na nasa pagitan” na naghihiwalay sa mga taong Gentil mula sa mga Judio, anupat pinawi ang Kautusan ng mga utos. Sa Efeso 2:12-16, tinukoy ni Pablo ang harang, o pader (soreg), sa lugar ng templo. Sa ilalim ng parusang kamatayan, pinagbawalan ang mga Gentil na lumampas sa hangganang iyon, anupat para sa apostol, ang pader na iyon ay isang angkop na ilustrasyon ng paghihiwalay na nalikha ng tipang Kautusan.
Sa ilalim ng bagong tipan na ang tagapamagitan ay si Kristo Jesus, inilagay ang isang espirituwal na hangganan, na lalo pang higit na kahanga-hanga kaysa sa anumang heograpikong hangganan, anupat inihihiwalay nito ang espirituwal na bansa ng kongregasyong Kristiyano mula sa iba pang bahagi ng sanlibutan ng sangkatauhan. (Ju 17:6, 14-19; 1Pe 2:9-11) Malaon nang inihula ni Jehova na itatayo niya ang Sion anupat gagamitan niya ito ng mahahalagang hiyas at ang lahat ng mga hangganan nito ay gagawin niyang yari sa “kalugud-lugod na mga bato,” at sumipi si Jesus mula sa hulang ito at ikinapit ang kasunod na talata sa mga nagiging alagad niya. (Isa 54:12, 13; Ju 6:45; ihambing ang Apo 21:9-11, 18-21.) Ang espirituwal na mga hangganang ito ay dapat ituring na sagrado, sapagkat nagbababala ang Diyos na yaong mga manghihimasok sa mga ito ay pupuksain.—Ihambing ang Isa 54:14, 15; 60:18 sa 1Co 3:16, 17.
Sa kabaligtaran, yaong mga bumubuo sa espirituwal na bansang iyon ay hinihilingang manatili sa loob nito, anupat kinikilala ang moral na mga limitasyong itinakda (1Co 5:9-13; 6:9, 10; 1Te 4:3-6) at ang espirituwal na mga hangganan na naghihiwalay sa kanila mula sa huwad na pagsamba at makasanlibutang mga sistema (2Co 6:14-18; San 4:4; Apo 18:4), gayundin ang mga tuntuning umuugit sa wastong mga ugnayan sa pagitan ng mga Kristiyano at ng “nakatataas na mga awtoridad” ng umiiral na mga pamahalaan (Ro 13:1, 5; 1Pe 2:13-16; Gaw 4:19, 20; 5:29), sa pagitan ng mag-asawa (1Co 7:39; 1Pe 3:1, 7), at sa maraming iba pang aspekto sa buhay.
Ipinakikita rin ni Pablo na may mga hangganan na umuugit sa teritoryong iniatas para sa ministeryal na gawain.—2Co 10:13-16.