Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

FEATURE

Ang Paglaganap ng Kristiyanismo

Ang Paglaganap ng Kristiyanismo

 BAGO umakyat sa langit si Jesu-Kristo noong 33 C.E., ibinigay niya sa kaniyang mga tagasunod ang atas na ito: “Kayo ay magiging mga saksi ko kapuwa sa Jerusalem at sa buong Judea at Samaria at hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa.” (Gaw 1:8) Naging tapat sila sa kanilang atas.

 Pagkaraan ng sampung araw, noong Pentecostes, bumaba ang banal na espiritu sa mga 120 alagad na naghihintay sa Jerusalem, at nagsimula silang magsalita “tungkol sa mariringal na mga bagay ng Diyos.” (Gaw 2:1-4, 11) Nang araw ring iyon, mga 3,000 ang nabautismuhan. (Gaw 2:37-41) Sa loob ng maikling panahon, ‘pinunô ng mga alagad ng kanilang turo ang Jerusalem.’ (Gaw 5:27, 28, 40-42) Ano ang naging resulta? “Ang bilang ng mga alagad ay patuloy na lubhang dumami sa Jerusalem.”​—Gaw 6:7.

 Mula sa Jerusalem, ang gawaing pagpapatotoo ay lumaganap. Dahil sa pagsalansang sa kanilang pagpapatotoo sa Jerusalem, ang mga alagad ay nangalat sa buong Judea at Samaria. Muli, nagbunga ito ng pagdami.​—Gaw 8:1, 4, 14-17.

 Noong 36 C.E., dinala ng apostol na si Pedro ang mabuting balita sa Cesarea, kung saan si Cornelio at ang kaniyang sambahayan, ang unang di-tuling mga Gentil na nakumberte, ay binautismuhan. (Gaw 10) Kasunod niyaon, lumilitaw na nagsimula sa Antioquia ng Sirya ang sistematikong pagpapatotoo sa mga di-Judio. Bilang resulta, “isang malaking bilang ng mga naging mananampalataya ang bumaling sa Panginoon.” (Gaw 11:20, 21) Mula noon, ang gawaing pagpapatotoo ay lumaganap sa iba pang mga bansa at literal na umabot “hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa.”

MAPA: Mabilis na Paglaganap ng Sinaunang Kristiyanismo

Modelo ng unang-siglong templo kung saan ipinakikita ang Kolonada ni Solomon sa gawing silangan. Ang mga apostol ay puspusang nagsagawa ng ministeryo sa lugar na ito (Gaw 3:11; 5:12)

Mga guhong Romano sa Samaria. Ang distrito ng Samaria ang unang rehiyon sa labas ng Judea kung saan ipinadala ang mga apostol para ipangaral ang Kristiyanong mabuting balita (Gaw 8:1-17)

Ang daungang lunsod ng Jope. Dito, binigyan ang apostol na si Pedro ng isang pangitain na nag-uutos sa kaniya na mangaral sa di-tuling mga Gentil (Gaw 10:9-29)