Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagpapala

Pagpapala

Paggawang banal o pagpapahayag na banal sa isang bagay o persona; isang paghiling sa Diyos ukol sa kaniyang paglingap; paggagawad ng kabutihan; paglingap; pagpuri bilang banal; pagluwalhati; pagsasalita ng mabuti tungkol sa iba; pagsasanggalang o pagbabantay sa isa laban sa masama; pagdudulot ng kaligayahan.

Ang iba’t ibang anyo ng mga salitang Hebreo na karaniwang isinasalin bilang “pagpalain” o “pagpapala” ay lumilitaw nang mga 400 ulit sa Kasulatan. Kadalasan, ang pandiwang ba·rakhʹ ay isinasalin bilang “pagpalain.” Sa ilang talata, ang salitang ito ay isinasalin bilang “bumati na nawa’y mapabuti” (1Sa 25:14) at “batiin” (2Ha 4:29; 1Cr 18:10). Ang anyong pangngalan ng salitang Hebreo ay masusumpungan sa pangalan ng Mababang Kapatagan ng Beraca (nangangahulugang “Pagpapala”), sapagkat dito pinagpala ni Jehosapat at ng kaniyang bayan si Jehova. (2Cr 20:26) Ang isa pang pandiwa na gayundin ang anyo ay isinasalin naman bilang ‘lumuhod.’​—Gen 24:11; 2Cr 6:13; Aw 95:6.

Palibhasa’y naniniwala na magiging mapamusong kahit ang pagtatala ng pagsumpa ng sinuman laban sa Diyos, binago ng mga Judiong Soperim, o mga eskriba ang ilang talata upang kabasahan ng “pagpalain” sa halip na “isumpa” (1Ha 21:10, 13; Job 1:5, 11; 2:5, 9).​— Tingnan ang apendise ng Rbi8, p. 1569.

Ang pandiwang Griego na eu·lo·geʹo ay literal na nangangahulugang “magsalita ng mabuti tungkol sa iba.” Sa Roma 16:18, ang terminong eu·lo·giʹa (sa literal, pagpapala) ay ginagamit sa di-kaayaayang diwa, bilang “mapamuring pananalita” na dumadaya sa puso ng isa.

Ginagamit ng Kasulatan ang mga salitang “pagpalain” at “pagpapala” sa apat na pangunahing aspekto: (1) sa pagpapala ni Jehova sa mga tao; (2) sa pagpapala ng mga tao kay Jehova; (3) sa pagpapala ng mga tao kay Kristo; (4) sa pagpapala ng mga tao sa ibang mga tao.

Pagpapala ni Jehova sa mga Tao. “Ang pagpapala ni Jehova​—iyon ang nagpapayaman, at hindi niya iyon dinaragdagan ng kirot.” (Kaw 10:22) Pinagpapala ni Jehova yaong mga sinasang-ayunan niya sa pamamagitan ng pagsasanggalang, pagpapasagana, paggabay, pagbibigay ng tagumpay, at paglalaan ng mga pangangailangan nila, anupat nagdudulot ng kapaki-pakinabang na resulta para sa kanila.

Naipahayag ang kabutihang-loob ni Jehova para sa kaniyang mga nilalang sa lupa noong panahong likhain niya sila. May kinalaman sa mga hayop na nilalang noong ikalimang araw, ang pagpapalang binigkas ng Diyos ay isang kapahayagan ng kaniyang layunin para sa kanila. (Gen 1:22) Kung nanatiling masunurin sina Adan at Eva, ang pagpapala ng Diyos sa kanila noong pagtatapos ng ikaanim na araw ay nakatulong sana sa kanila na patuloy na tamasahin ang kaniyang paglingap, yamang inilaan niya ang lahat ng kanilang espirituwal at materyal na mga pangangailangan.​—Gen 1:28; 2:9; 5:2.

Nang matapos ni Jehova ang kaniyang gawang paglalang sa lupa sa loob ng anim na araw ng paglalang, kumpleto na ang lahat ng pangangailangan ng kaniyang mga nilalang. (Gen 1:31) Pagkatapos nito, ang Diyos ay nagpasimulang magpahinga, o huminto sa paggawang ito, at pinagpala niya ang ikapitong araw at ipinahayag iyon bilang sagrado o banal. Kaligayahan na may kalakip na walang-katapusang pagpapala ang pag-asang inilagay sa harapan ng tao.​—Gen 2:3; Exo 20:11.

Nang lumabas si Noe at ang kaniyang pamilya mula sa arka, nagpakita si Jehova ng paglingap sa kanila, anupat pinagpala niya sila at sinabi ang kaniyang kalooban para sa kanila. Sa paggawa nila ng kalooban ni Jehova, mananagana sila dahil sa kaniyang paglingap at proteksiyon.​—Gen 9:1.

Ang pagpapala may kinalaman kay Abraham at sa kaniyang Binhi ay napakahalaga para sa buong sangkatauhan. (Gen 12:3; 18:18; 22:18) Pinagpala ni Jehova sina Abraham at Sara sa pamamagitan ng makahimalang pagpapanauli ng kanilang kakayahang mag-anak, anupat nagkaanak sila sa kanilang katandaan. (Gen 17:16; 21:2) Pinanagana niya si Abraham at ginamit siya upang lumarawan sa mas dakilang mga bagay. (Gal 4:21-26) Samakatuwid, ang pagpapala ng Diyos sa paglalaan Niya ng isang binhi kay Abraham ay may higit na kahulugan na mababanaag sa pangakong ang mga tao ng lahat ng mga bansa ay pagpapalain sa pamamagitan ng isa na inilalarawan ni Isaac, si Jesu-Kristo.​—Gal 3:8, 14; Gaw 3:25, 26; Heb 6:13-20.

Ang pagpapala ni Jehova sa isang tao o bayan ay nakadepende sa pagsunod nito sa kaniya. (Exo 23:25) Maliwanag na ipinakikita sa Deuteronomio kabanata 27 at 28 na ang sumpa ni Jehova, na humahantong sa matinding kaparusahan, ay nasa mga masuwayin, samantalang ang kaniyang pagpapala naman ay nasa mga masunurin, anupat nagbubunga ng espirituwal na kasaganaan at sumasapat sa kanilang materyal na mga pangangailangan, at ito ay nakikita sa kanilang mga tahanan, lupain, supling, hayupan, suplay ng pagkain, paglalakbay, at sa lahat ng kanilang mga gawa. “Ang mga pagpapala ay para sa ulo ng matuwid.” (Kaw 10:6, 7) Kapag buong-katapatang sumusunod ang bayan ni Jehova, nalulugod siyang ‘buksan ang mga pintuan ng tubig sa langit at ibuhos ang isang pagpapala hanggang sa wala nang kakulangan.’​—Mal 3:10.

Pagpapala ng mga Tao kay Jehova. Pinagpapala ng mga tao si Jehova pangunahin na sa pamamagitan ng pagpuri sa kaniya. Ang pagpapasalamat, pagkilala kay Jehova bilang ang pinagmumulan ng lahat ng mga pagpapala, pagsasalita ng mabuti tungkol sa kaniya sa lahat ng pagkakataon, at ang pagsamba at paglilingkod sa kaniya ay mga paraan din ng pagpapala kay Jehova. (Aw 26:12) Ang pangangaral ng mabuting balita ay isa pang paraan ng pagpapala kay Jehova, yamang pinapupurihan nito ang kaniyang pangalan at mga layunin.​—Mat 24:14; Heb 13:15.

Noon, pinagpala ng mga tao si Jehova dahil sa pagliligtas niya sa kaniyang bayan mula sa paniniil (Exo 18:9, 10); dahil sa paglalaan niya ng kanilang mga pangangailangan (Deu 8:10); dahil sa kaniyang dangal, kalakasan, pamamahala, at kagandahan bilang ang Ulo ng lahat (1Cr 29:10-12, 20); dahil sa pagpapakilos niya sa kaniyang bayan upang suportahan ang pagsamba sa kaniya (2Cr 31:8); sa isang panalangin ng pagtatapat, dahil sa pag-iingat niya ng tipan at sa kaniyang awa (Ne 9:5, 31, 32); dahil sa pagbibigay niya ng karunungan at kalakasan (Dan 2:19-23); dahil sa pagsasanggalang niya sa kaniyang mga lingkod at pagtatanghal niya ng kaniyang soberanya (Dan 3:28; 4:34). Paulit-ulit na pinagpapala ng aklat ng Mga Awit si Jehova at tinatawagan nito ang lahat ng nasa langit at nasa lupa na purihin ang kaniyang pangalan dahil sa marami niyang mariringal na katangian. Ang isa pang dahilan para pagpalain ng tao si Jehova ay ang pagkakaloob niya ng kaniyang Anak na si Jesu-Kristo.​—Aw 16:7; 103:1, 20-22; 145:2, 10; Ju 3:16; ihambing ang Gaw 2:8-11; Apo 7:11, 12; 14:6, 7.

Pagpapala ng mga Tao kay Kristo. Si Jesus mismo ay dapat ding pagpalain ng lahat. Pinagpala ni Elisabet ang ina ni Jesus na si Maria at ang di-pa-naisisilang noon na bunga ng bahay-bata nito. (Luc 1:42) Dahil sa makalangit na pinagmulan ni Jesus, gayundin dahil sa pagdating niya sa pangalan ni Jehova bilang kaniyang Anak, at sa kaniyang ministeryo, hain, pagkasaserdote, paghahari, at di-sana-nararapat na kabaitan, makatuwiran lamang na ipagbunyi siya bilang isa na pinagpala. (Ju 12:13; 2Co 8:9; Heb 1:2; 7:24-26) Bilang katuparan ng Awit 118:26, noong panahon ng kaniyang matagumpay na pagpasok sa Jerusalem, malugod siyang tinanggap ng pulutong bilang ang isa na pinagpala ni Jehova. (Mat 21:9) Pagpapalain siya ng lahat ng mga anghelikong nilalang at mga tagalupa.​—Apo 5:12, 13.

Pagpapala ng mga Tao sa Ibang mga Tao. Di-tulad ni Jehova, na laging tumutupad ng pagpapalang binibigkas Niya, kapag nagpapahayag ng pagpapala ang isang tao para sa ibang tao, maaaring wala siyang kakayahang tuparin ito. Sa Bibliya, ang pagpapahayag ng isang tao ng pagpapala ay kadalasan nang isang pamamanhik para sa pagpapala ng Diyos, bagaman hindi ito laging binibigkas sa pamamagitan ng panalangin. Kaya naman, bagaman tao ang nagpapahayag ng gayong pagpapala, ang talagang Pinagmumulan niyaon ay ang Diyos. Karagdagan pa, ang pagpapala ng tao sa ibang mga tao ay kadalasan nang maaaring isang kapahayagan ng pasasalamat, isang mapagpahalagang pagkilala sa kanilang maiinam na katangian o mahusay na trabaho.

Nang mangatuwiran si Pablo hinggil sa kahigitan ng pagkasaserdote ni Melquisedec sa Levitikong pagkasaserdote, binanggit niya ang simulain na: “Hindi nga matututulan, ang mababa ay pinagpapala ng mas dakila.” (Heb 7:7) Dito, ang tinutukoy ni Pablo ay ang kakayahang magpala at isakatuparan iyon, ang pagkakaroon ng awtoridad mula sa Diyos para magpala o ng kapangyarihan upang tuparin ang pagpapala. Si Melquisedec ay isang saserdote ng Diyos at isang hari, kaya naman sa pagbibigay niya ng pagpapala kay Abraham, makapagsasalita siya para sa Diyos nang may-awtoridad at sa makahulang paraan.​—Gen 14:18-20; Heb 7:1-4.

Kapag may mga indibiduwal na nakagagawa ng bagay na nagdudulot ng kapurihan kay Jehova, napakikilos ang iba na magpahayag ng pagpapala para sa mga ito. Pinagpala ni Moises si Bezalel at ang iba pang mga manggagawa nang matapos nila ang pagtatayo ng tabernakulo. (Exo 39:43) Sa maraming pagkakataon, ang mga saserdote at mga Levita, bilang espirituwal na mga lider ng Israel, ay inatasan na pagpalain ang bayan. (Bil 6:23-27; Lev 9:22, 23; Deu 10:8; 21:5; 1Cr 23:13; 2Cr 30:27) Pinagpala ng mataas na saserdoteng si Eli ang mga magulang ni Samuel dahil sa pagkakaloob nila ng kanilang anak para maglingkod sa templo. (1Sa 2:20, 21) Pinagpala ni David ang bayan matapos niyang dalhin sa Jerusalem ang Kaban. (2Sa 6:18; 1Cr 16:2) May-karunungang tinularan ni Solomon ang gayunding pagkilos noong ialay niya kay Jehova ang templo. (1Ha 8:14, 55) Pinagpala ng matanda nang si Simeon ang mga magulang ni Jesus. (Luc 2:34) Pinagpala naman ni Jesus ang mga batang lumapit sa kaniya.​—Mar 10:16.

Mga Pagkakataon Upang Magpahayag ng Pagpapala. Sa pamamagitan ng panalangin, ang isa ay pumupuri at nagpapasalamat sa Diyos, anupat pinagpapala niya ang Diyos. Gayundin naman, siya ay nagsasalita para sa kapakanan niyaong mga nagkakaisa sa pananampalataya at niyaong mga humahanap sa Diyos, anupat pinagpapala niya sila. Ang pagbigkas o paghingi ng pagpapala para sa pagkain bago kumain ay kadalasang ginagawa sa pamamagitan ng panalangin. Sa gayong panalangin ay pinasasalamatan at pinapupurihan si Jehova dahil sa kaniyang espirituwal at materyal na mga paglalaan, anupat hinihiling na patnubayan ni Jehova ang lakas na idudulot ng mga ito upang magamit iyon sa kapakinabangan ng mga makikibahagi rito at na palakasin sila ng pagkaing ito upang makapaglingkod sila sa kaniya. (1Sa 9:13; Mat 14:19; Luc 9:16) Nang pagpalain ang tinapay at ang alak noong panahon ng Hapunan ng Panginoon, ang Diyos ay pinapurihan at pinasalamatan anupat hiniling sa kaniya na lahat nawa ng makikibahagi sa mga iyon ay makinabang, sa espirituwal na paraan, sa mga bagay na isinasagisag ng mga iyon at manatili nawa silang nagkakaisa at nagtatapat bilang katawan ng Kristo.​—Mat 26:26; 1Co 10:16.

Sa isang patriyarkal na lipunan, kadalasa’y pinagpapala ng ama ang kaniyang mga anak kapag malapit na siyang mamatay. Napakaimportante nito at lubhang pinahahalagahan. Kaya naman pinagpala ni Isaac si Jacob, sa pag-aakalang ito ang panganay niyang si Esau. Unang nagpahayag si Isaac ng pabor at kasaganaan kay Jacob sa halip na kay Esau, anupat walang alinlangang nagsumamo siya kay Jehova na tuparin ang pagpapala, yamang noon ay bulag at matanda na si Isaac. (Gen 27:1-4, 23-29; 28:1, 6; Heb 11:20; 12:16, 17) Nang maglaon, sinadyang pagtibayin at palawakin ni Isaac ang pagpapalang iyon. (Gen 28:1-4) Bago naman mamatay si Jacob, pinagpala muna niya ang dalawang anak ni Jose, pagkatapos ay ang kaniyang sariling mga anak. (Gen 48:9, 20; 49:1-28; Heb 11:21) Sa katulad na paraan, bago mamatay si Moises, pinagpala niya ang buong bansang Israel. (Deu 33:1) Sa lahat ng kasong ito, ipinakikita ng naging mga resulta na sila ay nagsalita sa makahulang paraan. Sa ilang pagkakataon noon, kapag nagpapahayag sila ng gayong mga pagpapala, ang kamay ng nagpapala ay ipinapatong sa ulo ng pinagpapala.​—Gen 48:13, 14.

Ang isang pagpapala na binigkas bilang pagbati ay isang kahilingan na nawa’y mapabuti ang binati. Nang dalhin si Jacob sa harap ni Paraon, pinagpala niya si Paraon. (Gen 47:7; tingnan din ang 1Sa 13:10; 25:14; 1Ha 1:47; 2Ha 10:15.) Maaari ring ipagkaloob ang mga pagpapala sa panahon ng paglisan. Halimbawa, pinagpala si Rebeka ng kaniyang pamilya noong lilisanin na niya ang kanilang tahanan upang magpakasal kay Isaac.​—Gen 24:60; tingnan din ang Gen 28:1; 2Sa 19:39; 1Ha 8:66.

Iniuugnay rin sa mga pagpapala ang pagbibigay ng kaloob. (Gen 33:11; Jos 14:13; 15:18, 19) Kaya naman ang kaloob mismo ay maaaring tawaging pagpapala, “isang pagpapalang kaloob.” Ang mga kaloob ay maaaring ibigay bilang mga kapahayagan ng mabuting naisin para sa isang minamahal, upang makasumpong ng lingap, o kaya naman ay bilang isang kapahayagan ng pasasalamat.​—1Sa 25:27; 30:26.

Ang mga pagpapala ay maaaring ipagkaloob bilang mga papuri. Pinagpala ni Boaz si Ruth dahil sa maibiging-kabaitan nito. (Ru 3:10) Pinagpala ng mga nagmamasid ang mga lalaking nagkusang-loob na maglingkod alang-alang sa pagsamba kay Jehova. (Ne 11:2) Ang mga magulang ay nararapat pagpalain ng kanilang mga anak.​—Kaw 30:11.

Ang isang pagpapala ay maaaring isang kaayaaya o nakapagpapatibay na pananalita. Pinayuhan ni Jesus ang mga nakikinig sa kaniya na “pagpalain yaong mga sumusumpa” sa kanila. (Luc 6:28) “Patuloy na pagpalain yaong mga nang-uusig; kayo ay maging mapagpala at huwag manumpa.” (Ro 12:14) Hindi ito nangangahulugan ng pagpuri sa mga sumasalansang, subalit sa pamamagitan ng mabuting pakikitungo sa gayong mga tao, na nilalakipan ng mabait, makonsiderasyon, at tapat na pananalita na magiging kapaki-pakinabang sa kanila kung pakikinggan nila, maaaring matamo ang kanilang kabutihang-loob. (1Co 4:12; 1Pe 3:9) Dapat ding bigyang-pansin ng isa ang kaniyang paraan ng pagsasalita. (Kaw 27:14) Tunay na isang pagpapala na maitalikod ang isang tao mula sa masasamang gawa, anupat nagpapagal para sa ikabubuti ng taong iyon at sa kapurihan ni Jehova.​—Gaw 3:26.

Pagiging Isang Pagpapala sa Iba. Ang isang tao ay maaaring maging isang pagpapala sa kaniyang kapuwa sa pamamagitan ng pagiging masunurin sa Diyos. Ang pakikipagsamahan ng gayong mga tao na pinagpapala ni Jehova ay nagdudulot ng pagpapala sa iba. Si Laban ay pinagpala dahil si Jacob ang nangangalaga noon sa kaniyang kawan. (Gen 30:27, 30) Nanagana ang sambahayan at bukid ni Potipar dahil sa pangangasiwa ni Jose. (Gen 39:5) Kung mayroon lamang sampung matuwid na mamamayan sa Sodoma, pinaligtas sana ito ng Diyos. (Gen 18:32) Dahil sa nakaalay na lingkod ng Diyos, maaaring magtamo ng kaayaayang konsiderasyon ng Diyos ang kaniyang di-sumasampalatayang asawa at ang kanilang maliliit na anak. (1Co 7:14) Sinabi ni Jesus na, sa panahon ng pinakamalaking kapighatian ng sanlibutan, “dahil sa mga pinili ay paiikliin ang mga araw na iyon,” sapagkat kung hindi ay “walang laman ang maliligtas.” (Mat 24:21, 22; ihambing ang Isa 65:8.) Ang pagtulad sa halimbawa ng mga pinagpala ng Diyos ay nagdudulot ng higit pang mga pagpapala. (Gal 3:9; Heb 13:7; 1Co 11:1; 2Te 3:7) Ang paggawa ng mabuti sa mga kapatid ni Kristo, na “mga pinili” ng Diyos, ay nagdudulot sa “mga tupa” ng mga pagpapala ni Jehova, kasama na ang gantimpalang buhay na walang hanggan.​—Mat 25:31-34, 40, 46.